Chapter 2

4127 Words
CHAPTER two   “WHERE did you go, Mommy?” agad na salubong kay Aria ng limang taong gulang na batang si Honeyleen. I just saw your father, baby… gusto sanang isagot ni Aria. “Mom!” untag ni Honeyleen sa pagkatulala niya. Lumuhod si Aria at marahang hinaplos ang pisngi ng bata. “Naglakad-lakad lang sa beach si Mommy, baby,” aniya at niyakap si Honeyleen nang mahigpit. Hindi maitatago ang dugong dumadaloy sa iyo, baby. The similarities are so obvious. You have his eyes, honey… Even your hair is so like his. “Sad ka, Mommy?” Pilit na ngumiti si Aria. “No, baby. Mommy is not sad.” “You’re sad, eh. Para ngang magka-cry na ang eyes mo,” nakalabing wika ni Honeyleen. “Uhm… may naalala lang ako, baby. Halika, kiss mo ako para happy na si Mommy.” Agad na tumalima ang bata at binigyan siya ng matutunog na halik sa pisngi. Huwag ka sanang makita ni Randall. Ikamamatay ko kapag kinuha ka niya sa akin. “Alam ko kung bakit ka malungkot, Mommy. Nami-miss mo rin si Daddy, `di ba?” “Baby…” Gustong maiyak ni Aria sa sitwasyon. Lumalaki na si Honeyleen at marami nang itinatanong. Naghahanap na ng ama. Paano ba niya ipapaliwanag dito ang totoong pangyayari? Napakabata pa ni Honeyleen para maintindihan ang lahat. “Why don’t you go upstairs for a while, Honey? May dinala akong new Barbie sa room mo.” Napalingon sila sa nagsalita. Hindi niya alam na naroon pala ang daddy niya. Excited na tumayo si Honeyleen. “Really, Lolo?” Hindi na hinintay ng bata na makasagot ang abuelo dahil nagmamadali na itong umakyat sa ikalawang palapag ng bahay. “D-Dad…” Nagpatiuna si Aria na lumakad papunta sa kusina. Sumunod ang kanyang ama. Nagtimpla siya ng kape at inilapag iyon sa harap ng ama. Siya naman ay umupo sa pasimano ng rest house at pilit inabot ng tanaw ang napakalayong dulo ng malawak na karagatan. “You saw him.” Hindi iyon tanong kundi isang kumpirmasyon. Nagtatakang napabaling si Aria sa ama. “Alam ninyong naririto si Randall?” “Napansin ko lang ang madalas na pagdating at pag-alis ng chopper sa kabilang resort at ang laging sakay niyon ay si Pierro at ang mga kaibigan niya. Pati na rin iyong abogadong si Milo Montecillo na matunog ngayon ang pangalan dahil sa paghawak niya sa kaso ni Senator Clark. Sino sa tingin mo ang pinupuntahan nila ro’n? Isa pa, hindi napagkikikita ngayon sa Maynila si Randall kahit pa nga nalinis na ang kanilang pangalan,” paliwanag ng kanyang ama. “H-hindi ninyo sinabing kay Randall ang kabilang resort.” “Hindi iyon kay Randall kundi sa mag-asawang Lance Pierro at Catherine.” Bumaba si Aria mula sa pasimano at naglakad-lakad. “D-Dad, si Honeyleen… Baka makita ni Randall ang bata, kukunin niya sa akin si Honey,” naiiyak na sabi niya. Walang maaaring kumuha kay Honeyleen sa kanya. Siya ang naghirap nang husto sa pagpapalaki sa bata. Siya ang napupuyat at halos mamatay sa pag-aalala kapag may sakit ito. Si Honeyleen ang buhay niya at mahal na mahal niya ang bata. Anak na niya si Honeyleen at siya na ang ina ng bata.  “Ibibigay mo ba sa kanya si Honeyleen kung sakali, Aria?” “Hell, no! Akin lang ang anak ko. Walang maaaring kumuha sa kanya, kahit si Randall pa!” “Pero, hija, may karapatan si Randall sa anak niya. Ipinagkakait mo rin sa bata ang karapatan na makilala ang kanyang ama. Nagtatanong na si Honey, hija, naghahanap na ng ama. Maaaring maitago mo ito sa ngayon pero hindi habang-panahon, anak.” “Siya ang tumalikod sa responsibilidad niya kaya wala siyang karapatan sa bata!” sikmat ni Aria. “Aria, hija… Don’t you think he might just marry you when he sees his daughter?” Tumawa si Aria nang pagak . “M-marry me? You know the situation very well, Dad. Do I have to explain it all over again?” Nanlulumong yumuko ang kanyang ama. “I’m sorry, anak. Ang laki ng pagkukulang ko…” “No, Dad. Hindi mo kasalanan na may pamilya ka na nang sabihin sa `yo ni Mommy ang tungkol sa amin.” Sinalubong ng ama ng malungkot na tingin ang kanyang mga mata. “Ganyan din ang mangyayari kay Randall. Paano kung huli na ang lahat kapag nalaman niya ang tungkol kay Honeyleen?” mapait na tanong ng daddy niya. Ilang taon pa lang ang nakalilipas nang matuklasan ni Aria na may ama pala siya. Buhay pa pala ang ama at walang kaalam-alam tungkol sa kanya. Sinisi ni Aria ang mommy niya. Hindi niya alam kung paano nagawa ng ina na ipagkait sa kanilang magkapatid ang kanilang ama. At nang malaman niya iyon ay huli na. Nakatali na ang ama sa ibang pamilya. Kinikilala naman si Aria ng daddy niya ngunit masakit lamang isipin na hindi siya mailantad sa publiko dahil ibang apelyido ang kanyang taglay at dahil na rin masasakitin ang asawa ng ama. “Magkaiba kayo ng kaso ni Randall, Dad. Pinili niyang huwag panagutan ang bata, kaya magdusa siya!” “Magdurusa rin ang bata katulad ng pagdurusa mo, anak. Don’t let history repeat itself.” Nanlulumong napasalampak si Aria ng upo sa sahig. Kasabay ng pagpatak ng mga luha niya ay ang pagbabalik ng nakaraan…                                  “YOU’RE going to be okay, Aira…” ani aria sa kakambal na kapapanganak pa lamang. Butil-butil ang pawis sa noo ni Aira. Pinunasan niya iyon bago nagpaskil ng matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Kailangan niyang maging matatag sa harap ng kakambal. “Your daughter is so beautiful. Nainggit tuloy ako at  parang gusto ko na ring magkaanak,” aniya habang gagap ang nanlalamig na mga kamay ng kapatid. Humigpit ang pagkakahawak ni Aira sa kanyang kamay. “A-Aria… I love you, you know that, right?” wika nito, mababakas ang kapaguran sa magandang mukha; ang mukhang pareho nilang taglay. Identical twins sila at halos walang ipinagkaiba ang kanilang hitsura. Ito si Airaleen at siya ay si Arialeen. Tumango si Aria. “Of course, Aira, of course!”  Kahit na North Pole at South Pole ang layo ng kanilang mga ugali ay mahal nila ang isa’t isa. Free spirit si Aira samantalang siya ay laging cautious. Ginagawa ng kakambal ang lahat ng maibigan at lahat yata ng kalokohan ay pinapasok. Basta may nagustuhan, ginagawa ni Aira ang lahat makuha lamang iyon. Walang inilihim sa kanya si Aira kaya alam niya ang kung anumang kalokohan na pinapasok ng kakambal. Kakatwa ngunit kahit magkaiba sila ng mga ugali ay walang namamagitang alitan o inggit sa kanila. Minsang kagagaling lamang ni Aria mula sa pamimili sa Singapore ay nadatnan niya si Aira na nagsusuka. Takot na takot siya noon. Ayaw na ayaw niyang nagkakasakit ang kakambal. Pinilit niya si Aira na dalhin sa ospital ngunit tumanggi ang kakambal. Aria knew something was wrong. Iyon ang unang pagkakataon na kinailangan pa niyang pilitin si Aira para magkuwento sa kanya. Dati-rati naman ay ang kapatid ang kusang nagkukuwento ng mga bagay-bagay na may kaugnayan dito gaano man iyon kaliit. At nalaman niyang buntis si Aira. Gulat na gulat si Aria sa mga ipinagtapat ng kapatid. Sinabi ni Aira  ang ginawang pang-aakit kay Randall Clark maging ang tungkol sa droga na ipinainom nito sa binata. Alam ni Aria na adventurous ang kanyang kapatid pero hindi niya inakalang magagawa nito ang bagay na iyon para lang makuha ang lalaking gusto. Mahal daw ni Aira si Randall kaya nito nagawa iyon. Sa unang pagkakataon ay nagalit siya kay Aira, bagaman hindi sa ginawa kundi sa kalagayan nito. May sakit sa puso ang kakambal at alam niyang isang malaking risk ang pagbubuntis nito. Pero pinili ni Aira na ituloy ang pagbubuntis at hindi na inisip ang panganib na dala niyon sa kalusugan nito. “A-Aria… w-will you… will you take care of my child? Will you love her?” tanong ni Aira sa tila inaantok nang tinig. “Aira! Huwag kang matutulog… Please, don’t fall asleep!” Natatarantang pinindot ni Aria ang buzzer sa gilid ng hospital bed ng kakambal. Sinabi sa kanya ng doktor na huwag hahayaang makatulog si Aira. Alam ni Aria kung bakit. Maselan ang lagay ni Aira dahil patuloy na humihina ang puso nito. Patunay roon ang iba’t ibang klase ng tubo na nakakabit na sa katawan ng kakambal. May doktor na nakaalalay kay Aira pero nakiusap ang kanyang kakambal na palabasin muna ang doktor. Gusto ni Aira na makausap siya nang sarilinan. “P-promise me, A-Aria… l-love my c-child and I don’t hate her father…” pakiusap ni Aira. Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Aria. Hindi na niya napigilan ang paghulagpos ng katatagan na pilit na ipinapakita sa kapatid. Hinalikan niya ang kamay at noo ni Aira. “I p-promise… But please don’t fall asleep,” gumagaralgal ang tinig na wika niya. “Keep talking, sweetheart! Please…” “T-thank you, A-Aria… I-I have another wish…” “Anything, sweetheart. Tell me…” pang-eengganyo niya para magsalita nang magsalita si Aira. “P-put your n-name and h-her father’s n-name sa… sa birth c-certificate niya…” Pahina nang pahina ang tinig ni Aira. “Airaleen!” protesta ni Aria. “I… I l-love y-you, A… A-Aria…” ani Aira at saka tuluyang ipinikit ang mga mata. “Aira! W-wake up, please… Airaleen!” palahaw ni Aria ngunit alam niyang hindi na ito gigising. Iniwan na siya ng kanyang kakambal, siya at ang anak nito…   ILANG araw nang inaabangan ni Randall si Aira sa dalampasigan ngunit ni anino ng babae ay hindi niya nakita. Maaaring tama ang sinabi ni Art na baka nagbago na nga si Aira at nawalan na ng interes sa kanya. Ang ipinagtataka lang niya ay hindi na mawala ang babae sa kanyang isip. Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman nang pangkuhin si Aira at dalhin sa bahay. Parang may binuhay ang babae na kung ano sa kanyang damdamin. Ni hindi niya napigilan ang sariling pagmasdan ito habang walang malay-tao. Lutang na lutang ang kagandahan ng babae, lalo at walang anumang bahid ng makeup ang mukha. Bakit hindi niya iyon nakita noon? Noong mga panahong habol nang habol sa kanya si Aira? Nakilala niya si Aira Ledesma sa isang party. Maganda at sexy ang babae ngunit ang kagandahang iyon ay natatabunan ng magaslaw at maharot na kilos. She flirted with him the whole night hanggang sa mga sumunod pang pagkakataon na nakikita niya ang babae. Pero walang dating sa kanya ang babaeng katulad ni Aira. Gusto niya ang mga babaeng pino ang kilos, iyong tipong mahihirapan muna siya bago mapasagot. At hindi ganoon si Aira. Ikinairita ni Randall ang ginagawa ni Aira na pagsunod-sunod sa kanya. Hindi nawawala ang babae sa mga lugar na pinupuntahan niya. Panay ang pag-iwas niya kay Aira. Para sa kanya, katulad lamang ito ng mga babaeng nangangarap na mabingwit ang isa sa kanilang magkakaibigan. Bukod sa hitsura nila, malamang ay habol din ng mga babae ang pera at kapangyarihang kakabit ng kanilang mga pangalan. Hanggang sa isang araw, nagawa ni Aira na  i-seduce siya. Hindi niya nakontrol ang makamundong pagnanasa sa babae. Kumikilos ang kanyang katawan na hindi ayon sa kanyang kagustuhan at may nangyari nga sa kanila. Kinaumagahan, halos mapatay niya si Aira nang malamang kaya pala siya umakto nang ganoon ay dahil hinaluan nito ng droga ang kanyang inumin. He knew how powerful that drug was. Nawawalan talaga ng self-control ang sinumang uminom niyon. Pagkatapos ng insidenteng iyon, hindi na uli niya nakita si Aira. Hindi rin niya sinabi sa mga kaibigan ang nangyari. Hindi niya alam kung bakit pero sinarili lamang niya iyon. Nawala na nga iyon sa isip niya, nabaon na sa limot—ngunit biglang bumalik at nanariwa nang makita uli niya si Aira. Inilabas ni Randall ang kanyang cell phone at nag-dial. “Milo, pare, do you know who the best detective in town is?” “I know some. Why?” “May ipapagawa ako sa kanya. I need the result as soon as possible.” “No problem. Papupuntahin ko siya riyan. Sa bayan na lang kayo magkita para walang makaalam ng resort na kinaroroonan mo.” “Thanks, pare. Kumusta na nga pala ang kaso ni Dad?” “Everything will be cleared up soon. It will take a few months or so for the legal process, after that, makukuha na uli ninyo ang control sa lahat ng properties ninyo here and abroad.” Bumuntong-hininga si Randall. Napakalaki na ng utang-na-loob niya kay Milo. Kung nagkataong ibang abogado ang humawak sa kaso ng kanyang ama, hindi niya alam kung ano ang kalalabasan niyon, worse, baka tuluyang madiin ang kanyang ama. “How can I ever thank you, Milo?” “How about an all-expense paid tour around the world?” pabirong sabi ng lalaki na ikinatawa niya nang malakas. “Okay, an all-expense paid vacation it is. Ang tanong, may panahon ka bang magbakasyon man lang?” “Yeah, right,” tila nadidismayang wika ni Milo. “Humahaba nga ang pila ng client sa law firm. Watch out, Rand. One day, magigising ka na lang na mas mayaman na ako kaysa sa `yo,” pabirong sabi nito. “Come on, Attorney! Para namang hindi ko alam na mas mayaman naman talaga kayo ni Jared kaysa sa akin.” “Okay na ako na hindi mas mayaman, basta ako dapat ang pinakaguwapo sa atin.” Bumunghalit si Randall ng tawa. Sa klase ng trabaho ni Milo at kung gaano kaseryoso ang lalaki roon, walang mag-iisip na malakas din ang sense of humor nito. “Really, Milo, I owe you a lot, pare,” seryosong wika ni Randall “Wala `yon. Lahat kayo ay naging mabuting kaibigan sa kapatid ko, lalo na noong brokenhearted siya. Kaya nga hindi rin ako masyadong nag-alala nang piliin kong sa ibang bansa mag-aral. Alam kong may masasandalan si Jared nang umalis ako. Oh, hell! Cut this call, Randall, I hate it. Baka mamaya, sa drama series ako pulutin at hindi na sa korte!” ani Milo upang mawala ang seryosong atmosphere. Randall suddenly wished he had a brother like Milo. Oh, well, anim nga pala ang “kapatid” niya, kasama si Milo.   “MA’AM, may customer po na gusto kayong makausap.” “Ikaw na muna ang bahala, Nica. May mga importante lang akong tinatapos,” ani Aria nang hindi tumitingin sa store manager. Ilang araw din kasi siyang hindi pumasok kaya tambak ang trabahong sumalubong sa kanya pagbalik niya. May pag-aari si Aira na chain of boutiques. Malaki ang mga iyon at maganda ang kita kaya masasabi niyang maganda ang takbo ng kanyang negosyo. Karamihan kasi sa items sa mga boutique niya ay gawa ng mga kilalang designer sa bansa at ang iba naman ay inaangkat niya mula sa ibang bansa. Nang mga sandaling iyon ay naroon siya sa Calapan City branch. “Sinabi ko na po sa kanya, Ma’am, pero nagpipilit po na makaharap kayo at—” “Hi, Aira…” anang tinig na nagpapitlag kay Aria. Napatigil siya sa pagsusulat dahil parang biglang nanigas ang kanyang mga daliri. Nag-angat siya ng tingin at tulad ng inaasahan ay si Randall Clark ang kanyang nakita. Kampanteng nakasandal sa hamba ng pinto ang lalaki habang nakapamulsa ang mga kamay sa suot na khaki shorts. Casual shirt lang ang pang-itaas nito pero nakakatawag-pansin na ang hitsura. Mukhang gising na gising si Randall nang magsabog ng kakisigan ang Diyos. Sa mga braso pa lang kasi ay malalaman nang maganda ang katawan ng lalaki. Iyong tipong katawan ng isang American army soldier. Ah, mahilig pa naman siyang manood ng Hollywood action movies. Ipinilig ni Aria ang kanyang ulo. Bakit ba niya pinag-aaralan ang physical attributes ni Randall? Bad sign, Aria. Tinanguan niya si Nica bilang pagsasabi na lumabas na ito. Hindi nakaligtas sa kanya ang kinikilig na anyo ng babae at sa malas ay sadya yatang pinapungay pa ang mga mata. Napabuntong-hininga si Aria. Sino nga ba ang hindi kikiligin sa lalaking ito? “What are you doing here?” tanong niya kay Randall. Pasimpleng itinago niya sa drawer ang litrato ni Honeyleen na nasa ibabaw ng kanyang desk nang igala ng lalaki ang tingin sa kanyang opisina. Marahang naglakad-lakad si Randall. “You have a nice place here,” tumatango-tangong komento nito. “Bakit nandito ka?” tanong uli ni Aria. Kampanteng umupo sa visitor’s chair si Randall. “May hinihintay ako sa resto sa tapat nitong shop mo. Nakita kitang bumaba ng kotse at pumasok dito kaya sinundan kita. Ilang araw na kitang hinihintay sa beach pero hindi ko na nakita ni anino mo.” Tinaasan ni Aria ng isang kilay si Randall. “Wala akong obligasyon na magpakita sa iyo,” nakaismid na sabi niya. “Why, Aira? wala na ba talaga akong epekto sa `yo?” “This is nonsense!” tinitigan siya ni Randall, pagkatapos ay nagpakawala ang lalaki ng isang alanganing ngiti. No, hindi iyon ngiti kundi isang ngisi. Kinakabahan si Aria sa maaari nitong sabihin. At halos nahuhulaan na niya kung ano iyon. “Remember how you followed me around before? How you—” I was right after all! “Ano’ng ibig sabihin ng lahat ng ito, Randall?” Tumaas na ang tinig ni Aria. Sabi na nga ba at hindi maganda ang lalabas sa bibig ng lalaki. Bakit kailangang ungkatin pa nito ang nakaraan? Wala na ang kanyang kapatid. Hindi rin niya alam kung dapat niyang sabihin kay Randall na hindi siya si Aira dahil halos natitiyak na niyang hindi maniniwala ang lalaki. “Matagal na iyon, nananahimik na ako rito.” “Relax, Aira. Nagtataka lang ako kung bakit ganoon na lang kung makaiwas ka sa akin. Pangit na ba ako ngayon? Nah, don’t say ‘yes’ dahil hindi ako maniniwala,” he said with a sly smile on his face. “Bakit? nakalimutan mo na rin ba kung paano ka umiwas noon?” nang-uusig ding tanong niya. Nakaramdam si Aria ng sakit ng loob nang maalala ang kapatid. Tinungo niya ang water dispenser at uminom ng tubig. Baka sakaling makapag-isip siya nang maayos kapag nasayaran ng malamig na tubig ang kanyang lalamunan. Hindi na kasi niya kinakaya ang presensiya ni Randall sa loob ng kanyang opisina. Hindi niya alam kung ano ang pangingibabawin—ang galit, o ang nagugulong sistema. Napahumindig si Aria nang maramdaman sa likuran niya si Randall. Paano ito nakalapit nang hindi niya namamalayan? Ganoon ba talaga kaokupado ang kanyang isip at hindi niya naramdaman ang paghakbang ng lalaki? “But you somehow succeeded, didn’t you? You got me into bed,” mapanghalina ang boses na bulong ni Randall malapit sa kanyang tainga. Nagtayuan ang mga balahibo ni Aria sa katawan, lalo na at dumampi sa kanyang balat ang mainit na hininga ni Randall. Nalalanghap din niya ang mabangong hininga ng lalaki. “Didn’t I perform well, darling?” Aria took a deep breath and tried hard to calm herself. Humarap siya kay Randall ngunit isang maling hakbang iyon sapagkat agad siyang hinapit nito sa baywang. “B-bitiwan mo ako…” kinakapos ng hiningang protesta ni Aria. Pilit niyang inihaharang ang mga kamay sa dibdib ni Randall upang hindi tuluyang magdikit ang kanilang mga katawan. Ngunit tila mas maling hakbang iyon dahil nang lumapat ang kanyang mga kamay sa dibdib ng lalaki ay tila may nanulay na kuryente mula roon patungo sa kanyang mga kamay at nanuot sa bawat himaymay ng kanyang mga kalamnan. Aria, nasaan na ang galit mo para sa lalaking naging dahilan ng kamatayan ng kapatid mo? Galit ka dapat sa kanya, `di ba? pangungumbinsi ng isip niya. Totoong nagalit siya kay Randall noon. Kahit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maiwasang maramdaman iyon, lalo na kapag naaalala niya ang maagang pagkawala ng kanyang kapatid. Tila lalong nanunuksong hinapit pa siya ni Randall nang husto. “Aren’t you acting a little naïve here? Remember that drug you used on me? do you still have it? Throw it away, darling, because this time around we won’t need it. I’m very much willing to jump into—” Nagpanting ang mga tainga ni Aria sa narinig. “You’re asking me how well you performed that night? Do you want an honest answer? Okay, hear me out, Randall Clark. I was really disappointed with you that night. It was the worst performance I could ever imagine. It was a bit boring, too,” pahayag niya. Tingnan ko lang kung hindi ka mainsultong lalaki ka! “I still wonder until now, what if I had gone for Arthur Franz instead of you? Maybe he would have satisfied me that night. Hindi siguro nasayang ang pagod ko.” Nagdiwang ang kalooban ni Aria nang dumilim ang mukha ni Randall. Nag-isang-linya ang mga kilay ng lalaki at tumiim ang mga bagang, nainsulto marahil sa mga binitiwan niyang salita. Natigil sa pagpapalakpak  ang mga tainga ni Aria nang lumipat sa kanyang batok ang mga kamay ni Randall na nakahawak sa kanyang baywang. Nanlaki ng kanyang mga mata nang marahas na sakupin ng mga labi ni Randall ang kanyang mga labi. Nananalakay ang dila nito sa loob ng kanyang bibig. Nagpaparusa at nananakit ang halik nito hanggang sa unti-unti iyong naging malumanay na tila ninanamnam ang kanyang mga labi. Tigagal si Aria sa pangyayari. Paano nangyari ang bagay na iyon at bakit hinahayaan niya si Randall? Pumikit si Aria nang mariin at buong lakas na itinulak si Randall. Tila nagulat namang nagmulat ng mga mata ang lalaki na tila nagising mula sa isang magandang panaginip. Buong tapang na sinalubong niya ang tingin ni Randall. “Is that the best you can do? It wasn’t satisfying either, Randall. I’ve had much better than that. Now go!” mataray na wika niya. Malaking porsiyento din ng lakas ang kinailangan niya upang hindi magpakita ng emosyon. Hindi dapat malaman ng lalaki na apektado ang kanyang buong sistema dahil sa paghalik nito sa kanya. Na muntikan nang pumulupot nang kusa ang kanyang mga braso sa leeg nito at humingi ng mas malalim na halik. Because no matter how much she denied it, Randall was a good kisser. But she had no intention of selling herself. “A-Aira…” Mababakas ang pagkalito sa mukha ni Randall. “Just leave, please.” Pero hindi tuminag ang lalaki sa kinatatayuan. “Ano pa ba ang hinihintay mo? I said go, leave and never bother me again!” Ilang sandaling tumitig muna si Randall sa kanya bago nagsalita. Halo-halo ang emosyong nagsasalimbayan sa anyo nito bagaman agad ding nawala ang mga iyon. “Hindi ko alam kung ano ang nangyari pero sinasabi ko nang hindi ako basta aalis o lalayo, Aira. Not until I get what I want. So, prepare yourself, darling, because you’re going to see more of me.” Naglakad na si Randall patungo sa pinto. Pero bigla ring huminto at nilingon siya. “Oh, and one more thing. Even if you deny it, your body said otherwise. You know what I mean, right?” Nilabanan ni Aria ang tingin ni Randall. “And what do you want? You want to explore and ravish this body? Kung ibibigay ko ba ito sa `yo, maipapangako mo bang titigilan mo na ako? Na hindi ka na magpapakita sa akin kahit kailan?” Lihim na pinagalitan ni Aria ang sarili nang ma-realize ang implikasyon ng sinabi. Please, Lord, huwag sana niyang patulan ang sinabi ko. nagkaroon siya ng lakas ng loob nang mabasa sa anyo ni Randall na hindi nito papatulan ang sinabi niya. Tumayo siya nang tuwid. “Do whatever you want with me, hindi kita pipigilan.” Hindi tuminag si Randall ngunit naningkit ang mga mata  na tila ba hindi nagustuhan ang mga sinabi niya. “Ano pa’ng hinihintay mo? Gusto mo bang ako na ang magtanggal ng mga damit na ito?” nang-iinsultong tanong niya. “In due time, Aira. In due time I’ll get what I want,” ani Randall at saka tuluyan nang lumabas ng silid. Halos magiba ang pinto sa lakas ng pagkakabagsak niyon. Nanghihinang napaupo si Aria sa ibabaw ng kanyang desk. Mabuti na lang at hindi pinatulan ni Randall ang hamon niya. Kung nagkataon ay hindi niya alam ang gagawin.         
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD