Chapter 4

2808 Words
CHAPTER four   “ANO PO `yon, Mommy? Sabihin n’yo na po,” ungot ni Honeyleen kay Aria. Kanina pa siya kinukulit ng bata kung bakit niya ito binibihisan at inaayusan. “Kapag sinabi ko ngayon, di hindi na `yon magiging surprise, baby,” ani Aria habang sinusuklay ang buhok ni Honeyleen. Katulad na katulad ng buhok ni Randall ang buhok ng bata—kulot ngunit pino ang mga hibla at mamula-mula kapag tinatamaan ng sinag ng araw. Hinagkan ni Aria ang buhok ni Honeyleen. Mayamaya ay narinig na niya ang tunog ng humintong sasakyan. Naroon na naman ang pagkabog ng kanyang dibdib na nagiging pamilyar na sa kanya. She knew the inevitable moment had finally come and there was no way to avoid it. Kailangan lang niyang ihanda ang sarili sa mangyayari at sa mga maaari pang mangyari. Hinawakan niya ang kamay ni Honeyleen. “Let’s go outside, baby. Mukhang dumating na ang sorpresa mo.” Namilog ang mga mata ng bata at nagmamadaling tumakbo palabas sa bakuran habang hila-hila siya sa kamay. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ni Aria nang marating nila ang front door at tumambad ang isang van. Animo slow-motion na dahan-dahang bumukas ang pinto ng sasakyan at iniluwa niyon si Randall. Naramdaman niya ang paghigpit ng pagkakahawak ni Honeyleen sa kanyang kamay. Tumingin ang bata sa kanya, nagtatanong ang mga mata at humihingi ng kumpirmasyon. Marahang ngumiti si Aria at saka tumango. Bumaling uli si Honeyleen kay Randall. “D-Daddy? Dad!” Halos madurog ang puso ni Aria nang bumitiw si Honeyleen sa pagkakahawak sa kanya at patakbong lumapit kay Randall. Hindi maitago ang pananabik sa mukha ng bata. It was a kind of happiness she had never seen before in her little girl’s face. Patakbo ring sinalubong ni Randall si Honeyleen at maingat na niyakap nang buong higpit, na para bang sa pamamagitan ng yakap na iyon ay mapapawi ang ilang taong nawala sa mag-ama. Nakagat ni Aria ang ibabang labi nang mamula ang mga mata ni Randall at pasimpleng pinunasan ang mga butil ng luhang tumakas mula sa mga mata nito. Tila may kung anong nakabara sa lalamunan ng lalaki at panay ang lunok habang nakapikit at hinahaplos ang buhok ni Honeyleen. “Daddy! It’s really you, Daddy!” tili ni Honeyleen habang panay ang haplos ng maliliit na kamay sa mukha ni Randall, pagkatapos ay pinupog iyon ng matutunog na halik. “Oh, sweetheart, I missed you so much!” “Hindi ka na aalis, `di ba, Daddy? Please, Daddy, `wag ka na pong umalis. Ayoko na ng Barbie dolls, basta nandito ka lang. Please po…” Napatda si Aria sa mga salitang binitiwan ni Honeyleen. Ganoon na ba katindi ang pangungulila ng bata sa isang ama? Limang taon lamang si Honeyleen pero ganoon na pala kalalim ang isip nito. Bakit hindi niya nakita ang bagay na iyon? “No, sweetheart. Hindi na aalis si Daddy. Dito na lang ako. Miss na miss kita nang sobra,” sagot ni Randall na tumingin sa kanya na tila para sa kanya ang mga salitang iyon. Nag-iwas si Aria ng tingin. Hindi niya alam ang gagawin ngayong hindi na lamang nasa kanya ang atensiyon ni Honeyleen, may kahati na siya. Ikinatatakot din niya na baka hindi lang basta kahati si Randall. Baka tuluyan nitong agawin at ilayo sa kanya si Honeyleen. “Marami akong dalang pasalubong, baby. `You wanna see them?” mayamaya ay sabi ni Randall kay Honeyleen. “Mamaya na lang po, Daddy. Sa `yo lang muna po ako, ha?” sagot ni Honeyleen na animo matanda na kung magbitiw ng mga salita. Akala ni Aria, kapag narinig ng bata ang salitang “pasalubong” ay matutuon doon ang atensiyon nito. Nagkamali siya. Mukhang nangungulila talaga si Honeyleen sa isang ama. “Miss na miss po kita Daddy,” wika pa nito bago isinubsob ang mukha sa leeg ni Randall habang ang maliliit na bisig ay nakasampay sa mga balikat ng lalaki. Halatang ikinatuwa ni Randall ang sinabi ni Honeyleen dahil hindi maitago ang pagngiti ng mga mata nito. Hindi naiwasan ni Aria na makaramdam ng paninibugho. Hindi pa man ay tila unti-unti nang nawawala sa kanya si Honeyleen. Alam niyang may karapatan si Randall kay Honeyleen. Sa pangalan at kapangyarihang taglay ng lalaki, kayang-kaya nitong makuha ang pabor ng korte kung sakali mang aabot sila roon. Ipinikit ni Aria ang mga mata at saka pasimpleng pinunasan ang mga luhang umalpas mula sa mga iyon. Malaking laban ang haharapin niya kung sakali. At paano siya papasok sa labang iyon kung sa simula pa lang ay alam na niyang talo siya? Tatalikod na sana si Aria nang marinig niya ang pagtawag ni Honeyleen. “Mommy!” Pilit siyang ngumiti na muntik nang maging ngiwi nang mapansin niyang nakatingin din sa kanya si Randall. Karga si Honeyleen na tumayo si Randall at malalaki ang hakbang na lumapit sa kinaroroonan niya. “Hi, sweetheart. I missed you,” malambing na pahayag ng lalaki. Aria froze when Randall’s lips touched hers. Mabilis lamang iyon at alam niyang para lamang iyon sa mga mata ni Honeyleen. “Na-surprise din si Mommy, `di ba, Daddy? Hindi siya makapagsalita. Sige na, Mommy, tell Daddy you love him very much para hindi na siya mag-work sa abroad,” sabi ni Honeyleen na binigyan pa siya ng nang-eengganyong tingin. Nag-init ang mukha ni Aria sa narinig. Saan ba nakukuha ni Honeyleen ang mga sinasabi? Masyado ba niya itong hinahayaang manood ng TV? Pero alam niyang may kasalanan din siya roon dahil halos itanim niya sa isip ng bata na mahal na mahal niya ang ama nito. “Mommy is also happy to see me, baby,” ani Randall kay Honeyleen nang hindi pa rin siya umimik.   “Come on, let’s go inside. I’m hungry.” Inakbayan siya ni Randall. Naramdaman ni Aria ang bahagyang pagpisil ng lalaki sa kanyang balikat bago siya iginiya papasok sa bahay. Parang tuod na nagpapadala na lamang si Aria sa agos.   MULING pinahid ni Aria ang mga luhang kanina pa ayaw paawat sa pagtulo. Bumibingi sa kanya ang mataginting na halakhak nina Honeyleen at Randall mula sa sala habang nasa kusina siya at naghahanda ng pagkain. Hindi niya alam kung paano nagawan ng paraan ni Randall na makapamili ng ganoon karaming laruan, damit, sapatos, at kung ano-ano pa sa loob lamang ng maikling oras. Pulos imported ang mga iyon. Kunsabagay, may imposible nga ba para sa isang Randall Clark? mayaman at maimpluwensiya ang lalaki. Dahil sa pagkataranta at panginginig ng mga kamay ay nabitiwan ni Aira ang hawak na baso at bumagsak iyon sa sahig. She silently cursed herself for being so clumsy. “Don’t move,” narinig niyang utos ni Randall na hindi niya namalayan ang pagpasok sa kusina. “Nasaan ang walis at dustpan?” hindi ngumingiting tanong ng lalaki. Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Aria. Marunong bang humawak ng walis at dustpan ang isang Randall Clark? Gayunman, itinuro din niya ang stockroom sa isang bahagi ng kusina. “I said don’t move, damn it!” pigil ang pagtaas ng boses na sabi ni Randall nang tangkain niyang humakbang. Gustong mapakunot-noo ni Aria. Bakit ba nagagalit ang lalaki? Ano naman ngayon kung humakbang siya? Hindi naman siya tanga para tapakan ang nagkalat na bubog sa sahig. At kung sakali mang matapakan nga niya ang mga iyon, hindi naman siguro niya ikamamatay ang sugat na lilikhain ng bubog. “There,” ani Randall nang maipon na ang lahat ng bubog sa dustpan. Hmm, marunong palang humawak ng walis ang loko. Kung naiba-iba lang ang sitwasyon ay baka natawa na siya sa hitsura ni Randall. “Relax a bit, will you?” wika nito. Akala ni Aria ay lalabas na si Randall ngunit lumapit sa kanya ang lalaki at bago pa niya mahulaan ang gagawin nito ay naidampi na nito ang daliri sa malalaki niyang eye bags. “Stop crying…” marahang sabi ni Randall, saka hinagkan ang kanyang mga mata. Kapagkuwa’y lumabas na ang lalaki ng kusina. Naiwan si Aria na naguguluhan.   “HMM… MASARAP,” tumatango-tangong wika ni Randall nang matikman ang sinigang na niluto ni Aria. Alam ni Aria na paborito ni Randall ang sinigang dahil nabasa niya iyon sa isang magazine. Hindi niya alam kung bakit iyon ang napili niyang iluto. She was not supposed to do anything to please him. “Hindi ko alam na may ibang talent ka pa pala. I thought partying and chasing men were the— Aww!” Mariing sinipa ni Aira si Randall sa ilalim ng mesa. Nang-iinsulto na naman ang lalaki at ikinaiirita niya iyon. Hindi niya matanggap ang uri ng pagkataong ibinabato nito sa kanya, lalo na kung kaharap nila si Honeyleen. Hindi naman talaga para sa kanya ang mga iyon kundi para sa kanyang kapatid. Ngunit nasasaktan pa rin siya para kay Aira. “Bakit po, Daddy?” nagulat namang tanong ni Honeyleen sa pag-“aray” ng ama. “Napaso lang si Daddy, baby,” pagdadahilan ni Randall bagaman salubong ang mga kilay na tumingin sa kanya. Nginisihan lamang ni Aria si Randall at pinuno ng pagkain ang hawak na kutsara at isinubo iyon sa lalaki. “Here. Kainin mo lahat ito, ha? Pinaghirapan ko `yan.” Nginitian niya si Randall nang pagkatamis-tamis at sinubuan nang sunod-sunod. Hindi makatanggi ang lalaki dahil nakatingin dito si Honeyleen. Puno ng tagumpay ang ngiting ipinaskil ni Aria sa kanyang mga labi. Mabulunan ka sana! “Ang sweet po ni Mommy, `di ba, Daddy?” aliw na aliw namang sabi ni Honeyleen. Nilunok muna ni Randall ang laman ng bibig bago sumagot. “Your mom is really sweet, baby,” anito, saka siya tinapunan ng masamang tingin. “And Mommy loves children, too, Daddy. She loves to cuddle and take care of my playmates,” pagbibida ni Honeyleen. Hmm, mukhang ganadong dumaldal ang batang ito ngayon. “I know that, baby. In fact, hindi lang sa bata mahilig si Mommy, gusto rin niya ng matan— Aww!” Muling sinipa ni Aria si Randall nang malakas. Pulos kabulastugan at pang-iinsulto ang lumalabas sa bibig ng lalaki. Makakalbo yata siya nang wala sa oras sa konsumisyon dito.   HINDI mapagdesisyunan ni Aria kung ang pajama set ang isusuot sa pagtulog o ang nakasanayan nang manipis na nighty. Kapag ang nighty ang isinuot niya, baka isipin ni Randall na inaakit niya ito. Kapag ang pajama naman ang pinili niya, magmumukha siyang katawa-tawa sa harap ng lalaki dahil hindi ganoon si Aira Ledesma na kilala nito. Sa huli ay pumili na lamang si Aria ng nighty na hindi ganoon kanipis at hindi rin mapaparatangan na konserbatibo. Lumabas na siya ng banyo. Nakabuo na sila ni Randall ng setup sa pagtulog habang naroon ito sa bahay niya—siya sa kama at ang lalaki naman ay sa comforter sa lapag. “Ganyan ka ba katagal magbanyo?” pang-iinis na naman ni Randall ngunit hindi naman maitago ang paghanga sa mga mata. Hindi na lamang pinansin ni Aira si Randall. Tinungo na niya ang kama at humiga roon. Pipilitin niyang makatulog na para bang wala siyang kasama sa silid. Bagaman nagdududa siya kung magagawa niya iyon. Hindi madaling bale-walain na lang basta ang presensiya ni Randall. At tila wala ring balak ang lalaki na bigyan siya ng katahimikan. Bigla itong sumampa sa kama at itinutok sa kanya ang mga mata. Ikinainis naman niya iyon. “Don’t you know that it’s impolite to stare?” sikmat niya. “Absent ako nang ituro `yan sa school, sweetheart. O baka tulog ako,” nakangising sagot ni Randall. Hinila na lamang ni Aria ang comforter niya at saka nagtalukbong. Ngunit ganoon na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang mayamaya lang ay maramdaman niya ang pagdantay ng kamay ni Randall sa kanyang katawan. Bumalikwas si Aria ng bangon. “Ano ba’ng ginagawa mo?” naiinis na sita niya kay Randall. “Wala pa, gagawin pa lang,” anang lalaki habang unti-unting inilalapit ang mukha sa kanyang mukha. Nagmamadaling bumaba ng kama si Aria at nakapamaywang na nagpalakad-lakad sa loob ng silid. Pinipilit niyang kalmahin ang sarili sa pamamagitan ng pagbibilang. Delikado kapag masyadong malapit sa kanya si Randall. Hindi niya nagugustuhan ang reaksiyon ng kanyang katawan sa lalaki. “Saan ka pupunta?” Mabilis na nakalapit sa kanya si Randall nang akmang tutunguhin niya ang pinto. “M-magpapahangin lang sa—” Nabitin sa hangin ang anumang sasabihin ni Aria nang pumulupot ang mga bisig ni Randall mula sa kanyang likuran at dampian ng halik ang kanyang buhok. Napapikit na lang siya sa ginawa ng lalaki. Aminado siya na may atraksiyon siyang nadarama kay Randall kahit noon pang sa mga litrato pa lang niya nakikita ang lalaki. Mahirap iyong paglabanan, lalo na nang makaharap na niya ang lalaki nang personal. Nagalit siya kay Randall nang magbuntis ang kanyang kapatid pero nais ni Aira na mawala ang galit niyang iyon. At nang maiwan sa kanya si Honeyleen, pakiramdam niya ay para na ring napalapit sa puso niya si Randall. Kung sa ibang pagkakataon nagkrus ang mga landas nila, posible kayang mahalin siya ni Randall? Imposible sigurong mangyari iyon. Dahil tuwing itututok ng lalaki ang mga mata sa kanya, tanging pagnanasa ang nababasa niya sa mga iyon. Paano ba niya malalabanan o masusupil ang damdamin kung sa bawat paglapat ng kamay ni Randall sa kanyang katawan ay libo-libong sensasyon ang nabubuksan at sanlaksang init ang nananalaytay sa bawat himaymay ng kanyang kalamnan? Napapitlag si Aria nang pihitin siya ni Randall paharap dito. “Open your eyes, sweetheart,” marahang udyok nito sa kanya. Dahan-dahang iminulat ni Aria ang mga mata. “R-Randall…” “You can’t deny it, Aira. You feel it, too, don’t you?” Pinaglandas pa ni Randall ang isang daliri sa kanyang pisngi. Napatitig na lamang si Aria sa mga labi ni Randall na dahan-dahang lumalapit sa kanya. Napalunok siya. Itanggi man niya, batid niyang mula nang halikan siya ng lalaki noon ay lihim na niyang inasam na muling maglapat ang kanilang mga labi. Bahala na. Bago pa magbago ang isip ay sinalubong na ni Aria ang mga labi ni Randall at tinapatan ang init niyon. This is so wrong! sigaw ng isip ni Aria. Ngunit traidor ang kanyang katawan. Yes, it may be wrong but it felt good to be kissed by Randall. Ang kanyang mga kamay ay kusang pumulupot sa batok ng lalaki habang patuloy nitong ninanamnam ang tamis ng kanyang mga labi. “Oh, sweetheart…” paanas na sambit ni Randall sa pagitan ng paghalik sa kanya. Nagsisimula na ring maglakbay ang mga kamay ng lalaki sa kanyang katawan. May binubuhay na apoy sa kanyang katawan ang bawat paghaplos ng lalaki. Hindi siya tumutol nang buhatin siya ni Randall patungo sa kama. “Touch me, sweetheart…” habol ang hiningang bulong nito sa kanya. Animo sunod-sunuran na nanginginig ang mga kamay na sinimulan ni Aria na tanggalin ang mga butones ng suot ni Randall na pang-itaas. Sa isang iglap ay nagawa ng lalaki na pagpalitin ang kanilang puwesto at siya na ngayon ang nasa ibabaw ng katawan nito. She was sitting on his torso when he slid his hands inside her nighty. Dinama ng mga kamay nito ang kanyang balat hanggang sa marating ng mga iyon ang kanyang dibdib. Napaungol si Aria. Pakiramdam niya ay lalagnatin siya sa tindi ng init na nadarama. Muling pumaibabaw sa kanya si Randall at tuluyang inalis ang kanyang pantulog. “Sweetheart…” “Mommy! Daddy!” Napaigtad si Aria nang marinig ang tinig ni Honeyleen sa labas ng pinto. Nanggilalas siya nang matanto ang posisyon nila ni Randall. Muntik na niyang isuko ang sarili sa lalaki. Nababaliw na yata siya para gawin iyon. “Mommy! Daddy!” muling pagtawag ni Honeyleen sa kanila. Mabilis na bumangon si Aria at inayos ang sarili. Si Randall naman ay habol ang hiningang dumapa at isinubsob ang mukha sa unan na tila dismayadong-dismayado sa pagkakaantala ng maaaring maganap sa kanila. Tinapik niya ang lalaki sa likod. “R-Randall, get dressed at itago mo sa ilalim ng kama ang mga iyan.” Itinuro niya ang comforter at mga unan sa sahig na siyang tutulugan sana nito. She doubted now if he would still use them. Walang nagawa si Randall kundi sundin ang sinabi niya. Lihim na napangiti si Aria. Nakabadha pa rin sa guwapong mukha nito ang frustration. Tutunguhin na sana niya ang pinto nang kabigin siya ni Randall at siilin ng halik sa mga labi. “There,” anang lalaki nang pakawalan siya. “Mommy!” Napapitlag uli si Aria. Nawala na naman siya sa sarili dahil sa halik na iyon. Kinalma muna niya ang sarili bago tinungo ang pinto at pinagbuksan si Honeyleen.              
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD