Chapter 2

3496 Words
“Ang sarap-sarap talaga ng enseymada na gawa ng Mama ni Chance. Panalo ‘to!” Hindi halos magkamayaw si Quinn sa pagkain ng enseymada. Nasa botanical garden siya at nagla-lunch break. Kinahapunan ay P.E. nila kaya sa eskwelahan na rin siya nagpapalipas ng oras. Nakangiwi si Sosimo habang pinagmamasdan siyang kumain ng ube enseymada. Anuman ang mga epektus o masasarap na pagkain na manggagaling kay Chance ay dito na dadaan. “Alam mo di ka magandang ehemplo sa mga aspiring beauty queen na tulad ko. Grabe ka kung makakain.” “Shhh!” saway niya dito at uminom ng tubig. “Paminsan-minsan lang naman ‘to. Saka hindi naman ako basta-basta tataba.” “Gaano ba kadalas ang minsan, aber? Baka bukas-makalawa magkasala ka na naman.” Tumayo ito at nagpalakad-lakad sa harap niya na parang nakapalalim ng problemang kinakaharap. Taliwas iyon sa itsura niya na parang nasa langit habang kumakain ng masarap na enseymada. “Sabi mo hindi ka naman nililigawan ni Chance. Pero para saan ang enseymada?” “We have a deal. Kung tutulungan ko siya para makalapit kay Cindy, palagi akong makakatanggap ng mga pagkaing nagmula sa langit.” “Ayan na. Tinupad na niya ang usapan ninyo. Paano ka naman? May nagawa ka na ba para sa kanya?” Lumabi siya. “Wala pa sa ngayon.” “May naiisip ka na bang idea para masunod ang usapan ninyo?” Marahan siyang umiling. “Wala pa rin. Kapag natapos ko nang kainin itong enseymada niya, makakapag-isip na ako.” Nasapo ni Sosimo ang noo. “Kahit ako walang maisip na paraan. Kasi parang himala naman yata na mailapit mo ang isang gaay ni Chance sa pinsan mo. Maldita iyon. Gusto niya beautiful people tulad ko lang ang nakapaligid sa kanya. Ang naiisip ko na lang sigurong paraan ay magayuma mo siya para mapalapit siya kay Chance.” Napaisip siya. “Oo nga, no? Parang mahirap nga. Hindi naman ako fairy godmother na may magic para i-transform siyang Prince Charming. Di rin naman ako mangkukulam para magawan siya ng gayuma na aakit sa pinsan ko. At lalong di naman ako si Doktora Vicky Belo na kayang higupin ang mga taba niya. Baka umasa pa siya sa wala.” Biglang sumakit ang ulo ni Quinn. Kung bakit nagpadala siya sa tawag ng katakawan. Hindi naman kasi niya alam na seseryosohin iyon ni Chance. Bigla tuloy siyang namoroblema. Di niya inanalisa ang pros and cons bago niya tinanggap ang pakikipagkasundo sa kaklase. “Ano? Uurong ka na ba?” Itinuro ni Sosimo ang box ng enseymada. “Ngayon ka pa uurong kung kailan nabawasan mo na ang bigay niya? Sarap na sarap ka pa mandin.” Nakagat niya ang labi nang makitang dalawang pirasong enseymada na lang ang natitira. “Oo nga. Di na ako pwedeng umurong.” Pero parang sasabog na ang isip niya pero wala siyang epektibong paraan na maisip. Kasama kasi si Chance sa listahan ng mga tao na di nanaising maka-close ni Cindy. Tiyak daw na makakasira sa magandang image nito. After all, birds of the same feather flock together. Gusto nito na palibutan lang ito ng mga glamorosang tao - mayayaman, sikat, magaganda at guwapo. Hindi kailangang matalino o mabait basta pleasing sa mga mata nito. At parang gagalisin ang pinsan niya kapag may mga di pasado sa standard ng kagandahan para dito na nasa paligid nito. Kapag napansin nito na ginagawan niya ng paraan para idikit si Chance dito, tiyak na kakalbuhin siya ng pinsan. “Saan ka dapat uurong?” Gulat siyang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Napalunok siya nang makitang si Chance iyon. “O! Anong ginagawa mo diyan?” Narinig ba nito ang usapan nila ni Sosimo? Hanggang saan? Baka bawiin na nito ang enseymada at magalit sa kanya. “Hinahanap kasi kita para ipahiram ang notes na kinopya namin sa Social Studies kanina. Ikaw ang secretary kaya ikaw ang nagsulat ng lecture sa blackboard. Baka wala ka pang nahihiraman ng notes mo.” At inabot sa kanya ang notebook nito. “Hiramin mo muna.” Nanlalamig ang kamay niyang inabot ang notebook. “S-Salamat! Malaking tulong talaga ito sa akin.” Ngayon lang may kusang nag-offer na magpahiram kay Quinn ng notebook. Si Sosimo kasi ay tamad magsulat at sa kanya lang nanghihiram ng notes. Ganoon din si Cindy na bukod sa kaunti lang ang sulat ay parang kinalahig pa ng manok ang penmanship. Mas mahirap pang i-decipher sa cunneiform writing ng mga Summerian. Ang iba naman niyang kaklase na may notes ay maramot. Di siya basta-basta mapahiram. Hinampas ito ni Sosimo sa braso. “Ikaw naman basta-basta ka na lang sumusulpot, Chance. Sa susunod kakatok ka muna bago papasok.” “Kakatukin ko ang gate ng botanical garden?” Humalakhak si Chance at hinampas din sa braso si Sosimo. “Palabiro ka talaga. Di naman iyan kuwarto. Bakit kailangan ko pang kumatok?” Muntik nang umurangod sa lupa si Sosimo nang hampasin ni Chance. Payat lang din kasi ang pobre. “Aray! Parang masakit iyon.” Inalalayan ito ni Chance para makatayo agad. “Pasensiya na. Masyado akong natuwa sa iyo.” “Nakakatakot ka namang matuwa. Magkakalasog-lasog ang ganda ko,” sabi ni Sosimo at umupo sa bench. Nilingon siya ni Chance. “Ano nga pala ang pinag-uusapan ninyo kanina? Saan ka naman uurong?” “Inaalok siyang sumali sa Math Olympiad. Nagdadalawang-isip siya kung tatanggapin niya o hindi dahil may kasabay din na essay writing contest no’n at siya ang representative ng school. Kailangan niyang mamili,” maagap na sagot ni Sosimo. Mabuti na lang nasalo siya nito. Blangko pa kasi ang utak niya. Mahirap kasi ang magsinungaling. Natataranta siya. Kung bakit napasok siya sa ganitong sitwasyon. “Akala ko tungkol na sa usapan namin ni Quinn siya uurong,” anang si Chance. Then he gave her a sad smile. Lumipad na sa isip ng dalagita ang pag-urong dahil parang may kumurot sa puso niya nang makita ang malungkot na ngiti ng binatilyo. Hindi naman kaila sa kanya ang kabaitan ni Chance. Madalas ay nakikipaglapit dito ang mga kaklase nila para hingan lang ng pabor at pangangakuan ito ng anu-ano pero sa huli ay bibiguin lang ito. And he would just smile and say, “Its okay”. Ni hindi ito nagagalit o nagpapakita ng sama ng loob. Parang walang pakialam ang ibang tao sa tunay na nararamdaman nito. Di niya kayang gawin iyon kay Chance. Alanganing ngumiti si Quinn. “Hindi. Siyempre hindi ako uurong. Deal iyon, di ba? Saka sa sarap ng enseymada na bigay mo, marami na nga akong brilliant ideas na naiisip kung paano kayo magkakalapit ni Cindy. Pero sa ngayon kokopyahin ko muna ang notes habang lunch break. Iisipin ko munang mabuti ang plano.” Bumalik ang saya sa mga mata nito at ginagap ang kamay niya. “Salamat talaga, Quinn. Tatanawin kong malaking utang na loob ito Maiwan ko na kayo. Magkita na lang tayo mamaya sa gym.” Sa gymnasium gaganapin ang P.E. class nila. “Bye!” At ngiting-ngiti ito nang umalis habang magagaan ang hakbang. Kinalabit ni Sosimo ang balikat niya. “Bakit mo naman hindi inamin ang totoo na imposibleng matulungan mo siya? Nangako ka pa na tutulungan mo pa rin siya samantalang nag-lock down na nga ang brain mo sa kanya. Baka kahit si Einstein di siya matulungan.” “Wala rin naman akong maisip na paraan para sabihin sa kanya ang totoo. Saka parang di ko kaya na saktan siya. Nakita mo ba kung gaano siya kasaya kanina? I can’t fail him.” Punong-puno ito ng pag-asa na mapapalapit ito kay Cindy. “Bahala ka na nga. Pakain na lang ng enseymada mo.” Tinampal niya ng kamay nito nang akmang dadampot ng enseymada. “Um! Sabi mo bahala ako sa buhay ko tapos makikikain ka ng enseymada ko.” “Ang damot mo naman. Para saan pa ang that’s what friends are for?” “Walang friends-friends sa enseymada,” aniya at pinanlakihan ito ng mata. “Saka akala ko ba nakakasira ng figure iyan at di bagay sa beauty queen na tulad mo.” “Siyempre bestfriends tayo at dadamayan kita sa kataksilan mo sa code nating beauty queens.” Nanatiling matiim ang anyo niya. “Tutulungan kitang umisip ng paraan para matulungan mo si Dumbo na mapalapit kay Cindy. Deal?” “Deal. Pero isang enseymada lang. Tirhan mo ako.” Kakailanganin niya ang brain cells ng kaibigan. Mataas ang grades niya sa academic pero bagsak siya sa pag-ibig. Ni hindi pa nga siya nagkaka-crush. Binuklat ni Quinn ang notebook. Nagulat siya nang sa halip na Social Studies ay Love Poem by Chance Añonuevo ang nakasulat na pamagat ng notebook. “Naku! Maling notebook ito.” “Anong notebook ba iyan?” tanong ni Sosimo at inagaw ang notebook sa kanya. “Love Poems. UY! Gusto ko ito. Maganda ito. Basahin mo.” Mabilis na hinagip ng mata ang unang tula sa notebook. At first sight, I thought you were the sun You warm my skin with you tender smile Since then, my world revolved around you I don’t want it to end or my mere existence will vanish Iyon marahil ang unang beses na nagkita ito at si Cindy. Parang hinaplos ng mainit na kamay ang puso niya. Gumawa ito ng tula para babaeng gusto nito. Ang gusto lang naman nito ay maabot ang pagmamahal nito. Parang may dumaklot na kamay sa puso niya at piniga iyon. Dati ay nakokornihan siya sa mga love letter at love poem. Hindi siya nakaka-relate at pakiramdam niya ay puro pambobola lang. Madalas pa nga ay kinokopya lang sa libro at internet ang ipinadadala sa kanya ng mga manliligaw niya o kaya ay sa f*******: lang dumidiskarte.. Pero iba ito. Iba ang epekto sa kanya ng tula na ginawa ni Chance. Parang binubuksan nito ang puso nito kahit sa maliit na notebook na iyon. Sinsero ang nararamdaman nito. Naroon ang totoong pagmamahal. At para iyon sa pinsan niya. Kung siya siguro ang babaeng aalayan nito ng ganoon kagandang tula ay magugustuhan niya ito. Ang ganoong uri ng pagmamahal ay dapat nakakarating sa taong pinaglalaanan nito ng puso. Bibiguin pa ba niya ito kung siya na lang ang pag-asa nito? Kinuha niya ang notebook mula kay Sosimo. “Sandali! Hahabulin ko si Chance.” “Teka! Ibalik mo muna iyan. Magbabasa pa ako! Quinn!” Di niya pinansin ang pagtawag ng kaibigan. Kahit na gaano pa niya kagustong basahin ang tula ng kamag-aral para sa pinsan niya, iginagalang niya ang privacy nito. Naabutan niya si Chance na paliko sa kabilang building patungo sa basketball field. Doon nakatambay ang iba nilang kaklase na nagpapalipas ng oras. “Chance!” tawag niya dito. “Mali ka ng notebook na naibigay sa akin.” Tumigil ito sa paglalakad at natigilan nang makita ang notebook. “Oo nga. Pasensiya ka na. Nakakahiya. Nabasa mo pa yata ito. Corny pa mandin ang mga tulang gawa ko,” anito at napakamot sa ulo. “Hindi iyan corny. I mean… hindi ko naman masyadong nabasa. Para ba kay Cindy ang mga iyan?” tanong niya. Tumango ito. “Gusto ko ngang ibigay sa kanya kapag naging close na kami. Kaya sana matulungan mo akong dumating ang panahon na iyon. G-Gusto ko lang talaga na maibigay iyan sa kanya at masabi din ng personal ang nararamdaman ko.” Nasa dulo ng dila niya ang pagtutol. Ang totoo, di naman talaga niya alam kung paano ito tutulungan. Mai-invade siguro ng mga alien ang Earth pero di ito magugustuhan ng pinsan niya. Ngumiti siya. “Siyempre naman.” “A-Anong kailangan kong gawin para mapalapit kay Cindy? May naisip ka na ba?” “Ahhh!” Tumingala siya habang nangangapa sa utak niya. Bawiin mo na. Baka may chance pa. “Sa Sabado, susunduin kita sa inyo. Pupunta tayo sa bahay nila Cindy. Sasali tayo sa pool party nila.” “Talaga?” Hinawakan nito ang dalawang kamay niya. Nagniningning ang mga mata nito. “Makakalapit na ako sa kanya! Thank you! Thank you!” Nang ngumiti si Chance ay gumaan ang pakiramdam ni Quinn. Noon lang niya nakitang masaya. Na parang si Cindy lang ang nagdadala ng kaligayahan dito at masaya siya kahit sa isip niya ay gusto niyang batukan ang sarili. Paano nga ba siya gagawa ng himala? Kahit yata ipagdasal niya nang paluhod at magpatirapa siya sa harap ng altar ng simbahan ay di ito magugustuhan ni Cindy. Ni maging mabait man lang dito. Bahala na. Didiskartehan na lang niya. Basta ang alam niya,7 gusto ulit niyang makitang masaya si Chance. “ANG tagal mo namang magbihis, Chance!” Kinatok ni Quinn ang kuwarto nito. Nakaubos na siya ng isang llanera ng leche plan pero di pa rin bumababa ang kaklase. Na-tempt na rin siyang kumain ng carrot cake na gawa ng mama nitong si Tita Vera kundi lang niya naisip na kailangan na nilang umalis ni Chance. Kanina pa nagsimula ang pool party. Gusto sana niya na mas maaga sila doon para may tsansa na makapag-usap ito at ang pinsan niya habang wala pa ang asungot na barkada ni Cindy. Kaso ay late na rin sila kaya iisip siya ng ibang diskarte paano ilalapit ang lalaki kay Cindy. “Sandali! Matatapos na rin akong pumili.” “Kanina mo pa sinasabi iyan.” “Hindi ko kasi alam ano ang perfect na damit para sa pool party.” “Pampaligo lang naman.” “Swimming trunks?” Ngumiwi siya. “Errr... No. Basta ako na ang pipili para sa iyo.” Pinihit niya ang seradura, binuksan ang pinto at tuloy-tuloy na pumasok sa kuwarto nito. Nasindak siya nang makitang nagkalat ang damit nito. “O! Anong nangyari sa iyo?” Patuloy pa rin ito sa paghahalungkat. “Hindi ko kasi alam kung ano ang dapat kong isuot para mas magustuhan ako ni Cindy.” Dumampot siya ng blue and black Hawaiian shorts at maluwag na black t-shirt. “Ito. Nakakapayat ang dark colors.” “Ah! Salamat,” sabi nito at pumasok ng restroom dala ang damit. Akmang hahawakan niya ang damit nito para itabi ang kalat ang sumigaw ito. “Ako na ang bahala diyan. Huwag mo nang galawin.” “Okay,” usal niya at tiningnan ulit ang mga damit nito. Mukhang kailangan niyang turuan ng tamang pagporma si Chance para naman maging kaaya-aya ito sa paningin. Kulang kasi ito ng kompiyansa sa sarili at kahit malaking tao ay parang laging gustong paliitin ang sarili. Nag-iisang anak lang si Chance at nasa Italy ang ama nito. Hindi naman spoiled brat ang binatilyo pero halos lahat ng gusto nito pagdating sa pagkain ay ibinibigay ng ina nito na dating culinary student na piling maging housewife sa huli. Mukhang hindi forte ng pamilya ang fashion kaya mukhang kailangan niyang i-assist si Chance sa aspetong iyon. Nang lumabas ito ay inayos-niya ang nakatabinging pagkakasuot ng T-shirt nito. Pinaupo niya ito sa kama at sinuklayan. “Kung gusto mong mapansin ka ni Cindy, kailangan presentable ka kapag humarap sa kanya.” “Swimming naman iyon. Saka hindi ba mas mahalaga ang magandang ugali kaysa sa guwapo?” tanong naman nito. Tinaasan niya ito ng kilay. “Chance, kung mas mahalaga ang magandang ugali, hindi sana si Cindy ang nagustuhan mo.” “Sinasabi mo ba na di maganda ang ugali niya?” Huminga siya ng malalim. “No. Ang ibig kong sabihin nagustuhan mo siya dahil maganda siya. Iyon ang unang nakikita ng mga tao. Kahit naman ikaw nagustuhan mo si Cindy dahil maganda siya.” “May maganda naman siyang katangian bukod sa maganda.” “Ano?” nakataas ang kilay niyang tanong. “Maganda siyang ngumiti saka magaling siyang sumayaw saka...” Tumuwid siya ng tayo. “Never mind. Late na tayo. Basta makikinig ka sa mga sasabihin ko. Okay?” “Okay,” anito at tumango. “Ang totoo hindi pa rin ako makapaniwala na maisasama mo ako sa swimming party ni Cindy. Kasi sabi niya mga imbitado lang niya ang kasama. Exclusive lang sa iilang tao.” “Imbitado ako at kasama mo ako. Malakas ka sa akin, eh! Magbihis ka na para makapag-enjoy din tayo.” Maingay ang villa ng mga Arboleda nang dumating sila ni Chance. Sa labas pa lang ng gate ay dinig na dinig na ang musika na pang-party. Nasa Hong Kong ang magulang ni Cindy dahil nasa conference ang daddy nito. Sumama na rin ang Tita Elvira niya para makapag-shopping na paborito nitong gawin. Kaya naman kuntodo pa-party si Cindy. Wala nga namang magbabawal at magsesermon dito. Magagawa nito anuman ang gustuhin. Nakabantay lang ang mga kawaksi at naghihintay lang sa utos ni Cindy. Kung tutuusin ay kamakailan pa lang nae-enjoy ni Cindy ang buhay ng mayaman. Tatlong taon na ang nakakaraan nang ma-contact ng tiyahin niya ang ama nito na sa Amerika namahalagi ng mahabang panahon. Noon lang nalaman na anak pala nito si Cindy. Maunlad na noon ang buhay ng tiyuhin niya kaya naman mala-prinsesa ang pinsan niya. Samantalang dati ay isang receptionist lang sa hotel ang tiyahin niya at tumutuloy sa isa sa mga pag-aaring apartment ng pamilya niya. Kaya naman kung dati ay mapili ito sa mga sinasamahang kaibigan ay mas tumaas pa ang standard nito ngayon. Iba talaga ang nagagawa ng pera. “Mukhang nag-e-enjoy sila,” sabi ni Chance at gumagalaw ang ulo habang sinasabayan ang kanya ng boy band na One Direction. “Mag-e-enjoy din tayo pero di ka aalis sa tabi ko. Malinaw ba?” “Oo. Ang importante malapit ako kay Cindy.” Kinawayan niya ang mga kaklase at ilang schoolmate na kanya-kanyang pwesto sa pool area. May umiinom ng alak kahit na mga menor de edad pa ang mga ito at tanghaling tapat. Ang iba naman ay sige sa pagtatampisaw sa pool na may bitbit pang pagkain. Hindi ganitong party ang gusto niyang puntahan lalo na’t walang nakatatanda. Kumaway si Cindy na nasa gitna ng pool. “Bakit na-late ka? Kanina pa kami naghihintay sa iyo. Hindi kumpleto ang party ko nang wala ka.” Wala siyang planong pumunta sa party nito. Kahit na gusto siyang maging kaibiganin ng mga kaibigan nito, di naman niya gusto ang mga ito. She thought they were shallow. Mga bata pa lang pero grabe na kung gumastos ng pera. Ang pinsan kasi niya ang simbolo ng kasosyalan. She didn’t necessarily agree with her. Pwedeng namang mamuhay ng simple lang dahil may mga bagay na mas importante sa buhay. Hindi ang ganitong pool party. At nagpunta lang siya doon para samahan si Chance. Kung kasama niya ito, mapipilitan sila Cindy na tanggapin ito. “Dinaanan ko pa kasi ang kaibigan ko,” sagot niya sa pinsan. Kumaway si Chance. “Good morning, classmates!” Sumimangot ang mga babae. “Is she crazy? We don’t need a clown!” may kalakasang komento ni Abby. “Hindi ito children’s party.” “Baka naman hindi marunong lumangoy si Quinn at kailangan niya ng salbabida.” At sinundan iyon ng halakhak ni Krizzy, ang bestfriend ni Cindy. Ginagap niya ang kamay ni Chance. “Kaibigan kita kaya huwag kang mahihiya. Kapag may narinig kang di magandang comment sa iyo, isumbong mo sa akin. Ingungudngod ko sa gutter ng pool.” Sinadya niyang lakasan at nilingon ang dalawa sa likuran niya. Natameme sina Abby at Krizzy na biglang patay malisya na ipinagpatuloy ang pagkukwentuhan pero tungkol na kay Miley Cyrus. Inirapan niya ang mga ito. Kung patarayan lang naman, di siya magpapatalo. Mas takot pa nga ang mga ito sa kanya kaysa kay Cindy. “Anong gusto mong kainin?” tanong ni Quinn kay Chance. “Busog pa kasi ako,” sabi nito at hinaplos ang tiyan. “Pupunta ako sa restrooom sandali.” Kinawayan niya si Sosimo. “Ikaw muna ang bahala kay Chance.” Pagbalik niya mula sa restroom ay nakita niyang nakaakbay si ang kaklase nilang si Antoni kay Chance. “Pare, kumusta na? Mabuti nakapunta ka. Wala kasi kaming inflatable raft, eh!” “Hindi ako nakapagdala ng inflatable raft. Babalikan ko sa bahay,” anang si Chance na walang ideya sa sinasabi ng kaklase nila. “Hindi. Ikaw na lang ang raft namin.” At walang sabi-sabi ito na tumalon sa pool kasama si Chance. Naghiyawan ang lahat at nagpalakpakan. Naalarma si Quinn nang makita niyang magkakawag si Chance at lumubog-lumitaw sa malalim na bahagi ng pool. “Tulong! Hindi ako marunong lumangoy!” “Okay lang iyan! Kusa ka namang lulutang,” sabi ni Turvey na natatawa lang habang pinapanood si Chance. Ilang kampay lang ng kamay nito ay pwede na nitong sagipin si Chance ngunit di nito ginawa. “Tulong! Tulong!” Di nga ito makalangoy. At mukhang walang balak ang mga kaklase niya na sagipin ito. “Chance!” sigaw ng dalagita. Di na siya nagdalawang-isip na tumalon ng swimming pool.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD