KABANATA 2

1705 Words
Pinulot ni Kiefer ang birth certificate ng babae na isa sa mga sumambulat mula sa dala nitong white folder matapos ang naganap na tensyon. Mula rin doon ay binasa niya ang pangalan nito. Noreen Vergel. Kumislot ang labi niya para sa pinipigilang pagngiti. Hindi na niya kailangan pang itanong sa dalaga kung ano ang pangalan nito dahil kusa na itong nagpakilala sa kanya ng hindi siya nagtatanong. Pero nagtataka siya kung para saan at bakit may bitbit din itong birth certificate kung gayong enrolled na ito? Dumukwang siya upang pulutin naman muli ang isa pang papel na may nakasulat na ‘Table of Contents’. Nangunot ang noo niya at mas lalo pang nagtaka. Parang familiar sa kanya ang mga nakasulat doon. Parang may ganoon din siya at nakagawa na rin siya ng kapares niyon nitong nakaraang araw. Nagkibit-balikat siya. Maiging balewalain na lang niya ang bagay na iyon kaysa alalahanin kung paano at bakit naiisip niya na may katulad din siya noon. Napatikhim siya ng lumapit sa nangangalang Noreen habang bitbit sa mga kamay ang ilang papel. Halos ang mga iyon ay may bahid na ng dumi at basa na rin dahil sa pinagbagsakang mamasa-masang sahig at lupa. “Are you okay, Miss?” ani niya nang makalapit. Napatango naman ang isa sa mga kaibigan ni Kiefer na nakatayo sa kanyang tabi sa kaliwa. May hawak din itong papel na agad nitong iniabot sa kanya. Tinanggap niya iyon at isinama sa mga pinulot. “Oo nga, okay ka lang ba?” Segunda ng kaibigan niyang si Leo, ang tumango kaninang magtanong siya kung okay lang ba ang dalaga. “Pero ang tapang mo ha! Bihira ang mga babaeng gano'n! Lumalaban!” manghang saad nito at namimilog pa ang mga mata sa pagkokomento. “Ang asti—aw!" daing nito matapos sikuhin ni Kiefer. Naiilang na sinulyapan ni Noreen ang apat na lalaking nakatayo sa harapan niya. Alanganin din na napatango siya bilang unang tugon sa parehas na tanong ng dalawa. “Ah! Oo, ayos lang naman ako.” Kahit alam niya sa sariling hindi siya okay. Sumasakit kasi ang bandang likod at tagiliran niya. Napasama yata ang tama sa lapag. Naalala niya ang masamang bagsak niya kanina dahil sa lakas ng impact ng pagkakabungguan nila ng mayabang na lalaking iyon. “Sigurado ka?” tanong uli ng binatang tumulong sa kanya. “Oo. Pero sana hindi mo na lang ako tinulungan. Baka gumanti 'yon, madamay ka pa.” “Ano ka ba, Miss? H'wag mo nang isipin ‘yon. Ang mahalaga—” Naputol ang sasabihin ni Kiefer ng bigla itong umungol kasabay ng pagdaing na ikinataranta niya. “T-teka, okay ka lang ba? May masakit ba sa ‘yo? Sabihin mo sa akin, please?” Napanganga at sabay-sabay na napalingon sa kanya ang mga kaibigan. Gulat sa naging reaksyon niya. Naroon sa kanyang tinig ang labis na pag-aalala para lang sa isang estranghero. Para sa taong hindi naman niya ganoon kalubos na kilala. At maging ang pagkautal niya ay nagkaroon din ng ibang kahulugan sa mga kaibigan. “Gusto mo bang ihatid ka namin sa clinic?” dagdag pa ni Kiefer. Kalagitnaan pa lang ng pagsasalita ng binata ay iwinawasiwas na ni Noreen ang dalawang kamay. Indikasyon na huwag na itong mag-abala pa. “Huwag na, ayos lang talaga ako. Pero salamat sa concerned,” tipid na nginitian ni Noreen ang binata. Napaawang ang bibig ni Kiefer matapos niyang masilayan ang ngiti nito. Mistula siyang nabato-balani habang nakatitig sa mukha ng dalaga. Kahit din ba sabihing matipid lang ang ngiting iginawad nito para sa ganoong klaseng reaksyon. Hindi niya malaman kung bakit may mga kung ano’ng pakiramdam na nabubuhay sa dibdib niya at nagpapataranta sa kanya sa harapan ni Noreen. Na nagpapautal din. At kung bakit ganoon na lang din siya kung mag-alala at kung bakit ganoon na lang din siya kung mag-react. Natauhan si Kiefer mula sa matagal na pagkakatitig kay Noreen ng biglang tumiklop ang kaliwang tuhod niya. Bagay na muntik pa niyang ikatumba. “Ay gutom!” sambitla ni Joaquin matapos tuhudin ang likod ng kaliwang tuhod ng matalik na kaibigan. Sasawayin sana ito ni Kiefer pero ipinagsawalang-bahala na lang niya at muling hinarap ang babae kasabay ng pag-abot sa dalaga ng mga gamit nito. Nag-alis muna siya ng bara sa lalamunan bago muling nagsalita. “Ito na pala ang mga gamit mo,” wika niya nang makabawi. "Pero mukhang hindi mo na magagamit ang mga ito dahil narumihan na,” sabay tikhim niya. Mabilis na napaangat ang tingin ni Noreen sa binata mula sa ginagawa niyang pagpapagpag ng dumi sa suot na pantalon. “A-ano?!" naeeskandalong saad niya. Nakararamdam na rib siya ng matinding frustration dahil pinaghirapan niyang isulat kagabi nang maayos at malinis ang iba roon! Pinagpuyatan at pinagpasensyahan pa niya dahil sa ilang bura at pagkakamali na nagawa niya kauulit. Tapos mauuwi lang sa ganito? Imbes maipasa na rin sana niya mamaya sa opisina ang mga requirements na iyon! Ngunit heto siya at uulit na namang magsulat. Akmang aabutin na sana niya ang white folder nang mabilis na nailayo ng binata sa kanya iyon. Umarko ang kilay ni Noreen sa pag-nguso nito na parang nanghihingi ng halik. Aba't. . . “‘Yong kamay mo,” Napapatanga na tinignan ni Noreen ang dalawang kamay. Noon lang niya napansin na marumi pala ang mga palad niya gawa ng pagdantay niyon sa lapag kanina. Kapagkuwan ay mariing naipikit niya ang mga mata ng maalalang ginamit din niyang pinangpagpag iyon sa pantalon. Lihim na napaismid din ang dalaga sa sarili dahil nagmukha siyang assuming dahil sa inakto ng binata. Nakakaasar naman kasi bakit may pa ganoon pa? Puwede namang sabihin sa kanya na, “Miss, ang dumi ng kamay mo.” Hindi ‘yong may pag-nguso pa! Muli’y hindi mapigilian ni Noreen ang sariling lihim na mapaismid. “Marumi, hugasan mo muna.” “Pero marumi na rin naman ‘yan,” “Kahit na,” ani nitong ngumiti pa sa kanya. Napabuga siya nang hangin at nagkibit ng balikat. Wala siyang nagawa kundi ang lumapit sa malapit na gripo at naghugas ng mga kamay. Kinuha niya ang dalang towel sa loob ng shoulder bag at nagpunas ng kamay pagkatapos. Nakangiting hinarap niya ang binata upang magpasalamat. “Maraming salamat nga pala ulit,” bahagyang mulagat na napatigil siya pagpihit paharap sa binata. Nakasunod na pala ito sa kanya. Napawi ang kanyang ngiti. Napasulyap din siya sa mga kaibigan nito pero wala na ang mga iyon sa kanilang kinatatayuan kanina. Mukha iniwan na rin ng mga ito ang kaibigan nila. Pero gayon pa ma’y wala na siyang oras upang alalahanin kung nasaan na ang tatlong kasama ng binatang kaharap. “Bakit, may problema ba sa mukha ko? Marumi? Kailangan ko bang hilamusan?” sabi niya nang makabawi nang maisip na baka naipahid niya nang hindi namamalayan kanina ang mga daliri doon. Hindi maiwasan ni Noreen na makaramdam nang pagkaalangan dahil sa mga mata nito. Hindi naman manyak kung makatingin ang kulay tsokolateng mga mata nito pero hindi niya mapigilan. Tila may kung ano kasi sa mga tingin nito na hindi niya magawang maipaliwanag sa sarili. Napakurap-kurap si Kiefer at naikumpas-kumpas sa hangin ang mga kamay habang pilit ding nangingiti. Napangiwi siya. Baka masamain ng babae ang mga pagtitig niya. Hindi naman niya gustong gawin iyon pero ayaw niyang maging rude sa paningin nito dahil lang doon. “Ah, w-wala naman!” aniya. “Wala naman.” pag-uulit niya na ang mga ngiti ay naging hilaw. Inabot niya sa dalaga ang mga gamit nito habang sa sarili ay nahihiya pa rin dahil sa inakto. Mabilis namang tinanggap iyon ni Noreen. Hindi sinasadyang napatingin si Kiefer sa suot nitong I.D lace na kulay orange. Base sa kanyang pagkakaalam ang ganoong kulay ng lace ay mula sa engineering department. Habang sa kanya naman ay kulay yellow green, ibig sabihin ay hawak naman siya ng computer department. Bumaba ang mga mata ni Kiefer sa I.D nito at hindi niya mapigilang purihin ang dalaga. Ang ganda nito sa larawan habang may matamis na ngiting nakapaskil sa labi. Kaya lang mas napansin niya na mas maganda ito sa personal. Hindi maiwasang magsalubong ang kilay ni Noreen nang mapansin na bumaba ang mga mata nito sa suot niyang I.D matapos siyang titigan nito sa mukha. At kahit batid na rin niyang alam na nito ang kanyang pangalan ay wala pa rin sa sariling itinakip niya ang mga dalahin doon. “Sige, aalis na ako.” paalam niya. “Salamat talaga! Maraming-maraming salamat talaga!” Tuluyan na niyang iginawad sa binata ang ngiti niyang walang halong ka-plastic-an. Nais niyang iparating dito ang lubos na pasasalamat sa kabila ng mga awkward na pakiramdam niya rito. Hindi na hinintay pa ni Noreen na magsalita si Kiefer. Tuluyan na siyang pumihit patalikod at nagmamadaling lumakad palayo sa binata na animo’y nagmamadali—at oo nga pala! Iyong klase niya sa College of Nursing! Patay! Sobrang huling-huli na siya sa klase! Natampal niya ang kanyang noo habang lumalakad-takbo. “s**t!” “Miss! Miss Noreen!” Hindi na siya nag-abala pang isipin kung paanong nalaman nito ang kanyang pangalan dahil obvious naman na kung paano. Tarantang nilingon niya ang binata at binigyan nang nagtatanong na tingin na ‘bakit?’ imbes na magsalita. “Mag-iingat ka!” Nahihimigan niya sa tinig at maging sa mukha nito ang matinding pag-aalala para sa kanya at maging ang tingin nito ay tumiim din. Marahil ay talagang nag-aalala ito dahil sa naging pagbabanta ng mayabang na lalaki sa kanila kanina. Mahinang napatango na lang si Noreen bago muling pumihit patalikod. Napagpasyahan din niyang hindi na siya papasok. Letse! Uuwi na lang muna siya dahil anong oras na rin naman. Ala una pa ng hapon ang susunod niyang klase, kaya minabuti niyang umuwi na muna nang sa gayon ay makaligo at maisulat niyang muli ang mga requirement na kailangan niyang ipasa sa mga opisyales ng R.O.T.C mamaya. Mabuti rin naman at mahaba pa ang oras niya upang gawin ang mga dapat gawin. Inis na inis na tinahak niya ang daan palabas ng unibersidad. Buwisit na mayabang na lalaki! Naperwisyo na siya, ginalit, at narumihan na nga, pinilay pa! I hate this day! Nanggigigil na hiyaw niya sa kaloob-looban niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD