KABANATA 2

1369 Words
PAGKATAPOS makipagkamay at makilala ni Leopoldo ang dalagang nagngangalang Crisanta na may palayaw na Cris ay siya namang balik ng maglilitrato at hinimok silang magpalitrato. Siya, si Crisanta, Berting at ang isa pang abay na si Analita na nakilala na niya kagabi sa ensayo ng pagmamartsa nila sa kasal. Pagkatapos ng ilang litrato ay tinawag pa ni Berting ang iba pang abay na babae na kakilala nito at mga kaibigan nila upang makapagpakuha ng litrato ang lahat ng abay. Hindi naglipat sandali ay tinawag na ang atensyon nila ng isang nakatatanda at pinapapasok na sila sa loob ng kapilya upang mangagsipunta na sa kani-kanilang puwesto para sa pagmamartsa para sa seremonyas ng kasal. Hindi pa rin mawala-wala ang kabang nararamdaman niya kanina lalo sa tuwinang mapapagawi ang tingin niya kay Crisanta. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganoon at nakakahiya mang sabihin ngunit para siyang pinanlalambutan ng tuhod kanina at pinagpapawisan nang butil-butil sa ‘di niya malamang dahilan. “Ang ganda!” ang narinig niyang komento ni Crisanta pagkapasok pa lang nila sa bungad ng kapilya, kung saan nadedekorasyunan ng inilagay nila kagabing hinabing korteng puso mula sa dahon ng niyog ang dalawang entrada papasok sa pinakaloob ng kapilya. Sumilip pa ito sa loob at nanlaki ang mga mata nang magisnan ang mga dekorasyon sa gitnang bahagi ng sambahan—sa bawat gilid at pagitan ng upuan ng mga babae at lalaki—kung saan sila magmamartsa mamaya. “Ang ganda-ganda!” muling sambit nito sa mas malakas na paraan bago bumaling sa kasamang si Analita at nanlalaki ang mga matang nagtanong. “Kayo ang gumawa niyan kagabi?” tila hindi pa makapaniwalang tanong nito na tinanguan lang ni Analita at saka ito hinila sa dapat ay pupuwestuhan nito. Hindi naman niya napuna ang sarili na tila siya nabato-balani. Na hindi mabura-bura ang pagkakapagkit ng ngiti sa labi niya habang matamang nakatitig pa rin sa dalaga. “Huy! Sabi nang pumuwesto na raw at magsisimula na ang kasal, eh,” untag sa kaniya ni Berting na siniko pa siya at hinila papunta rin sa puwesto niya. Noon lang siya tila natauhan saka namumulang nagpatianod rito at hindi na lamang kumibo pa lalo’t nagsimula na ang pagtugtog ng organ para sa pagmamartsa ng mga abay. Mabuti na lamang at hindi ito nakahalata sa kilos niya dahil kung sakali ay baka binuska na siya nito nang katakot-takot. Sa buong durasyon ng seremonyas ng kasal ay inokopa ni Crisanta ang atensyon niya kahit pa nga tila hindi naman siya alintana ng dalaga. Makailang beses siyang panakaw-nakaw ng pagsulyap dito at sa isang pagkakataon ay nagtagpo ang mga mata nila. Nginitian naman siya nito ngunit siya’y kaagad na nag-alis ng tingin sa pagkataranta. Sa ginawang iyon ng dalaga ay lalo lang niyang hindi natututukan nang maigi ang seremonyas ng kasal. Paano’y lalong tumahip ang dibdib niya nang pagkabilis-bilis at pagkalakas-lakas mentras nagtatama ang tingin nila ng dalaga. Pagkatapos ng seremonyas ng kasal, bago sila lumabas ng kapilya, ay nakita niyang nilapitan si Crisanta ng dalawang matanda na sa wari niya ay magulang nito. May ilang kadalagahan at kabinataan din ang kumausap sa grupo ng mga ito maging kay Jeneth. Pagkalabas nila ng kapilya ay binati rin ni Berting ang mga nakita niyang bumati kina Jeneth at Crisanta sa loob ng kapilya. Masigabong palakpakan ang ginawa nila nang tuluyan nang lumabas mula sa bungad ng kapilya ang bagong mag-asawang sina Ric at Jeneth. Masayang inalalayan ni Ric ang asawa paakyat sa naghihintay na karwahe bago ito sumunod at tumabi kay Jeneth. Pagkaabante ng karwahe ay saka pa lang sila nagkaniya-kaniya ng sakay sa dyip patungo sa kasalan. Sumakay na rin ang mga abay na babae sa isa pang dyip na sinakyan ng mga ito kanina. Kumaway pa si Berting sa mga binati nito kanina na noo’y naghihintay ng masasakyan patungo sa kasalan. “Taropang Kalayaan ba ang mga ‘yoon?” tanong ni Lucas, isa sa mga kaibigan nila at abay rin sa kasal. “Oo. Mga pinsanin ko,” tugon ni Berting. “Nakaw! Pondong makabakod sa mga pinsan naming abay! Kala mo naman ay mga prinsesa, eh,” komento pa nito na umiiling-iling. “Aba, eh, puna ko nga rin, eh. Buti’t nakapagpakuha na kaagad tayo ng litrato kanina sa kanila bago ang kasal,” muling wika ni Lucas na ngingiti-ngiti. “Eh, mangyari, eh, inuubos daw kasi ng mga tagarito ang mga taga-Kalayaan, eh. Baka wala nang matitira sa kanila na mapangasawa nilang tagaroon,” tumatawang sambit ng isa pa nilang kaibigang si Lito na sinang-ayunan naman nilang lahat. Paano’y marami na ngang taga-Sitio Kalayaan at Sitio Sanlakas ang nangagsipag-asawahan. Pagdating nila sa kasalan ay hindi pa muna sila kaagad pumasok sa pagoda. Hinintay na muna nilang dumating ang bagong kasal, kaya nagkaroon ulit sila ng pagkakataon na makipag-usap sa mga abay na babae lalo’t wala pa rin ang mga tila bantay ng mga ito. Pagdating ng bagong kasal ay kaagad naman silang iginiya ng mga nakatatanda na naroon patungo sa kaniya-kaniyang puwesto sa loob ng pagoda. Nasa gitna ng pagoda ang puwesto ng bagong kasal at sa bawat gilid ng mga ito ay nakapuwesto naman sa magkatapatan na mga lamesa ang mga magulang ng dalawa kasama ang mga ninong at ninang bago ang mga abay. Sa gawi ni Ric ay ang magulang nito, mga ninong at silang mga abay na lalaki. Sa gawi naman ni Jeneth ay ang magulang nito, mga ninang at mga abay na babae. Sa unahan ng bagong kasal ay nakaupo naman ang mga batang abay na may sariling lamesang maliit. Pagkatapos nilang kumakain ay isinasagawa naman ang mga tradisyon ng bagong kasal tulad ng pagsasayaw ng bagong mag-asawa, paghahati ng cake at pagkain ng dalawa sa iisang plato, pag-inom ng wine, paghalik at pagpapalipad ng kalapati at iba pa. Makaraan ang ilang sandali ay tinatawag na ang mga kabinataan pagkatapos kuhanin ni Ric ang garter sa binti ni Jeneth. Tuwang-tuwa naman silang nangagsipuntahan sa likuran ni Ric kasama ang iba pang mga lalaking wala pang asawa. Nasalo ng isang lalaking taga-Kalayaan ang garter. Mayamaya’y ang mga kadalagahan naman ang tinawag para pumuwesto sa likuran ni Jeneth upang saluhin ang ihahagis nitong bulaklak. Lahat ng abay na babae ay mga nangagsitayuan at pumunta sa gitna maging ang mga kadalagahang bisita na nasa labas ng pagoda. Malakas na komosyon ang pumailanlang nang ihagis na ni Jeneth ang kumpol ng bulaklak na hawak nito at nasalo iyon ng isa sa mga bisitang tagaroon sa kanila. Agad na nagtinginan silang magkakaibigan at napapalatak. Paano’y kanina lang nila pinag-uusapan ang pakikipag-asawahan mula sa magkabilang sition at ngayo’y mula sa kani-kanilang sitio ang nakasalo ng garter at bulaklak. Malamang na malamang ay mauuwi sa tuksuhan ang dalawa at baka magligawan pa. Nagsibalikan na ulit sila at ang mga bisita sa kani-kanilang kinauupuan ngunit nang tingnan niya ang puwesto ni Crisanta ay hindi niya ito natagpuan doon. Nang igala niya ang mga mata para hanapin ito ay nakita niyang may kasama itong lalaki na nakaalalay sa siko nito. May panghihinayng siyang napabuntong-hininga at saka ininom ang inumin na ibinigay sa kanila. Alam niyang mas malamang sa hindi ay hindi na masundan pa ang pagkakatagpo nilang iyon dahil hindi rin naman kasi siya palapunta sa mga ganoong okasyon at mga sayawan sa kanila. Kung sabagay, wala rin naman siyang lakas ng loob na kausapin ito dahil pakiramdam niya ay napaka-sopistikada nito, malayong-malayo sa kaniya. Isa pa, paniguradong may nobyo na rin ito, sa ganda ba namang taglay nito. “Si Kuya Honesto ‘yon, kapatid ni Cris ‘yon,” untag sa kaniya ni Berting na ikinagulat niya. Pagbaling niya rito ay ngingiti-ngiti ito sa kaniya at tila may gustong ipakahulugan. “Kaso, bata pa ang pinsan kong ‘yan. Wala pang katorse ‘yan,” anito saka umiling-iling. Muli siyang napatingin sa gawi ng babae na noo’y eksakto ring napagawi ang tingin sa kaniya pagdaka’y ngumiti at kumaway. Kikiligin na sana siya kung ‘di nga lang sana nagsalita pa si Berting. “Hindi ikaw ang kinakawayan, ha. Ako,” paninira nito sa ilusyon niya. Pero mabuti na lang din at nagsalita ito kaagad bago pa niya naitaas ang kamay niya para kawayan din ito pabalik. Kundi ay napahiya pa siya sa dalagita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD