Chapter 2

1548 Words
Simula ng gabing ‘yon ay madalas nang lumalabas sina Nine at Dylan, hindi sa dahil gusto nila kung hindi dahil palagi silang pinagkikita ng mga ina nila. Minsan pa sasabihin ng mommy niya sa kanya na samahan ito sa pag-shopping pero ang totoo ay kapag nasa mall na ito ay iniiwan siya kapag dumadating na si Nine kasama ang ina nito. Talagang gumagawa ng paraan ang dalawang ginang para lang magkita sila. Kagaya na lang ngayon. Napailing siyang napaupo sa upuan. “Hanggang kailan ba ako maniniwala sa mommy ko?” tanong niya dahil hindi siya nadadala sa sinasabi ng ina niya. Natawa naman ang dalaga sa naging tanong niya. “Mabuti ka pa nga ay pwede kang humindi, samantalang ako hindi.” Napatitig siya dito. “Pagagalitan kasi ako ni mommy kapag hindi ako pumayag.” Napabuntong-hininga na lang siya saka kinuha ang chopstick. Nasa isang Japanese restaurant silang dalawa at may order ng pagkain sa mesa nila. Thanks to their moms. “Baka mamaya magalit na ang boyfriend mo niyan kasi mas kasama mo pa ako kaysa sa kanya.” Ito naman ang napabuntong-hininga. “Actually, hindi niya alam na may kinikita ako ngayon.” Napatingin siya dito. “Ayoko kasi sabihin sa kanya na may ibang gusto ang mga magulang ko para sa akin kasi kahit hindi niya sabihin ay alam kong masasaktan siya kapag nalaman niya ‘yon.” “Paano kapag nalaman niya? Paano kung ma-misunderstood niya ang nangyayari kapag nakita niya tayong magkasama?” Nagkibit-balikat naman ito. “Eh, di magpapaliwanag ako sa kanya.” “Paano kung ayaw niyang maniwala?” Ngumiti ito sa kanya ng matamis. “Nandiyan ka naman, eh. Alam kong tutulungan mo ako dahil magkaibigan tayo.” Napailing na lang siya. “Pasalamat ka at hindi kita matiis.” Naging mas close sila ni Nine dahil kinikilala nila ang isa’t-isa bilang magkaibigan. Magaan naman ang loob nila sa isa’t-isa at para na din niya itong kapatid na babae. Walang halong malisya ang pagsasama nila lalo na’t alam niyang may karelasyon ito. “Dylan?” Napatingin siya sa tumawag sa kanya. Napatayo siya nang makita kung sino ito. “Apple, hi. Anong ginagawa mo dito?” “Magkikita kasi kami ni Gretchel dito. Ikaw?” Napatingin ito sa dalagang kasama niya. Ngumiti ang dalawa sa isa’t-isa. “May kasama ka pala.” Tiningnan siya nito nang may kasamang panunukso. Alam niya kung ano ang iniisip nito kaya naman napailing na lang siya. “Siya nga pala, kaibigan ko si Apple, asawa ni Aiden. This is Nine, also my friend,” pagpapakilala niya sa dalawa. Nagkamay naman ang dalawang dalaga. “Friend lang ba talaga?” Sabay silang natawa ni Nine. “Oo, no. May boyfriend na ‘yan.” “Oh, I see.” Bahagya itong natawa. “Sige, mauna na ako sa inyo. Baka masyado na akong nakakaistorbo sa inyo.” Kumindat ito sa kanya dahilan para mapailing siya. Bumalik sila sa pagkakaupo. “Siya pala ‘yong kinukwento mong naging close mong kaibigan?” pagtukoy nito kay Apple. “Yeah, that’s her.” “Maganda siya at saka ang simple niya lang.” Napangiti siya. Makikita naman talaga ang pagiging simple ng dalaga sa pananamit nito. Kahit kasi may pera na ito ay hindi pa din ito nagbago. Isa pa din itong simpleng babae. “Kaya nga minahal siya ng kaibigan ko, eh.” Bumalik na sila ulit sa pagkain. “Mga katulad ba niya ang type mo sa isang babae?” Napatingin siya dito saka nag-isip. “Siguro. Kasi maliban sa maganda si Apple ay mabait pa siya.” Nagkibit-balikat siya. “Basta, kahit anong itsura niya o ugali, kung sa kanya titibok ang puso ko ay siya na ang type ko.” Natawa naman ito. “Ang korni mo.” NANG matapos na silang kumain ay napagdesisyonan nilang mamasyal na muna, total, pareho naman silang walang ginagawa. “Siya nga pala, anong trabaho ng boyfriend mo?” tanong niya para may mapag-usapan naman sila. “Manager siya ng isang hotel.” Napatango-tango naman siya. “Manager. Maganda naman pala ang trabaho niya and I guess mataas din ang sahod niya.” Tumango naman ito. “Kung gano’n, baka naman magustohan siya ng mga magulang mo. Hindi naman pala siya gano’n kahirap.” Napabuga ito ng hangin. “Gusto nila ‘yong may sariling kompanya kagaya mo. Hindi naman talaga mahirap si Drew at may desente siyang trabaho pero kahit gano’n ay ayaw pa din ng mga magulang ko sa kanya. Paulit-ulit na sinasabi sa akin ng mga magulang ko na humanap ako ng lalaking makakapagpalago ng negosyo ng pamilya namin at hindi ‘yong lalaking palamunin lang.” “Grabe naman ‘yong palamunin lang.” Naiiling na lang siya. Hindi siya makapaniwala sa naririnig. Kung siya din naman si Drew ay talagang masasaktan siya kapag narinig niya ‘yon kaya naiintindihan niya si Nine kung bakit mas pinili nito na huwag sabihin sa binata. “At saka kung saka-sakali na maging bahagi nga ng pamilya mo si Drew ay tutulong naman siya sa pamamalakad ng negosyo niyo kaya hindi siya basta-basta magiging palamunin lang.” “Kaya nga hinihiling ko na sana gano’n din sila mag-isip pero hindi, eh.” PABAGSAK na naupo si Dylan sa sofa saka pinaandar ang TV at naghanap ng pwede niyang panoorin. Nang makahanap ng magandang palabas ay umayos siya ng upo saka kinuha ang unan at niyakap ito. Nasa kalagitnaan siya ng panonood nang may tumatawag sa kanya sa cellphone. Nagtaka siya nang makinang si Nine ang tumatawag. “Nine, napatawag ka?” Kumunot ang noo niya nang hindi agad ito sumagot bagkus ay narinig niya ang pag-iyak nito sa kabilang linya. Bigla siyang nag-alala sa dalaga. “Hey, are you crying?” Napaayos siya ng upo. “Are you okay? Nine!” tawag niya ulit dito nang hindi pa din ito sumasagot. Suminghot ito. “N-Nasaan ka ngayon, Dylan?” “Nasa condo unit ko, bakit?” “Pwede ba akong pumunta diyan?” Kumunot ang noo niya. “Wait, nasaan ka ba? Pupuntahan kita.” “No. Ako na ang pupunta diyan. May gusto lang kasi akong sabihin.” Pumayag na din siya saka sinabi ang address saka unit number ng condo niya. Habang naghihintay ay hindi siya mapakali. Sa mga araw na nakasama niya kasi ang dalaga ay ngayon niya lang narinig na umiyak ito. Palagi kasi itong nakangiti sa tuwing magkasama sila kaya hindi niya maiwasan na hindi mag-alala dito. Hindi nagtagal ay may kumatok na sa pintuan niya na agad naman niyang pinagbuksan. Nagulat siya nang makita ang mukha ni Nine na maputla habang namumula at namamaga naman ang mga mata nito. “What happen—” hindi pa niya natatapos ang pagtatanong nang yakapin siya nito saka doon umiyak na nang umiyak. Nagulat man siya ay niyakap niya ito pabalik. Nararamdaman niyang may mabigat itong dinadala. Hinaplos niya ang likod nito. Inalalayan niya itong maupo sa sofa saka kumuha muna siya ng tubig para ibigay dito. Kinuha naman ito ng dalaga saka ininom. Tumabi na siya ng upo dito. “Ano bang nangyari?” tanong niya saka inayos ang magulo nitong buhok. Napangiwi siya dahil para itong si Sadako sa buhok nito. Mahaba ang buhok ni Nine at nakaharang ito sa mukha niya ngayon at magulo pa ito. Baka nagulat na ang ibang mga tao na nakakita dito dahil sa itsura nito. Napabuntong-hininga na lang. “B-Buntis ako, Dylan.” Bigla niyang nahigit ang hininga at hindi makagalaw. Tila naiwan sa ere ang kamay niyang inaayos ang buhok nito. Unti-unti siyang napatingin dito. “D-Don’t tell me, ako ang ama?” “Dylan naman, eh,” pagmamaktol nito. “Biro lang.” Napakamot siya sa kanyang batok. “Bakit ka umiiyak ngayon? Hindi ba dapat maging masaya ka kasi buntis ka? You know, baby is a blessing.” “Alam ko naman ‘yon, eh. Masaya ako kasi may anak na ako.” “Is that a tear of joy?” Umiling-iling ito at doon na siya sumeryoso nang tingin dito. “Alam na ba ng boyfriend mo?” Tumango naman ito bilang sagot. “And he didn’t like it?” Muli itong tumango. “Damn it!” Napatayo siya saka napahilamos sa mukha niya. “Gago ba siya? Pagkatapos ka niyang buntisin ay hindi niya magugustohan? Ano bang sabi niya?” Suminghot-singhot ito. “Ang sabi niya ay hindi pa daw siya handa na maging ama kaya dapat ko daw ipalaglag ang bata.” “That b*stard!” Napahawak siya sa kanyang bibig dahil sa galit. “Anong sinagot mo? Hindi ka naman siguro pumayag, ‘di ba?” Nakahinga siya ng maluwag nang umiling ito. “Syempre hindi. Anak ko ito kaya hindi ko kaya na ipalaglag ito at saka masama ‘yon. Wala din namang kasalanan ang bata dito.” Muli na naman itong umiyak dahilan para lumapit siya dito saka hawakan ang kamay nito. “Pero anong gagawin ko ngayon, Dylan? Sigurado akong itatakwil ako ng mga magulang ko kapag nalaman nilang buntis ako at ayaw akong panagutan ng ama ng dinadala ko.” Niyakap niya ito. “Huwag ka ng umiyak, Nine. Nakakasama ‘yan sa baby. Huwag kang mag-alala, mag-iisip tayo ng paraan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD