“Sa wakas makakaalis na rin ako sa mabahong lugar na ito!” bulalas ko at saka iniimpake ang ilang mahahalagang gamit ko.
Ngayon na ang araw na naisipan ko ng umalis sa lugar na ito kasama ni nanay. Ayaw kasi ng mga kuya ko na sumama dahil masyado naman daw na malalayo sa trabaho nila.
Syempre hindi ko na sila pinilit pa na sumama dahil tama lang na magtrabaho pa rin sila.
Ayokong sa akin na lang sila umasa porket marami na akong pera at marami pang darating kapag nagkataon.
“Nak, wala na akong dadalhin na mga appliances, ha. Iiwan ko na lang dito para may gamitin ang mga kuya mo,” sabi ni nanay na excited na rin na tumira sa bonggang bahay ko.
Well, ayoko nga sana na may kasama pero isinama ni nanay ang sarili niya.
Inisip niya siguro na dahil anak niya ako ay automatic na nga na kasama siya sa bagong buhay ko.
Hindi ko na rin naman matanggihan at mabuti nga at may makakasama ako.
Balak ko ng na maghanap ng magiging katulong. Tipong uutusan ko na bumili ng ganito, ipagluto ako ng ganun. Naisip ko nga si Rosa pero kilala ko ang patay-gutom kong kaibigan kaya hindi na bale na lang na maghanap ako ng ibang taong makakasama. Dahil baka wala pang isang araw ay wala na pala akong makakakain dahil inubos ng lahat ni Rosa na walang pakundangan at hindi marunong mahiya.
Mabuti nga at hindi niya alam ang tungkol sa pagkakapanalo ko dahil kung alam lang bg dayukdok na yon na milyonarya na ako ay baka noong araw pa lang na nanalo ako ay nagpunta na yun dito at hindi na ako nilubayan pa.
“Nay, kumpleto ang gamit sa bahay ko at mga mamahalin pa kaya hindi ko kailangan ng kahit na anong lumang gamit dito sa bahay.” Sagot ko kay Nanay.
“Sobra ka naman, Reyna. Baka nakakalimutan mong kung hindi sa mga lumang gamit natin ay hindi gagaan ang pamumuhay natin. Gaya na lamang ng bentilador sa loob ng kwarto mo na ilng dekada na. Kita mo naman at napakatibay at hanggang ngayon ay umiikot pa. Kaya huwag mong mamatahin ang mga gamit na pundar namin ng ama mo at baka multuhib ka niya!” pananakot pa sa akin ng nanay ko at saka na binitbit ang mga gamit niya sa sasakyan na inarkila ko para maging service patungo sa bago kong bahay.
“Oo na! Mga gamit niyo na ang mga antique!” naiinis kong sambit dahil proud pa talaga ang nanay ko sa mga gamit na napundar nila ng tatay ko na puro naman hulugan sa bumbay.
Matapod ko ngang isara ang maleta kung saan nakalagay ang mga damit ko ay mabilis na rin akong gumayak palabas na rin ng bahay.
Nakangiti pa akong naglalakad patungo sa sasakyan dahil alam kong may mga nakasilip na mga tsismosa sa kani-kanilang bahay at naiinggit sa akin na makakaalis na sa nakakasulasok na lugar na ito.
“Reyna…”
Bigla akong napatigil sa paglalakad at nanigas ang buo kong katawan sa narinig na pagtawag sa aking pangalan.
Sigurado akong si Marites ang tumawag sa akin.
Sa kanya boses ang narinig ko.
Luminga-linga ako sa paligid at hinahanap siya.
Hindi ako natatakot kung multo na talaga siya.
“Reyna, bakit? May hinahanap ka ba?” tanong ni Nanay ng mapansin ng tila may hinaanap ako sa paligid.
“Reyna…” tawag na naman sa pangalan ko at sa pagkakataong ito ay para bang katabi ko lang si Marites at sa mismong tainga ko niya ibinulong ang pangalan ko.
Muling umikot ang mga mata ko sa paligid.
Ngunit nanlaki ang mga mata ko na ngayon ay malinaw kong nakikita ang isang babae na napaka wirdo ng kasuotan sa tapat mismo ng gate ng apartment kung saan nakatira si Marites.
Pasaldak kong binitawan ang maleta na hinihila ko pasakay sana sa service na sasakyan at saka ako mabilis na humakbang patungo sa kay Marites.
Kahit natatakpan ng mahaba at napakagulo niyang buhok ang kanyang mukha ay alam kong siya iyon.
“Reyna, saan ka pupunta? Pupuntahan mo ba si Marites para magpaalam? Anak, wala pa rin siya. Hindi pa rin siya nakakauwi. Ang alam ko nga ay nireport na ng mga landlord niya ang pagkawala niya.” Narinig kong sabi ni nanay pero tuloy pa rin ako sa paglapit kay Reyna.
Ngunit ng ilan hakbang na lang ang pagitan namin ay bigla na lang siyang naglaho.
“Reyna…,” bulong na naman niya sa tainga ko.
“Reyna,” bulong niya pa at saka siya tumawa.
Iyong klase ng tawa niya ay para ba siyang isang mangkukulam na kontrabida sa mga napapanood ko sa telebisyon.
Napakatining ng tunog kanyang tawa kaya naman napakasakit pakinggan.
Napakalapit lang ng boses niya sa mga tainga ko kaya gamit ang dalawa kong kamay ay tinakpan ko na ang mga tainga ko para hindi ko na siya marinig pa.
“Lubayan mo akong demonyo ka!” impit kong asik habang madiin ang pagkakatakip sa aking mga tainga pero naunuot pa rin ang boses ni Marites.
“Ikaw ang demonyo, Reyna.” Napamulat akong bigla sa narinig.
“Demonyo ka, Reyna! Demonyo ka! “ sigaw na pa ni Marites at saka na naman tumawa ng tumawa.
“Lubayan mo akong demonyo ka!” sigaw ko na.
“Anak, napapaano ka ba? Sinong kinakausap mo?” mga tanong ni Nanay na hawak na ako sa mga braso ko.
Medyo nahimasmasan ako lalo pa at paglinga ko sa paligid ay nakamasid na ang mga tsismosa naming kapitbahay sa akin.
“Ayos ka lang ba? Baka naman nasosobrahan ka na naman sa pagpupuyat, nak?” pag-aalala pa ni Nanay.
Umiling ako.
“Wala po, Nay. Tayo ng umalis.” Pagyakag ko na sa nanay ko at saka ko inirapan ang mga taong nakikiisyuso na naman sa paligid.
“Nababaliw na yata ang reyna ng mga tsismosa?”
Mahina lang ang pagkakasabi pero nakarating pa rin sa matalas kong pandinig.
“Sinong baliw?!” asik ko sa kung saan ko banda narinig ang mga salita.
Tila umurong naman ang dila ng mga tsismosa sa paligid.
“Palibhasa mga naiinggit na naman kayo dahil makakaalis na kami sa nakakasulasok na lugar na ito!” sigaw ko pa.
“Salamat naman at aalis ka na! Mawawalan na ng reyna ang mga tsismosa!” balik na sigaw naman sa akin.
Sasagot pa sana ako ngunit hinila na ako ni nanay papasok sa service car namin.
Inis na inis ako sa mga walanghiya kong kapitbahay na walang magawa sa kanilang mga buhay.
Lumingon pa ako sa kanila para pagtaasan sila ng mga kilay ngunit wala na sila sa kanilang mga pwesto at binalot na naman ako ng kilabot sa buong katawan ko ng si Marites ang nakatayo sa kalsada habang kumakaway sa akin.