Hindi na sana siya tutuloy sa pag-Island Hopping at magmumukmok na lang sa tabi habang hinihintay ang dalawang magaling na lalaking nang-iwan sa kanya, kung hindi lamang siya nilapitan ng isang batang lalaki mga sampung taon na siguro ang gulang.
“Madam sakay na daw po kayo doon, sabi ni papa.” Tinuro nito ang maliit na bangkang may isang di katandaan na lalaking sakay. Kunot-noo niyang tinignan ng maigi ang matipuno at kayumangging lalaki na halos kasing-kulay lang ng batang nasa harapan niya ngayon. Bakit naman siya sasakay sa bangka ng mga ito mamaya ay sabunutan pa siya ng nanay ng batang ito. Maya-maya ay nakita niya ang lalaking kausap niya sa elevator. Sumakay ito sa bangka na tinuturo ng bata. Doon lang niya napagtanto na bangkero lang pala ang tatay ng batang ito.
Kung nirentahan niya ng solo ang bangka, bakit naman siya pinipilit nito maki-joy-ride dito. Mukhang pogi naman ito, oppapable pa (ang termino nilang mag-bestfriend sa mga katulad nito), pero bakit wala itong kasamang dyowa. Parang bumilis ng ilang pursyento ang kabog sa dibdib niya nang makita niyang tumingin ito sa kanya. Muntik na niyang malimutan ang batang nasa harapan niya kung hindi pa ito nagsalita ulit.
"Wala ka na daw pong babayaran kasi nirentahan na niya ang buong bangka.” Sabay turo ulit nito sa kanilang bangka.
“Sure ka bang single siya?” mahinang tanong niya rito habang nakatingin sa gwapong lalaki.
“Po?” naguguluhang tanong ng bata sa kanya. Nakita niya ang nakakalokong ngiti ng bata kaya noon lang nag-register sa utak niya ang mga sinabi niya.
“Ang sabi ko, sure ka bang wala akong babayaran? At paano naman ako makakasiguradong hindi kayo mga kidnapper, aber?” Humalakhak ng malakas ang bata sa sinabi niya at tumkabo papunta sa kanyang ama.
Kapagkuwan ay naglakad na rin siya papunta sa bangka ng mga ito at tinignang mabuti ang dalawang lalaki na nakasakay rito. Naramdaman niya na namang bumilis ng kaunti ang pulso niya ng marahang ngumiti ang maputing lalaki sa kanya.
“Don’t worry. We’re not kidnappers,” tila nang-aasar nitong sabi sa kanya nang hindi inaalis ang nakakalokong ngiti. May dimples pala itong kagaya kay L ng Infinite. Plus pogi points, jusko. Halos tinitigan niya ito habang paakyat siya sa bangka kaya naman natapilok siya sa may hagdanan banda at muntik na siyang mahulog sa tubig ng pampang na abot hanggang bukung-bukong niya. Mabuti na lamang at alerto ito at nahawakan ang kanyang kamay bago pa siya tuluyang mawalan ng balanse. Hawak pa din nito ang kamay niya hanggang pagtapak niya sa mismong loob ng bangka. Ngumuso pa siya rito para ipaalala na maaari na nitong tanggalin ang pagkahawak sa kanya.
Naintindihan naman siya nito at agad siyang binitawan. Paupo na sana siya ng biglang tinulak ng bangkero ang bangka nito palayo sa pampang. Hindi niya din alam kung paano siya biglang natumba at saktong napasadlak sa hita at napayakap pa sa mga braso ng lalaking nasa harapan niya, gayong hindi naman ganun katindi ang pag-alog ng bangka. Nabubwisit na siya sa kashungahan niya. Tumayo siya ng mabilis at mahinang nag-sorry rito nang hindi man lang ito tinitignan. Matagumpay na siyang nakaupo sa upuan katapat nito at isinuot ang life vest na nakalagay rito.
"Thank you," mahinang sabi niya ulit na parang siya ang pinakamarikit na dalagang pilipina.
"This is better than being alone right?" sabi nito na at agad naman siyang tumango dito na tila nararamdaman din ang hinaing nito. Pagkatapos ng maikling usapan ay namayani ang katahimikan sa kanilang dalawa.
Nagsimula nang umandar ang bangka pagkalipas ng ilang minuto. Nakita niya ang bata na nakaupo sa likuran ng bangka habang ang ama naman nito ay nasa harapan. Nagsimula na rin siyang kabahan. Hindi kasi siya marunong lumangoy. Kung iisipin ay maliit lang ang bangka nila at sigurado siyang tataob agad ito sa malakas na alon.
Pero agad naman napawi yung kaba niya dahil wala talagang mas sasaya pa kapag nasa dagat ka, lalo pa at abot-kamay mo lang ang tubig kahit nakasakay sa bangka, habang tinitignan ang magandang tanawin na gumagalaw sa harapan mo. Hindi niya nga napapansin ang sariling halos nakatuwad na sa inuupuan niya dahil busy siya sa pag-abot ng tubig. Naisip niya tuloy si Juluis, kung anong pakiramdam kayakap ito habang nasa laot sila. Si Kenneth kasi ang katabi nito kahapon nung nasa private ferry sila papuntang hotel. Paano ay nag-CR lang naman siya saglit tapos pagbalik niya ay nakita niyang tulog na ito pareho at ang magaling na lalaki ay lumipat pa sa pwesto niya. Hindi na siya nag-abala pang gisingin ito at naidlip na lang din. Doon pa lang abot-langit na ang frustration niya.
Tumingin siyang muli sa pampang baka sakaling makita niya ang dalawa pero medyo malayo na pala sila rito. Sa tuwing may dadaan na mga bangka ay sinisilip niya ng maigi ang mga sakay baka makita niya ang mga ito. Nasa kalagitnaan na sila ng dagat ng maramdaman niyang mataas na ang binabagsak ng kanilang bangka. Malalaki na pala ang alon dito.
Bumalik na naman ang kaba niya at kumapit ng mariin sa kung anong mahawakan niya sa bangka, kaya kung sakali mang tumaob ito ay nakakapit pa rin siya rito. Nakita naman ng tatlong lalaki sa bangka ang ginawa niya at narinig niya ang pagtawa ng bata. Kung hindi lang siya kinakabahan ay baka nilunod na niya ito sa dagat. Nakita din niya ang pag-ngiti ng gwapong lalaki sa harapan niya na hindi mo man lang makikitaan ng kaunting kaba kahit gaano man kalakas ang alon. Mapapa sana all ka na lang talaga.
Maiiyak na talaga siya nung maramdaman niyang mas tumaas pa ang binabagsak ng bangka nila. Naramdaman niyang tumagilid ng bahagya ang bangka at inisip na pataob na ito kaya naman ay tumili na siya ng pagkalakas. Pumunta ang bata sa kanila banda at tila may binulong sa lalaking nasa harapan niya. Hindi niya na inusisa ang pinag-uusapan ng dalawa dahil biglang may kung anong umakyat sa lalamunan niya. Napatayo siya bigla at kapagkuwan ay yumuko sa labas ng bangka habang nakakapit ng maigi rito.
Nilurakan niya ang napakagandang tubig ng Boracay. Siguro mga tatlong beses din siyang naglabas ng sama ng loob dito. Naramdaman na lang niya na may humahagod sa likuran niya. Wala na yata siyang kasingmalas para makita siya ng gwapong lalaki na ito sa ganitong sitwasyon. Hindi niya alam kung bakit para siyang nahilo bigla kaya naman para siyang lasing na napaupo na lang sa tabi nito. Hindi na rin niya alam kung anong pakiramdam ba muna ang una niyang dadamdamin, kung iyong takot ba na tumaob ang bangka, o di kaya ay yung biglang pagkahilo niya, ni wala na nga siyang enerhiya para umiyak.
Hindi pa nakuntento ang alon at mas lalo pa itong lumaki at lumakas. Hindi na niya matiis ang sarili at yumakap na siya sa lalaking katabi niya kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata. Tatawa pa sana ang bata nang makita siya pero naramdaman yata nitong seryoso na siya sa drama niya. Tila hindi din naman alintana sa gwapong lalaki ang pagyakap niya at hinayaan lang siya nito. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya sa gitna ng dagat sa kabila ng malakas na alon na nagsilbing pang panghele niya.
Naalimpungatan siya sa malakas na alog na nanggaling sa lalaking kayakap niya. Buong akala niya ay nasa dagat pa rin sila. Ginigising lang pala siya nito dahil naroon na sila sa kanilang destinasyon. Tila ay wala pa siya sa huwisyo ng kumalas siya sa pagkayakap dito. Nakita niyang malapit na ulit sila sa pampang. Mas bughaw ang tubig dito kaya naman mas kitang kita ang kaputian ng mga buhangin. Napawi na ang takot na kanina lang ay nararamdaman niya, napatingin siyang muli sa lalaki na nasa tabi niya ng bigla itong magsalita.
“You can go ahead. Medyo namamanhid pa yung katawan ko eh.” Sasagot pa sana siya ng 'okay' dito nang bigla niyang maalala na siya nga pala ang dahilan ng pagkamanhid ng katawan nito. Agad siyang tumalikod dito at nagmadaling bumaba sa bangka at halos tumakbo pa papuntang pampang. Sinong mag-aakala na matutupad niya ang pangarap na moment sa bangka with a total stranger. Nalilimutan niya na yatang may nobyo pa siya, este, may nobyo na siya.
Napakasarap talagang kutusan ang sarili niya.