SEA’S POV
Nahihigblood talaga ako sa lalaking iyon. Alam kong may mali, kaya’t aalamin ko ang tinatago mong hinayupak ka.
Bigla na lang sumulpot sa harap ko si Alexis. Kahit kailan talaga, ang babaitang ito palagi na lang akong ginugulat.
“Oh, bakit nakasimangot ka na naman? Binasted ka ba ni Nerd boy, ha?” pang-aasar niyang tanong.
“Hoy, huwag kang imbento diyan! At tsaka hindi ko type iyon, ha!” mariin kong tanggi sabay pisil sa nguso niyang sobrang pula.
“Aray! Inggit ka na naman sa labi ko!”
Ang kapal talaga ng mukha ng babaeng ito. Mas hamak na mas maganda naman ako kaysa sa kaniya. Campus Queen ata ito.
“Pakakasalan mo ba siya?”
Hindi ko na talaga gusto ang mga lumalabas sa bibig niya.
“Tse! Diyan ka na nga. Late na nga ako, nangbubwesit ka pa!” naiinis kong sagot at padabog siyang iniwan.
Nakasunod pa rin siya.
“T-teka lang naman, Sea. Hindi ka na nasanay sa bespren mo! Sagutin mo muna tanong ko!” pangungulit niya habang nakasunod sa akin.
Bahala siya.
“Kung hindi lang para sa reputasyon ng pamilya namin, hinding-hindi ako magpapakasal sa lalaking iyon,” mahinang bulong ko sa sarili.
Dahil late na ako, dumiretso na lang ako sa canteen. Hindi pa kasi ako nag-aalmusal.
Hindi pa rin tumigil si Alexis sa pangungulit.
“Ganyan ka na ba sa akin, ha? Nagtatago ka ng sekreto sa akin. Bespren mo ako, Sea, kaya karapatan kong malaman ang mga tinatago mong lihim.”
Napatampal na lang ako sa noo.
Padabog ko siyang hinarap. “Akala ko ba gusto mo siya? Hindi ba sabi mo nga sa akin na more than that no’ng tinanong kita kung gusto mo siya?” Ginagaya pa niya ang boses ko no’ng natapunan ako ng juice ng lalaking iyon.
Not literally na type ko siya. Gusto ko lang siyang paglaruan lalo na’t alam ko ang kahinaan niya. Pero nagbago ang plano ko nang gabing iyon. He stole my virginity, at hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na siya ang kauna-unahang lalaking nakaangkin sa p********e ko. At nagbunga pa ang gabing iyon dala-dala ko na nga ang quadruplets sa sinapupunan ko.
“Hindi ba’t siya ang nakabuntis sa’yo? Nararapat lang na panagutan at pakasalan ka no’n, Sea!” dagdag pa nito.
Ang sarap talaga sapakin ang bunganga ng babaeng ito. Napakaingay! Argh!
“Tss…”
Iniwan ko na siya. Kakain na lang ako kaysa sagutin ang mga tanong ni Alexis. Sa tuwing sumasagi sa isip ko ang nangyari ng gabing iyon, tumataas ang dugo ko.
Letseng reputasyon kasi iyan. Kailangan ko pa talagang pakasalan ang lalaking iyon. Hindi ko tuloy ma-imagine kapag nasa iisang kama na kami. Bago pa sumabog ang inis ko, umorder ako ng makakain. Baka tuluyan na akong mabaliw. Anong oras na, hindi pa ako nag-aagahan. Nag-aalburuto na rin ang mga alaga ko.
Talak pa rin nang talak ang bespren ko. Hindi ko na siya pinansin, mas pinagtuunan ko na lang ng pansin ang pagkain sa harap ko.
“Are you deaf and pipi na ba, Sea? Kanina pa kasi ako nagsasalita rito, e.”
Nagpanggap akong hindi ko siya nakikita kahit nasa harap ko siya, abala sa pagpipintura ng mukha niya. Nagbibingi-bingihan ako.
Kanina pa ako naririndi sa boses ng babaeng ito. Ayaw pa rin niyang tumigil sa kakatalak. Hanggang sa sumuko na siya at padabog na umalis.
Napapailing na lang ako.
Buong klase, hindi ko pinansin si Alexis. Alam kong mangungulit na naman siya.
“Nakatikim lang ng langit, hindi na namamansin,” pagpaparinig niya.
Alam kong nakasimangot siya nang sabihin iyon. Dumiretso ako sa kotse ko na nakapark sa labas at pinaharurot ito. Pagdating ko sa bahay, ang dami kong natanggap na missed calls at texts mula kay Alexis. Nakasilent mode kasi ang phone ko.
“Dad?” tawag ko nang makapasok sa mansyon. Tanging mga kasambahay lang ang bumungad sa akin.
Umakyat ako sa second floor at dumaan sa kwarto ni Daddy. Pagbukas ko ng pinto, wala siya ro’n. Nakakapanibago. Hindi kaya nag-overtime siya sa opisina? Pero hindi iyon gawain ni Daddy. Minsan nga, nauuna pa siyang umuwi kaysa sa akin.
Kamot-ulo akong pumasok sa kwarto ko. Napasandal ako sa mini-sopa. Pagod na pagod ako, at ramdam ko na rin ang bigat ng tiyan ko.
Hindi rin ako nakaligtas sa mga tingin ng mga estudyante kanina sa unibersidad nang mapansin ang paglaki ng tiyan ko. Quadruplets ba naman ang nasa loob, siyempre malaki ito.
At saka, subukan lang nila akong pagtsismisan. Uuwi talaga silang may black eye. Mariin akong napapikit, ang bigat ng talukap ng mga mata ko. Hanggang sa hindi ko namalayan, nakatulog na pala ako sa sopa.
Kinabukasan, alas sais ng umaga, nagising ako at dumiretso sa kwarto ni Daddy. Wala pa rin siya ro’n. Alalang-alala na ako.
Naalala ko ang lalaking kausap niya kahapon. Sino kaya iyon? Mas lalo akong nilamon ng kuryosidad. Nakakapanibago talaga ang mga ikinikilos ni Daddy lately simula no’ng makilala niya si Hazler.
Argh! Mababaliw ako sa kakaisip kung nasaan na ba talaga si Daddy. Baka napano na siya o nakidnap. Pero wala namang tumatawag na kidnapper.
Hays… Bumalik na lang ako sa kwarto ko. Do’n ko napagtanto na hindi pa pala ako nakabihis. Naka-uniporme pa rin ako at may suot pang ID.
At dahil Sabado ngayon, magsho-shopping ako kasama si Alexis. Alam kong nagtatampo siya.
Pagkatapos kong maligo at magbihis, tinawagan ko siya.
“Buti naman naisipan mo pang tumawag sa akin. May kailangan ka ba?” bungad niya.
“Sorry na, bes, sa hindi ko pagpansin sa’yo kahapon. Ang kulit mo kasi, e!” malambing kong sagot.
“May kailangan ka lang talaga kaya napatawag ka. Ano ba iyon? May date pa kasi ako ngayon, e.” Napasimangot ako.
Uunahin pa niya ang kadate niya kaysa sa bespren niya.
“Puwede mo ba akong samahan magshopping? Alam mo namang preggy ang bespren mo.”
“Magpasama ka na lang sa isa sa mga kasambahay mo. Mas importante ang date ko kaysa sa shopping mo. Alam ko namang gagawin mo lang akong taga-bitbit ng mga bibilhin mo. I knew you, Sea.”
“Hindi naman, bes. Babawi lang ako sa’yo sa pagdedma ko kahapon. Sige na, please. I-cancel mo na lang iyang date mo. Libre kita. Please, pagbigyan mo na ako!”
Alam kong hindi niya ako matitiis. Bata pa lang kami, mag-bestfriend na kami. Partner ko siya sa lahat ng katarantaduhan ko.
“Hays… Pasalamat ka, love kita. Basta ha, libre mo ako at hindi mo ako gagawing taga-bitbit.”
“Promise! O sige, magkita na lang tayo sa Jiansin Mall, okay? I love you, bespren, mwaa!”
Kinse minutos matapos ko siyang pakiusapan, excited akong sumakay sa kotse. Habang nagmamaneho, bigla akong napatigil nang mapansin ko ang pamilyar na plate number ng sasakyan. Mariin kong nilakihan ang mga mata ko—si Daddy. May kasama siyang lalaki sa loob ng kotse. Medyo pamilyar ang tindig.
Dad? May tinatago ka ba sa akin? Who’s with you?
Agad kong sinundan ang kotse ni Daddy, ngunit sa isang iglap ay nawala ito sa paningin ko. Napansin kaya ako ni Daddy?
Lutang ako nang dumating sa mall. Tanaw ko na si Alexis may kasama siyang lalaki, bagong boyfriend niya ata. Kumaway pa siya sa akin. Nang maipark ko ang kotse ay agad akong lumabas.
“Badmode ka ata, bes?” nag-alalang tanong ni Alexis nang bumeso ako sa kaniya.
Si Daddy kasi at ang lalaking iyon ang nasa isip ko.
“W-wala ito, bes. Traffic kasi, e!” pagsisinungaling ko pa.
“Oo nga pala, si Hansel, boyfriend ko,” pakilala niya sa tisoy na lalaki na kasama niya. Ngumiti ito at makikipag-shake hands sana, ngunit humakbang na ako papasok sa loob ng mall.
“Dad?” naisambit ko nang makita ko si Daddy. Kumaripas ako ng takbo upang sundan siya, ngunit ang bilis niyang maglakad nawala agad siya sa paningin ko.
Pag-angat ko ng tingin sa elevator, nakita ko si Hazler. May bitbit siyang bulaklak. Umiwas siya ng tingin sa akin, para bang ayaw akong makita.
Luminga-linga ako sa paligid, pero hindi ko na nahagilap si Daddy.
Nasaan na kaya siya? Sino ba kasi ang kasama niya?