"SIGURADO ka bang tutuloy ka?"
Iyon ang muling paghaharap nila ni Devon sa racetrack. Seryosong tinanggap niya ang hamon nito noong huli silang magkita. Na sa pagkakataong iyon ay tatalunin na siya nito. Pero siyempre, hindi siya basta-basta magpapatalo. Si Devon o hindi man ang kalaban niya.
Nakakunot-noong nilingon ni Humphrey si Francheska. "Oo naman. Bakit?"
"Para kasing masama ang pakiramdam ko sa race na ito. Parang may hindi magandang mangyayari."
Inakbayan niya ito at pinihit palapit pa sa kanya hanggang sa maamoy niya ang mabangong buhok nito. Hindi naman ito nag-aalala sa mga nakaraang karera niya. Ngayon lang ito parang hindi sigurado. Kaya naman magbibigay siya ng dobleng ingat. Francheska has always been sensitive to bad lucks. Napansin na niya iyon noon pa man. Kaya nga palagi siyang nananalo sa karera ay dahil na rin sa mga payo nito sa kanya.
Pero sa pagkakataong iyon, hindi siya aatras. Tatalunin niya si Devon para patahimikin na sila nito. "Mananalo tayo at walang masamang mangyayari. Ano ka ba? Wala ka bang tiwala sa akin?"
"Hindi naman sa ganoon, kaya lang kasi..."
Napansin niya ang marahang paghagod nito sa dibdib. Mukhang hindi nga ito nagsisinungaling. Kung ibang karera lang, aatras agad siya ng walang tanong. Pinagkakatiwalaan niya si Francheska sa mga kutob nito. After all, ito ang dahilan kung bakit panalo siya sa mga laban niya.
Devon, his rival ever since he started his racing career is in love with Francheska and he would do anything to have her. Hindi siya makakapayag doon. Dahil kahit hindi niya maamin-amin sa dalaga ang totoo niyang nararamdaman para dito, mahal pa rin niya ito. Sa kabila ng pagiging "tomboy" nito ay alam niyang pusong babae pa rin ito.
At kung mapunta man si Franky sa kamay ni Devon, hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa dalaga dahil may delikadong reputasyon ang kalaban niya. Kaya naman hanggang nariyan siya, hindi niya hahayaang makalapit kay Francheska si Devon.
"Hindi ako aatras." determinadong sabi niya.
Bumuntong-hininga ang dalaga. "Pwede bang sumama ako sa iyo?"
"Hell, no!" mariing tanggi niya. Francheska is an experienced racer. Marami na rin itong naipanalong laban sa karera ng mga sasakyan pero kung masama talaga ang pakiramdam nito sa labang iyon, hindi siya puwedeng maging pabaya.
Hindi siya makakapayag na sumakay ito sa kanya sa racing dahil kung sakaling maaksidente siya ay ayaw niyang madamay ito. Isa pa si Devon ang kalaban niya. Kahit saan tingnan, delikado ang karerang iyon. Devon was known to use dirty tricks during the race. At kung sakaling gumamit man ito ng maruming taktika, hindi niya hahayaang madamay si Francheska roon.
"Hindi ka pwedeng sumama. Alam mong delikado ang laban na ito, Franky." Tinanggal niya ang kamay sa pagkakaakbay dito para titigan ito at ipaintindi na mag-aalala lang siya.
Inikutan lang siya nito ng mga mata. "Humphrey, I am also a racer, alam ko kung ano ang mga possibleng mangyayari. At hindi ako mapapakali kapag hindi ako sumama sa `yo."
"Oo nga, pero—"
"No buts."
"Francheska, huwag matigas ang ulo." nakasimangot niyang sabi rito.
Sumimangot na rin ito. "Ikaw ang matigas ang ulo, Humphrey. Sinabi ko na sa iyo na masama ang pakiramdam ko sa laban na ito."
"Kaya nga mas lalong huwag kang sumama sa akin." sagot naman niya. "Mag-aalala lang ako kapag naroon ka sa loob ng sasakyan. Masama ang pakiramdam mo hindi ba? Kaya huwag ka na lang sumama."
"Ano? Hindi okay kapag nasama ako sa aksidente pero okay lang kapag ikaw lang?" tumaas na ang boses nito.
"Walang aksidenteng mangyayari."
"Hindi mo alam iyon. We both know accidents are on our heels whenever we drive these races, Humphrey."
Bumuntong-hininga siya. Paano ba niya ipapaintindi rito na hindi nga ito pwede sumama sa kanya?
"Hindi naman dahil masama ang pakiramdam mo ay may aksidente ng mangyayari, Franky."
"You know how good my intuitions are Humphrey and we can't risk it when it comes to your safety. Kung umatras ka na lang kasi hindi na ako magmamatigas na sumama sa iyo."
Agad na nagrebelde ang utak niya sa sinabi nito. "No. Hindi ako aatras. Baka sabihin pa ng Devon na iyon na takot ako sa kanya. Makahanap na naman iyon ng rason para magmayabang."
Imbes na sumagot ay tinalikuran lang siya nito para pumasok sa kotse. Mabilis na hinawakan niya ang braso nito para hindi nito matuloy ang binabalak. Pero bago pa niya ito masermonan ay umigkas ang kamao nito sa mukha niya. Nabitiwan niya ito at napaatras siya ng kaunti.
Sandaling nagdilim ang kanyang paningin. Nang mahimasmasan siya sa lakas ng suntok nito ay wala na ito sa harap niya. Malutong siyang nagmura. "Francheska!"
Galit na binuksan niya ang passenger's seat ng kanyang sports car. Naroon nga si Francheska, masama rin ang tingin nito sa kanya. Pupwersahin sana niya itong bumaba ng kotse pero nag-announce na pumwesto na ang mga kalahok sa start lane. Nagmura na naman siya at malakas na isinara ang pinto ng kotse. Umikot siya sa driver's side at sumakay na rin. He manuvered the car to the starting lane with ease.
Hindi opisyal na labanan ang magaganap ngayon. Drag race lang iyon na inorgisa ng grupo nila sa racing. Ano ba ang masamang mangyayari sa isang sports car race? Napangiwi siya sa mga naisip na posibilidad.
Bumuntong-hininga siya at umusal ng maikling dasal. "Seatbelt." utos niya kay Francheska dahil hindi pa ito naka-seatbelt.
Natawa siya nang suntukin siya ni Franky sa balikat. Inaasahan na niya iyon sa pagkakataong iyon. At ganoon din kabilis na natunaw ang galit niya rito. Hindi naman kasi niya kayang tiisin ang dalagang ito. At kasintigas din ng ulo niya ang ulo nito kapag nakapagdesisyon.
Huminga siya nang malalim at pinakawalan iyon ng matapos ang limang segundo para pakalmahin ang sarili. Nagulat na lang siya nang may labing dumampi sa kanyang pisngi.
Napalingon siya kay Franky at nakita itong nakapangalumbaba habang ang siko ay nakatukod sa bintana. Nakatingin ito sa harap. Pero hindi pwedeng nagkamali lang siya sa naramdaman niyang iyon.
"Did you just kiss me?" He asked her, dumbfounded.
Ni hindi man lang niya narinig ang pagputok ng baril hudyat ng pagsisimula ng karera.
"It's a goodluck kiss." tila bale-walang sabi nito.
Dahil doon ay tuluyang naglaho ang natitirang pagkainis niya. Kalmadong tumango siya pero sa loob niya ay gusto na niyang magtatatalon habang nagfi-fist pump.
Shit! He's acting like a girl.
"Humphrey!"
"What?"
"Sinasadya mo bang magpatalo?" naiinis na wika ni Franch. "Nagsisimula na ang karera. Kanina pa!"
Imbes na mabahala ay ngumisi lang siya at kalmadong diniinan ang accelerator. Malayo na nga ang kotse ni Devon pero hindi pa rin siya nakakaramdam ng pagkabahala. Sa halip ay kampante siyang siya ang mananalo. Lalo na at binigyan siya ng goodluck kiss ni Francheska.
He was still relaxed as he increased the speed of the sports car. Tahimik naman si Francheska sa kanyang tabi pero nararamdaman niya ang excitement nito. Hindi pa rin niya binabawasan ang bilis ng pagpapatakbo niya sa kotse kahit na noong papaliko na sila. And it was a sharp turn.
Nakita niya sa gilid ng kanyang mga mata ang paghigpit ng kapit ni Francheska sa gilid ng upuan nito at sa kapitan malapit sa ulo nito.
He relaxed and let his body move with the car and its unbelievable speed. Walang kahirap-hirap na nalagpasan nila ang challenge na iyon. Tatlong obstacles pa ang nadaanan nila bago niya nalampasan si Devon pero hindi pa rin siya nagpakakampante.
Inilipat niya ang gear at mas pinabilis pa ang takbo ng kotse. Magkadikit lang ang mga kotse nila ni Devon hanggang sa malampasan na naman siya nito. Inaasahan na niyang hindi ito basta-bastang susuko. At handa siya roon.
Siyempre, hindi basta-bastang nagpaubaya si Devon. Hinaharangan nito ang daraanan niya. Nagkagitgitan pa nga ang kanilang mga kotse. Nanatili lang siyang kalmado dahil hindi makakatulong kung iinit ang ulo niya sa panahong iyon. Kung opisyal na laban ang nagaganap ay bawal ang ginagawa nito pero dahil sila lang naman ang nag-organisa ng race na iyon, hindi masyadong mahigpit ang rules.
Nang sa wakas ay malagpasan ulit nila ang kotse ni Devon, napangiti lang siya. Nakita niyang umiikot-ikot ang kotse nito sa rearview mirror hindi niya alam kung ano ang nangyari sa kotse nito pero kilala niya si Devon, baka sinasadya lang nito iyon para pabagalin siya. Kaya naman inignora lang niya iyon.
"Sabi ko naman sa iyo, `di ba?" pagmamalalaki niya kay Francheska. Nakikita na nila ang finish line.
Nakita niyang gumalaw ang labi nito bilang pagsagot sa kanya pero hindi niya marinig ang sinasabi nito. "Ano?"
Napakunot ang noo niya nang hindi na naman niya marinig ang sinabi nito. Mabilis na sinulyapan niya ito pero hindi na ito nagsasalita. Nakatuon na lang ang pansin nito sa harapan kaya naman ibinalik na rin niya ang pokus sa karera.
"Hanapin mo ang susi."
Napangiwi siya nang gumuhit ang sakit sa sintido niya. After a while, mas lalo lang lumala ang sakit na iyon. Halos maglaho na ang kalsada sa harap niya dahil halos naghahalo-halo na ang nakikita niya. Alam niyang kailangan niyang ihinto ang kotse pero mas iniinda niya ang sakit ng kanyang ulo.
Nakikita niya ang sarili na nakahiga sa damuhan sa likod-bahay ng lola niya sa Aurora. Payapa ang hangin pero ilang saglit lang ay umikot ang paligid niya at natagpuan niya ang sariling nasusunog sa gitna ng kagubatan.
"Humphrey."
Napatitig siya sa isang magandang dalaga na may luntiang mga mata at kulay tsokolateng buhok.
"S-Sino ka?" tanong niya bagamat parang pamilyar sa kanya ang dalaga.
"Hanapin mo."
"Ano ang hahanapin ko?"
"Hanapin mo." ulit nito sa nagsusumamong boses.
"Ang ano nga? At saka sino ka ba?" naiinis na tanong niya dahil paulit-uli lang ang sinasabi nito.
"Susi."
"Susi?"
Unti-unti nang naglalaho ang imahe ng babae.
Lumapit siya rito pero mas lalo lang lumalayo ang imahe nito. At sa bawat hakbang na ginagawa niya palapit dito ay mas lalong lumalayo ang distansiya nila sa isa't-isa.
"Sandali! Anong gagawin ko? Anong susi?" Maraming uri ng susi. Anong klase ng susi ang pinapahanap nito?
Kumilos ang mga labi ng dalaga pero hindi niya naririnig ang sinasabi nito. Napatitig na lang siya sa naglalahong imahe nito. Halos wala na siyang makita sa katawan ng babae pero hindi niya magawang ialis ang tingin sa luntian nitong mga mata na tumititig din sa kanyang kulay berdeng mga mata.
"Humphrey."
Boses iyon ng babae pero hindi niya kilala. Sino nga ba iyon? At nasaan ba siya? Wala siyang makita. Wala siyang maramdaman.
"Humphrey."
"Sino ka ba?" naaasar na tanong niya.
He curled in a fatal position. Nakahiga ba siya ng patagilid o nakaupo habang yakap ang kanyang mga tuhod?
Pakiramdam niya ay lumulutang siya pero wala naman siyang kakayahang lumutang sa ere. Wala rin siyang maramdamang kahit ano sa paligid niya.
"Humphrey."
"Sino ka nga?" galit ng tanong niya.
Bakit ba iniisturbo siya ng babaeng ito? Ina-analize pa niya kung nasaan na siya pero kinukulit naman siya ng tinig na iyon. Kumilos siya pero para ba tumayo o para humiga ng tuwid? Bakit ba wala siyang makita? Kinurap-kurap niya ang mga mata pero ganoon pa rin. Kadiliman ang nakapaligid sa kanya. At wala kahit na kaunting liwanag.
"Humphrey!"
Napakurap-kurap siya nang makitang hawak niya ang manibela at mabilis ang takbo ng kotse na sinasakyan niya pero patunggo iyon sa isang dead end.
"s**t!" malutong na mura niya at awtomatikong napatapak sa preno ng kotse. Sinubukan niyang kabigin ang manibela pero huli na dahil malakas na sumalpok ang kotse niya.
"Ack!"
Hindi matukoy ni Humphrey kung saang parte ng kanyang katawan ang masakit, pakiramdam niya ay buong katawan niya ang masakit. Nilingon niya si Francheska. Parang piniga ang puso nang makita niya itong walang malay at may dugong tumutulo mula sa bibig nito.
"Fran...ky."
Sinubukan niyang kumilos para tulungan ito pero mabigat ang katawan niya. Hindi niya magawang kumilos. Ang huli niyang nakita ay ang madugo niyang kamay. Natanggal ang benda sa kanyang palad at nakikita niya ang dugo niyang umaagos sa pilat niyang hugis susi.
"Susi..." bulong niya bago nagdilim ang kanyang paningin.