PROLOGO
1992. KASALUKUYAN.
HAPONG-HAPONG inilapag ni Lola Felicia ang bitbit na basket sa may damuhan ng paligid ng puno ng Molave na kinatatayuan. Napangiti siya matapos magisnan ang nakaukit sa katawan ng puno pagdaka’y humugot nang malalim na hininga. Iginala niya ang paningin sa paligid ng matanda at malaking puno ng Molave na nasa gitna nang malawak na kaparangan. Makulimlim ang mga ulap bagama’t wala namang nagbabadyang ulan. May kalamigan rin ang hanging dumadampi sa balat niya habang ang mga palay at ang malalagong dahon sa puno ay isinasayaw ng mabining hangin.
Muli niyang pinuno ang dibdib ng sariwang panghapong hangin at saka pinagmasdan isa-isa ang mga apo na naglalaro ang edad sa sampu, walo at anim. Kaniya-kaniya nang nagsiupuan ang mga bata sa ugat ng malaking puno na nakausli sa lupa habang iniinom ang sabaw ng buko na ibinigay sa kanila ni Esteban, ang tauhan niya na nangangasiwa sa bukid nila. Kagagaling lang nilang maglolola roon dahil hinatiran nila ng pananghalian ang mga magsasakang kasalukuyang nagtatanim ng palay sa taniman nila.
Muli niyang hinaplos ang ukit sa puno at saka kinuha ang atensyon ng mga apo.
“Alam n’yo bang marami nang nasaksihan ang punong ito sa mga nakalipas na panahon, mga apo?” umpisa niya na ikinabaling ng mga bata sa kaniya.
Nanlalaki ang mga matang tumayo si Bery, ang sampung taong gulang na panganay sa magkakapatid at saka lumapit sa kaniya habang tangan ang baso na halos nangangalahati na ang laman.
“Hala, ‘Nay…” ang halit ng bata bago gilalas na umupo sa tapat niya. “Dito ba po nakatulog si Daddy Honesto noong bata pa siya? ‘Yong namatanda raw po siya at nawala tapos kinabukasan, eh, dito siya nakita?” usisa ng bata at tukoy sa pangalawang anak niya na tiyuhin nito.
Tumawa siya nang malakas at saka ginulo ang itim na itim, diretso at maikling buhok ng bata.
“At sino naman ang nagkuwento niyon sa iyo, aber?” tumatawang tanong niya.
“Eh, ‘di si Tatay Bien po,” nakangusong tugon nito at tukoy naman sa namayapang asawa niya tatlong taon na ang nakararaan.
Iiling-iling na lang siyang napatawa. Siyempre, marami talagang ipong kuwento ang asawa niya sa mga apo nila kaya naman wiling-wili hindi lang ang mga sariling apo nila, gayon din ang iba pang mga bata sa komunidad nila na makinig sa mga kuwento ng namayapa niyang asawa sa tuwinang may brown out noong nabubuhay pa ito.
“Nakaw! Umupo ka nga rito’t may ikukuwento ako sa inyo,” sabi niya sa batang babae at saka ito iginiya sa isa pang nakausling ugat para mas maayos itong makaupo. “Pumarine kayo rito, Liz, Kyle,” tawag naman niya sa dalawa pang apo na agad namang nagsitayuan at tumabi sa ate ng mga ito habang kapwa tangan pa rin ang mga baso na may lamang sabaw ng buko.
Umupo siya sa pinakamalaking ugat na nakausli sa lupa at saka hinimok ang mga apo na makinig. Humugot siya nang malalim na hininga at isa-isang tiningnan ang mga mata ng batang kaharap na pawang naghihintay sa isasalaysay niya. Tiningala niya ang ukit sa puno at saka iyon itinuro sa mga bata sa pamamagitan ng nguso.
“Gusto n’yo bang malaman ang kuwento tungkol sa ukit na ‘yon?” nakangiting tanong niya sa mga bata na pawang tumingin din sa nakaukit sa puno.
Sabay-sabay na napasinghap ang mga ito habang nanlalaki ang mga matang ibinalik sa kaniya ang tingin. Wari niya’y noon lang napansin ng mga ito ang ukit na iyon dahil nasa may parteng itaas iyon ng puno. Ngumiti siya at tumango bilang kumpirmasyon sa piping tanong sa mga mata ng mga ito at saka siya nagsimulang magkuwento.