Chapter 2

1233 Words
Nagmistulang Korean celebrity si Ana sa kanyang pormahan sa NAIA habang hinihintay ang kanilang departure. Masakit sa mata ang pagkadilaw ng kanyang crop-top na T-shirt para kuno makita ang kanyang maliit na baywang na natakpan din naman ng kanyang maong na blazer jacket na abot sa puwetan niya ang haba. Balak sana niyang magpalda na lang para mai-rampa din niya ang kanyang flawless na mga binti kaso ayaw naman niyang malamigan kaya naman nakuntento na lang siya sa hapit niyang maong na pantalon. Wala din siya sa mood mag-rubber shoes kaso ay hindi siya fan ng high-heels sapagkat madali siyang matalisod, pero nakita niya sa sapatusan niya yung isang pares ng high-cut na itim na leather shoes kagaya nang laging suot ng Blackpink sa kanilang mga music videos. Hindi niya maalala kung saan at kailan niya ito binili pero sinuot pa din niya siyempre, mamaya na lang niya iisipin iyon. Parang apoy na nag-aalab naman ang kulay ng kanyang buhok, mabuti na lang ay makalipas dalawang buwan na noong pinakulayan niya ito ng tanso, pwede naman na siguro itong ilublob sa tubig dagat. Shades na kulay dark brown naman ang napili niyang itakip sa mga mata niyang halatang walang tulog dahil sa sobrang excitement niya sa araw na ito. At ang pinaka agaw-pansin sa kanyang maliit na mukha ay ang kanyang manipis na labi na kinulayan niya ng kahel na lip tint na pinabili niya pa noon sa katrabaho niyang nagpuntang Japan. Matagal na din silang nagplano ni Juluis magbakasyon, ang problema ay lagi itong nauudlot dahil sa trabaho nito. Kagaya nung nakaraang taon, nagplano silang magpuntang Bohol at nag-book na si Ana ng plane tickets. Nakapag-file na siya noon ng leave niya at sinabi naman nitong walang problema sa schedule nito. Inaayos na lang niya ang itinerary nila nang biglang magback-out ito. Hindi daw ito pinayagan dahil magpupuntang seminar ang isa nitong ka-department. Balak sana niyang ituloy ang Bohol at isama na lang ang bestfriend niyang si Jane, pero nawalan na siya ng gana. Ilang linggo din siyang sinuyo ni Juluis noon kahit hindi niya maramdaman ang panunuyo nito, katagalan din naman ay bumigay din siya. Ito ay isang resident doctor sa Manila General Hospital at ilang buwan na lang ay matatapos na ang residency nito at magiging isang ganap na na Orthopedic Doctor. Ito na yata yung dahilan kung bakit laging malamig ang treatment nito sa kanya. Kahit papaano naman naiintindihan niya ito. Sa isip ni Ana, baka yun na lang ang hinihintay ni Juluis at hingiin na nito ang kanyang kamay. Masuka-suka siya noong bumaba sila sa private boat na nagtransfer sa kanila from port to beach na. Wala naman siyang ibang ginawa kundi umidlip habang nasa kalagitnaan ng dagat kahit kanina noong nasa eroplano pa lamang sila. Konting tiis pa ay mapipikot na niya ang kanyang nobyo. Oh baka hindi naman na kailangang pikutin pa, at magkusa na ito. Wala na yatang pagsidlan ang saya niya nung nakaapak na siya sa maputing buhangin ng Boracay. Mas magiging masaya sana siya kung hindi sana nila kasama ang bestfriend ni Juluis na si Kenneth. Kung alam lang niya na magsasama pa ito ng iba ay sinama na din niya sana si Jane. Baka sakaling makahanap pa ng dyowa ang lukaret niyang bestfriend dito. Napatingin siya kay Kenneth habang masaya silang nagtatawanan ni Juluis sa harapan niya habang naglalakad na papunta sa kanilang hotel sa Station 1. Ito pala ay nurse naman sa MGH at kaparehong department ni Juluis. Noong una silang nagkita ay biniro niya ito na ipapakilala niya ito sa isa niyang single na kaibigan. Ngumiti lamang ito at sinabing may nilalaman na kuno ang puso nito. Sa isip-isip niya, baka one-sided lang ang pagmamahal nito kaya wala itong naisama ngayon. Hay, naawa siya dito. Gwapo at yummy din naman sana ito, ewan ba niya. Kaya naman nagdesisyon siyang pormal na ipakilala na ito kay Jane pagkabalik nila sa Manila. Napatingin naman siya sa kay Juluis. Naalala niya tuloy yung gulat niya noong inaya niya itong mag-Boracay at pumayag agad ito, nauna pa nga itong mag-file sa kanya ng leave. Ito na din ang nag-asikaso ng tickets at sinabihan pa siyang magchill lang at tuloy na tuloy na ang bakasyon nilang ito. Nagkaroon na siya ng kaunting idea kung bakit mabilis niyang napapayag ito. Dahil doon, napa-shopping siya ng mga magagandang damit. Pinag-isipan niyang mabuti ang kanyang mga OOTD. Hindi naman siya papayag na naka T-shirt at shorts lang siya sakaling mag-propose man ito nang biglaan sa kanya. Bandang alas kwatro na din ng hapon iyon nang makarating sila sa kanilang kwarto. Dalawang Honeymoon Suite na nga iyong nirentahan nila para daw may privacy silang magdyowa. Sa totoo lang, kinabahan siya ng slight kasi akala niya eh magse-share silang tatlo sa isang room, mabuti naman at nakaramdam ang mokong nilang kasama. Pagpasok niya sa kanilang kwarto ay naramdaman na niya ang pagod sa biyahe. Pagkatapos niyang ayusin ang mga bagahe nila eh humiga na agad siya sa kanilang kama. “Babe, iidlip muna ako ah? Gisingin mo ko ng mga quarter to six please," sabi niya rito habang nakapikit na ang mga mata. “Sure babe, doon muna ako kay Ken para makapagpahinga ka na.” Umupo ito sa tabi niya at hinaplos ang buhok niya at saka hinagkan ang pisngi niya. Tumayo ito at aktong aalis na, nang hilahin niyang bigla ang kamay nito. Na-off balance ito pero iba sa inasahan niya ang nangyari. Sa K-drama, pagkatapos ng legendary wrist-grab na ito ay ma-o-off balance ang bida at mahuhulog sa ibabaw ng kanyang ka-loveteam, it was supposed to be romantic. Samantala, pagkatapos niya itong mabitawan, agad itong bumulusok sa sahig. Sumabit pala ang paa nito sa paanan ng kama. Dinig na dinig niya ang lagabog ng katawan nito sa sahig kaya naman mabilis siyang bumangon at tinulungan ito. “Sorry babe, sorry,” naiiyak niyang sabi rito. Tinulungan niya itong tumayo. Mabuti na lamang at hindi ito napuruhan. “Are you okay, babe?” Mukha namang hindi ito napilayan. “I’m fine. What’s that for?” kalmadong tanong nito. Bakas na ang inis sa mga mata nito. “Gusto ko lang sana mag-thank you dahil sa natuloy din finally itong bakasyon natin. Sorry babe.” May tumulo nang luha sa mga mata niya. Agad naman siyang niyakap nito. “Apology accepted.” Agad naman itong lumabas at nagpunta sa kabilang kwarto na tila ba hindi naman nasaktan sa kalokohan niya. Muli siyang humiga at pinagpatuloy ang pagtulo ng luha niya dahil sa kashungahang ginawa niya. So much for an epic failure. Hindi niya namalayan na nakaidlip na pala siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD