“GOOGLED! Googled! Googled! Class, what is wrong with you? Masyado ba ninyong minamaliit ang subject ko at hindi man lang ninyo magawang gumawa ng sarili ninyong poem at essay? Aba! Daig pa kayo ng mga elementary students na sumali sa competition kung saan ako ang judge last week. I expect more from you.”
Napangiwi na lang si Quinn habang sinesermunan ng guro nila sa English na si Miss Lagman ang
Hinawakan ni Sosimo ang kamay niya at pinisil. “Salamat, friend. Buti na lang talaga na-enlighten mo ako na di Google ang solusyon sa lahat. Buti talaga nabawi ko kung hindi, pati ako kasama sa cooking show na ito. Ayokong magisa ni Miss Lagman.”
“Ma’am, di naman po kasi lahat magaling gumawa ng tula at essay. Ang iba po magaling sa computer,” tatawa-tawang katwiran ni Turvey na sinegundahan naman ng mga alipores nito.
“Plagiarism, you mean, Mr. Sitangco? Alam mo bang pwede kang makasuhan kapag ginawa mo iyan. Malaking kahihiyan iyan sa pamilya mo. And you, Miss Beauty Queen,” anang istriktang guro at bumaling kay Cindy.
“Ma’am, hindi po ako nag-Google,” depensa agad ng pinsan niya.
“Pero kinopya mo naman sa school paper natin last year. Akala mo ba hindi ko malalaman? Mag-submit kayo ng original na sulat ninyo sa akin mamayang hapon kung ayaw ninyong ipatawag ko ang mga magulang ninyo. Is that clear?”
“Yes, Ma’am!” sabay-sabay na sagot ng lahat. Kahit si Turvey o ang school board ay di sasantuhin ni Miss Lagman. She was known to uphold the rules. Ang lumabag sa patarakan ay magigiba. Kaya naman marami ang nangingilag dito.
“Miss Barrameda, follow me to the faculty. I want to discuss something important with you.”
“Hala! Nag-Google ka rin ba, bestie?” tanong ni Sosimo kay Quinn. Nai-pull out nito ang project nito at napalitan ng sarili nitong gawa kaya kuntodo nosebleed daw ito.
“Siyempre hindi. Piniga ko ang utak ko para sa tulang iyon.”
Matiyaga siyang nai-guide ni Chance. Pinagawa muna siya nito ng essay kung saan siya mas komportable at saka nila isinalin sa tula. Tinulungan siya nito sa pag-iisip ng tamang salita na magtutugma. Kaya nga dapat lang na siya naman ang mag-treat dito. Pero paano kaya niya ito iti-treat kung may palpak sa project niya?
Nakita niya ang pag-aalala sa mukha ni Chance nang dumaan siya sa row nito bago lumabas ng silid. Nanlalamig ang kamay niya. Di niya naitanong kung posible na may makapareho pa rin ang gawa niya kahit na sandamakmak na deliberasyon ang ginawa nila para lang mabuo ang tula na iyon.
Kinakabahan siyang pumasok sa faculty at tumayo sa harap ng mesa ni Miss Lagman. “E bakit ka kaya kakausapin ni Ma’am?”
“Take a seat, Quinn.” Nanginginig ang tuhod niya nang umupo. “Binasa ko ang poem mo. And I love it. Naramdaman ko ang pagmamahal mo sa mga bayani,” sabi nito sa seryoso na boses.
“Talaga po?” di makapaniwala niyang tanong. Wala kasi sa itsura ng guro na masaya ito para sa kanya. Seryosong-seryoso kasi ito.
“Yes. That’s why I took the liberty of submitting it the the school paper. At nagustuhan din nila. Hindi ko alam na magaling ka palang gumawa ng poem.”
Nasapo niya ang dibdib. School paper. Ni minsan ay di siya nagtangkang mag-submit ng article doon dahil pawang mga magagaling lang sa pagsusulat ang nakakapasa. Kung makita man niya ang pangalan sa diyaryo ay tuwing nananalo lang siya sa pageant o kaya ay bilang officers ng mga club. Pero ngayon ay nasa byline na ang pangalan niya.
“Ang totoo, nai-guide po ako ni Chance, Ma’am,” sabi niya. “First time ko pong magsulat nang maayos na tula.”
“Oh! He is also a good one. Kung hahasain mo ang sarili mo sa paggawa ng tula, baka kayo ni Chance ang isali ko sa poem-writing competition sa August.”
“Naku! Si Chance na lang po siguro. Di po ako ganoon ka-confident sa pagsusulat ng tula.”
“I never pegged you for someone who doesn’t accept challenges, Quinn. Hindi ka naman magiging beauty queen kundi mo tatanggapin ang mga challenge. So, do you want to try?”
“T-Tingnan mo po natin.”
Siya? Lalaban sa poem-writing competition? Parang nakaka-excite. Matagal na ring walang bagong challenge sa buhay niya. Bakit nga ba hindi niya subukan? Hindi lang siya makapaniwala na bukod sa pagiging beauty queen, pwede din siyang makasulat ng tula. Hindi naman kasi iyon kasama sa training niya.
Paglabas niya ng faculty ay nagulat siya dahil nakita niyang nakasandal sa tabi ng pinto si Chance at nakaabang na sa kanya. Tumuwid ito ng tayo at sinalubong siya. “Quinn, anong sabi ni Ma’am? May problema ba sa tulang ipinasa mo?”
Impit siyang tumili at niyakap ito. “Napili ang tula ko para i-publish sa school paper. Tapos kapag ginalingan ko pa daw, baka magkasama tayo na ilaban sa poem-writing competition.”
“That’s good news.”
Lalo niyang hinigpitan ang yakap dito. “Thank you! Thank you! Thank you!”
“Quinn,” anang binatilyo na nagulat din sa ginawa niya.
Kahit siya ay nagulat din sa biglang pagyakap niya dito. Lagi siyang ilang sa mga lalaki. Dapat ay itulak niya ito palayo pero di niya ito pinakawalan. Basta masaya siya habang yakap ito. He smelled sweet. Parang baby powder.
“Baka may makakitang ibang tao sa atin,” anang lalaki na lalong nag-alanganin. “Baka kung ano pang sabihin nila.”
“Hayaan mo sila,” aniya at umingos. “Basta masaya ako. Basta gusto kitang yakapin.”
Magaan ang loob niya kay Chance. Di siya nakakChancea ng pagkailang. Siguro dahil alam niyang wala itong interes sa kanya at mabuti ito sa kanya. Isa pa ay magkaibigan na sila. Walang pakialam ang ibang tao kung sinuman ang piliin niyang kaibigan.
“A-Ano... Baka mapagalitan tayo,” sabi nito. “Baka mag-isip sila ng di maganda tungkol sa atin.”
Kumalas siya sa pagkakayakap dito pero pinisil niya ang pisngi nito. “Pakialam ba nila kung may friend akong huggable?”
“Parang stuffed toy?”
Tumango siya. “Parang stuffed toy.” Umabrisyete siya dito at naglakad sila pabalik sa room. “Ikaw ang stuffed toy friend ko.”
“Pwede mo naman akong itago na friend mo. H-Hindi mo naman kailangang ipakita sa lahat.”
“Bakit naman kita itatago?” gulat niyang tanong.
“Kasi parang di naman ako bagay na kaibigan mo. Maganda ka at tingnan mo naman ang itsura ko,” anitong sinubukan pang kumalas sa kanya.
“Nakita mo ba ang itsura ni Sosimo? Kung beauty pageant ang pagkakaibigan, di ko siya magiging friend. Pero kita mo naman sanggang-dikit pa rin kami hanggang ngayon. Kaya ganoon din tayo. At wala akong pakialam kahit anong sabihin ng iba. Basta ikaw ang kaibigan kong huggable at lovable. Pa-hug nga ulit.”
Dumistansiya na ito sa kanya agad. “Quinn, huwag mo akong yakapin. Nakikiliti ako.”
Humagikgik siya at niyakap ito. “Stuffed toy ko!”
“Quinn!”
It was nice to have a human stuffed toy as a friend.
“ANONG miryenda natin?” tanong ni Quinn at pasimpleng sinilip ang bag ni Chance nang ilabas nito ang libro sa Chemistry. Tinabihan niya ito bago magsimula ang klase nila dahil di pa rin niya makuha ang assignment nila.
Sumasakit ang ulo niya dahil wala siyang hilig sa mga elements at kung anu-ano pang chemical components. Sasabog ang utak niya. Pero lalong di siya matatahimik hangga’t di niya nalalaman kung ano ang pabaon ni Tita Vera kay Chance. Mula nang maging malapit sila ng binata ay may parte na sila ni Sosimo sa baon nito.
Hinawakan niya ang paperbag na naglalaman ng baon nito pero pinigilan nito ang kamay niya. “Huwag!” saway nito sa kanya. “Sagutin mo muna ang huli ng item sa assignment natin.”
“Titingnan ko lang naman saka titikman.” Pinapungay niya ang mga mata. “Please.”
Naaamoy na niya ang mabangong amoy ng cheese at tomato sauce at iba pang spices. Kumakalam na ang sikmura niya. Hula niya ay pizza roll iyon.
Tinitigan siya ni Chance. “Don’t give me those puppy eyes.”
“Anong puppy eyes?” inosente niyang tanong.
Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Those eyes. Hindi ka makakatikim ng baon hangga’t di mo natatapos ang assignment.”
Ngumisi siya at sinapo ang magkabila nitong pisngi. “Please. Konti lang.”
“No,” giit nito.
Ngumisi siya at itinaas ang hintuturo. “Kikilitiin kita kapag hindi mo ako pinatikim.”
“Huwag naman, Quinn. Maawa ka,” anitong pilit na tumayo sa upuan pero hindi agad makatayo dahil masikip iyon. At dahil mas malapit siya sa aisle ay wala itong kawala sa kanya.
“Sumuko ka na kasi. Ibigay mo na ang hinihingi ko.”
“You don’t play fair.”
Humalakhak lang si Quinn. Kahit ano ay gagawin niya sa ngalan ng pagkain. She felt carefree when she was around him. Mas nararamdaman niya na normal siya. Na di niya kailangang kumilos gaya ng beauty queen na parang laging may korona sa ulo.
“Ang sweet naman ng bagong love team ng klase,” tudyo ni Turvey na nasa kabilang row at kasama ang barkada ng mga ito.
“Mga ganyan pala ang type mo, Quinn. Ayaw mo sa mga guwapo at mas makikisig,” anang si Antoni.
Tumiim ang anyo ni Quinn at tumayo. Ang aga-aga pinapainit ng mga mayayabang na ang ulo niya. Nakakasira ng araw.
“Magkaibigan lang kami,” depensa agad ni Chance.
“Kalalaking tao tsismoso. Mahiya nga kayo,” saway niya sa grupo ni Turvey.
“Hey! Ang aga-aga nagkakaingay kayo,” singit ni Cindy na kapapasok lang ng classroom. “May problema ba?”
“Wala. May mga tsismoso lang kasing lalaki dito. Salamat sa pagtulong sa assignment ko sa Chemistry, Chance,” nakangiting sabi niya sa kaibigan.
“Basta ikaw.” At saka ito bumaling kay Cindy. “Hi!”
Isang matabang na ngiti lang ang ibinigay ni Cindy sa binatilyo at saka pumunta sa kabilang row kung saan naroon ang grupo nila Turvey. Nakatutok na ang atensiyon ni Quinn sa natitira pang item sa assignment niya sa chemistry nang umupo sa tabi niya si Cindy. “Sumama ka sa amin sa breaktime mamaya. Treat ko ang snacks mo,” yaya ng pinsan sa kanya. “Matagal-tagal na rin tayong di nakakapag-bonding at nagkaka-kwentuhan.”
“Sorry. Sina Chance at Sosimo kasi ang kasama ko.”
Malamang ay walang lasa na naman ang ipapakain sa kanya ng pinsan. Ayaw niya itong makasamang kumain dahil tiyak na bibilangin nito ang calories sa bawat isusubo niya.
“How about tomorrow? There’s a cosplay event we can go to. Magko-cosplay sila Mirri. Remember Mirri? The one who won the Teen Queen Pageant last month? Magkasunod kaming nag-audition. She wants to see you see you again.”
“Can I bring my friends? Hindi pa nakakasama kami nakakapunta sa cosplay event nina Sosimo at Chance,” nakangiti niyang sabi. “I am sure mag-e-enjoy sila.”
Tumirik ang mga mata nito. “Please. I want us to bond together. You know, just you, me and other beautiful people. Masisira lang ang view kung isasama mo ang mga kaibigan mo. You know I only tolerate them because we are in the same class.”
“Oh!” aniya at nagkunwaring malungkot kahit na inaasahan na niya ang isasagot ng pinsan. “I promised to bond with my friends this weekend. Manonood kami ng bagong sci-fi movie. Next time na lang tayo mag-bonding siguro.”
But her cousin won’t take rejection lightly. Nalukot ang mukha nito. “Quinn, what’s with you? Mas gusto mo pang kasama ang dalawang clown na iyon kaysa sa akin na pinsan mo? Come on! Mas enjoy kaming kasama. We are of the same feather so we must flock together. You are a queen, cuz. A beauty. Kami dapat ang kasama mo. We are royalties in this campus.”
“Gusto ko silang kasama dahil mababait sila. Napapatawa nila ako. Nararamdaman ko na normal ako. While you and your friends have fun in other people’s expense. Hinahayaan kita sa mga kaibigan mo, kaya hayaan mo rin ako. Wala kaming ginagawang masama.”
“Akala mo lang siguro wala. Just so you know, bumababa ang market value mo sa kasasama sa mga pangit na tao. Kundi lang kita pinsan at nadadamay ako sa ginagawa mo, wala naman akong pakialam sa iyo. We are future beauty queens. Remember that we have a image to protect. Baka isipin pa ng mga tao na pinatulan mo si Fat Chance. As in duh! Pihikan ka sa lalaki at doon ka lang babagsak,” anitong halos umabot na sa anit ng taas ng kilay.
Nagkibit-balikat siya. “Wala naman akong pakialam sa sasabihin ng ibang tao. Di naman masasamang tao ang mga kaibigan ko.”
“Look at you. Look at them. Di ka ba natatakot na isang araw matulad ka na lang sa kanila na pangit sa kadidikit mo sa kanila? Sabi ng fitness instructor natin medyo tumataba ka na. Siguro dahil sa kasasama mo piggy bank na iyon.” At inginuso nito si Chance. “Akala mo hindi ko alam na kung anu-anong ipinapakain niya sa iyo?”
“Sabi naman ng fitness instructor natin, mas maganda daw kung may kaunti akong laman. Mas maganda daw sa babae ang may curves. Ikaw? Nabawasan na ba ang bilbil mo?” aniya at ngumuso sa tiyan nito na alam niyang may bilbil pa rin. “Cuz, baka nakuha mo iyan sa kakakain at kaiinom mo noong pool party ninyo. That’s not good.”
Bigla itong tumayo habang matiim ang anyo. “Just shut up! Wala ka nang magandang sinabi.” At saka taas-noo siya nito iniwanan.
Matagumpay siyang ngumiti. Akala siguro ni Cindy ay mailalayo siya nito sa mga kaibigan niya dahil lang makakasira ang mga ito sa future niya bilang beauty queen. Mali ito. Hindi nakakasira sa imahe niya kung may mabubuti siyang kaibigan.
Mula nang maging kaibigan niya si Chance, mas naging sensitive siya pagdating sa pakikitungo sa ibang tao. Mas nabibigyan niya ng konsiderasyon ang maaring maramdaman ng mga ito sa bawat sasabihin niya. May insecurities ang mga ito. Dahil sa madalas na panlalait ay bumababa ang self-esteem. Pero tao din naman ang mga ito na may puso. Hindi rin naman sa anyo dapat nakabase ang pakikitungo sa mga tao.
“Seryoso ata usapan ninyo ni Cousin,” sabi ni Sosimo nang tabihan siya.
“Wala lang. Niyayaya lang akong mag-cosplay. Sabi ko may lakad tayo sa Sabado.” Inilapit niya ang ilong dito nang may maamoy. “Parang kilala ko ang amoy na iyon. Binigyan ka ng pizza roll ni Chance?”
“No. Para sa iyo ito kung masasagot mo ang last item sa assignment natin,” sabi nito. “Ano daw ang sagot?”
“Tsss!” aniya at napiltang sagutin ang huling equation. Nang makuha niya ang tamang sagot ay saka lang ibinigay sa kanya ni Sosimo ang pizza roll. “Yes! Success!” Pakiramdam niya ay trophy sa pageant ang inabot sa kanya. Sulit ang pagod niya.
“You are one spoiled girl,” naiiling nitong sabi sa kanya. “Baka mamaya may something na sa inyo ni Chance. Baka naman nililigawan ka na niya.”
“Tse! Walang malisya ito,” sabi niya at kinagatan agad ang pizza roll bago pa dumating ang teacher nila.
“Paano kung manligaw siya sa iyo?”
“Huh?” usal niya at nilingon si Sosimo. Nakangiti ang lalaki sa kanya at nag-thumbs up.
Tumango lang siya sabay kagat ulit ng pizza roll. Chance was a good person. Masaya siya kapag kasama ito. Wala itong expectations sa dapat niyang iakto kung may image ba siyang dapat na pangalagaan. She could be herself.
Pero ligawan? Ngumiti lang siya at kinapa ang puso niya. Wala siyang naramdaman na pagtutol doon. “We’ll see,” nausal ni Quinn.