Chapter 7:

2155 Words
Katahimikan ang patuloy na bumabalot sa pagitan nina Patrisha at Archer sa loob ng sasakyan, habang tinatahak nila ang daan patungo sa pinakamalapit na bayan ng naturang baryong kanilang pinanggalingan. Mas gusto sana ni Patrisha ang umalis ng mag-isa, ngunit hindi naman niya mahindian ang kagustuhan ng kanyang Lolo kaya sa huli ay wala na siyang ibang nagawa kung ‘di ang sundin na lamang ito. At magmula nang sumakay siya sa loob ng sasakyan kasama ang driver ng kanyang Lolo, ay hindi na niya naibuka pa ang kanyang mga labi dahil sa pagkailang at katahimikan nilang dalawa. Para na nga siyang mapapanisan ng laway sa halos isang oras na pagtahimik niya. Hindi siya sanay na tumahimik lamang ng ganoon katagal sa tuwing may kasama siya. Pero ano nga ba ang magagawa niya kung wala rin namang balak na makipag-usap sa kanya ang lalaki. Kaya naman upang libangin ang sarili ay kinalikot na lamang niya ang cellphone niya. Paulit-ulit ang pag-scroll niya sa social media account niyang hindi naman naglo-loading ng maayos dahil walang signal ang data niya. Marahan siyang napahigit ng malalim na paghinga at sa huli ay napadako ang tingin niya sa rearview mirror ng sasakyan. At mula roon ay lihim na lamang niyang pinagmasdan ang tahimik na binata na seryoso sa pagmamaneho nito. Ngunit ilang segundo lang ang lumipas nang magulat siya sa biglaang pagtatagpo ng kanilang mga paningin sa pamamagitan ng rearview mirror. Nahuli siya ng lalaki na nakatingin siya rito! Kaya naman kaagad na kumabog ang dibdib niya sa kaba at pagkapahiya. Kasabay no’n ang mabilis niyang pag-iwas ng tingin at pagbalin sa kung saan. Pero naramdaman niya na para bang nakatingin pa rin sa kanya ang lalaki kaya nang marahan siyang sumulyap muli sa rearview mirror ay napatunayan niyang tama nga ang kanyang hinala. Sapagkat sa pagkakataon na iyon, ay siya naman ang nakahuli sa lalaki na nakatingin sa kanya, at sa huli ay mabilis na nag-iwas ng tingin. Nakagat ni Patrisha ang ibabang labi sa hindi niya maunawaang dahilan at paraan ng pagkabog ng kanyang dibdib. Hindi niya alam kung bakit magmula nang una niyang makita ang lalaki, doon pa sa Manila, ay ganitong kakaibang pakiramdam na ang naidudulot nito sa kanya. Pagkalipas pa ng ilang minuto at ilang sandali, ay tuluyan na nga nilang narating ang bayan. Idiniretsyo ni Archer ang sasakyan sa drive thru ng naturang fast-food restaurant na dinayo nila sa lugar, saka umorder si Patrisha ng paboritong fried chicken ng anak. Hindi naman nagtagal ay mabilis din nilang nakuha ang pagkaing in-order nila. At sa kauna-unahang pagkakataon ay binasag ni Archer ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. “May… kailangan o gusto pa po ba kayong puntahan?” magalang na tanong ni Archer sa kanya. Napatikhim si Patrisha. Sa pagpupumilit niya kanina kay Mang Ben at sa kanyang Lolo na siya na lamang ang aalis mag-isa, ay naalala niyang nabanggit niya nga pala sa mga ito na may iba pa kasi siyang kailangang bilhin sa bayan. Kaya siguro tinatanong siya ni Archer ngayon kung ano pa ang kailangan niyang puntahan. “Uhm… o-oo,” nauutal na tugon niya sa lalaki saka siya nagpalinga-linga hanggang sa nakita niya ang isang eskinita na puno ng mga tao at paninda. “Siguro ibaba mo na lang ako diyan sa tabi.” Maingat na inihinto ni Archer ang sasakyan sa tabi gaya ng kagustuhan niya. Hindi niya tuloy alam kung ano ang bibilhin niya gayong wala naman na talaga siyang iba pang kailangan. Pero dahil sa ayaw niyang magmukhang sinungaling sa lalaki, ay wala siyang ibang choice kung ‘di ang panindigan na lamang na may kailangan pa siyang bilhin. Mabilis na bumaba si Patrisha mula sa backseat ng sasakyan at bahagya siyang nagulat sa dami ng mga tao sa lugar. Lalo pa nang muntikan na siyang madali ng isang grupo ng mga taong pumapasok sa eskinita. At hindi niya alam kung paanong mabilis siyang nahawakan ni Archer sa kanyang braso para maiiwas sa mga tao at maingat na maisandal sa sasakyan. Nang mga sandaling iyon ay tila bumagal sa pag-ikot ang mundo at wala siyang ibang malinaw na nakikita kung ‘di si Archer lamang na nasa kanyang harapan. Kumabog ng malakas ang kanyang dibdib nang masalo niya ang seryoso at malalim na pagtingin ni Archer sa kanya. Literal na kino-cover-an siya ng lalaki laban sa mga taong maiingay at walang pag-iingat na muntik nang makadali sa kanya. At dahil si Archer ang nadadali ng mga ito ay napakalapit na nila ngayon sa isa’t isa. At kaunti na lamang ay pakiramdam niyang malapit nang magwala ang puso niya. Walang ibang nagawa si Patrisha kung ‘di ang mapatitig na lamang sa lalaking parang yumakayap na sa kanya. “Okay lang po ba kayo?” magalang na tanong ni Archer sa kanya pagkahupa ng dagsa ng mga tao sa paligid nila. Parang natuyuan siya ng laway ng mga sandaling iyon kaya tanging pagtango na lamang ang kanyang nagawa bilang pagtugon. Sa huli ay tuluyan nang marahang lumayo ang lalaki sa kanya. Bahagya naman siyang nagpakawala ng kanyang malalim na paghinga. “Ano pa po bang kailangan niyong bilhin?” pagkuwan ay tanong pa ng lalaki sa kanya. “H-Huh?” “Ang mabuti pa po’y ako na lamang ang bibili ng kailangan mo para sa’yo—” “Hindi na kailangan,” pagkuwan ay mabilis na putol niya rito. “Uhm… kaya ko naman. Ako na ang bibili,” saad niya pa rito saka siya tuluyan nang tumalikod dito at nagsimulang humakbang palayo. Pero tila agad niyang naramdaman ang pagsunod ng lalaki sa kanya. At nang marahan niyang lingunin ito ay hindi nga siya nagkakamali. Agad namang napahinto ang lalaki sa paglingon niya. “Hindi mo na ako kailangang samahan pa,” saad niya sa lalaki. “Pero sa tingin ko ay kailangan,” tugon naman nito sa kanya. “Huh?” “Hindi ka po pamilyar sa lugar, isa pa ay masyadong maraming tao ngayon dito. Mas mabuting samahan na kita para masiguro ko po ang kaligtasan mo,” mahabang sabi ng lalaki sa kanya na siyang bahagyang nagpanganga sa kanya. Naalala niya tuloy noong unang magkita silang dalawa sa Maynila. Ibang-iba kasi ito makitungo noon sa kanya. Noon ay napaka-casual lamang nitong makipag-usap sa kanya. Hindi tulad ngayon na napakapormal at nangongopo pa. Pakiramdam tuloy niya ay napakatanda niya para sa lalaki sa galang nitong makipag-usap sa kanya. Sa huli ay napatikhim siya at tinalikuran na lamang ang lalaki saka siya nagpatuloy sa paglalakad. Hindi niya tuloy alam kung saan siya patungo ngayon dahil nakabuntot ang lalaki sa kanya. Bahala na lamang sa kung anong makita at maisip niyang bilhin doon. Nagpatuloy siya sa paglalakad habang nagpapalinga-linga sa dami ng tao at sa dami rin ng pwedeng mabilihan sa lugar na iyon. Nagpanggap siyang interesado sa mga bagay na ibinebenta roon kahit na hindi naman talaga. Bilang isang dating modelo, sanay siyang bumili ng mga gamit na branded. Kaya hindi niya alam kung anong magugustuhan niyang bilhin sa lugar na iyon. Hanggang sa mapahinto siya sa paglalakad at mapatingin sa isang maliit na tindahan, kung saan ay tila dinudumog ito ng ilang mga kabataan. Kumunot ang kanyang noo dahil sa kuryusidad kung ano ang mayroon doon. “Ate, may letter J po kayo?” “Ate, pabili po ng isang letter R at isang letter G” “Ate, ako po letter I saka letter E.” “Letter? Bumibili sila ng letter?” naguguluhan na tanong niya sa kanyang sarili saka siya humakbang palapit sa kumpulan ng mga kabataan na iyon. Hindi naman siya nahirapan na tingnan kung ano ang ibinebenta roon dahil sa matangkad siya kumpara sa mga kabataang naroroon. At lalong bumakas sa mukha niya ang pagkalito nang makita niya ang ibinebenta roon ng isang babae. Kwintas na letters ang pendant, bracelet na pwedeng palagyan ng pangalan, at singsing na may kabiyak na puso. “Nagkakagulo sila dahil dyan?” “Para sa mga kabataan po rito, uso ang mga bagay na iyan.” Nagitla siya nang biglang may magsalita mula sa kanyang likuran. Nang lingunin niya ay bumungad sa kanya ang seryoso at ang gwapong mukha ng binatang si Archer. “H-Huh?” Nagtama ang tingin nilang dalawa nang ibalin ni Archer ang mga tingin sa kanya. “Karamihan sa mga bumibili niyan ay inireregalo nila sa mga taong gusto nila,” saad pa ng lalaki sa kanya. Nang mga sandaling iyon ay hindi malaman ni Patrisha kung bakit tila hindi na niya alam kung paano pa magsalita. Masyado kasi siyang naging abala sa pakikiramdam sa kanyang dibdib nang kumabog ito nang mabilis dahil sa lapit ng lalaki ngayon sa kanya. “Gusto niyo po bang bumili rin?” pagkuwan ay marahan at seryosong tanong ni Archer sa kanya habang nakatitig ito sa kanya. “H-Huh? H-Hindi—” Nanlaki ang mga mata ni Patrisha at mabilis niyang natutop ang kanyang bibig nang bigla siyang sininok sa harapan ng lalaki. Hindi niya tuloy naituloy ang sinasabi rito. “Ayos lang po kayo?” tanong ni Archer sa kanya. This is so familiar! Ganitong-ganito rin siya noong unang engkwentro nilang dalawa sa isang bar sa Manila. Hindi niya malilimutan ang tagpo na iyon kung saan ay sininok din siya sa harapan ng lalaki dahil sa sobrang lapit ng mukha nito sa kanya. Dahil doon ay mabilis siyang umatras palayo rito. “O-Okay lang ako,” nauutal na sagot niya rito. Tumango-tango lang naman si Archer sa kanya. Nagpatikhim siya at pagkuwan ay nagpatuloy na siya sa paglalakad. Patuloy rin naman siyang sinundan ni Archer. Hanggang sa hindi niya na namalayan na nakarating na siya sa dulo. Hindi na kais naalis sa isipan niya ang gabing unang pagkikita nila ni Archer. “Ano po bang kailangan ninyong bilhin?” pagkuwan ay tanong sa kanya ng lalaki dahilan upang harapin niya ito. “Huh? Uhm… wala kasi rito yung hinahanap ko,” pagsisinungaling niya rito. “Bumalik na tayo,” saad niya pa saka siya mabilis na naglakad pabalik ng kanilang sasakyan. Tahimik lang naman siyang sinundan ulit ni Archer. Pagkabalik nila sa sasakyan ay tahimik na ulit silang bumyahe pabalik ng mansion. Hindi naman maiwasan ni Patrisha ang hindi mapatingin sa lalaki mula sa rearview mirror. Dahil doon ay ilang beses siyang nahuhuli ng lalaki na nakatingin siya rito. Hindi niya kasi alam kung hanggang ngayon ba ay hindi pa rin siya naaalala ng lalaki. Samantalang siya ay mabilis niyang namukhaan ang lalaki sa unang araw pa lamang ng pagkikita nila rito. Kaya naman sa huli ay hindi na niya napigilan pa ang sarili at napatanong na siya. “Hindi mo ba talaga ako… nakikilala?” Tiningnan siya ni Archer sa pamamagitan ng rearview mirror, at hindi niya alam kung bakit sa tuwing napapadako ang tingin nito sa kanya ay kumakabog ng malakas ang dibdib niya. Siguro kung malapit lang ulit ang mukha nito sa kanya ay masisinok na naman siya. “Kilala ko po kayo,” simpleng sagot ni Archer sa kanya na bahagya niyang ikinatuwa. “Talaga? Natatandaan mo na kung sino ako?” tanong niyang muli. “Kayo po si Miss Patrisha, apo po kayo ng amo ko,” sagot ni Archer sa kanya na unti-unting nagpalaho sa mga ngiti niya. “Huh?” Kung ganoon ay talagang hindi nga siya natatandaan ng lalaki. Hindi nito naaalala ang naging engkwentro nila noon sa Manila. Pero hindi niya mapaniwalaan iyon dahil ilang araw pa lang naman ang lumipas nang magkita sila sa Manila at nang umuwi sila rito sa probinsya. Ilang sandali pa nang sa wakas ay nakabalik na sila sa mansion. Mabilis na bumaba ng sasakyan si Archer saka siya nito pinagbuksan ng pintuan ng sasakyan. “Hindi mo naman na kailangan pang pagbuksan ako ng pinto—” “Kailangan po dahil trabaho ko iyon,” mabilis na putol sa kanya ng lalaki. Humigit siya ng malalim na paghinga saka siya lakas loob na nagsalita sa lalaki. “Maraming babae ka ba talagang nakikilala?” May pagtatanong naman siyang tiningnan ni Archer. “Sa sobrang dami ba nila, minsan hindi mo na matandaan?” Nanatili lamang na nakatitig sa kanya si Archer at tila seryosong nakikinig sa sinasabi niya. “O siguro… masyado lang normal ang itsura ko para sa’yo kaya hindi mo ako maalala.” Ayaw niyang maging sounds bitter pero hindi niya alam kung bakit ganito ang mga sinasabi niya ngayon sa harapan ng lalaki. “Nevermind. Thanks for tonight,” saad na lamang niya sa huli saka siya mabilis na tumalikod sa lalaki at humakbang papasok sa loob mansion. Pero agad din siyang natigilan nang magsalita si Archer. “Naghintay ako ng message mo nang gabing iyon.” Kumabog ang dibdib ni Patrisha saka siya marahan na humarap kay Archer. “Pero sa tingin ko ay maayos ka namang nakauwi no’n,” dagdag pa ni Archer na siyang nagpaawang sa mga labi niya. Natatandaan din siya nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD