Hindi pa rin ako makapaniwala na kasal na ako kay Troy. Sa wakas ay konektado na ako sa pamilyang kinamumuhian ko. Ang pamilyang nag-alis sa akin ng karapatan na mabuhay bilang normal na kabataan. Ang taong nagtakwil sa akin sa harap ng buong mundo. Ang sumira ng inosente kong pananaw sa kahulugan ng salitang Pamilya.
Bahagyang sumikip ang dibdib ko sa isiping iyon. Huminga ako ng malalim bago pa tumulo ang luha sa aking mga mata.
Nilingon ako ni Troy, nasa mukha niya ang pag-aalala.
"Are you okay," Tanong niya. Naramdaman ko ang mainit niyang palad sa kamay kong nasa aking kandungan.
Bahagya niyang pinisil iyon habang nagmamaneho. Papunta pa lang kami sa reception.
"Don't worry, everything will be okay," pagbibigay assurance niya.
Mabuti kung ganoon nga lamang sana kasimple ang nararamdaman ko, iyong pwede lang sanang gamutin ng simpleng 'everything will be okay'.
Pilit akong ngumiti sa kaniya.
"I'm fine," sabi kong gumanti ng marahang pisil sa palad niya.
Pagkatapos naming pagsaluhan ang masarap na tanghalian ay dumiretso na kami ni Troy sa bahay niya, o mas tamang sabihing mansion dahil sa laki at lawak nito.
Hindi na ako pinayagan ni Troy na umuwi sa apartment ko, inaasahan ko na ito kaya naman ay ibinilin ko na lamang kay Jelay iyon.
Namangha ako sa laki at lawak ng bahay ni Troy. Para iyong kastilyo na napapanood ko lamang sa mga pelikula. Medyo may kalayuan sa Maynila kaya tahimik at sariwa ang hangin. Suot ko pa rin ang damit pangkasal ko nang bumaba ako sa kotse niya. Napangiti ako sa maaliwalas na hardin na sumalubong sa aking paningin. Ang malamig na simoy ng hangin na tila nagpapagaan ng pakiramdam kong kanina pa hindi mapakali. Napapalibutan ng mataas na pader ang malawak na bakuran. Nasa itaas iyon ng isang burol kaya tanaw ang paligid lalo na siguro kapat nasa mismong terrace ka na ng bahay. Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw ang balcony sa bandang itaas na palapag, tingin ko ay iyon ang maghiging paborito kong lugar sa bahay ni Troy. Wala naman akong balak na magtagal dito pero hindi naman siguro masama kung mag-enjoy naman ako sa pananatili ko rito.
"Nagustuhan mo ba?" Untag sa akin ni Troy. Hindi namalayang kanina pa pala siya sa tabi ko. Masyado na naman akong nag-o-over think.
"Y-yeah! Ang ganda!" Hindi mapigilang bulalas ko. Totoo naman talagang napakaganda ng paligid. Lalo na ang kaniyang mansion. Bukod kasi sa moderno at maaliwalas ang design nito ay napaka elegante ring tingnan ang salaming dingding sa ibaba at natatakpan lamang ng makapal na kurtina mula sa loob. Cream white at brown ang kumbinasyon ng kulay sa labas, at sa tingin ko ay mas lalong maganda ang interior nito. Ito ang unang beses kong makatapak sa ganito kalaki at kagandang bahay sa buong buhay ko. Malaki rin at maganda ang mansion ng pamilya ni Jelay pero hindi ganito kabongga.
"Let's go," aniya sabay hawak sa kamay ko at inakay ako papasok sa malaking main door. Finger print locked iyon kaya mabilis iyong bumukas nangg ilapat niya ang daliri sa maliit na screen sa gilid ng pinto.
Kung gaano ako namangha sa labas ay doble ang pagkamangha ko sa loob. Maluwang ang sala na kinalalagyan ng mga mamahaling muwebles, may maliit na bar sa dulong bahagi nito. Mukhang mamahaling painting din ang nakasabit sa magkabilang dingding. Glass wall ang nasa bandang harapan kaya kitang kita ang napakagandang hardin sa labas. Sa kabilang bahagi naman ay nakapuwesto ang isang piano at ilan pang instrumentong pantugtog. Hindi ko alam na mahilig rin pala sa mga instrument si Troy. Mabuti at may oras pa ito sa mga ganoong bagay.
"Wala muna tayong magiging kasama rito dahil nasa bahay ni Mama si manang," aniya habang nag-aalis ng sapatos. May malaking tila silid sa likod ng pinto at tumambad ang hindi mabilang na pares ng sapatos na panlalaki nang buksan niya iyon para magpalit ng tsinelas na pambahay.
"Pili ka," aniya nang mapansing nakatingin ako sa kaniya saka binuksan ang kabilang pinto, naroon ang pulos pambabaeng sapatos, sandals, boots, tsinelas at kung ano-ano pang sapin sa paa. Hindi ko mapigilan ang mapasimangot sa isiping pag-aari iyon ng mga nagdaang kasintahan niya. Pero natigilan ako nang mapansing kasukat lahat ng paa ko ang mga naroong size. Napatingin ako sa kaniya at nagkataong nakatingin din siya sa akin.
"Yes, it's for you. Gusto kong maging kumportable ka," aniyang kumindat pa. Tila nahuhulaan niya ang nasa isip ko. Para namang bahagyang may kumislot sa bahaging iyon ng dibdib ko nang makita ang maganda niyang ngiti at pilyong kindat. Gusto kong sampalin ang sarili ko, kapapasok ko pa lang sa bahay niya pero parang natutunaw na ang yelong bumalot sa puso ko sa napakatagal na panahon.
"S-salamat," tanging sambit ko na lang habang kinukuha ang napakalambot na flat sandals na malapit sa akin.
Nagulat pa ako nang biglang yumuko si Troy para alisin ang suot kong heels at ilagay ang napili kong sandals sa mga paa ko. Hindi ako nakapagsalita.
"There," aniya nang tumayo.
"Halika, ipapakita ko sayo ang ibang bahagi ng bahay," sabi niya at muling hinila ang kamay ko. Tinungo namin ang second floor, Naroon ang malawak na kusina at dinning area. Nasa ikatlo at ika-apat na palapag naman ang mga kuwarto. Nag-aalangan akong tumingin sa kaniya nang ipakita niya sa akin ang kuwarto ko. Tulad ng mga sapatos sa ibaba ay puno rin ng iba't ibang klase ng damit ang malaking walk-in closet.
"Don't worry, sa kabila ang kuwarto ko," aniya. Tila nakonsensya naman ako sa reaksyon niya. Bahagyang nawala ang ngiti sa mga labi niya.
"I understand, alam ko naman ang sitwasyon natin, I won't touch you until you ask me," sabi pa niyang bumalik ang pilyong ngiti. Hindi ko alam kung bakit tila kinikilig ako sa tinuran niya.
Bigla ko namang binawi ang hawak niyang kamay ko. Para akong nagising sa panaginip. No! Ano ba itong ginagawa ko? Hindi ba dapat ay isinasagawa ko na ang plano at nang maka-alis na ako rito?
"Magpahinga ka na, we will be flying to Tokyo tonight for our honeymoon," aniyang muling ngumisi. Hindi ko alam kung talagang nananadya siya.
"Don't worry, hindi ka na papasok simula bukas, nakahanap na sila ng papalit sa posisyon mo sa office," pagbibigay alam niya.
Wala akong ka-alam alam wala na pala akong trabaho. Mabuti na lamang at may naipon naman ako sa pagtatrabaho ko sa kanila.
"Maghanda ka, seven pm ang alis natin," aniya bago tuluyang lisanin ang silid na ipinagamit niya sa akin.
"Hmp! Honeymoon, humanda kayong mga Monteverde! Malapit n'yo na akong makilala," bulong ko habang nakatingin sa repleksyon ko sa salamin. Hindi ko mapigilan ang ngiting sumungaw sa aking mga labi. Ngiting abot na ang tagumpay!
Itataya ko lahat pati pangalan at katawan ko, makuha ko lang ang paghihiganting pinangarap mula pa sa simula!
Eksaktong alas siete nga nang katukin niya ako sa silid.
"Are you ready?" Bungad niya sa akin nang mapagbuksan ko siya ng pinto.
"Ang totoo niyan may business trip talaga ako sa Japan, and I think tatagal iyon ng one week. So I grab the chance para mamasyal," paliwanag niya.
"So hindi talaga honeymoon, don't worry," aniya.
"But, if you ask me to, why not?" dagdag pa niyang ngumisi na naman.
"Sira ka talaga!" sagot kong tumawa na lang. Naisip ko na na darating talaga kami sa ganitong sitwasyon. Syempre, bago naman ako pumayag sa alok niya ay inisip ko na ang ganitong mga eksena.
"In your dreams Mr. Monteverde!" Kunyari ay inirapan ko siya.
"Let's go at baka maiwan pa tayo ng eroplano!" Sabi ko sabay hila sa maliit na traveling bag na inempake ko kanina pa.
Naka jeans at simpleng t-shirt lang si Troy pero napakaguwapo pa rin niya. Parang napakahaba naman ng hair ko dahil sa kabila ng mga nagtitinginang magaganda at seksing babae sa airport ay nasa akin ang buong atensyon niya. Ni hindi siya lumingon sa mga nagpapa pansin sa kaniya. Syempre, hindi naman ako padadaig sa kanila. Ini-angkla ko rin ang mga braso sa braso ni Troy kahit higit na mataas siya sa akin. Para kong sinasabi sa mga babaeng iyon na 'sorry, he's mine!' Natatawa na lamang ako sa sarili ko. Gusto kong maghiganti sa lalaking ito pero bakit ayaw kong binibigyan siya ng extra attention ng mga babae sa paligid.
Halos apat na oras at kalahati din ang itinagal ng biyahe namin. Sa eroplano na rin kami kumain ng dinner dahil siguradong late na kami makakarating sa hotel kung saan kami mag-stay. Intercontinental Hotels Tokyo Bay, muli na naman akong napanganga sa ganda ng paligid. Sa kailaliman ng gabi ay hindi ko maiwasang humanga sa mailaw at makulay na paligid ng syudad.
"Is it okay kung magkasama tayo sa room?" Tanong ni Troy sa akin habang nasa check-in counter kami.
"Wala na kasi silang available na magkatabing kuwarto," paliwanag niya. Iisang kuwarto lamang kasi ang nai-book ng sekretarya nito.
"It's fine with me, ewan ko sa'yo," biro ko. Pero ang totoo ay kinkabahan din ako. This is it! Hindi ko na patatagalin pa ang laro.
"Really?" aniyang namilog ang mga mata, hindi o alam kung tuwa ba iyon o ano.
"Yeah, why not?" Sagot kong ngumiti ng ubod-tamis.
"Okay then, let's go," aniya at inalalayan ako habang naglalakad papunta sa elevator.
Pagdating namin sa kuwarto ay naroon na ang aming mga bagahe, maayos na nakahilera sa tapat ng closet. Tumingin ako sa buong kuwarto, malaki iyon at malapad ang kamang nakapagitna sa silid. May study table rin at upuan sa isang sulok. Napakaganda ng tanawin mula sa bintana. Isang tulay sa gitna ng karagatan, napaka makulay ng ilaw niyon, animo isang laruang patay-sindi ang makinang na liwanag nito.
Para akong batang tuwang-tuwa na nakatingin sa paligid, hindi ko namalayang kanina pa nakatingin sa akin si Troy with his amused eyes.
"You are different Eliza," nagulat ako, bigla akong nahiya nang ma-realized na kanina pa pala ako nakangiti sa mga natatanaw kong bago sa paningin ko.
"H-ha? Ah eh natuwa lang ako, ang ganda kasi," nahihiyang tugon ko.
"I'm glad you liked it here," nakangiti pero seryosong sabi niya.
Umupo siya sa sofa malapit sa kinatatayuan ko.
"Okay na ako dito, baka hindi ka kumportableng may kasamang matulog," aniya pagkuwan.
"Ay, hindi! Okay lang, sanay ako. I mean lagi kaming magkatabi ni Jelay tuwing natutulog ako sa kanila," maagap na tugon ko.
"Malikot pa nga 'yun eh," sabi kong lumapit sa bag ko at binuksan iyon. Inabala ako ang sarili kong mag-ayos ng mga damit sa closet.
"Okay, then we share the bed," walang ano mang tugo niya.
"Mauna ka na sa banyo, ladies first," aniya. Hindi ko nakita kung naka ngisi na naman ba s'ya dahil busy pa rin ako sa ginagawa ko.
"O-okay," sabi ko na lang saka pumili ng susuotin ko ngayong gabi. Mabuti na lamang at pulos pajama at long sleeve ang dinala kong pantulog. Medyo malamig pa kasi rito kahit na buwan na ng Abril.
Malaki ang banyo, parang napakasarap magbabad sa maligamgam na tubig pero naiisip ko pa lang na naghihintay si Troy para gumamit ng banyo ay para na akong sinisilihan sa bilis.
Nagtagal lamang ako sa pagpapatuyo ng buhok, medyo may kahabaan na rin kasi. Iniisip kong ipa putol pero saka na lang.
"S-sorry natagalan ako," sabi ko kay Troy nang makalabas ako ng banyo. Mukha kasing naiinip na. Panay na ang pindot niya sa remote ng telebeisyon kahit mukha namang walang hinahanap dahil halata namang wala ang atensyon niya sa ginagawa.
"It's okay," aniya saka tumayo na at dumiretso sa banyo.
Huh? Hindi man lang nagdala ng damit? Ano ang ibig niyang sabihin? Magbibihis sa harapan ko? Sa isiping iyon ay mabilis akong lumundag sa kama at nagtalukbong.
Kanina pa ako sa ilalim ng makapal na kumot pero wala pa rin akon naririnig na Troy na lumabas sa banyo. Halos kalahating oras na. Bigla akong kinabahan, hindi kaya nalunod na siya? Hindi kaya nadulas at nawalan ng malay? Inilabas ko ng kaunti ang ulo ko at sumilio sa paligid. Wala pa rin talaga. Para akong batang takot sa multo sa itsura ko. Kung makikita lamang siguro ako ni Jelay ay siguradong pagtatawanan na naman niya ako.
Dahan dahan akong bumangon at naglakad ng patingkayad para lumapit sa pinto ng banyo. Naririnig ko ang lagaslas ng tubig pero wala akong marinig na kumikilos o kahit na kaunting galaw man lang sa loob. Lalong lumakas ang kabog sa dibdib ko nang tawagin ko ang pangalan niya ay nanatiling walang sagot mula sa loob.
"Troy?" muling tawag ko pero wala talagang senyales ang mokong.
Naglakas-loob akong pihitin ang knob at bukas iyon. Sumilip ako, bukas ang gripo sa bath tub at puno iyon ng bula na halos umapaw na. Pero nanlaki ang mga mata ko nang makita ang nakalaylay na kamay ni Troy, kahit natatakpan ng shower curtain ay sigurado akong nakahiga siya sa tub at tila walang malay! Sa takot ko ay mabilis akong lumapit para sana tulungan siya. Pero huli na ang lahat nang mapagtanto kong umapaw pala sa sahig ang mga bula sa bath tub at natapakan ko iyon. Napasigaw ako nang mawalan ng balanse, nahagip ko ang shower curtain pero hindi iyon sapat para hindi ako tuluyang matumba. Bumagsak ako sa sahig kasama ang kurtina at malas na tumama ang noo ko sa sulok na bahagi ng bath tub.
"What the-!?" Narinig ko pang sabi ni Troy bago ako nawalan ng ulirat.