Chapter 3

2723 Words
CHAPTER three   Kagigising lamang ni Aria at katatapos lamang maghilamos nang makarinig siya ng mga katok. Ni hindi pa nga siya nakakapagsuklay. Pinatungan na lamang niya ng roba ang suot na manipis na nightgown, kapagkuwa’y tinungo na ang front door upang buksan iyon. Si Dad talaga, nakalimutan na naman siguro ang duplicate key niya. Iiling-iling na tinakbo ni Aria ang natitira pang espasyo patungo sa pinto. “Da— R-Randall!” Ganoon na lang ang pagkagulat ni Aria nang imbes na ang ama ang mapagbuksan ay ang lalaking hindi maitago ang maluwang na ngiti habang hinahagod ng tingin ang kanyang kabuuan ang naroon. “You look like a woman fresh out of bed after making—” “Ano’ng ginagawa mo rito nang ganito kaaga? At paano mo nalaman itong bahay ko?” agad na putol ni Aria sa sinasabi ni Randall. Mukhang maagang masisira ang araw niya dahil sa lalaki. Napaatras siya nang hagurin ng kamay ni Randall ang magulo niyang buhok. “Why, were you expecting someone else? `Yong matanda ba na kagagaling lang dito kahapon?” “Anong—” “You prefer older men now, Aira?” tanong ni Randall na nahapit na ang kanyang baywang nang hindi niya namamalayan. Inilapit pa ng lalaki ang ulo sa kanyang leeg. “You smell good,” pabulong na wika nito. Kinilabutan si Aria sa pagdampi ng mainit na mga labi ni Randall sa kanyang leeg. Hindi niya nagugustuhan ang pagdagsa ng sanlibo’t isang sensasyon sa kanyang katawan, na tila anumang sandali ay nanganganib na bumigay. Galit ka sa lalaking iyan, Aria! `Yan ang isipin mo! “R-Randall…” pigil ang hiningang wika ni Aria  na hindi rin niya alam kung para saan. Napakabilis ng t***k ng kanyang puso dahilan para mahirapan siyang huminga. “You feel it too, sweetheart, don’t you? You want it as much as I do,” bulong ni Randall na nagpatindig na naman sa kanyang mga balahibo. Humaplos ang kamay ng lalaki sa kanyang likod. “I can prove to you that I’m way better than that old man, sweetie.” Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig si Aria sa sinabi ni Randall. Paanong pumasok sa isip ng lalaki  na karelasyon niya ang sariling ama? Agad na bumitiw si Aira kay Randall at nanghihinang tumalikod. Muntikan na naman siyang ipagkanulo ng kanyang katawan. Bakit ba tuwing napapalapit siya kay Randall ay hindi niya makontrol ang sarili? “Ano ba ang ginawa mo sa akin, Aira? Bakit hindi ka na mawala sa isip ko? Bakit gusto kitang laging makita at mahawakan?” frustrated na tanong ni Randall. “Huwag mong guluhin ang buhay ko, Randall. Nananahimik na ako rito. Please lang, bumalik ka na sa mundong ginagalawan mo. Umalis ka na!” Ngunit sa halip na umalis ay tinungo ng lalaki ang sofa at kampanteng umupo roon. “No, sweetheart. Ikaw ang unang nanggulo sa mundo ko. It’s my turn now to do the same to you.” Marahas na napabaling si Aria kay Randall. “Nakikiusap ako, kung ano man ang nangyari noon, kalimutan mo na lang sana. Please,” desperadong pagmamakaawa niya. Kinakabahan na rin siya sapagkat anumang sandali ay maaaring magising na si Honeyleen. Tila naantig naman si Randall sa pakiusap niya, nabahiran ng pagkalito at pag-aalinlangan ang anyo. Ilang sandaling natahimik ang lalaki na tila pinag-iisipan kung ano ang isasagot sa kanya bago nagsalita. “Ang hindi ko lang maintindihan, bakit noon ay hindi mo nakuha ang atensiyon ko kahit na ano ang gawin mo? And believe me, nakalimutan na kita, Aira. Ni hindi na nga kita maalala… Then all of a sudden, after six years, isang kita ko pa lang sa `yo ay hindi ka na mawala sa isip ko. Bakit? Just give me one satisfying answer and I’ll leave you in peace.”  Dahil dalawang tao kami, Randall. Si Aira ang nakilala mo noon. At ako, si Aria, ang nasa harap mo ngayon. Nahigit ni Aria ang hininga. Kung ganoon lang sana kasimple ang lahat. Subalit maraming hindi alam si Randall sa nangyari. Mga bagay na hindi niya maaaring basta sabihin sa lalaki. “S-siguro dahil hindi na ako katulad ng dati. Nawala na ang interes ko sa iyo. I’ve changed, and I’ve changed a lot.” “Yeah, you’ve changed a lot. I can see that,” mahinang wika ni Randall. Akala ni Aria ay maayos na ang pag-uusap nila subalit ilang sandali lamang ay bumalik na naman ang nakalolokong tingin ng lalaki. “Get out, Randall. Makakaalis ka na!” sikmat niya. “Ouch! That hurts, sweetie. Hindi mo man lang ba ako aaluking magkape? Luluwas ako sa Maynila, hinihintay ko lang na dumating ang chopper ni Art. I wanted to see you so I came here early. May gusto ka bang bilhin ko? Pasalubong or something.” Ikinagulat ni Aria ang biglang pagbabago ng tono ni Randall. Kung kanina ay parang nang-aakit at nang-iinsultong hindi mawari, ngayon ay banayad na ang boses ng lalaki na tila ba obligasyong magpaalam sa kanya kung saan man ito tutungo. Pati na ang pagtatanong ng gusto niyang pasalubong ay may bahid ng paglalambing. Nagmamartsang nagtungo si Aria sa kusina at nagtimpla ng kape. Baka sakaling umalis na si Randall kapag pinagbigyan niya ang hiling nito. Biglang nanigas ang kanyang mga kamay na naghahalo ng kape nang may maalala. Sa harap ng sofa na kinauupuan ni Randall ay ang mga photo album ni Honeyleen. Para iyong mina ng bomba na anumang sandali ay sasabog sa harap ng lalaki kapag nagkataon. Oh, please no!   Nagmamadaling bumalik sa sala si Aria at ganoon na lang ang panlalamig ng buong katawan sa nadatnang eksena. Huli na siya dahil hawak na ni Randall ang isang photo album. Kitang-kita niyang nanginginig ang kamay ng lalaki habang panay ang pagbuklat sa mga pahina ng photo album. Nag-angat ito ng tingin at nagtatanong ang mga matang itinutok sa kanya. “A-ano’ng ibig sabihin ng lahat ng ito, Aira? Explain all this and explain well,” mapanganib ang tinig na sabi ni Randall, nagbabadya ng unos ang naniningkit na mga mata. “C-computerized lang a-ang lahat ng iyan, Randall. P-photoshopped,” hindi magkandatutong paliwanag niya. Ang mga nakita ng lalaki ay mga litratong magkasama ito at si Honeyleen mula noong sanggol pa lamang ang bata at habang lumalaki. Mayroon ding mga larawang magkakasama silang tatlo. Kinuha lang ni Aria sa mga magazine ang mga litrato ni Randall at inayos sa Photoshop upang maretoke iyon at maisama sa mga larawan ni Honeyleen. Kahit na sinong may alam sa Photoshop ang tumingin ay malalamang peke ang mga iyon. Ngunit ano ang alam ng isang bata sa peke at hindi pekeng litrato na ang tanging gusto ay magkaroon ng imahen ng ama? Tumayo si Randall at itinukod ang dalawang kamay sa pasimano ng bahay, tumanaw sa malawak na karagatan. Namumuti ang mga buko ng kamay sa mahigpit na pagkakahawak sa pasimano. Ang muscles nito sa mukha ay bahagya ring nagsisipaggalawan. “S-she’s my daughter,” kapagkuwa’y sabi ni Randall sa mahinang tinig. Tila siguradong-sigurado sa mga binitiwang salita. “N-no, she’s n-not,” agad na tanggi ni Aria kahit pa alam niyang hindi niya basta makukumbinsi si Randall sa mga salitang iyon. Marahas na bumaling sa kanya ang lalaki. “Huwag mong bilugin ang ulo ko, Aira! Anak ko ang bata sa mga litratong nariyan. Hindi maitatago na nananalaytay sa kanyang mga ugat ang dugong Clark sa hitsura niya! Nagbunga ang nangyari ng gabing iyon, hindi ba?” nagngangalit ang mga bagang na tanong nito, tila tinitimpi ang tuluyang pag-alpas ng galit. Walang maisagot si Aria sa mga paratang ni Randall dahil tama ito. Kuhang-kuha ni Honeyleen ang hitsura ng mga Clark. Kaya nga pinangangambahan niyang makita ang bata ng sino mang may kaugnayan kay Randall. Ganoon na lang ang panggigilalas ni Aria nang akmang tutunguhin ni Randall ang silid sa ikalawang palapag ng bahay. Nanginginig ang mga kamay na hinawakan niya ang braso ng lalaki upang pigilan ito. Huminto si Randall sa paghakbang, matamang tinitigan ang mga kamay niyang pumipigil dito. Nakakatakot ang tinging ipinupukol ng lalaki sa kanya. Parang bulkan na naglalabas ng nag-aapoy na magma ang mga mata nito. Parang napasong inalis ni Aria ang mga kamay sa braso ni Randall. Wala siyang nagawa kundi habulin na lamang ng tingin ang likod ng lalaki habang malalaki ang hakbang na tinutungo ang itaas ng bahay. Nanghihinang napaupo si Aria sa sahig kasabay ng pagbuhos ng mga luha. Humahagulhol na niyakap niya ang mga tuhod at isinubsob sa mga iyon ang kanyang ulo. Dumating na ang panahong kinatatakutan niya. Kahit na anong tago ang gawin niya, makikita na ni Randall si Honeyleen. At nasisiguro niyang gagawin ng lalaki ang lahat ng paraan makuha lamang sa kanya si Honeyleen. Dahil sa paningin ni Randall, siya si Aira Ledesma, ang babaeng walang ibang ginawa kundi ang mang-akit ng mga lalaki sa kaliwa’t kanang mga party. Isang mababang uri ng babae na hindi dapat pag-ukulan ng pansin ng mga tulad ni Randall. At wala siyang pagkakataon para ipagtanggol ang sarili sa mga paratang ng lalaki. Ano nga ba naman ang maaaring maging paliwanag niya sa mga pinaggagawa ng kanyang kapatid noon? Tanggapin kaya ni Randall kapag sinabi niyang pagmamahal ang nagtulak kay Aira para gawin ang bagay na iyon? Baka pagtawanan at insultuhin lang siya ng lalaki. At kapag sinabi niya iyon, malalaman nito na hindi siya ang ina ni Honeyleen. Mas madali nitong makukuha sa kanya ang bata. Umiyak nang umiyak si Aria. Awang-awa siya sa sarili. Hindi niya alam ang gagawin kapag nawala sa kanya si Honeyleen. Wala siyang laban kay Randall at sa impluwensiya nito. Alam niya iyon.   ANG NAGBABAGANG bugso ng damdamin ni Randall ay bahagyang napawi sa nadatnang hitsura ng ina ng kanyang anak. Nakaupo si Aira sa lapag, yakap-yakap ang mga tuhod at umiiyak. Basang-basa ng luha ang mukha ng babae. Never did it cross his mind that he would see her like that—animo basang-sisiw na hindi malaman kung saan susuling. Tila may kung anong humaplos sa kanyang puso upang pawiin ang nagpupuyos na damdamin. Nagpakawala si Randall ng marahas na hininga bago nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig. Nagagalit siya kay Aira. Paano nito nagawang itago sa kanya ang anak niya? Gayunman, hindi rin niya kayang makita si Aira sa ganoong sitwasyon. Lalong naninikip ang kanyang dibdib sa hitsura nitong animo pinagsakluban ng langit at lupa. Pumitlag si Aira nang hawakan niya sa mga braso at itayo. Tinuyo niya ang mukha ng babae bago ito pinaupo sa sofa at pinainom ng tubig. “Paano mo nagawa ito, Aira?” tanong ni Randall pagkaraan ng ilang sandali. Kalmado na ang babae at siya naman ay bumabalik na uli ang galit sa dibdib. “N-nakikiusap ako, Randall, please, huwag mong kukunin sa akin ang anak ko,” garalgal ang boses na sabi ni Aira kasunod ng muling pagtulo ng mga luha. Nag-iwas si Randall ng tingin. Hindi niya alam kung bakit naaapektuhan siya sa nakikitang paghihirap ng kalooban ni Aira. “A-ano’ng pangalan niya?” naghihirap ang loob na tanong niya. Tila may kung anong nakabara sa kanyang lalamunan na nagpapahirap sa kanya na huminga. May anak na pala siya ngunit hayun at ni hindi niya alam ang pangalan ng kanyang anak. “H-honeyleen. Honeyleen Rendall… Clark.” Mapait na napangiti si Randall kasabay ng pagpatak ng kanyang mga luha. “Honeyleen Rendall Clark… Dapat ko bang ikatuwa na ipinangalan mo siya sa akin? Na hindi mo ako tuluyang binura sa buhay niya?” tanong niya sa basag na tinig. Marahas na pinahid ni Randall ang mga luha at nakapamulsang nagpalakad-lakad sa sala. Nakita na niya ang kanyang anak, mahimbing pang natutulog ang bata. Hindi maikakailang siya nga ang ama ni Honeyleen. Ramdam niya iyon. Napatunayan niya na totoo ang sinasabi ng marami na lukso ng dugo. Para siyang tinadyakan sa sikmura pagkakitang-pagkakita pa lamang niya sa mga retokadong litrato. Gusto niyang magwala sa isiping halos anim na taon na palang wala siyang kamalay-malay na may isang paslit na nangangailangan ng kanyang kalinga. Ipinagkait ni Aira sa kanya ang pagkakataong iyon. Gayunman, sa kaloob-looban ni Randall ay gusto rin niyang malaman kung naging maayos ba ang pagbubuntis ni Aira. Kung hindi ba nahirapan ang babae habang dinadala sa sinapupunan nito ang kanyang anak. Kung sino ang nagbigay ng mga gusto nitong kainin sa panahong naglilihi ang babae. Kung sino ang umalalay at nag-alaga rito kapag may morning sickness at mood swings. “Ano ang alam ng bata sa akin?” kapagkuwa’y tanong ni Randall. Gusto niyang mapasigaw kanina nang makita si Honeyleen sa silid nito. Punong-puno ng mga drawing ng bata ang isang panig ng dingding. Karamihan sa mga iyon ay tungkol sa pamilya—may ama, ina, at anak. “R-Randall, please—” “Answer me, damn it!” Hindi niya napigilan na pagtaasan si Aira ng boses. Walang ideya ang babae kung paano ang ginagawa niyang pagpipigil sa sarili huwag lamang itong masaktan. Palakad-lakad pa rin siya habang si Aira naman ay atubiling nakaupo habang hawak-hawak ng nanginginig na kamay ang dulo ng suot na roba. “A-ang alam niya, nagtatrabaho sa a-abroad ang daddy niya. T-that he’ll be coming home soon with a lot of Barbie dolls for her,” paputol-putol na sagot ni Aira. Nagtatagis ang mga bagang na nasuntok ni Randall ang isang bahagi ng dingding ng bahay. Sumakit ang kanyang kamay ngunit mas masakit pa rin ang kanyang loob. “He’ll be coming home then. Tomorrow!” pinal na sabi niya. Nag-angat ng tingin si Aira at umiling. “N-no…” Malalaki ang hakbang na lumapit si Randall sa kinauupuan ng babae, at hinawakan ito sa magkabilang balikat at bahagyang niyugyog. Alam niyang nag-aapoy sa galit ang kanyang mga mata. “Whether you prepare her or not, I’m coming home tomorrow, galing sa abroad at maraming dalang pasalubong para sa kanya. Just like you planted in her mind. Naiintindihan mo?” Padarag na binitiwan niya si Aira nang makita ang pagngiwi ng babae dahil marahil sa higpit ng pagkakahawak niya sa mga balikat nito. He was so mad, and yet he couldn’t stand seeing her hurt. “Hindi pa tayo tapos, Aira,” banta niya at saka tinungo ang pinto. Kailangan niyang lumayo muna kay Aira habang nakokontrol pa niya ang galit. Baka pagsisihan niya ang maaaring magawa rito kapag hindi pa siya umalis. Muling nilingon ni Randall si Aira. Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak ang babae. Hindi niya maintindihan kung bakit parang gusto niya itong balikan, ikulong sa kanyang mga bisig, at sabihing maaayos din ang lahat, na aayusin niya ang lahat. “Don’t you dare hide her again from me! I’m warning you, Aira. Alam mo kung ano ang mga kaya kong gawin,” mariing wika niya. “One more thing, I don’t want to see that old man here ever again!” “N-no, Randall, he’s my—” “Naiintindihan mo?” bulyaw niya. Tila napipilitang tumango si Aira. Tuluyan nang tinalikuran ni Randall si Aira at saka nagtungo sa kabilang resort. Doon niya inilabas ang lahat ng tinitimping galit. Subalit ano mang galit niya kay Aira, ang isang bahagi ng kanyang isip ay pilit itong binibigyan ng katwiran at pang-unawa. Hindi nga ba at halos mapatay niya ang babae noon nang malaman niyang ginamitan siya ng droga? Halos manginig ito sa takot nang umagang iyon. Kung ano-anong pang-iinsulto ang inani ni Aira mula sa kanya, gayundin ang mga banta. At pagkatapos ng insidenteng iyon ay hindi na ito nagpakita sa kanya. Nang lumayo na si Aira ay nakahinga siya nang maluwag. Sa wakas ay hindi na guguluhin ng babae ang buhay niya. Para sa kanya, isa lamang si Aira sa mga babaeng social climber na gagawin ang lahat makabingwit lamang ng isang tulad niya. Minsan nga ay iniisip niya, paano kaya kung hindi si Senator Clark ang kanyang ama? Paano kung hindi siya mayaman at hindi kabilang sa alta-sosyedad? May maghahabol kayang mga babae sa kanya? But he was Randall Clark. Pangalan pa lang niya ay napakarami nang ipinakakahulugan.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD