“Tara na!” pagmamadali niya sa kaibigan. Lumapit pa siya rito para lang akayin palabas ng restaurant habang nakatalikod ang binata at busy pa ito sa kausap.
“Teka lang. Pa’no naman si Vince?” pag-uusisa ng maharot na kaibigan niya.
“Heller, may pake ba tayo sa kanya? Tara na!” Pinandilatan pa niya ang kaibigan para lang matauhan ito. Napilit naman niyang umalis ang kaibigan kahit hindi naaalis ang tingin nito kay Vince habang palabas sila ng restaurant. Pagkalabas nila ay agad siyang pumara ng taxi at nagmadaling sumakay.
“Girl, okay ka lang? Madaling-madali? Para namang may utang ka do’n sa tao eh. Ano ba issue mo? Pagkakataon ko na ‘yon magka-dyowa, grabe ka naman eh,” pagmamaktol ng kaibigan sa kanya. Napansin niyang tinignan sila sa rear view mirror ng taxi driver.
“Alam mo, kanina pa kitang gustong sabunutan! Nanggagalaiti na ‘ko sa’yo. Hindi ka makaramdam ah!” sigaw niya rito. Lumingon na ang taxi driver sa kanilang dalawa. “Siya lang naman ‘yong lalaking nakalandian ko sa Bora.” Napaawang ang bibig ng kaibigan niya sa sinabi. Pero ang pagkagulat nito ay agad namang napalitan ng inis at nahampas pa siya nito sa braso. “Aray naman!”
“Bakit ba lagi kang one-step ahead sa’kin! Nakakainis ka na talaga ah! Eh ano naman ngayon? Bakit, gusto mo pa rin ba siya?”
“Oo!” muling pagsigaw niya rito na ikinabigla nilang dalawa pati na ng driver sa harapan nila. Nasapo na naman niya ang bibig pagkatapos mapagtanto ang sinagot niya sa kaibigan.
“Wow! Kapal! May Juluis ka na nga, tapos pati si Vince bet mo pang akuin?” Muli na namang napatingin ang driver sa kanilang dalawa. Hindi niya alam kung nag-eenjoy ba ito sa talkshow nilang magkaibigan o kaunti na lang ay pabababain na silang dalawa nito bago pa ito madamay sa eskandalo nila.
“Saka isa pa, hindi mo ba narinig ‘yong pangalan ng tumawag sa kanya? Dyowa niya ‘yon or worse, asawa pa!” pagpapalusot niya sa kaibigan.
“Paano mo naman nasisigurado, aber? Pa’no kung katulong lang pala niya ‘yon! Masyado kang ma-issue. Ni hindi mo nga man lang tinanong eh. May pa let’s-just-ask-the-guy-if-he’s-single ka pang nalalaman tapos matatameme ka lang naman pala sa harapan niya.”
“Malay ko ba naman kasing si Vince ‘yon eh. Sa dinami dami ng lalaki dito sa mundo.” Isang malalim na buntong-hininga na naman ang pinakawalan niya. Hindi rin niya alam sa sarili kung bakit ba siya hiyang-hiya sa binata. O baka naman, pinagdadamot lang talaga niya sa kaibigan ang gwapong binata. Nang tignan niya ang kaibigan, bakas pa rin sa mukha nito ang inis. “Anyway, sorry na. Babawi na lang ako sa’yo. Ise-set-up ko ng maayos yung double date natin with Juluis and Kenneth. ‘Wag ka na magtampo.”
Isang irap lang ang sinagot sa kanya ng kaibigan. Pero pagkalipas ng isang minuto ay nagsalita na ito. “‘Yon lang? Wala bang freebie na Chimmy Plush Toy d’yan?” tanong nito sa kanya.
“Ya! Micheosseo!” sigaw niya rito.
“Ang damot-damot mo naman. Yung pinakamura na nga lang yung hinihingi ko eh.” Pareho kasi nilang paborito si Chimmy sa BT21 Characters.
“Hindi pwede ‘yon!”
“At bakit!” maktol nito.
“‘Di pa natin alam kung kanino nanggaling ‘yon. Sabi mo tutulungan mo kong hanapin yung stalker ko. Mamaya rapist ‘yon, mapano pa ‘ko.” Napakalma naman niya ang kaibigan sa sinabi. At pasalamat siya at tila nalimutan pa nito ang humingi ng freebie.
“Tinanong mo na ba si Juluis?” seryosong tanong nito.
“Oo, negative. Ni hindi nga niya alam kung ano yung light ring eh.”
“Pa’no naman natin malalaman kung sino ‘yong stalker mo?” pag-uusisa nito.
“Hm, track natin ‘yong package? Siguro naman, pwede kong itanong sa customer service ng courier kung kanino galing?” Hindi rin siya sigurado sa ideya niya. Parang ang hassle masyado.
“Alam ko na!” Nagningning ang mga mata nito sa naisip na ideya.
“Ano?” atat niyang tanong dito.
“‘Napansin mo ba, sa office tayo madalas mag-chikahan kung ano ‘yong mga bet natin. Minsan pag-breaktime nagba-browse pa tayo ng mga merch, kaya naibo-broadcast talaga natin sa sambayanan ang mga gusto nating bilhin. It’s either, nalaman niya ‘yon sa physical na pag-uusap natin, or nabasa niya sa browsing history natin. Try muna natin mag-browse ng paulit-ulit na item. At kapag niregalo ulit sa’yo ‘yon, ibig sabihin, techie ang stalker mo. At alam naman natin na konti lang silang maalam sa PC doon.”
“Woah! Ang talino mo roon!” Hinawi pa nito ang buhok saka ngumisi sa kanya.
“At kapag hindi ‘yon nag-work, iisa-isahin natin ang mga tao sa office.”
“Paanong iisa-isahin?” naguguluhang tanong niya.
“Halimbawa si Mark, mag-isa lang siya sa pantry. Tapos, papasok tayo at magchi-chikahan kung anong latest item ang bet natin. Ipaparinig natin sa kanya. Pero syempre, dapat iba-ibang item tayo per person. Kung ano yung dumating sa’yo, e ‘di alam na natin kung sino ‘di ba?”
“Woah! Bakit ngayon ko lang na-realize na may ganito ako katalinong kaibigan! I love you, bish!” sigaw niya rito sabay yakap.
“Basta siguraduhin mo lang na ise-set-up mo ‘ko d’yan kay Kenneth ah. Naku, kakalbuhin talaga kita. O ‘di kaya, hahagilapin ko si Vince. Gusto mo ‘yon?” pananakot pa nito sa kanya. Nginitian na lang niya ito. Himala at hindi nagyayang mag-inom ang kaibigan niya. Kaya naman may araw pa noong naghiwalay sila ng landas.
Nasa higaan na siya kahit ala siyete pa lang ng gabi. Wala lang, parang nasa mood siyang matulog ng maaga. Naalala tuloy niya ang gwapo at maamong mukha ni Vince. Parang laging nakangiti ang mga mata nito. Kumapara kay Juluis na parang nanlilisik lagi ‘yong mga mata. Teka wait. Bakit ko ba sila pinagkukumpara?
Napasilip siya sa kanyang cellphone. Buong araw walang paramdam sa kanya ang nobyo. Kaya naman naisipan niyang ‘wag makipagmatigasan at maunang i-text ito.
Hi handsome, how’s your day?
Naisipan na rin niyang kontakin si Kenneth. Hi, can I invite you on a double date on our upcoming anniversary? I’ll bring my friend with me. Pleaseeee.
Nagulat siya nang mauna pang mag-reply si Kenneth kesa sa nobyo niya.
Of course! Just tell me when and where. I’ll be there.
“Yes!” sigaw niya sa kawalan. Malakas ang kutob niyang magkakasundo ang kaibigan niya at si Kenneth. Feeling niya talaga, hahantong pa sa relasyon ang dalawa. Fingers crossed!
Muling tumunog ang cellphone niya at akala niya ay text na ni Juluis.
Please don't tell Juluis yet na pupunta ako at ang friend mo. May issues pa kami. And I plan to resolve that sa double date natin. Is it fine with you?
Of course! Mabilis na reply niya rito, kahit pa hindi niya lubusang maintindihan ang ibig sabihin nito.