Chapter 1

3011 Words
“I nominate Cindy Arboleda for muse.” Inilista ni Quinn ang pangalan ng pinsan sa blackboard. Siya ang bagong nominadong class secretary ng third year section one ng Sitangco Academy. Para iyon sa homeroom officers ng klase. Umulan ng hiyawan at palakpakan sa classroom. Sa simula pa lang ay si Cindy na ang laging nananalong muse. Puno ng kompiyansang tumayo ng upuan si Cindy at naglakad aisle na parang isang tunay na beauty queen. Kumaway pa ito at nag-flying kiss na parang nanalo na ito sa pageant. “I nominate Quinn Barameda.” Nakamaywang na hinarap ng dalagita ang nakangising nag-nominate na si Sosimo. “Sosimo Binayubay!” Itinuro niya ito gamit ang chalk. “Hindi mo ba nakikitang class secretary na ako? Hindi ko na kailangan pang maging muse.” Ipinaypay nito ang abaniko na parang isang donyita. “At bakit hindi? Maganda ka naman! Sexy ka rin. Wagi ang ganda mo, sister.” “Oo nga!” sagot ng iba pa nilang kaklase. “Bakit nga ba hindi pwedeng maging secretary na muse?” wika ni Miss Soriano, class adviser nila na nasa likod ng classroom at pinapanood sila. “Saka maganda ka at matalino. I am sure maire-represent mo ang klase natin.” “Ikaw kaya ang nagturo sa akin kung paano ang kilos ng isang tunay na beauty queen nang sumali ako sa Miss Gay Baranggay,” dagdag ni Sosimo saka kumaway habang nakanganga pa na animo’y isang tunay na beauty queen. Bata pa lang kasi sila ay iyon na ang training nila sa bahay. Ang mga maging beauty silang magpipinsan balang-araw at susunod sila sa yapak ng mga nanay nila na parehong nakalaban sa mga beauty pageants. Ipinasa ng mga ito sa kanila ni Cindy ang pangarap ng mga ito na maging Miss Universe. Kung ganda lang naman ang pag-uusapan, di nagkakalayo ang ganda nila ni Cindy. Pareho silang matangkad. Mas balingkinitan lang siya dito at mukhang mas bata kahit na magkaedad lang sila. Nahuli niya ang pagsimangot at pag-ingos ni Cindy. Ayaw kasi nito nang kinokompitensiya. Bukod pa sa gusto nito ay maging kasingpayat niya. “Ma’am, tatanggihan ko na lang po. Gusto ko naman na magkaroon ang iba ng chance na magkaroon ng posisyon,” anang si Quinn at ngumiti sa pinsan. “Ay!” angal ni Sosimo at nakasimangot na umupo. Di rin niya gustong makabangga ang pinsan. Di naman siya interesado na maging muse. Ayaw niyang maging beauty queen. Para sa kanya ay may iba pang bagay na magpapasaya sa kanya kaysa sa pagpapaganda at pagpapa-sexy para hangaan ng lahat. Kaya bakit di na lang iyon ibigay sa taong totong may gusto nito? Muling sumilay ang ngiti ni Cindy. At lalong lumapad ang ngiti nito nang ito ang nanalong muse. Ang tanging kaligayahan lang naman nito ay ma-recognize ng lahat na ito ang pinakamagandang babae sa kahit saan. “The table is now open for the nomination of escort.” “Turvey Sitangco!” anunsiyo ng maiingay na lalaki sa likod. Awtomatiko siyang sumimangot. Si Turvey ay anak ng may-ari ng academy. Kahit na wala namang utak ay nasa section one. Guwapo nga ito pero nuknukan ng yabang. Mahilig pang mang-bully at animo ay hari ng paaralan. Kahit mga teacher ay natatakot na pagsabihan ito dahil baka mawalan ng trabaho. Tumikhim si Turvey at kumaway. Lalo namang naghiwayan ang mga alagad nito. Tumahimik ang iba dahil maraming may ayaw kay Turvey. Subalit walang magtatangkang magsalita sa mga ito dahil takot na lalong ma-bully o kaya ay mapag-initan ng grades. Hinila-hila ni Turvey ang harap ng polo at tumabi sa kinikilig na si Cindy. “Kitang-kita naman na kami ang bagay, hindi ba?” tanong ng binatilyo sa klase. “I object!” sabi ng isa sa mga kabarkada nitong si Artur. “Mas may makisig na sa iyo, pare. I nominate Chance Añonuevo!” Naglingunan ang lahat kay Chance at pigil na bumulanghit ng tawa ang iba. May tumaas din ang kilay at may nanlaki ang mga mata. Hindi ito escort material. Matangkad ito pero kung anong tangkad nito ay ganoon din kalapad ang mala-aparador nitong katawan. Di lang yata ito basta napabayaan sa kusina. Doon na ito sa kusina tumira. Napanganga si Chance at tiningala ang nag-nominate na si Artur. “Ha? Sigurado ka bang ako ang ino-nominate mong escort?” Tinapik ito ni Artur sa balikat. “Siyempre naman. Kung diyan lang din naman kay Turvey, di nalalayo ang kaguwapuhan mo.” “P-Pwede ba akong tumayo sa tabi ni Cindy?” Lalong nadagdagan ang saya sa mukha ni Chance. Di lingid sa lahat na crush nito si Cindy. Di lang ito makaporma dahil laging nakabantay si Turvey sa pinsan niya at tiyak na pagbabantaan ito. Ito na ang tsansa ni Chance na makatabi sa dalagita. “Mas bagay ka talaga para kay Cindy. Ipakita mo sa kanila,” panggagatong pa ni Artur dito. “Salamat, Artur,” sabi ni Chance at tumayo upuan. Kakaiba ang hagikgik ng mga kabarkada ni Turvey. Mariing nagdikit ang labi ni Quinn. Mukhang may di na naman magandang binabalak ang grupo nila Turvey at si Chance ang bagong biktima ng mga ito. “Patigilin mo nga iyan. Pinagkakatuwaan lang nila si Chance,” bulong niya sa presidente na si Gordon. “Sa palagay mo ba kaya kong kontrahin iyan? E di ako naman ang napag-tripan nila Turvey. Saka mukha namang masaya si Chance. Baka mainsulto pa siya kapag kinontra ko.” Bumuntong-hininga ang dalagita. Isang malaking karangalan nga naman para sa tulad ni Chance na maging nominadong escort. At malamang ay nasa langit na ito basta lang makatabi ang pinakamamahal nitong si Cindy. Nagkukumahog na naglakad si Chance papunta sa harap ng klase. Bakas ang excitement sa mukha nito. Parang mas nitong tumakbo pero di nito kaya ang bigat ng katawan. Napasigaw ang lahat nang bigla na lang madapa si Chance. Plakda ito sa aisle. “Chance!” sigaw ni Quinn at dinaluhan ang kaklase. Umungol lang si Chance habang nakasubsob sa sahig. Hinaplos niya ang buhok nito. “Chance, magsalita ka naman.” “Chance, okay ka lang ba?” tanong ng teacher nila. “Baka kailangan nang dalhin sa clinic.” Humalakhak ang isa sa kabarkada ni Turvey na si Harry na nasa tapat ni Chance bago ito bumagsak. “Nakakatawa! Ang lakas ng lagabog. Anong intensity nga ba iyon nang lumindol? Naramdaman ninyo?” pangangantiyaw pa nito. “Baka lagpas na sa Richter scale,” sabi naman ni Artur at kinalampag pa ang arm ng upuan nito. “Nakapagtala na ng bagong record si Chance.” Matalim niyang tiningnan si Harry. “Ikaw may kasalanan nito, no? Siguro tinisod mo si Chance kaya siya bumagsak.” “Ako? Wala akong ginagawa. Siya itong bigla na lang nadapa. Masamang magbintang ng walang ebidensiya,” painosenteng sabi nito. “Saka di bagay sa iyo na ipagtanggol ang tabachoy na iyan. Sayang. Crush pa mandin kita.” “At sa sama ng ugali mo, di kita magugustuhan. Kahit na di ikaw ang may kasalanan ng pagkakadapa niya, sana man lang tinulungan mo siyang bumangon sa halip na pagtawanan mo,” singhal niya. “Ang mahal ng tuition mo dito pero parang wala kang pinag-aralan.” Hinawakan ni Chance ang braso niya. “Okay lang ako, Quinn. Saka wala naman talagang kasalanan dito si Harry.” “Kita mo! Si Chance na mismo ang nagsabi,” anang si Harry at ngumisi pa sa kanya na parang nagmamalaki. Alam niyang si Harry ang may kasalanan. Ayaw lang siguro ni Chance na gumawa ng gulo. Kahit naman may nanunukso ditong aparador o tabachoy ang ngumingiti lang ito. Lalo tuloy itong inaapi. Di lang talaga niya mapapalampas kapag nagkakasakitan na. Sinubukan niyang alalayang tumayo si Chance ngunit tumanggi ito. “Hindi na kailangan. Kaya ko nang tumayo.” “Baka may masakit sa iyo. Baka may sugat ka,” nag-alala niyang usisa at sinipat ang mukha nito. “Wala! Balat-kalabaw iyan!” kantiyaw ni Harry. “Okay lang ako.” Kahit na mabuway ay pilit na tumayo ng tuwid si Chance. “Ayoko na rin namang paghintayin si Cindy. Nakakahiya.” Iyon lang at parang di na ito napahiya kanina. Nagniningning na naman ang mga mata nito habang nakatingin kay Cindy. “Pare, dito ka na!” At sinenyasan ito ni Turvey. Laking dismaya ni Chance nang halip na sa tabi ni Cindy ay sa tabi ito ni Turvey napunta. Lalo tuloy nakita ang malaking kaibahan ng dalawa. Habang si Turvey ay guwapo, presko at makisig ang pagkakatindig, si Chance naman ay medyo madumi pa ang mukha mula sa pagkakangudngod, medyo lukot ang damit at mukhang alalay lang ni Turvey. It was too painful to watch. “Let’s continue with the nomination,” anunsiyo ni Miss Soriano. Isinara ang nominasyon at ang dalawa lang ang natirang kandidato bilang escort. Pinili niyang humarap sa blackboard nang itanong kung sino ang boboto kay Turvey. Naawa siya kay Chance. Nang lumingon siya ay bagsak ang balikat nito habang ang halos buong klase nila ay nagtaas ng kamay pabor kay Turvey. Si Turvey na ang bagong escort at si Chance naman ay isang talunan. HUMALAKHAK si Quinn sa isip niya. Nasa kamay na niya ang merienda niya para sa araw na iyon. Limang pirasong donuts, dalawang tetra pack ng chocolate drink at isang maliit na bag ng chips. Iyon ang gusto niyang kainin sa halip ang pabaon na granola bar ng Mama niya. Sa botanical garden siya kakain para malayo siya sa mapanuring mata ni Cindy. Magsusumbong ito sa Mama niya oras na malamang sira ang diet niya. Puspusan na kasi ang paghahanda nila para sa Mutya ng Pilipinas. Kailangan daw ay makapasok sila sa taong ito. Subalit pagdating sa botanical garden ay may nauna na doon. Nakaupo sa bench si Chance habang nakatitig sa isang kahon ng makulay na rainbow fruit tart. “Wow! rainbow fruit tart! Baon mo iyan?” Malungkot mga mata nito nang lumingon sa kanya. “Ikaw pala iyan, Quinn.” Umupo siya sa tabi nito. “Okay ka na? May masakit ba sa iyo?” Umiling ito. “Wala. Nakita ko na kasing masaya si Cindy sa akin dahil nanalo akong muse. Kaya masaya na rin ako para sa kanya.” “Pero hindi ka naman mukhang masaya.” Nasaktan ito kanina at napahiya. Kaya siguro pinili nito na sa botanical garden na lang magpalipas ng sama ng loob kung saan walang makakakita sa paghihinagpis nito. Inilabas niya ang baon sa plastic bag. “Mabuti na lang mag-share tayo sa baon ng isa’t isa. Masarap ng freshly baked donut. At may chocolate drink pa ako.” “Sa iyo lahat ng iyan?” manghang tanong nito nang makita ang limang pirasong donut at dalawang tetra pack ng chocolate drink. “Oo naman. Kaya kong ubusin ito pero ise-share ko sa iyo. Basta ba bibigyan mo ako ng rainbow fruit tart mo.” Tinatlong subo lang niya ang isang donut. Gutom na gutom kasi siya. “Ano? Bibigyan mo ba ako?” Napakurap si Chance. “Lagi bang ganyan ang kinakain mo?” “Kapag may pagkakataon.” “Bakit hindi ka tumataba?” Sinipsip niya ang chocolate drink. “Hmmm… ipinanganak na akong ganito. Pangarap ko nga na tumaba, eh.” “Hindi ako naniniwala sa iyo. Ikaw lang ang kilala ko na di masayang payat.” Ngumisi siya. “Nililibang mo ako. Heto ang tatlong donut. Kahit dalawa lang ng rainbow fruit tart mo ang ibigay mo sa akin.” Umiling ito at inilayo sa kanya ang baon. “Hindi pwedeng bawasan ang rainbow fruit tart.” Lumabi si Quinn. “Ang dami-dami niyan. Di mo ba ako pwedeng bigyan kahit isa?” Di kataka-takang naging dambuhala ito. Maramot ito. Ayaw mag-share. Sayang lang ang pagiging mabait niya dito. Pagdamutan din naman pala siya. “Di naman ito sa akin. Regalo ko sa ito para kay Cindy.” “Talaga?” “Oo. Luto kasi ito ni Mama. Ibigay ko daw sa babaeng gusto ko.” Tumango na lang si Quinn at nakadama ng lungkot. Nahihinayang siya kung kay Cindy mapupunta ang rainbow fruit tart. Baka ipatapon lang nito dahil may allergy iyon sa matatamis at kahit anong pagkain na posibleng magpataba dito. Nasa ilalim sila ng matinding diet. At dahil tabain si Cindy, regulated ang kinakain nito. At talagang isinasapuso nio ang pagme-maintain ng alindog. “Ako na lang ang magdadala sa kanya.” At may mas maganda na siyang plano sa tart. Kumislap ang mga mata ni Chance. “Talaga? Okay lang na ibigay mo sa kanya?” “Oo naman. Malakas ka sa akin, eh!” Lihim na humalakhak si Quinn nang mapasakamay na niya ang rainbow fruit tart. Tiyak na mag-aawitan ang mga anghel oras na matikman niya iyon. It was a break from all the dull food that she usually eat. “Basta sabihin mo sa akin galing. At kung gusto pa niya ng madami, magpapa-bake pa ako sa Mama ko. Gusto na nga niyang idala ko si Cindy sa bahay para mag-dinner kaso nahihiya naman akong lumapit sa kanya.” “Gustong-gusto mo talaga siya, no?” sabi ng dalaga at kumagat ng donut. “Oo. First year high school pa lang tayo. Mukha siyang anghel. Magandang ngumiti. Parang pangarap lang siya na nagkatototoo.” At saka ito tumingin sa kawalan na parang nangangarap. Sa kasamaang-palad ay mataas ang criteria ni Cindy sa mga lalaki. Di si Chance ang tipo nito. “Nasabi mo na ba sa kanya na gusto mo siya?” “Nahihiya kasi ako. Pero sa palagay ko magugustuhan din niya ako kapag sinabi ko. May pag-asa ako. Sabi kasi niya sa pageant na sinalihan niya last year, hindi na daw importante ang itsura ng lalaki. Mas importante ang laman ng puso.” Itinuro ng binatilyo ang dibdib. “Mabait naman ako. Matalino rin ako. Aalagaan ko siya. She will like me.” Mukha itong nakalutang sa cloud nine nang mga oras na iyon. Nakakadaya naman kasi ang sagot sa pageant. Sinasabi lang naman ng isang contestant kung ano ang gustong marinig ng mga tao at hindi ang totoong laman ng puso nito. At tinuruan na sila ng mga magulang nila kung paano ang sagot na pang-beauty queen. Di siya makapaniwala na ang isang matalinong tulad ni Chance ay nadadala ng mga sagot sa isang beauty pageant. Malamang kahit sa bangungot ay di papangarapin ni Cindy na ma-in love kay Chance. May standard na sinusunod ang pinsan niya. Habang si Quinn ay malapit lang sa pangarap niya. Tinitigan niya ang rainbow fruit tart. Ito ang pangarap niya. Isang kagat lang niyon ay nasa langit na siya tiyak. Binasa niya ang labi. “Ang sarap talaga…” “Quinn! Keep away from that horrible junk!” Napangiwi siya nang magtitili si Cindy. Masakit kasi sa tainga ang boses nito. Hanggang sa botanical garden pala ay nasundan siya nito. Kapag minamalas talaga. “Hello, Cindy!” nakangiting bati ni Chance at kinawayan ito. Kinuha ni Cindy ang box ng rainbow fruit tart mula sa kanya at ibinalik kay Chance. “Huwag ngang kung anu-ano ang ibinibigay mo sa pinsan ko! Alam mo ba na naghahanda kami sa pagpasok sa Mutya ng Pilipinas. She doesn’t need that.” “Ano naman ang masama sa rainbow fruit tart? Prutas naman iyan,” katwiran ni Quinn. “Glazed naman at may whipped cream pa. Alam mo ba kung gaano karami ang calories ng kinakain mo?” Naglabas si Cindy ng oatmeal bar. “Ito ang kainin mo, Quinn. At sumunod ka na rin sa akin. Malapit nang matapos ang breaktime.” At saka nagmartsa palayo ang babae habang nakataas ang noo. Parang rumarampa ito sa stage kung maglakad. Habang bigo naman si Quinn. Umiiyak ang puso niya at ipinagluluksa ang rainbow fruit tart. Oatmeal bar? Inangkupo! Paano ako mabubuhay nito? Bumagsak ang balikat ni Chance. “So she doesn’t like sweets. Tiyak na magagalit siya sa akin kung ibigay ko ito sa kanya.” “P-Pasensiya na. Istrikto kasi ang diet niya. Importante sa kanya na manalo sa beauty pageant. Pangarap kasi niya na maging Miss Universe balang-araw.” Kin uha nito ang oatmeal bar sa kanya. “Ito lang ang kinakain mo? Hindi na ako magtataka kung bakit gutom na gutom ka. Sobrang payat mo na.” “Kaya nga kumakain ako nang patago. Magsusumbong kasi siya kay Mama kapag nalaman niyang kumain ako ng donut o kahit chocolate drink. Lalo kong hindi mae-enjoy ang pagkain ko. Baka mapurga ako sa oatmeal at salad,” aniya at lumabi. “Pwede bang sa akin na lang ang oatmeal bar? Sa iyo na ang rainbow fruit tart,” alok nito. “Talaga?” Itinuro niya ang oatmeal bar. “Masaya ka na diyan?” “Oo. Galing ito kay Cindy, di ba?” sabi nito at idinikit ang oatmeal bar sa pisngi. Kinuha na niya ang rainbow fruit tart. “Uy! Maganda iyan! Sige. Sa iyong sa iyo na iyan. Wala nang bawian.” Mababaw nga pala ang kaligayahan nito. Pabor iyon sa kanya. Sa wakas! Tagumpay! Kanya na ang rainbow fruit tart. Napaungol si Quinn nang kagatan ang rainbow fruit tart. Bumaon ang ngipin niya sa glazed na strawberry at kiwi na may whipped cream. Napapikit na lang siya at napaungol. “Sobrang sarap. Mahal ko na ang Mama mo.” “Bibigyan pa kita ng marami niyan.” “Talaga?” nagniningning ang mga mata niyang nilingon si Chance. “Oo. Basta tutulungan mo ako na maging close kay Cindy. Ilakad mo ako sa kanya.” Napaisip siya. Ang gagawin lang niya ay tulungan ito kay Cindy at may supply na siya ng masasarap na pagkain. Mga pagkaing sa panaginip lang niya natitikman. Parang nasa langit siya oras na mangyari iyon. Wala naman sigurong kailangang makaalam ng lihim na iyon. Silang dalawa lang ni Chance. Inubos muna niya ang dalawang pirasong rainbow fruit tart bago ito kinamayan. “Sige! Deal iyan, ha? Walang bawian!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD