KABANATA 2

1327 Words
PAGPASOK niya sa loob ng magarang sala ay wala pa ring nagbago doon. Kung paano ang ayos ng umalis siya ay ganoon pa rin ang ayos niyon ngayong dumating siya. Maaliwalas ang paligid. May wallpaper ang buong sala na kulay krema. Hindi masyadong madami ang kagamitan sa loob kaya hindi masyadong makalat. Ang sofa set na napakaelegante ay nasa mismong gitna at tila nag-aanyaya sa lahat ng bisita na humiga doon. Malalaki ang mga kurtina na nakapagpadagdag sa aliwalas ng paligid. Sa isang malaking estante ay naroon ang ilang picture frames kung saan makikita ang mga larawan niya, ng kanyang ina at ng kanyang ama. Walang nagbago maliban sa isang malaking larawan niyang nakasabit sa dingding at ilang larawan niya na nakalagay sa mga picture frames na siguradong ang ama niya ang naglagay. Napangiti siya ng makita ang kanyang larawan na kuha noong ikalabin-walong kaarawan niya. Iginala niya ang paningin sa paligid at kapuna-puna talaga ang katahimikan sa loob. Dapat sa puntong iyon ay may makita na siya o makasalubong kahit isang kasambahay lang. Nagsimula na siyang magtaka. Kahit saan niya igala ang paningin ay wala siyang makitang bakas na kahit anong paggalaw. Naupo siya sa single couch na naroon. Kahit nasanay na siya sa buhay Maynila ay iba pa rin ang pakiramdam na makauwi sa bayang sinilangan. Ang gaan at ang saya lang sa pakiramdam. Ngayon niya napagtanto na sobrang namissed niya ang kanilang tahanan. Ilang sandali niyang inalala ang mga pangyayari sa kanyang buhay bago ang araw na iyon.. Nang mamatay kasi ang kanyang ina ay ipinilit niya sa papa niyang sa Maynila na siya mag-aral ng kolehiyo pagkatapos ng high school graduation niya. Mariing tumutol ang kanyang ama na umalis siya pero wala itong nagawa ng magpumilit siya. Sa murang isip ay masyado niyang dinamdam ang pagkawala ng kanyang ina dahil higit sa pagiging ina ay ito din ang kanyang bestfriend. Kaya ng mawala ito ay parang nawalan din ng kulay ang mundo niya. Lalo siyang naging mailap sa mga tao at ang madalas lang niyang nakakausap ay ang kanyang papa. Bagamat mas malapit siya sa kanyang mama ay malapit din naman siya sa kanyang papa. Ito lang ang madalas niyang kausapin sa kanilang lugar at kahit ang mga kasambahay nila ay hindi niya masyadong kinakausap. Hindi naman masasabing masama ang kanyang ugali. Likas lang talaga sa kanya ang pagiging suplada o hindi masyadong malapit at nakikipag-usap sa ibang tao. Aminado siyang medyo maarte din siya – noon, hindi na ngayon. Marahil ay sadyang ipinanganak na siyang ganoon. Oo, maarte siya, suplada at bihirang makipag-usap sa mga tao subalit may mabuting puso siya para sa kapwa. Wala siyang natatandaang inagrabiyado niyang tao sa labas o loob ng hasyenda.  Bago iyon ay sa isang eklusibong paaralan din siya nag-high school sa sentrong bayan ng kanilang probinsya. Kapag may pasok ay lingguhan siyang umuuwi sa kanila. At kapag naman bakasyon ay iilang linggo lang siyang nanatili doon at halos hindi din siya naglalalabas kaya hindi siya nakikita ng mga tao sa kanilang lugar.  Aaminin din niyang masyado siyang spoiled pero hindi siya maldita kagaya ni Lavina sa isang cartoon series. Spoiled siya lalo na sa kanyang ina. Ayaw na ayaw niyang nakikisalamuha sa mga tauhan sa hasyenda. Hindi dahil maarte siya o nangmamata ng kapwa kundi dahil iyon lang talaga ang nature niya. Hindi siya mahilig makisalamuha sa iba lalo sa maraming tao. Loner type siya. Mas nag-eenjoy siya sa ganoon. Pero hindi siya nananakit ng mga tao. Hindi siya bayolente. Pili din ang mga kaibigan niya at pawang may mga sinasabi sa buhay ang mga nagiging kaibigan niya. Wala din siyang pakialam sa ibang tao. Wala siyang interes sa buhay ng iba o pag-usapan ang buhay ng iba. Marami ang nag-iisip sa kanila na masungit siya at mailap ang mga tauhan sa kanya sa hasyenda. Hindi din siya masyadong kinakausap ng mga ito maliban nalang kung may kailangan siya. Ang madalas lang niyang nakakausap na tauhan noon ay ang kanyang yaya simula noong bata pa siya. Na nabalitaan niyang nag-asawa na sa kanilang lugar din ng umalis siya. Subalit habang nag-aaral siya sa Maynila ay namulat siya at biglang nagbago ang pananaw niya sa buhay. Isang pangyayari ang nagpabago sa kanya. Minsan ay muntikan siyang masagasaan. Naglalakad sila ng kanyang mga kaibigan sa kalsada ng campus papunta sa parking lot ng mawalan ng preno ang isang kotse at muntik siyang mahagip. Kundi lang sa lalaking school janitor na nagkataong malapit sa kinaroronan niya at nagtulak sa kanya palayo sa sasakyan ay siguradong sa ospital na siya magigising. Malamang ay abutin siya doon ng ilang linggo sa lakas ng impact ng sasakyan. Salamat sa janitor hindi siya nasagasaan subalit dahil sa ginawa nito ay ito ang nabundol ng sasakyan. Nagkagulo ang lugar habang siya ay hindi magawang bumangon. Nakatingin lamang siya sa walang malay na janitor. Matanda na ito at dati ay hindi niya masyadong napapansin. Sa oras na iyon ay tila nagising siya na napakahalaga ng buhay. Ilang bagay ang napagtanto niya habang nagkakaingay sa paligid dahil sa insidente. Napagtanto niyang binigyan siya ng ikalawang pagkakataon na mabuhay at gusto niya iyong gamitin sa kabutihan. Nagpapasalamat siya dahil kahit napuruhan ang matandang janitor ay hindi ito natuluyan. Gumaling ito at personal niyang inayos ang mga kailangan nito sa ospital. Nang makauwi ito ay binibisita niya ang matanda at nangakong tutulungan ang dalawang anak nito sa pag-aaral. Labis labis ang kanyang pasasalamat sa matanda sa pagliligtas nito sa buhay niya. Unti-unti ay nagbago ang ugali niya. Naging mabait siya at nagsimulang pahalagahan ang mga tao sa paligid niya. Naglalaan na din siya ng oras para tumulong sa mga nangangailangan. Mas lumawak ang pananaw niya sa buhay at napagtanto niya ang mga kulang at dapat niyang gawin. Kasama na doon ang pakikipagkapwa-tao. Na walang ginagawang masama ang mga tao sa kanya para siya magmasungit at magsuplada. Nang mapagtanto niya ang mga kamalian ay tuluyan siyang bumait – bumait sa aspetong marunong na siyang mag-appreciate ng mga bagay-bagay at makisalamuha sa mga tao lalo na sa hindi nila ka-estado. Natuwa si Esmundo ng makita ang kanyang pagbabago. Biniro pa nga siya nito na mayroon ding magandang naging dulot sa kanya ang pagtira niya sa Maynila. Siguro nga ay nakatakda siyang manirahan doon para magkaroon siya ng pagbabago sa mga pananaw niya sa buhay.  Ang totoo ay malaki ang ipinagbago niya pagkatapos ng insidenteng iyon. Hindi na siya masungit lalong hindi na siya maldita. Nagkaroon ng importansiya sa kanya ang lahat ng bagay sa kanyang paligid. Masaya siya dahil sa progreso niyang iyon. Ang sarap pala sa pakiramdam na minsan ay nai-shi-share niya sa mundo at sa mga tao ang kung anumang meron siya. Ang sarap makatulong at ang sarap magpasaya ng kapwa. Kalaunan ay nagkaroon siya ng mga kaibigang hindi masasabing mayaman na kagaya niya. At nalaman niya sa mga dating kaibigan kung sino ang totoo at sino ang hindi. Hindi na din siya spoiled at hindi namimili ng kakaibiganin – mahirap man o mayaman. Nagkaroon siya ng maraming kaibigan at noon din niya natanto na masarap pala sa pakiramdam kapag maraming kaibigan ang isang tao. Fulfillment iyon para sa kanya. Ilang sandali palang siyang nananatili sa pagkakaupo ng maputol ang kanyang pagbabalik-tanaw. May mga narinig siyang ingay. Mga boses iyon na tila nagtatalo. Ilang tinig na palapit ng palapit. Lumingon siya sa pinanggagalingan ng mga boses galing sa bandang kusina. Mabilis siyang tumayo ng marinig ang tinig ng ama. Bigla siyang naexcite at inihanda ang maluwang na ngiti. Handa na siyang takbuhin ang ama. Upang magulantang lamang sa nakikita habang papasok ito sa malaking sala. May limang lalaking nakapalibot dito. Mukhang armado ang mga ito base sa itsura. Biglang napalis ang pagkakangiti niya ng makita ang isang lalaking nakatutok ang baril sa kanyang ama. Hindi niya akalain na ganoong tagpo ang maabutin niya sa pag-uwi niyang iyon. Ni ang kumurap ang hindi yata niya magawa. "Papa!" pumailanlang sa kalawakan ng bahay ang malakas na tinig ni Saphira.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD