DALAWANG araw na wala sa set ng Chasing Destiny si Syrene dahil hindi siya kasama sa mga eksenang isho-shoot. Sinamantala naman iyon ng manager niyang si Ms. Pia upang isali siya sa isang personality development training. Kasama na doon kung paano niya dalhin ang sarili, paano ang tamang postura, paano i-modulate ang kanyang boses, at paano maging confident kapag kaharap ang maraming tao. Hindi pa rin iniwan nang tuluyan ni Syrene ang Elite Cleaners dahil iyon lamang ang puwede niyang maging front para makapunta sa condominium ni Clint. Isa pa, hindi pa naman niya agad-agad makukuha ang first salary niya as an actress. Flexible din ang schedule niya roon kaya tamang-tama lamang para sa kanya. Pakiramdam ni Syrene ay kayod-kalabaw siya ngayon. Ang dami-dami niyang ginagawa araw-araw.

