Habang naglalakad si Patrisha, ay may isang service cart na mabilis na dumaan sa kanilang direksiyon.
Bago pa niya ito mapansin nang maayos ay agad siyang hinawakan ni Archer sa braso at bahagyang inilayo sa daraanan nito.
“Careful.”
Napatingin si Patrisha sa kamay nito na nakahawak sa kanyang braso. Pagkatapos ay tumingin siya kay Archer.
“You know…” Bahagya siyang ngumiti. “You can hold me longer if you want.”
Agad namang binitawan ni Archer ang kanyang braso.
“I only held you because you were about to get hit.”
“I know.”
“I'm sorry if that made you uncomfortable.”
Napakurap siya.
Uncomfortable?
Hindi niya alam kung matatawa siya.
“I'm not uncomfortable.”
Tumango si Archer. “Mabuti kung ganoon,” wika nito, saka nagpatuloy sa paglalakad.
Naiwan sandali si Patrisha sa kinatatayuan niya. Hindi talaga niya ito maintindihan. Hindi ito cold, hindi rin ito rude.
Kapag may kailangan siya, mabilis naman itong tumutulong. Kapag kinakausap niya, maayos din itong sumasagot. Pero hanggang doon lang.
Wala itong pagtatangkang mapalapit sa kanya. Hindi rin ito lumalandi o nagbibigay ng kahit anong senyales na interesado ito sa kanya.
Parang wala lang siya kay Archer. At iyon ang hindi niya maintindihan. Dahil kahit anong gawin niya, hindi niya maramdaman na iba ang pakikitungo nito sa kanya kumpara sa ibang tao.
Ilang sandali pa ay nakasunod na rin si Patrisha kay Archer. Ngunit hindi pa sila gaanong nakakalayo nang may isang lalaking empleyado ang lumapit sa kanila.
“Miss Patrisha?”
Napatigil siya sa paglalakad saka napalingon sa lalaki. Naramdaman niya rin naman na huminto sa paglalakad si Archer.
“Yes?”
Ngumiti ang lalaki. “I'm Dave. I work here as one of the event coordinators.”
“Oh. Hi, Dave.”
“Sobrang ikinagagalak ko pong makilala ka,” saad ni Dave.
“Oh… really?”
Hindi pa man sila nakakapag-usap nang maayos ay may isa pang lalaking lumapit sa kanila.
“Dave, hindi mo man lang ba ako ipakikilala?” narinig ni Patrisha na bulong ng kadarating lamang na lalaki kay Dave.
“Uh… Miss Patrisha, ito po pala si Mark,” pagpapakilala ni Dave. “He handles the guest relations.”
“Oh… hi, Mark!” nakangiting bati ni Patrisha.
“Nice to meet you, Miss Patrisha,” masayang sambit naman ni Mark. “Sana… lagi po kayong dumalaw rito sa resort.”
Napatawa nang bahagya si Patrisha.
“Bakit? Para lagi mo akong makausap?”
“Puwede naman po,” mabilis na sagot ni Mark bago bahagyang natawa. “I mean… kung okay lang sa inyo.”
“Wow,” natatawang singit ni Dave. “Ang bilis mo naman.”
“Hindi ako mabilis. Seryoso ako sa lahat ng sinabi ko,” nakangiting depensa ni Mark.
Napailing si Patrisha habang nakangiti. Mukhang parehong palakaibigan ang dalawang lalaki, at hindi naman niya maiwasang matuwa sa paraan ng pakikipag-usap ng mga ito sa kanya.
“Nag-e-enjoy po ba kayo rito sa resort?” tanong ni Dave.
“Yes, of course. Actually, hindi ko pa nga nalilibot nang maayos ang buong lugar.”
“Then maybe we can show you around,” agad na suhestiyon ni Mark.
“Puwede rin naman,” dagdag ni Dave. “Marami pang magagandang lugar dito na hindi pa siguro ninyo nakikita.”
“Talaga?” interesado niyang tanong.
“Oo,” sagot ni Mark. “May magandang spot malapit sa garden. Usually, tahimik doon.”
“Sounds nice.”
Nagpatuloy lamang ang pakikipag-usap ni Patrisha sa dalawang lalaki, pero hindi niya maiwasang sumulyap kay Archer nang mga sandaling iyon.
Nasa ilang hakbang lamang si Archer mula sa kanila at tahimik lang itong naghihintay. Ni hindi man lang ito lumilingon sa kanilang direksiyon.
Wala ring bakas ng interes sa mukha nito sa tuwing may tumatawa sa sinabi ni Patrisha o kapag may lalaking nakikipagbiruan sa kanya.
Dahil doon ay bahagyang napangiwi sa isip si Patrisha.
Hindi ba nito napapansin na may ibang lalaking interesado sa kanya? O talagang wala lang talaga itong pakialam?
“Miss Patrisha?”
Napabalik ang atensiyon ni Patrisha nang marahan siyang tawagin ni Mark.
“Yes?”
“I was asking if you'd like me to show you around sometime. There are a few nice places here that guests don't usually get to see.”
“Ah…”
Bago pa siya makasagot ay nagsalita si Dave.
“Mark, huwag mong takutin si Miss Patrisha.”
Tumawa ang lalaki. “Hindi ko siya tinatakot. I'm just being friendly.”
Napangiti si Patrisha sa palitan ng dalawa. Ngunit muli siyang napalingon kay Archer, na ngayon ay nakatalikod na sa kanila.
Hindi niya alam kung maiinis siya o matatawa sa lalaki.
Sa dami ng lalaking nakikipagkilala sa kanya, ang tanging lalaking gusto niyang mapansin siya ay siya pang mukhang pinakawalang pakialam.
“Kung may chance sa susunod, baka puwede,” sagot ni Patrisha na may maliit na ngiti.
“Sure,” mabilis na sagot ni Mark. “Just let me know.”
Tumango siya bago muling ngumiti sa dalawa.
“Sige, mauna na muna ako. Thank you sa pakikipagkuwentuhan.”
“Anytime, Miss Patrisha,” sagot ni Mark.
“See you around,” dagdag ni Dave.
Nakangiting tumango si Patrisha bago tuluyang nagpaalam sa dalawa at nagsimulang maglakad palayo.
Marahan naman niyang nilingon si Archer na agad din namang kumilos at sumunod sa kanya.
Tila matiyagang naghihintay lamang talaga ito roon sa kanya. At gaya ng inaasahan niya, wala pa rin itong kahit na anong reaksyon.
Ilang sandali silang naglakad nang hindi nagsasalita.
Paminsan-minsan ay napapatingin si Patrisha kay Archer, ngunit tila wala naman itong napapansin. Tahimik lamang itong naglalakad sa kanyang tabi, sapat ang distansiya upang hindi siya maabala.
Sa huli ay hindi na niya napigilan ang sarili.
“Hindi ka man lang magsasalita?”
Napatingin ang lalaki sa kanya.
“May gusto po ba kayong pag-usapan?”
Napabuntong-hininga si Patrisha.
“Wala.”
Tumango lamang si Archer at muling humarap sa dinaraanan nila.
Nakagat naman ni Patrisha ang ibabang labi habang nagpapatuloy sila sa paglalakad. At maya-maya lang din ay muling nilingon ang lalaki.
“Hindi ba at sabi ko sa’yo, kausapin mo lang ako nang natural at huwag masyadong pormal?”
Kapwa silang tumigil sa paglalakad dahil doon. Pagkatapos ay marahan na nilingon ni Archer si Patrisha.
Napakurap naman si Patrisha nang masalo ang seryosong mga titig ni Archer sa kanya.
“Iyon talaga ang gusto mo?” tanong ng lalaki sa kanya.
“O-Oo. Kausapin mo ako nang natural. Ayaw ko ng masyadong pormal sa akin.”
Ilang segundo siyang tinitigan ni Archer bago ito bahagyang tumango.
“Okay.”
Napakurap si Patrisha. Umaasa siyang mas mahaba ang sasabihin ng lalaki.
“Okay?” ulit niya rito.
“Yes,” simpleng sagot naman ni Archer.
Bahagyang kumunot ang noo ni Patrisha.
“Halika na, kanina pa naghihintay sa atin si Don Carlo. Wala ka naman sigurong planong kausapin at i-entertain ang lahat ng lalaking empleyado rito, ‘di ba?”
Namilog ang mga mata ni Patrisha sa sinabing iyon ni Archer.
“A-Ano?”
“Let’s go,” malamig na sabi lamang ni Archer, saka ito muling nagsimula sa paglalakad.
Napanganga naman si Patrisha habang pinagmamasdan ang likuran ng lalaki na unti-unting lumalayo sa kanya.
“Anong problema no’n?” naitanong na lamang niya sa sarili, at sa huli ay sumunod nang muli sa lalaki.
Pagsapit ng hapon ay tuluyan na silang nakabalik sa mansion.
Pagdating nila ay agad na pumasok si Don Carlo sa silid nito upang makapagpahinga. Habang si Patrisha naman ay dumiretso sa sala. Doon ay nadatnan niya si Mang Ben na may inaayos na ilang bagay sa isang maliit na mesa.
“Magandang hapon po, Mang Ben.”
“Magandang hapon po, Miss Patrisha!” masiglang ganting-bati ng matanda sa kanya. “Si Eros po ay inakyat ko sa kanyang silid. Nakatulog po siya pagkatapos na maglaro.”
Ngumiti si Patrisha sa matanda.
“Salamat po sa pagtingin kay Eros.”
“Wala po iyon, Miss Patrisha.”
Maya-maya pa ay pumasok na rin si Archer matapos iayos ang sasakyan sa labas.
“Magandang hapon sa gwapo kong pamangkin!” masiglang bati ni Mang Ben kay Archer na tinanguan lamang ng lalaki saka ito nagpatuloy sa paglalakad papunta sa kabilang bahagi ng mansion.
Ni hindi man lang ito ngumiti o bumati pabalik sa tiyuhin.
Dahil doon ay napailing si Patrisha.
“Ganoon po ba talaga si Archer?” Hindi niya napigilang magtanong sa matanda.
Napatingin sa kanya si Mang Ben.
“Parang hindi man lang siya marunong ngumiti. Binati mo na nga, hindi man lang bumati pabalik.”
Napatawa si Mang Ben sa mga sinabi niya.
“Ganoon po talaga si Archer, Miss Patrisha. Kaya, pagpasensyahan mo na sana siya.”
“Ganoon po talaga siya?”
“Opo. Madalas siyang hindi umiimik o ngumingiti. Pero mabait na bata po ang pamangkin kong iyon. Hindi dahil sa pamangkin ko po siya kaya ko po ito sinasabi huh.”
Napalabi si Patrisha habang nakikinig sa matanda.
“Bata pa lang po iyon, tahimik na talaga. Hindi palasalita at hindi rin mahilig makipagkuwentuhan. Hindi rin siya iyong tipo ng taong madaling magpakita ng nararamdaman. Sa madaling salita po, marunong siyang itago kung ano talaga ang nasa loob niya.”
Napatingin si Patrisha sa direksiyong nilakaran ni Archer.
“Magaling siyang magtago ng nararamdaman niya?” ulit niya sa sinabi ni Mang Ben.
“Opo, Miss Patrisha.” Saglit na natahimik si Mang Ben bago nagpatuloy. “Noong namatay ang mga magulang niya, isang beses ko lang po siyang nakitang umiyak.”
Mabilis na bumaling ng tingin si Patrisha sa matanda.
“Isang beses lang siyang umiyak?” hindi niya makapaniwalang tanong sa matanda.
Nakangiting tumango si Mang Ben.
“Ang sabi niya po sa akin noon, ayaw niyang dumagdag sa lungkot ng nakababata niyang kapatid. Habang malayang umiiyak ang kapatid niya, nanatili naman siyang tahimik sa tabi nito.”
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Patrisha.
“Pero… bata pa po siya noon, hindi po ba?”
“Opo. Bata pa po talaga.”
“Bakit naman po niya kailangang sarilinin ang nararamdaman niya?”
Sandaling natahimik si Mang Ben bago marahang nagkibit-balikat.
“Hindi ko rin po alam. Siguro ganoon na talaga siya mula pa noon. Kapag may problema, mas pinipili niyang sarilinin kaysa ipakita sa iba.”
Napatingin muli si Patrisha sa direksiyong pinuntahan ni Archer.
Bigla niyang naalala ang seryosong mukha nito, ang tahimik nitong kilos at ang paraan ng pagsagot nito na para bang palaging maingat sa bawat emosyon na ipinapakita.
Ngayon, parang mas naiintindihan na niya kung bakit.
Hindi pala talaga sa wala siyang pakialam.
Baka sadyang hindi lang marunong magpakita si Archer ng nararamdaman.
“Matagal na po ba siyang nagtatrabaho rito?” bigla niyang naitanong sa matanda.
“Matagal na. Sampung taon na po.”
Bahagyang napataas ang kilay ni Patrisha sa narinig na sagot ng matanda.
“Sampung taon?”
“Opo. Dito na halos lumaki ang pamangkin ko. Noong nagsimula siyang magtrabaho kay Don Carlo, bata pa po siya noon.”
Hindi akalain ni Patrisha na ganoon na pala katagal si Archer sa kanyang lolo.
“Twenty-three years old lang po siya noon,” dagdag ni Mang Ben. “At simula noon, hindi na siya umalis.”
Napaisip si Patrisha sa sinabi nito.
Sampung taon. Ibig sabihin, matagal nang pinagkakatiwalaan ng kanyang lolo si Archer. Hindi lamang pala basta driver o bodyguard ito. Malamang ay marami na rin itong pinagdaanan kasama ang kanyang lolo.
“Driver na po ba siya ni Lolo noon pa?”
“Hindi po agad. Nagsimula muna siya sa ibang trabaho rito. Habang tumatagal, mas lalo po siyang pinagkakatiwalaan ni Don Carlo, hanggang sa siya na ang naging personal driver at bodyguard nito.”
Mas lalo tuloy na-curious si Patrisha sa lalaki dahil sa mga nalaman.
Sa unang tingin, mukha lang itong isang tahimik at seryosong bodyguard na walang pakialam sa kahit ano.
Pero habang mas marami siyang nalalaman tungkol kay Archer, mas lalo niyang nararamdaman na marami pa pala siyang hindi alam tungkol dito.