KABANATA 3

1146 Words
NAPATINGIN ang lahat ng naroon kay Saphira ng sumigaw siya. Nanlaki ang mga mata ni Senyor Esmundo na siyang ama niya habang nagsalubong naman ang kilay ng lalaking nakahawak ng baril na nakatutok sa kanyang ama. Nagkatinginan ang ilang kalalakihang naroon sa biglaan niyang pagsulpot. Mukhang nabigla ang mga ito sa presensiya niya. Nang wala sa oras. Pero mas nabigla siya sa eksenang nasasaksihan ngayon! "Saphira?! Hija!" malakas na tawag ni Esmundo sa kanya. Mabilis na rumehistro ang pag-aalala at pagkagulat sa mukha nito. Nalito siya. Pumiksi ito para makawala sa isang lalaking may hawak dito. Mabibilis ang mga hakbang na nilapitan siya nito. Hindi niya nagawang salubungin ang ama dahil tila napako siya sa kinatatayuan. "Papa… A-anong nangyayari dito? B-bakit may mga hawak silang baril?" nagsimula siyang maguluhan. Hindi iyon ang inaasahan niyang madadatnan doon. At bakit may mga armadong lalaki sa kanilang bahay. Kinikidnap ba ang papa niya? "A-anak. A-anong… ginagawa mo dito?" tuluyang nakalapit sa kanya ang ama at niyakap siya ng mahigpit. Naramdaman niya ang panginginig nito. Maging ang tensiyon sa katawan nito ay hindi nakaligtas sa kanya.“Hindi ko alam na uuwi ka ngayon? Hindi ka nagsabi…” Gumanti siya ng mahigpit na yakap dito. "Papa… gusto kitang sorpresahin sa pag-uwi ko dito. Pero ako ang nasorpresa. A-anong nangyayari dito? Sino sila? Kinikidnap ka ba nila?" sunod-sunod niyang tanong. Punom-puno ng pagtataka ang isip niya ng mga sandaling iyon. Kumalas si Esmundo sa kanya. Pinagmasdan niya ang ama. Para itong tinakasan ng kulay kaninang nakita siya. Bakit para din itong nangayayat? Ano ang nangyayari dito sa ilang buwan nitong hindi pagbisita sa kanya sa lungsod? "Hindi ko kinikidnap ang papa mo, Saphira." Sabay silang napatingin sa lalaking nagsalita. Lumapit ang may hawak ng baril sa kanila. Hawak pa din nito ang baril. Napakapit siya sa braso ng ama. Nakaramdam siya ng hindi maganda. Pagkakita palang sa baril na hawak nito ay kinabahan na siya. Alam niyang may hindi magandang mangyayari. "Huwag mo siyang sasaktan, Kanor. Hindi mo idadamay ang anak ko dito." naging matigas ang tinig ni Esmundo. Iniharang nito ang katawan sa kanya para protektahan siya. Humalakhak ang nangngangalang Kanor. "Walang nagsabi na idadamay ko anak mo Esmundo.” Hindi naniwala ang matanda. Pinukulan siya ng ama ng tingin. “Hindi ko sasaktan ang anak mo, Esmundo. Hindi ko hahayaang masaktan ang isang kagaya niyang napaganda.” Sumulyap ito sa kanya. Nanindig ang lahat ng balahibo niya sa katawan ng ngisihan siya nito. Lumitaw ang may itim itim nitong ngipin. “Sa wakas ay nagkita din tayo, magandang binibini." Magalang na wika ni Kanor pero may kung ano sa tinig at ngisi nito ang nagpapahiwatig ng masama. Napanganga siya ng kunin nito ang isang kamay niya. Akmang hahalikan nito ang likod ng palad niya pero mabilis niyang binawi ang kamay dahil kinikilabutan siya sa ginawa nito. Sa halip ay pinagsalikop niya ang dalawang kamay. "Sino ka? Anong ginagawa niyo sa papa ko?" pilit niyang pinatatag ang boses. Sumeryoso ang anyo ng lalaki sa ginawa niya. Mukhang hindi nagustuhan ang inasta niya.  Isa-isa niyang tiningnan ang mga kasama ni Kanor. Kahit nagsisimula na ang malakas na pagtambol ng kanyang dibdib dahil sa kaba at nagsisimula na siyang matakot ay hindi niya iyon ipapakita sa mga ito. Ginawa niya ang lahat upang magmukhang kalmado sa harap ng mga lalaki. Pero sinong matinong tao ang hindi kakalma kung ganito na ang eksena sa harap mo? Tinandaan din niya ang itsura ng mga ito. Lalo na ang lalaking parang lider ng grupo. "Ako si Kanor. Ang kanang kamay ng papa mo dito sa hasyenda." Pagpapakilala nito. Sa tingin niya ay matanda lamang ng ilang taon ang papa niya dito. Napatingin siya sa ama upang humingi ng kumpirmasyon. Hindi niya ito kilala. Wala siyang natatandaang naging kanang kamay nito kahit noon pa. Noon lang din niya ito nakita. Kung kanang kamay ito ng kanyang papa ay dapat kilala niya ito. Tumango ito bilang kumpirmasyon. "K-kung gayon ay bakit nakatutok ang b-baril mo sa kanya?" pinigilan niya ang panginginig ng kanyang boses. Umiling-iling si Kanor na tila ba walang halaga dito ang mga tanong niya. "Masyadong maraming tanong ang anak mo Esmundo. Mas mainam siguro kung ikaw mismo ang sasagot sa lahat ng tanong ng anak mo. Para naman kahit papaano ay magkaroon siya ng ideya sa mga  mangyayari sa inyong mag-ama." bumaling si Kanor sa kanya.. "Matigas ang ulo ng papa mo, hija. Masyadong pinapahaba ang usapan namin. Pero ngayong nandito ka na ay tiyak kong susundin na niya ako." saka ito nakakalokong ngumisi. “Hindi namin inaasahan ang pag-uwi mo. Pero mukhang magpapasalamat pa ako sa iyo dahil nandito ka na ngayon. Hindi ka na din magugulat kung sakaling tumagal pa ang pag-uwi mo ay hindi na sa inyo ang lahat ng ito…” inilibot nito ang tingin sa kalawakan ng mansiyon. “Dahil narito ka na ay nasisiguro kong gagawin niya ang lahat ng ipapagawa ko sa kanya. Kundi ay…” sadya nitong ibinitin ang gagawin, Nagkatinginan silang mag-ama. Pinaningkitan niya ito ng mata. "Anong ibig mong sabihin?" hindi pa man ito nagsasalita ay parang aatakihin na siya sa tindi ng kaba. Humawak sa isang kamay niya ang Senyor. Humigpit naman ang pagkakahawak niya sa ama. Nang makita niya ang baril na hawak nito maging ang mga baril na nakasuksok sa beywang ng mga kasamahan nito ay ganoon nalang ang takot na naramdaman niya. Pakiramdam niya ay nasa loob sila ng isang pelikula ngayon. Wala nga lang siyang ideya sa script. Nagtatapang-tapangan lang siya pero ang totoo ay unti-unti ng nangangatog ang tuhod niya. Napaurong siya ng lumapit si Kanor sa kanya. "Huwag mo siyang pakikialaman, Kanor!" sigaw dito ni Esmundo. Biglang nataranta. Humalakhak lang si Kanor. Napatiim-bagang siya. Iba na ang naiisip niya ngayon. Sa tingin niya ay may masama itong binabalak. Bakit hindi? Kung ito ang kanang kamay ng kanyang ama ay hindi ito mangangahas na tutukan ito ng baril. Sa nakikita din niya sa ama ay para itong malungkot, takot at nag-aalala. Pero bakit? Ano ang nangyayari sa papa niya at sa hasyenda nila? Mayroon bang hindi sinasabi ang kanyang papa? Tinitigan siya ni Kanor bago binalingan si Esmundo. Seryoso na ang anyo nito ng muling magsalita. "Hahayaan kong makapag-usap kayo ng anak mo. Pero siguraduhin mong susundin mo ang gusto ko. Sayang naman kung hindi kayo makakapag-usap. Malayo pa ang ibiniyahe niya.” bumaling ito sa kanya. “Baka gusto mo munang magpahinga hija. Alam ko kung ano ang iniisip mo sa akin ngayon. Na isa akong masamang tao. Sa totoo lang ay mabait naman talaga ako. Iyan ay depende sa magiging desisyon ng ama mo." ngumisi ito sa kanya. “Dalhin niyo sila sa kwarto ng matanda!" utos nito sa mga lalaking sigurado niyang tauhan nito. Wala siyang nagawa kundi ang sumunod ng kaladkarin silang mag-ama sa magarang hagdan ng mansiyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD