Chapter 8:

1923 Words
“So… natatandaan mo ako?” tanong ni Patrisha kay Archer. Hindi sumagot ang lalaki sa kanya, dahilan upang mapalunok na lamang siya. Dahil sa kalasingan niya noong gabing iyon ay nawala na sa isipan niya ang pag-message pa sa lalaki. Lalo pa at nang tawagan siya ng kanyang anak na si Eros na noong mga sandaling iyon ay nasa ama nitong si Ethan. “Uhm… h-hindi na ako nakapag-message sa’yo no’n kasi—” “Okay lang po iyon, hindi mo naman na kailangan pang magpaliwanag,” mabilis na putol sa kanya ni Archer. “Huh?” “Hindi ko po alam na… sa dinami-dami ng tao sa mundo ay… ikaw pa ang apo ng amo ko,” usal pa nito sa kanya na hindi niya lubos na maunawaan kung bakit ganito ang nasabi nito sa kanya. “Sandali, anong—” “Mauna na po ako,” mabilis na putol ng lalaki sa kanya, saka ito nagbigay-galang sa kanyang harap bago siya tuluyang iwanan. Naiwan si Patrisha na nakatingin sa papalayong si Archer. Hindi niya lubos na maunawaan kung bakit tila nagmamadali itong makaalis sa kanyang harapan. At higit sa lahat, hindi niya maintindihan ang sinabi nito kanina. Sa huli ay napailing na lamang siya at pinilit na alisin sa isip ang sinabi ng lalaki. Kinabukasan ay maagang nagising si Patrisha. Hindi niya alam kung dahil ba sa bagong lugar na kanyang tinutuluyan o dahil sa mga pangyayaring naganap noong nakaraang gabi kaya hindi naging mahimbing ang kanyang tulog. Ilang beses bumalik sa kanyang alaala ang mga sandaling pagkikita nila ni Archer. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng kakaibang gaan ng pakiramdam sa lalaki, lalo pa nang tulungan siya nito noong malasing siya sa bar. Naalala niyang dalawang lalaki ang humarang sa kanya noon at pilit siyang ginugulo at sinasama. Mabuti na lamang at dumating si Archer noon, para tulungan siya. Naalala pa niya kung paano niya nasukahan ang likuran nito noon, dahilan upang labis siyang mahiya sa lalaki. “Hindi ko po alam na… sa dinami-dami ng tao sa mundo ay… ikaw pa ang apo ng amo ko.” Kaya naman hindi na rin nawaglit sa isipan niya ang mga huling sinabi sa kanya nito kagabi. “Tama naman siya. Sa dinami-dami ng tao sa mundo, kay Lolo pa talaga siya nagtatrabaho,” naibulong niya sa kanyang sarili habang muling naiisip si Archer. Maayos naman ang naging unang pagkikita nila noon. Ngunit tila biglang naging awkward ang lahat sa pagitan nila ngayong nalaman ng lalaki na apo pala siya ng pinagtatrabahuhan nito. Sa huli ay napabuntong-hininga siya. “Never mind,” bulong niya sa sarili. Ayaw na niyang pag-isipan pa iyon. Kung tutuusin, wala naman siyang dapat alalahanin tungkol kay Archer. Isa lamang itong driver ng kanyang lolo, at wala rin namang dahilan para maging interesado siya sa buhay nito. Mabilis siyang nagbihis bago lumabas ng kanyang kuwarto, saka dumiretso sa silid ng kanyang anak. Napangiti siya nang makitang mahimbing na natutulog pa rin si Eros. Kaya naman dahan-dahan niya itong nilapitan at tinabihan. Pero agad na kumilos ang bata at unti-unting nagmulat ng mga mata. “Did I wake you up?” malambing na tanong ni Patrisha sa anak. “No, Mommy,” inaantok na tugon naman ni Eros habang pumupungay-pungay pa ang mga mata. “Then, let’s get up so you can have some breakfast.” Tumango lamang si Eros, saka ito marahan na ibinangon ni Patrisha. Pagkalipas ng ilang sandali ay sabay nga silang bumaba at nakita nila si Don Carlo na mag-isang abala sa pag-aalmusal. Agad na napatingin ang matanda sa direksiyon nila nang marinig ang kanilang mga yabag. “Good morning, you two.” “Good morning, Lolo,” masayang bati ni Patrisha. “Good morning, Lolo Two!” masiglang bati naman ni Eros na kinagiliwan ni Don Carlo. “Good morning, little man. Come here.” Mabilis na lumapit naman si Eros sa matanda at agad itong niyakap. “Did you sleep well?” malambing na tanong ni Don Carlo sa bata. Masiglang tumango si Eros “Yes.” “That's good. Come on, sit beside me. You must be hungry.” Hinila ni Don Carlo ang isang upuan sa tabi niya upang doon maupo si Eros. “Go ahead, sweetheart,” sabi naman ni Patrisha sa anak habang inaayos ang upuan nito. “Thank you, Mommy.” Umupo si Patrisha sa kabilang bahagi ng mesa habang pinagmamasdan ang dalawa. Hindi niya maiwasang mapangiti nang makita kung gaano kabilis naging komportable si Eros sa kanyang lolo. “Ikaw, Iha? Kumusta ang tulog mo?” pagkuwan ay baling ni Don Carlo kay Patrisha. “Okay naman po, Lolo. Maayos naman po ang tulog ko,” pagsisinungaling niya sa matanda. Hindi naman kasi niya puwedeng sabihing hindi siya nakatulog nang maayos dahil sa pag-iisip niya kay Archer. “Good.” Saglit na tumingin si Don Carlo sa kanyang relo. “After breakfast, I'll take you to the resort.” “Really? Puwede na po akong tumulong sa trabaho niyo rito?” “Hmm. Not really, iha. I just want you to see the place and meet the people working there.” “Okay po.” “Can I join?” pagkuwan ay singit na tanong ni Eros. “Isasama kita sa susunod na araw, apo ko. Ikaw naman ang ipapasyal ko sa buong resort. Pero sa ngayon, kami na lang muna ng mommy mo ang aalis. Ayos lang ba iyon sa’yo?” “Okay po, sige po,” mabilis na pagsang-ayon ni Eros sa matanda. “Ayos lang sa’yo na hindi ka namin isasama mamaya?” Bahagyang nagulat si Don Carlo sa tugon ng bata. Inaasahan niya kasi, bilang bata, ay magpupumilit itong sumama sa kanila. “Yes, Lolo Two. I promised Mommy that I’d always be a good boy, so I have to behave.” “That’s good then!” masayang sambit ni Don Carlo, saka sila nagpatuloy sa pagkain. Matamis namang napangiti si Patrisha dahil sa anak. Mabilis na maturuan at matuto si Eros. Isa pa, marami rin namang magbabantay sa kanyang anak kung maiiwan ito sandali sa mansion. Dahil dito, mas naging kampante si Patrisha na maiwan muna si Eros habang iniikot niya ang resort kasama ang kanyang lolo. Sa totoo lang, interesado siyang makita kung ano na ang itsura ng resort na matagal nang pinamamahalaan ng kanyang lolo. Bata pa kasi siya nang huli siyang nakapasok doon. At halos hindi na rin niya matandaan ang kabuuang itsura nito. Lumipas ang ilang sandali at matapos ang pag-aagahan, ay lumabas na nga sila ng mansion. Pagdating sa labas ay sinalubong sila ni Archer. Nagbigay-galang ito kay Don Carlo saka tahimik na pinagbuksan ng pinto ng sasakyan ang matanda. Ilang beses sinulyapan ni Patrisha si Archer, ngunit ni isang beses ay hindi man lang dumapo ang tingin ng lalaki sa kanya. Ni hindi nga siya nito binati man lang, na para bang kagabi ay hindi sila nagkasama. Tahimik silang ipinag-drive ni Archer patungo sa resort. Noon lamang napansin ni Patrisha kung gaano kalawak ang lupang pag-aari ng kanyang lolo. Mula sa mansion ay may malawak na driveway na napalilibutan ng mga puno at iba't ibang halaman. Sa bandang unahan ay tanaw na niya ang ilang bahagi ng resort. Hindi pala basta isang maliit na resort ang pagmamay-ari ni Don Carlo. Malawak ang lugar. Na alam niyang sa tagal ng panahon at sa pagsusumikap ng matanda ay napalaki at napalago ito nang ganoon. May ilang gusaling tila mga guest rooms, mga private villa, isang malaking swimming pool at isang restaurant na may tanaw mula sa kanilang kinaroroonan. Sa mas malayong bahagi naman ay matatanaw ang dagat. “This is beautiful,” hindi niya napigilang sambitin nang makarating sila sa napakalawak na resort. Walong minuto ang naging byahe nila patungo rito mula sa mansion. Ngumiti si Don Carlo. “This place has been part of our family for years.” Patuloy silang naglakad hanggang sa tuluyan silang nakarating sa main resort area. Habang si Archer ay tahimik na nakasunod lamang sa kanila. Pagpasok nila roon ay ilang empleyado ang agad na bumati kay Don Carlo. “Good morning, Don Carlo.” “Good morning.” May ilang napatingin kay Patrisha at tila nagtataka kung sino siya na kasama ng matanda. Napansin iyon ni Patrisha, kaya bahagya siyang ngumiti sa kanila. “Everyone, I want you all to meet my granddaughter, Patrisha Mae Cruz,” pagpapakilala ni Don Carlo sa kanya sa mga empleyadong naroon. “Nice to meet you, Ma'am Patrisha.” “Hi, Ma’am Patrisha.” “Nice to meet you po, Ma’am.” Matamis na ngumiti si Patrisha sa lahat ng bumati sa kanya. “Iha, this is our general manager, Mr. Ramirez.” “Hi, Ms. Patrisha! Nice to meet you po,” magalang at nakangiting bati ng lalaki kay Patrisha. Inilahad pa nito ang kamay sa kanyang harapan. “Nice to meet you, too,” tugon ni Patrisha saka tinanggap ang pakikipagkamay sa lalaki, na sa wari niya ay nasa mid-40s na. “Starting today, I want everyone here to know her,” sabi pa ni Don Carlo, na tinugon ng lahat sa magalang na pagtango. Pagkatapos no’n ay nagpatuloy sila sa pag-iikot. Isa-isa siyang ipinakilala ni Don Carlo sa ilang department heads at mga empleyadong matagal na nitong kasama sa resort. Sa buong pag-iikot nila, napapansin ni Patrisha na palaging ilang hakbang lamang ang layo sa kanila ni Archer. Tahimik lamang itong sumusunod kay Don Carlo habang paminsan-minsan ay nakikipag-usap sa ilang empleyado at tinitingnan ang paligid. Hindi na niya ito masyadong pinansin. Tutal, alam naman niyang kasama ito ng kanyang lolo. Matapos nilang malibot ang pangunahing bahagi ng resort, napahinto sandali si Don Carlo at napatingin sa lalaking nasa likuran niya. “And lastly…” panimula niya habang bahagyang nakangiti. “I know you already met him on your first day here, iha, but I don't think I properly introduced him to you.” Napatingin si Patrisha kay Archer. “This is Archer. He’s my personal driver and my personal bodyguard.” Bahagyang tumango si Archer sa kanya. “He’s one of the people I trust the most,” dagdag pa ni Don Carlo. “Thank you, Sir,” magalang na tugon ni Archer sa matanda. Napangiti si Don Carlo bago muling tumingin kay Patrisha. “So, if you ever need anything while you’re here, you can ask Archer.” “Oh, okay po,” sagot ni Patrisha. Sandali niyang tiningnan si Archer, ngunit wala siyang mabasang kakaiba sa mukha nito. Maayos at propesyonal lamang ang pakikitungo nito sa kanya. “Sir, I’ll check the main entrance first,” pagkuwan ay sabi ni Archer kay Don Carlo. “Go ahead,” tugon ni Don Carlo. “Excuse me.” Magalang na yumuko si Archer bago tuluyang lumayo. Sinundan siya ng tingin ni Patrisha nang ilang segundo. “Are you okay?” tanong ni Don Carlo kay Patrisha. At doon lamang nagbalik sa sarili ang babae. “Y-Yes.” “Why are you staring at him?” Napakurap siya. “I wasn't.” Bahagyang ngumiti ang matanda. “Come. There are still a lot of people I want you to meet.” Tumango si Patrisha at sumunod sa kanyang lolo. At sa pagkakataong iyon, unti-unti niyang napagtanto na marahil ay siya lamang ang nagbibigay ng kahulugan sa mga nangyaring pagtatagpo nila ni Archer noon. Dahil para kay Archer, maaaring wala lamang talaga iyon. At hindi niya alam kung bakit... Pero bahagyang nakaramdam siya ng pagkadismaya dahil sa realization na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD