Matinding kaba at takot ang naramdaman ni Patrisha nang mga sandaling iyon lalo pa at kasama niya ang kanyang anak. Gusto sana niyang tumakbo ng mabilis habang karga niya ang anak pero hindi niya alam kung paano niya pakikilusin ng mabilis ang kanyang mga paa, hanggang sa…
“Ikaw ang masasaktan kung hindi mo siya bibitiwan.”
Mabilis na napalingon si Patrisha mula sa kanyang likuran sa nagmamay-ari ng tinig na iyon. At doon ay nakita niya ang isang pamilyar na bulto. Agad na bumitaw naman mula sa pagkakahawak ang lalaki sa kanya dahil sa biglaang pagdating at pagsasalita ng tao na iyon. Nakita niya din ang sunod-sunod na paglunok nito na para bang labis itong natatakot ngayon sa pagdating ng kung sino.
“H-Hindi ko alam na kakilala mo pala siya. Pasensya na!” saad ng lalaki bago ito mabilis na kumilos paalis sa kanilang harapan at sumakay sa loob ng sasakyan kasama ang kasamahan nito.
“Okay lang ba kayo, Miss?” tanong ng lalaking nagpaalis sa dalawang lalaking nanggugulo kay Patrisha.
“Ikaw?” kunot-noong tanong naman ni Patrisha dito. Kilala niya ang lalaking ito at hindi siya maaaring magkamali.
“Ako?” Tila ang lalaki naman ay para bang walang kaalam-alam at hindi siya nakikilala.
“Oo, Ikaw. Ikaw na naman? Anong ginagawa mo dito? Teka… don’t tell me… sinusundan mo ako?” hindi makapaniwalang tanong ni Patrisha sa lalaki saka niya hinigpitan ang pagkakakarga sa kanyang anak. Hindi siya maaaring magkamali. Ang lalaking nasa harapan niya ngayon ay ang lalaking nakaengkwentro niya noong gabing magpunta siya sa bar sa Manila. Ito ang lalaking dalawang beses niyang nakabunggo na sa huli ay tumulong din sa kanya noon para tigilan siya ng mga bastos na foreigner na nangungulit sa kanya. Kahit na lasing siya nang gabi na iyon ay bumalik siya sa katinuan dahil sa lalaking ito kaya hinding-hindi niya maaaring malimutan iyon.
“Who is he, Mommy?” pagkuwan ay tanong ni Eros sa kanya.
Mabilis namang napabalin ang tingin ng lalaki sa kanyang anak. Napalunok siya nang manatiling tahimik lamang ang lalaki habang nakatingin lamang kay Eros, kaya naman mabilis na lamang siyang tumalikod dito. Pero pagkuwan ay mabilis din siyang pinigilan ng lalaki sa paglayo.
“Sandali—”
“Stalker ka ba?” Hindi na naituloy ng lalaki ang sasabihin nito dahil sa mabilis na pagputol niya dito.
“Miss Patrisha!” Kapwa silang napalingon mula sa isang maedad na lalaki na papalapit sa kanila. At nang mamukhaan niya kung sino ito ay…
“Mang Ben?” untag niya.
“Ako nga po, Miss Patrisha! Nakakatuwa naman at natatandaan mo pa po ako.” Kilala ni Patrisha ang maedad na lalaki sapagkat ito ang katiwala at ang kasambahay ng Lolo niyang si Don Carlo. Bata pa lamang siya noon nang matandaan niyang nagtatrabaho ito sa kanyang Lolo. “Pasensya na po kayo kung ngayon lamang kami nakarating. Nasiraan kasi kami ng sasakyan kanina. At pagkadating naman dito ay agad akong tinawag ng kalikasan kaya napilitan akong maghanap muna ng banyo. Mabuti na lamang at mabilis kayong nakita nitong pamangkin ko.”
“H-Huh?”
Ipinatong ni Mang Ben ang kamay nito sa balikat ng lalaking pinagbibintangan niyang stalker niya saka ito muling nagsalita, “Pamangkin ko po pala. Si Archer Sebastian. Driver at bodyguard din po siya ng lolo mo,” pagpapakilala ni Mang Ben sa kanya sa lalaking nasa harapan niya.
Literal na napanganga si Patrisha dahil sa pagkapahiya sa lalaking pinagbintangan niyang stalker niya. What a coincidence nga naman! Maiisip niya ba naman kasing driver at bodyguard ito ng lolo niya gayong una niya itong nakita sa bar sa Manila!
“P-Pamangkin niyo po pala siya,” mahina at nahihiyang sambit niya.
“Opo,” tugon ni Mang Ben saka ito mabilis na nakangiting bumalin sa kanyang anak. “Ito na po ba ang anak ninyo?”
Marahang ibinaba ni Patrisha ang anak mula sa matagal na pagkakakarga. “Opo. Eros Paul po ang pangalan niya,” tugon niya kay Mang Ben saka niya nilingon ang anak. “Say hi to him, Baby. He is Lolo’s friend.”
“Hi! I’m Eros Paul Cruz. I’m five years old po. Nice to meet you po!” masiglang bati ng kanyang anak kay Mang Ben.
Agad na kinatuwaan ni Mang Ben ang anak niya hanggang sa yayain at dalhin na nito ang bata patungo sa sasakyang dala nila. Sa huli ay naiwan siya sa kanyang kinatatayuan kasama ng pamangkin nito na siyang pinag-isipan niya ng masama kanina. Nagpatikhim siya at naghanda ng sarili para sa paghingi ng paumanhin sa lalaki. Pero nagulat siya nang sa mabilis na pagkisap-mata niya ay nawala na sa kanyang harapan ang lalaki at sa halip ay naglalakad na ito pasunod kina Mang Ben dala-dala ang mga maleta at ang gamit niya. Sa huli ay napabuga na lamang siya ng hangin sa kawalan saka siya nagmamadaling sumunod na din sa mga ito.
Sa sasakyan habang nasa biyahe sila patungo sa isla na pagmamay-ari ng kanyang lolo, ay tanging si Mang Ben lamang ang gumagawa ng ingay sa pamamagitan ng mga kwentong baon nito para sa kanya. Kadalasan ay tungkol sa kanyang lolo at namayapang lola ang mga kwento nito na siyang bahagyang nagbibigay tuloy ng kakaunting kirot sa kanyang puso. May panghihinayang siya na tuwing bakasyon niya lamang nakakasama noon ang kanyang lola. Kung sana ay napilit na lamang niya ang kanyang mga magulang noon na dito na lamang siya mag-aral, eh ‘di sana ay mas mahabang panahon ang pinagsaluhan nila ng kanyang Lola Prima.
Habang patuloy sa pagkukwento at pagsasalita si Mang Ben ay kabaligtaran naman ito ng pamangkin nitong si Archer Sebastian. Dahil tila hindi makabasag pinggan ito habang nagmamaneho ng sasakyan. Na para bang seryoso lamang ito sa ginagawa nitong pagmamaneho kaya napapadalas tuloy ang pagsulyap niya dito sa pamamagitan ng rearview mirror ng sasakyan. At sa hindi sinasadyang pangyayari ay nagtama ang kanilang mga tingin sa rearview mirror, dahilan upang makaramdam siya ng kakaibang pagkabog ng dibdib. Kaya naman mabilis niya ding binawi ang sariling mga tingin sa lalaki at ibinalin ito sa bintana sa labas ng sasakyan.
Mahigit isang oras pa ang tinagal ng biyahe nila bago sila tuluyang makarating sa mansion. Pagkatigil ng sasakyan ay agad na pinagbuksan ng pintuan ng sasakyan si Patrisha ng ilang mga kasambahay na sumalubong sa kanila doon. Marahan siyang bumaba ng sasakyan kasama ang anak habang si Mang Ben naman ay maingat na ibinaba ang mga gamit nilang dala.
“Magandang araw po, Miss Patrisha!” nakangiting bati sa kanya ng ilang mga kasambahay sa mansion.
Tanging pagngiti na lamang ang nagawa niya dahil wala pang ilang segundo nang biglang lumabas si Don Carlo.
“Maligayang pagdating, Hija!” nakangiti at masayang bati ni Don Carlo sa kanya habang nakabukas ang mga bisig nito na naghihintay sa paglapit at pagyakap niya.
Matamis na ngumiti si Patrisha saka siya lumapit kay Don Carlo at niyakap ito kasama ang anak niyang si Eros. “Thank you po, Lolo! It’s nice to see you again! Na-miss ko po kayo.”
“Na-miss din kita, Hija!” Binalingan ng tingin ni Don Carlo ang kanyang anak pagkatapos nilang magyakapan. “Ito na ba ang anak mo?” tanong nito sa kanya na nakangiti niyang tinanguan bilang pagtugon.
“Baby, say hi to Lolo,” utos niya sa anak.
“Hi po, Lolo Two!” bati ng kanyang anak na ikinakunot ng noo ni Don Carlo.
“Lolo Two?”
“Yea. You’re my Lolo Two because Lolo Pablo is my Lolo One.” Natawa ang matanda maging ang mga kasambahay na naroroon sa naging sagot ng kanyang anak dito.
“Alright. I’m your Lolo Two. It’s nice to finally meet you, Hijo!” masayang hinagkan ni Don Carlo ang kanyang anak at bakas sa mukha nito ang labis na pagkasabik para sa kanila.
Pagkatapos no’n ay iginiya sila ni Don Carlo papasok sa loob ng mansion upang dalhin sa magiging silid nila. Dala-dala naman ni Mang Ben at ng ilang mga kasambahay ang mga gamit nila at nang lumingon siya bago tuluyang pumasok sa loob ay natanaw niya ang pamangkin ni Mang Ben na tahimik na nakamasid lamang sa kanila. Bigla tuloy pumasok sa isipan niya ang naging tagpo nila kanina. Hindi pa siya nakakahingi ng paumanhin dito dahil sa naging asta niya kanina dito.
Malaki ang silid niya at ganoon din ang silid ni Eros na nasa tabi ng silid niya. Malinis at maayos na ang loob nito na halatang ipinaayos na ni Don Carlo bago pa man sila makarating dito.
“Bakit hindi niyo nga pala kasama si Manang Lucy na dumating dito?” pagkuwan ay tanong at lapit ni Don Carlo kay Patrisha.
“Pinagbigyan ko po siya na umuwi na muna sa pamilya niya. Pagkatapos ng ilang araw ay susunod na din po siya dito,” magalang na tugon naman ni Patrisha kay Don Carlo.
“Sa bagay, matagal na panahon din siyang nawala sa bansa kaya sigurado akong miss na miss niya ang kanyang pamilya.” Nahinto sa pagsasalita si Don Carlo sa biglaang pagdating ng pamangkin ni Mang Ben na si Archer Sebastian.
Maging si Patrisha ay bahagyang natigilan din at napatingin sa lalaki. Pero hindi man lamang siya tinapunan ng tingin ng lalaki at sa halip ay kay Don Carlo lamang nakatuon ang mga tingin nito.
“Nakahanda na po ang sasakyan,” magalang at kaswal na sabi ni Archer Sebastian kay Don Carlo.
“Aalis po kayo?” pagkuwan ay tanong naman ni Patrisha kay Don Carlo.
“Oo, Hija. May trabaho akong kailangan puntahan pero hindi naman ako magtatagal. Magpahinga lang muna kayo ng anak mo dito sa mansion at kung may kailangan ka ay sabihin mo lang kay Mang Ben o sa ibang mga kasambahay.”
“O-Okay po. Ingat po kayo,” saad ni Patrisha saka niya sinulyapan ng tingin si Archer Sebastian ngunit ganoon pa din na hindi ito nagbabalin ng tingin sa kanya.
“Thanks, Hija. See you later,” paalam ni Don Carlo saka ito tuluyang tumalikod sa kanya.
Mabilis din naman na tumalikod si Archer Sebastian sa kanya at kahit sa pinakahuling sandali bago ito tuluyang mawala sa kanyang paningin, ay bigo siya na sulyapan siya ng binata kahit saglit.