CH- 6

1508 Words
Alexandrea POV. Naglakad siya palapit sa lalaking nakahandusay sa sahig at muli itong sinipa nang malakas. Nang hindi ito gumalaw, agad niya itong kinapkapan at kinuha ang cellphone nito. Tahimik lang akong nakatingin sa kanya habang pinagmamasdan ang seryoso niyang ekspresyon. Nakakatakot siyang tingnan. Pero sa kabila niyon… alam kong dapat ko pa rin siyang pasalamatan dahil buhay pa ako ngayon. “Sigurado akong may nag-utos dito,” seryoso niyang saad habang hawak ang cellphone ng lalaki. “Hindi siya basta gagalaw nang mag-isa.” Nanlamig ako sa sinabi niya at kinilabutan. Tama kaya si Sebastian? Hindi lang ba si Mr. Arroyo ang gustong pumatay sa akin… kundi may iba pang mastermind sa likod nito? “Kung totoo ang sinasabi mo… ano ang motibo nila? Bakit gusto nila akong patayin?” “Malalaman natin. Bigyan mo lang ako ng ilang araw. Ako mismo ang mag-iimbestiga,” sagot ni Sebastian. “Kaya mong gawin ’yon?” hindi pa rin ako makapaniwala. “Yeah. At simula ngayon, kailangan mo ng personal bodyguard. Kahit isang professional bodyguard man lang na kayang protektahan ka at siguraduhing ligtas ka.” Hindi agad ako nakasagot dahil ang una kong naisip ay ang kambal kong pinsan. Kung tama si Sebastian, kailangan kong ipaalam agad kina Isaac at Isacario ang nangyari upang makahingi ako ng payo… o baka may mairekomenda silang mahusay na bodyguard. — Ilang minuto lang ang lumipas ay sunod-sunod nang dumating ang mga pulis sa opisina. Kasabay nila ang ilang security personnel ng building na halatang taranta rin sa nangyari. Agad nilang pinalibutan si Mr. Arroyo na noo’y wala pa ring malay. Maingat siyang pinusasan habang kinukuhanan ng litrato ang paligid ng opisina ko. Tahimik lang akong nakaupo sa couch habang iniinom ang basong tubig na ibinigay ni Sebastian… marahil ay kinuha niya iyon sa mini refrigerator. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin tuluyang humuhupa ang panginginig ng katawan ko. “Ma’am Alexandrea, kaya n’yo pa po bang sumagot ng ilang katanungan?” mahinahong tanong ng isang pulis. “O-Oo…” mahina kong sagot. “Kilalang-kilala n’yo po ba ang suspek?” “Yes… dati ko siyang business partner,” sagot ko habang hindi maiwasang mapatingin kay Mr. Arroyo. “May ideya po ba kayo kung bakit niya kayo gustong patayin?” Napayuko ako bago nagsalita. “The winery,” bulong ko. “Gusto niyang mapasakanya ang titulo.” Tumango ang pulis at may isinulat sa maliit nitong notebook bago lumapit kay Sebastian. “Kayo po ba ang tumawag sa amin?” “No. Siya,” sagot niya habang bahagyang itinuro ako. “Kayo po ba ang nakapagpabagsak sa suspek?” “Yes.” “Paano n’yo po nalaman na may mangyayaring masama rito?” Sandaling natahimik si Sebastian bago malamig na sumagot. “Nakasabay ko siya sa elevator. Kahina-hinala ang kilos niya kaya sinundan ko.” Napatingin ang pulis sa kanya na tila sinusuri kung nagsasabi ito ng totoo. Ngunit nanatiling kalmado si Sebastian habang nakatayo sa gilid ko. Makalipas ang ilang minuto, tuluyan nang dinala ng mga pulis si Mr. Arroyo palabas ng opisina. Nakaposas na ito at bahagyang duguan ang braso dahil sa dagger na ibinaon ni Sebastian. Ngunit bago tuluyang makalabas ang mga pulis, huminto ang isa sa kanila sa tapat ng panggabing guwardiya. “Isama n’yo na rin siya. Kailangan natin siyang imbestigahan,” malamig na saad ni Sebastian. Biglang namutla ang guwardiya. “S-Sir, wala po akong kinalaman…” “Bakit mo pinapasok ang suspek kahit sarado na ang building?” malamig na tanong ng pulis. Hindi agad nakasagot ang lalaki at lalong dumilim ang tingin ni Sebastian. Kanina pa niya ito titig na titig na para bang anumang oras ay kaya niya itong sugurin. “Hindi lang basta pinapasok,” dagdag ni Sebastian. “Siya pa mismo ang nagsabi kung anong elevator ang dapat gamitin.” Agad na hinawakan ng dalawang pulis ang guwardiya. “S-Sir, pinagbantaan lang po ako! Kapag hindi raw ako sumunod, papatayin nila ang asawa at mga anak ko! Wala po akong kasalanan!” nanginginig nitong paliwanag. Ngunit hindi na iyon pinansin ng mga pulis at tuluyan na rin siyang isinama palabas. Nang magsara ang elevator, biglang naging tahimik ang buong floor. Ako na lang at si Sebastian ang naiwan sa loob ng opisina. At doon ko biglang naramdaman ang matinding pagod. Nanlalambot ang mga tuhod ko. Napansin iyon ni Sebastian kaya agad siyang lumapit. “Easy…” mahina niyang saad habang inalalayan ako bago dahan-dahang pinaupo sa couch. Tahimik lang akong napatingin sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na dumating siya sa tamang oras. Kung ilang segundo pa siyang nahuli… baka wala na ako ngayon. Naging tahimik ang buong opisina matapos umalis ng mga pulis. Tanging mahinang tunog ng ulan sa labas at ang mabilis kong paghinga ang naririnig ko. Hindi ko maipaliwanag kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin humuhupa ang kabog ng dibdib ko. Marahil dahil sa takot. O marahil… dahil sa lalaking nasa harapan ko ngayon. Tahimik lang siya habang nakatayo sa hindi kalayuan. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya. Ngunit ilang beses ko siyang nahuling nakatingin sa akin, iyong tingin na tila may gustong sabihin ngunit hindi magawang ibuka ang bibig. Lalo tuloy akong nakaramdam ng pagkailang. “May gusto ka bang sabihin sa akin?” ako na mismo ang nagtanong upang basagin ang katahimikan. Bahagyang natigilan si Sebastian. Hindi siya agad sumagot. Sa halip, dahan-dahan siyang lumapit sa akin. Napatayo ako mula sa couch, ngunit bago pa ako tuluyang makaiwas ay bigla niya akong binuhat. “A-Ano bang ginagawa mo?!” protesta ko habang napahawak sa balikat niya. “May dugo ka sa paa,” mahinahon niyang sagot. At saka ko lang naramdaman ang hapdi sa paa ko. Marahil ay natamaan ako ng nabasag na salamin kanina. Maingat niya akong ibinaba sa mahabang sofa bago siya lumuhod sa harapan ko. Dahan-dahan niyang inangat ang paa ko at sinuring mabuti ang sugat. Tahimik lang akong nakatingin sa kanya. Hangga’t maaari ay ayokong makita si Sebastian noon… ngunit matapos ang nangyari ngayon, parang gusto ko pa yatang pasalamatan ang pagkakataong pinagtagpo kami. “Sabihin mo sa akin kung masakit.” “Medyo mahapdi lang…” mahina kong sagot. Pinipilit kong i-ignore ang bawat hawak niya, ngunit hindi ko magawa. Lalo pa’t punong-puno ng pag-iingat ang bawat kilos niya, na para bang natatakot siyang masaktan ako. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang tumingala. Nagtama ang mga mata namin. At sa hindi ko maipaliwanag… biglang bumilis ang t***k ng puso ko. Lalo pa’t hindi niya inaalis ang tingin niya sa akin. Unti-unti niyang itinaas ang kamay hanggang maramdaman ko ang mainit niyang palad sa aking pisngi. Napasinghap ako. Mainit at bahagyang magaspang ang kamay niya, ngunit may kakaibang kilabot itong hatid sa balat ko. “Seb…” mahina kong tawag. Ngunit hindi siya sumagot kaya napayuko na lamang ako. Nagulat pa ako nang maramdaman kong napakalapit na niya. Halos magkadikit na ang mga mukha namin at bago pa ako makaiwas… naramdaman ko na lang ang labi niya sa labi ko. Banayad niya akong hinalikan. Punong-puno ng pag-iingat. Parang hinihintay niyang itulak ko siya palayo anumang oras. Ngunit wala akong ginawa. Sa halip, nagsalubong ang mga mata namin habang unti-unti kong nararamdaman ang init ng halik niya. At sa bawat marahang pagdampi ng labi niya sa akin… mas lalo kong nararamdaman na unti-unti nang bumibigay ang puso ko sa kanya. Banayad lang ang halik ni Sebastian. At dahil iyon ang una kong halik, hindi ko alam kung paano tumugon. Ngunit habang tumatagal, unti-unti kong naramdaman ang kakaibang init. Parang may bumubulong sa akin na namnamin ang matamis niyang halik. Hanggang sa hindi ko namalayan unti-unti na rin pala akong gumaganti ng halik. Napahawak ako sa balikat niya. Ngunit bigla niya akong binitawan. Agad siyang lumayo at naglakad patungo sa gilid ng glass wall. Naiwan akong tulala habang pilit hinahabol ang aking paghinga. “Seb…” mahina kong tawag. Dahan-dahan siyang lumingon at tumingin sa akin. “Hangga’t kaya ko pang pigilan ang sarili ko… gagawin ko,” paos niyang saad. Napalunok ako. “Ayokong isipin mong sinasamantala ko ang pagkakataon dahil natatakot ka ngayon.” Tumayo siya at bahagyang lumayo sa akin. Nalilito ako sa mga sinasabi niya at hindi ko rin lubos maintindihan ang mga ikinikilos niya. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit nang bigla niya akong bitawan… parang nakaramdam ako ng panghihinayang. Parang biglang naging empty ang pakiramdam ko nang ilayo niya ang sarili niya sa akin. Napatingin ako sa likod niya habang pilit niyang iniiwas ang tingin sa akin. At biglang nagulo ang sistema ko. Sandali… ginagawa ba niya ito upang hindi siya magmukhang mapagsamantala? O ginagawa niya ito upang tuluyan kong ibigay ang puso ko sa kanya? Dahil sa paraan ng pagpipigil niya… mas lalo ko lamang nararamdaman kung gaano kalalim ang paghahangad niya sa akin. Napailing ako. Baka naman mali lang ang iniisip ko, lalo pa’t wala naman akong karanasan sa pakikipagrelasyon. At nakakatakot aminin… pero habang tumatagal, mas lalo yata akong nahuhulog kay Sebastian. Pang-pa-fall yata ang lalaking ’to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD