Alexandrea POV.
Abala ako sa pagrepaso ng mga dokumento nang marinig ko ang mahinang katok sa pinto ng opisina.
“Come in.”
Pumasok ang sekretarya ko na may hawak na makapal na brown envelope.
Agad kong napansin ang kakaibang ekspresyon sa mukha nito. Parang hindi sigurado kung dapat ba niya iyong ibigay sa akin.
“Chairwoman...”
Napatingin ako sa kanya. “Yes?”
“May ipinadala po para sa inyo.”
Bahagya akong napakunot-noo. “Mula kanino?”
Nag-alangan siyang sumagot. At doon pa lang ay nakaramdam na ako ng kakaibang kaba.
“Kay Mr. Sebastian po.”
Biglang huminto ang kamay ko sa paggalaw. At parang may kung anong kumabog sa dibdib ko.
“Sebastian?”
Tumango ang sekretarya. “Personal niyang iniabot sa akin kanina. Sinabi niyang ibigay ko raw ito sa inyo.”
Mabilis akong tumayo at naglakad patungo sa pinto.
“Narito siya?”
“Opo.”
Sumilip agad ako sa labas ng opisina ko. “Nasaan?”
“Umalis na po.”
Agad akong natigilan. Parang may malaking kamay na pumiga sa dibdib ko.
Umalis siya...
Hindi man lang niya ako kinausap. Hindi man lang siya pumasok. Hindi man lang niya ako hinarap.
Dahan-dahan akong bumalik sa aking desk at tinitigan ang envelope. At sa mga sandaling iyon matapos ang ilang linggo. Mas lalo kong naramdaman kung gaano kalayo ang loob ni Sebastian ngayon... o tamang sabihin na galit siya.
“May sinabi pa ba siya?”
“Wala po.”
Tahimik akong tumango. “Salamat.”
Pagkaalis ng sekretarya ay agad kong kinuha ang envelope. At habang tinitingnan ko iyon ay lalo lamang lumalakas ang kaba sa dibdib ko.
Kilala ko si Sebastian. Hindi siya magsasayang ng oras para magpadala ng kung anu-anong dokumento. Kung ano man ang laman nito... siguradong mahalaga, malamang may kinalaman din kay Damian.
Dahan-dahan kong binuksan ang envelope. Kasabay noon ay bumungad sa akin ang makapal na stack ng mga dokumento.
Mga litrato, financial records, report. at iba pang impormasyon.
Habang binabasa ko ang unang pahina ay unti-unting nawala ang dugo sa mukha ko.
"Hindi..." bulong ko at halos mabitawan ko ang aking hawak. Nanginig ang mga kamay ko bago mabilis na ibinalik ang tingin sa papel.
Paulit-ulit ko iyong binasa. Umaasang mali lamang ang pagkakaintindi ko. Ngunit habang tumatagal... mas lalo lamang lumilinaw ang lahat.
Hindi iyon simpleng background check. Isa iyong kumpletong imbestigasyon. At ang bawat pahina ay sumisira sa imahe ng lalaking ipinakilala sa akin bilang Damian Laurent.
Ang matagumpay na negosyante.
Ang disenteng lalaki.
Ang napiling sperm donor.
... Ay walang katotohanan at isang malaking kasinungalingan.
Malinaw ang buong detalye at impormasyon... higit sa lahat malinaw na isang pagpapanggap.
May mga litrato, transaksyon, record ng mga ari-ariang ginagamit niya ngunit hindi naman sa kanya.
At habang binabasa ko ang mga pangalan na paulit-ulit lumilitaw sa dokumento... unti-unting kumuyom ang mga kamay ko. Dahil may isang pangalan na hindi ko inaasahang makikita.
Ang pangalan ni Mama. "Hindi... hindi ito totoo."
tuluyan kong nabitawan ang mga papel at napaatras ako sa upuan. Parang biglang nawalan ng hangin ang paligid ko.
Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakatulala. Hanggang sa tuluyan kong mabasa ang huling bahagi ng report. At doon ko naramdaman ang panlalamig ng buong katawan ko.
Ayaw tanggapin ng isip ko. Pero naroon mismo sa harap ko ang mga dokumento.
Naroon ang mga ebidensya. At naroon ang mga detalyeng hindi basta-basta magagawang imbentuhin ng kahit sino.
Napahigpit ang hawak ko sa folder. Habang unti-unting bumibigat ang paghinga ko.
Ngayon malinaw na sa akin kung bakit paulit-ulit akong binalaan ni Sebastian.
... na 'wag akong basta magtiwala kay Damian.
Napaupo ako sa carpet at kasabay noon ay bumalik sa alaala ko ang bawat salitang sinabi niya habang kausap ko siya sa cellphone.
"Sana 'wag mong pagsisihan ang lahat ng 'to."
Hindi ko na pinakinggan ang iba pa niyang nais sabihin, sinara ko agad ang cellphone ko. At kahit sinubukan pa niya akong tawagan muli, hindi ko na siya sinagot.
At sa halip... ako pa ang nagpalayo sa kanya.
Puno ng pagsisisi na tumayo ako at umupo sa aking swivel chair, napasandal ako sa upuan.
Sobrang sakit ng realization, at kahit paulit-ulit kong pagsisihan hindi na maibabalik ang mga oras na magkasama kami. Ang mga sandaling pagpapadama niya ng kahalagahan ko. At pagpoprotekta niya sa tuwing nalalagay ako sa delikadong sitwasyon.
-
Hindi ko na namalayan ang oras, kundi pa ako tinawag ng secretary ko, sinabing kaming dalawa na lang at mga guard ang nasa building. Pagsulyap ko sa orasan na nasa dingding, nine o’clock na ng gabi. Dali-dali kong dinampot ang aking bag at cellphone. Pagkatapos ay naglakad na palabas ng opisina.
Ngunit pagdating ko sa exit patungong parking saka ko lang napansin na malakas pala ang ulan. Sa sobrang pag-iisip ko sa mga natuklasan hindi ko na namalayan ang nangyayari sa paligid ko.
Kasunod ang dalawang bodyguard ko ay tinawid namin ang parking area. Ngayon ko pinagsisihan bakit doon ako nag- park sa labas ng building. Hindi naman ako magtatagal sana sa opisina, after ng meeting aalis na rin sana ako. Ngunit biglang binigay ng secretary ko ang folder na galing mismo kay Sebastian kaya nakalimutan ko na half day lang ako sa araw na ‘yon.
“Chairwoman, ang mabuti pa dito na lang po kayo at ako na ang kukuha ng sasakyan mo.” sabi ng isang bodyguard ko.
“No, it’s okay, may payong naman ako dito sa bag ko.” sabi ko bago kinuha sa bag ko. Palagi kong dala iyon dahil ayaw kong naiinitan kapag may kailangan akong puntahan at malayo sa lugar ang parking.
“Sige po, Chairwoman, ikaw ang bahala. Tayo na po.”
Mablis ang hakbang ko ganun din ang dalawang bodyguard ko.
Malakas ang ulan… sobrang lakas parang may bagyo na parating. At halos wala na akong makita sa sobrang pagbuhos ng tubig mula sa kalangitan.
“Chairwoman! Sa wakas nagtagpo din tayo.”
Napahinto ako sa paghakbang at luminga sa paligid. Isang grupo ng kalalakihan ang palapit sa amin. Agad na bumunot ng baril ang dalawang bodyguard ko ngunit dalawang putok ang agad na narinig ko.
Pagsulyap ko sa mga bodyguard ko… Nanginig ang buong katawan ko sa nakikita. Sa harapan ko ay nakahandusay ang dalawa kong bodyguard.
Pareho silang may tama ng bala sa katawan at wala nang kakayahang tumayo. Napaatras ako sa sobrang takot.
Habang ang grupo ng mga lalaking nakapaligid sa akin ay unti-unting lumalapit.
"Nasaan ang susi ng sasakyan?" malamig na tanong ng lalaking may hawak ng baril.
Hindi ako sumagot. Mas lalo kong niyakap ang bag na hawak ko. Naroon sa loob ang duplicate key. At kung makukuha nila iyon… Mabubuksan nila ang sasakyan, naroon ang mga dokumentong itinago ko sa loob.
Mga dokumentong maaaring sumira sa maraming tao.
Mga dokumentong hindi dapat mapunta sa maling kamay.
"Sinasayang mo ang oras namin." Pagkatapos muling itinutok ng lalaki ang baril sa akin.
Napapikit ako. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ako sanay sa ganitong sitwasyon. Hindi ako marunong lumaban. At ngayon ko lamang tuluyang naunawaan kung gaano kalaking pagkakamali ang ginawa ko.
Sebastian… Biglang pumasok sa isip ko ang mukha niya.
Ang mga babala niya. Ang mga pagtutol niya. Ang mga pagkakataong pinilit niya akong protektahan kahit galit ako sa kanya. At ako?
Hindi ko siya pinakinggan. Hindi ako nagtiwala. Hindi ko siya binigyan ng pagkakataong magpaliwanag.
Unti-unting pumatak ang luha ko habang nakatingin sa basang sementadong lupa.
"Seb..." Mahina lamang ang boses ko. Halos hindi ko nga marinig.
"Sebastian..." mahinang bulong ko bago luminga sa paligid.
Natawa ang isa sa mga lalaki. "Mukhang may hinihintay ka pa."
Hindi ko sila pinansin. Dahil sa mga oras na iyon… Hindi ko na alam kung makakaligtas pa ba ako.
At kung may isang bagay man akong pinagsisisihan… ang pagtanggal ko sa kanya sa trabaho, higit sa lahat ang pagkawala niya sa tabi ko.
"Kunin ninyo ang kanyang bag!"
Agad akong hinablot ng isa sa mga lalaki. Napasigaw ako sa takot. Kasabay noon ay bumagsak ako sa basang semento.
Sumakit ang tuhod ko. Ngunit hindi ko iyon ininda. Mahigpit kong hawak ang bag. Ayaw kong pakawalan.
Hindi puwede… hindi nila dapat makuha. Ngunit ano ang magagawa ng isang tulad ko sa mga lalaking armado… nanghina ako sa takot. At habang pilit nilang inaagaw ang bag mula sa akin… biglang may malakas na liwanag ng headlights na tumama sa grupo.
Napahinto silang lahat.
Kasabay noon ay umugong ang tunog ng isang sasakyang mabilis na huminto sa hindi kalayuan. Pagkatapos biglang tumahimik ang paligid…
Masyadong tahimik.
Isa-isang napalingon ang mga lalaki, kagaya ko.
At sa pagitan ng malakas na ulan at nakakasilaw na ilaw… May isang matangkad na pigura na dahan-dahang bumaba mula sa sasakyan. Hindi ko makita nang maayos ang mukha.
Ngunit kahit ganoon… Agad ko siyang nakilala. Dahil kabisado ko ang tindig na iyon. Kabisado ko ang paraan ng paglalakad na iyon.
At kabisado ko ang presensya niya kahit hindi sya magsalita.
“Sino ka?” malakas na tanong ng isa sa grupo ng kalalakihan.
Ngunit hindi siya nagsalita, at sa isang iglap nasa tabi ko na siya. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko. Kasabay ng pag-agos ng mga luha sa pisngi ko.
Hindi ko mapigilan ang sunod-sunod na pagpatak ng aking luha. Humahalo iyon sa tubig ulan.
“Close your eyes.” utos niya, at kahit ayaw ko ay napatango na lang ako… sabay pikit ng mariin. Agad din nabuhay ang pag-asa ko.
"Sebastian..." Mahina kong bulong.
Ngunit walang sumagot, basta naririnig ko lang ay kaluskos ng tubig mula sa semento.
Gusto kong magmulat ng mga mata, ngunit ayaw ko naman siyang suwayin. Baka bigla na naman siyang umalis at hindi magpakita sa akin.