HABANG NAGKAKLASE, wala sa loob na napatingin si Lou sa bintana ng kanilang classroom dahil naramdaman niya ang pag-ihip ng hangin mula roon. Napatingin siya sa malawak na kalangitan kung saan may kumpol-kumpol na ulap siyang natatanaw. Natatanaw rin niya mula sa malayo ang iba't ibang gusali. Sa sarap ng hanging dumadampi sa kanyang mukha, pakiramdam niya ay para siyang lumilipad sa alapaap sa mga sandaling iyon, "Ang ganda," buong pagkamangha niya. Araw-araw naman niya iyong nakikita, at araw-araw rin siyang natutulala roon. Wala sa loob na napapasulat siya ng tula.
"Miss Miranda! Miranda!" malakas na tawag ni Miss Ancheta.
"Po?" gulat na napatingin si Lou sa kanilang adviser.
"Mukhang nagdi-daydream ka na naman!" sita ni Miss Ancheta, at saka ito unti-unting naglakad papalapit.
Hindi na maiwasan ni Lou ang mapalunok nang nasa harapan na niya si Miss Ancheta, at kinuha nito sa kanya ang notebook niya.
"Ang mga mata mo'y tila mga ulap.
Ulap sa kapayapaan sa alapaap.
Langit sa puso mong mailap.
Pero ang makapiling ka'y isa lamang pangarap!"
Napayuko ng husto ang ulo ni Lou nang basahin ng kanilang guro ang tulang sinulat niya sa ganoong kaiksing oras.
"Wooooowww..." react ng ilang kaklase nila.
"Hmmm... Maganda," komento ni Miss Ancheta, "Ano'ng balak mong kunin sa college?"
"Any related po sa music. Gusto ko po kasing maging isang Song Writer," diretsong tugon ni Lou at sa muling pagkakataon ay muling nagreact ang kanyang mga kaklase. Hindi niya alam kung humahanga sa kanya o nang-aasar.
"Wala namang masama kung alam mo na ang gusto mo sa college. Pero dapat alam mo rin ang pagkakaiba ng Math Subject sa Literature Subject para sumulat ka ng ganitong tula!" inis ng kanilang guro. Saka na ito nagtungo sa harapan bitbit ang notebook ng dalaga, "Get one whole sheet of Paper!"
Sabay-sabay na nagreact ang buong klase. Kasi ang ibig sabihin lang nito ay magkakaroon sila ng surprise quiz.
At dahil doon, matatalim na tingin ang binato ng ilang kaklase ni Lou sa kanya. Kung nakakamatay lang ang mga iyon, marahil ay nakahandusay na siya sa sahig.
Sinisisi ng lahat si Lou kung bakit sila nagkaroon ng Surprise Quiz. Kalaban niya ang lahat pero nananatili niyang kakampi ang bestfriend niyang si Rhea.
"Buti ka pa, alam mo na ang kukunin mo sa College!" naiinggit na sabi ni Rhea habang kumakain sila ng lunch sa canteen.
"Ikaw ba?" baling ni Lou.
"Hindi pa, eh! Gusto kasi ng Papa ko Business Ad ang kunin ko. Pero alam mo naman kung gaano ako kahina pagdating sa Math. Sumasakit ang ulo ko kapag tungkol sa stock market ang topic sa bahay. Feeling ko magkakasakit ako. At para na akong hihimatayin!" Minsan pang napangiwi si Rhea.
"Alamin mo muna kung ano ba talaga ang pinakagusto mo," payo ni Lou sa kaibigan, "Ako nga kahit alam ko na ang gusto ko, hindi ko naman alam kung makakapag-aral ako ng college."
"Oo nga pala, wala kang Tatay!" sabi ni Rhea pero bigla itong napatikom ng bibig, "Sorry!"
"Okay lang," ngumiti si Lou, "Totoo naman kasi na wala akong Tatay. 'Ni hindi ko nga alam ang itsura niya, eh. Wala namang maipakita sa akin si Mama na kahit isang picture niya. Sabi ni Mama, nasunog daw ang lahat ng picture nito sa dati naming tinitirhan."
"Maski pangalan niya ay hindi mo alam?" usisa ni Rhea.
"Rick lang ang alam ko," umiling si Lou, "Kapag nagtatanong kasi ako tungkol sa tatay ko todo-iwas si Mama."
"Hindi kaya buhay pa talaga ang tatay mo?" hinala ni Rhea.
"Iyon din ang kutob ko," tugon ni Lou saka niya tinungga ang softdrink-in-can niya. Pero biglang lumikot ang mga mata niya nang makita niyang dumaan si Taru. Ewan nga ba niya kung bakit napadako ang paningin niya sa bandang pwetan nito. Doon ay automatikong nag-rewind sa kanyang utak ang eksena kanina sa jeep, at sa hindi niya sinasadyang pagtulak niya sa pwet nito. Dahil sa naisip niya, bigla na lang siyang nasamid, "Ahhhh!" mangiyak-ngiyak niyang hinawakan ang kanyang ilong dahil pakiramdam niya ay lumabas roon ang softdrinks na ininom niya.
"Ay, bakit hindi ka kasi magdahan-dahan!" natatawang react ni Rhea saka siya inabutan nito ng tissue.
"Ang sakit!" daing pa rin Lou.
Nasa ganoong sitwasyon ang dalawang dalaga nang lapitan sila ng isa nilang kaklase na si Jaypee, "Oi, Lou! May utang ka sa akin!" sabi nito.
"At kaylan naman ako nagkautang sa'yo?" nagtatakang tanong ni Lou sa binata.
"Alam mo bang kasalanan mo kung bakit tayo nagkaroon ng surprise quiz kanina. Kaya may utang ka!" tugon ni Jaypee.
"Manahimik ka nga!" Saway ni Lou, "Baka kapag narinig ka ng iba nating kaklase, bigla rin nila akong singilin!"
"Huwag mo ngang pagtripan niyang si Lou! Maghanap ka ng iba! Layas!" pagtataboy ni Rhea.
"Ahhh, basta! May utang ka sa akin!" nakangiting sabi ni Jaypee. At nagpasalung-baba pa ito sa kanyang harapan, "Simba tayo sa Sunday!"
"May gusto ka ba sa kanya?" tanong bigla ni Rhea.
"Bakit hindi pa ba obvious?" balik na tanong ni Jaypee.
"Ay, study first!" mataray na sagot ni Rhea.
"Hindi na uso 'yun!" Katwiran ni Jaypee sabay baling nito kay Lou, "Diba Lou?"
"Ewan ko sa'yo!" Irap ni Lou,"Huwag ako, Jaypee!"
Kasalukuyan pa ring kumakain si Lou sa cafeteria sa mga sandaling iyon nang lapitan siya ng kanilang class president na si Marivic, "Hoy, Miranda! Tawag ka ni Ma'am Ancheta sa faculty room!" Mataray na sabi nito.
Napahinto si Lou sa pagkagat sana ng sandwich, "Now na?" Paniniguradong tanong pa niya.
"Oo! Now na!" Nanlaki pa ang mga mata ni Marivic.
Wala nang nagawa pa si Lou. Kahit hindi pa siya tapos kumain ay nagtungo na siya sa faculty room. Nagtataka na siyang pumasok roon. Hindi na rin niya maiwasan ang kabahan nang maabutan niyang kausap ni Miss Ancheta ang kanilang Literature Teacher na si Miss Bacani. Ang lalo pa niyang kinagulat nang makita niyang hawak nito ang Math notebook niya kung saan niya sinulat ang tula niya kanina.
"Miranda!" Nakangiti ang mga labi ni Miss Bacani, "Nabanggit sa akin ni Miss Ancheta na ikaw ang nagsulat ng tulang ito, tama ba?"
"Opo," nahihiyang napasulyap si Lou sa kanyang adviser.
"Alam mo rin na one months na lang ay Linggo na ng Wika. At nasa tradition na ng school na kailangang magperform ng play kada taon. Elementary Students, ang magpeperform ng Monday. Ang Freshmen ay ang Ibong Adarna na magpeperform ng Tuesday. Sophomore ay ang Florante at Laura, Wednesday. Junior ang Noli Me Tangere, Thursday. At El Filibusterismo, ang Senior. Friday."
"O-Opo," nagtatakang tumango si Lou, "P-Pero bakit n'yo po binabanggit ang schedule ng-"