Nang makapanganak si Joymi ay dinala ng kanyang ina doon si Aling Teresa upang maging kasama niya sa bahay kahit pansamantala lang. Iginiit man niyang kaya niya na at hindi na siya kailangan pang i-baby pero ipinilit pa rin nito kaya wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang pumayag na lang.
Dalawang buwan na ngayon si Eros, ang pangalawang anak nina Joymi at Franz. Laking pasalamat muli ni Joymi ng maipanganak niyang healthy ito at walang ano mang sakit kaya naman hindi siya nahihirapan.
Hindi nga rin iyakin ito. Hindi tuloy sigurado si Joymi kung masyado lang naging maselan ang kalagayan ni Aeriya noon o sadyang naninibago lang siya noon dahil nga unang anak niya. Ngayon kasi ay hindi niya talaga maramdaman na pinuyat siya ng bunso. Sa umaga active ito at tulog ng mahimbing sa gabi kaya advantage iyon sakaniya.
Kasalukuyang nasa sala ang mag-i-ina habang si Aling Teresa ay abala naman sa pagluluto ng tanghalian sa kusina. Abala naman si Aeriya sa paglalaro at si Eros nga ay tulog na naman. Nananaba na talaga ito sa kakatulog at katakawan sa gatas. Natutuwa talaga siya sa pagiging healthy ng anak.
Maya-maya ay nakarinig ng katok si Joymi. Napakunot-noo pa siya dahil weekdays pa lang naman ngayon kaya impossible namang ang mga magulang niya iyon. Malabo rin namang si Franz iyon dahil kahit masama ang pakiramdam nito ay never pa ring nag half day sa trabaho.
Buhat ang anak na tumayo siya para tignan kung sino ang hindi inaasahang bisita. "Beshy!" excited at tila may gigil na bungad naman ng bestfriend niyang si Kaira nang mapagbuksan niya ito.
"Bakit hindi ka naman nagsabing darating ka, Bruha!" natatawang sambit naman ni Joymi sa mahinang tinig dahil baka magising si Eros.
"Kung nagsabi ako, hindi na surprise 'yon 'di ba?" pairap na sagot naman nito. "Ang cute-cute naman ng baby namin na 'yan," sambit pa nito ng bumaling sa sanggol na buhat niya. "Kamukhang-kamukha mo, Beshy. Parehas na kayong may mini me nu Franz."
"Tita Ninang!" patiling sambit naman ni Aeriya na bigla na lang sumulpot sa likuran ni Joymi habang may malawak na ngiti sa labi.
"Hi, Aeri! May gift ako for you dahil good girl ka." Lumuhod pa ito upang magkapantay sila bago inabot dito ang dalang regalo.
"Thank you po, Ninang Ganda," tuwang-tuwa na sagot naman nito at saka yumakap at humalik sa pisngi ni Kaira. "Pwede ko na po ba open, Mommy?" baling naman nito sakaniya.
"Sure, Baby. Open mo na."
"Play po tayo, Tita Ninang. I have lots of puzzle toys po."
"Sure! Let's play na," sang-ayon naman ni Kaira kaya hinila naman ito ni Aeriya papunta sa sala kung saan nakalatag ang play mats at mga laruan nito.
Si Kaira ay isa na ngayong Accounting Head sa bangko. At mula nga ng malipat ito sa Manila ay madalas siyang bisitahin nito at para makipaglaro na rin kay Aeriya.
"Dalhin ko na muna si Eros sa kwarto, Joy. Tapos naman na akong magluto. Para na rin mas makapagusap kayo ng mabuti ng hindi nagbubulungan," sambit ni Aling Teresa.
"Sige po, Salamat," sagot naman niya at saka marahang ibinigay dito ang anak pagkatapos ay bumalik na rin sa sala para makigulo sa mag ninang.
"Wow naman. Daming toys ng baby namin, ah," dinig niyang sambit ni Kaira habang nakasalampak na rin tulad ng anak sa play mats habang ang anak ay abala sa pagbukas ng regalo na natanggap. Siya naman ay sa sofa umupo.
"Yes po. Binibili po ako ni Daddy ng maraming toys pero hindi naman kami nag-p-play," inosenteng sagot pa ng bata habang tutok pa rin ang atensyon sa regalo. Napatingin tuloy si Kaira sakaniya. Isang pilit na ngiti na lang naman ang ibinigay niya rito.
Nabanggit niya na rin naman kay Kaira na sobrang busy na talaga ni Franz lately lalo na nga ngayon at promoted na ulit ito as Assistant Manager kaya naman kahit linggo ay abala pa rin ito sa harapan ng laptop. O kung hindi man ay halos maghapong tulog dahil na nga rin siguro sa pagod at stress. Hanggang saturday kasi ang pasok nito kaya isang araw lang ang pahinga kaya naiintindihan niya naman.
"Mabuti pala at nadalaw ka. Wala kang pasok ngayon?" pag-iiba na lamang ni Joymi sa usapan.
"Nag-file ako ng vacation leave dahil matatapos na naman ang taon. Sayang naman kung hindi na naman magagamit."
Saglit na natigilan si Joymi. November na naman nga pala ngayon. Malapit na naman ang Christmas production sa company nila Franz at siguradong mas magiging busy na naman ito dahil sa tuwing malapit ng matapos ang taon ay pinapababa ang mga empleyado sa head office papunta sa mga branches sa iba't ibang lugar for local store marketing at sa kung ano pa mang dahilan ay hindi niya na alam. Part na ng company rule nila iyon taon-taon. Pero usually ay around luzon lang din naman ang mga pinupuntahan nila.
"Wow! Toy castle! Look, Mommy! So pretty!" pumapalakpak na sambit nito at saka ipinakita sakaniya ang pattern ng lego toy castle na regalo ni Kaira. iyon kasi talaga ang hilig ng anak. "Thank you so much po, Tita Ninang Ganda," baling naman nito kay Kaira at saka muli itong hinalikan sa pisngi.
"Let's build the castle na?"
"Let's go na po!" sagot naman ng anak dito bago bumalik sa pagakakaupo.
Napangiti na lang naman si Joymi. Sa tuwing pumupunta kasi doon si Kaira ay halos kay Aeriya lang din talaga napupunta ang buong oras at atensyon nito kaya hindi rin talaga sila masyadong nakakapag kuwentuhan.
Live in na si Kaira at ang long term boyfriend nitong si Jolenz since last year. Hindi niya nga alam kung bakit hindi pa magpakasal ang mga ito samantalang mukhang gustong-gusto na ng kaibigan na magka-anak. Pero kung sabagay, baka mahirapan lang din ang mga ito kung sakali dahil hindi tumatagal sa trabaho ang nobyo at kulang sa tiyaga. Kaya maswerte talaga siya dahil sa pagiging responsable ni Franz. Ayon nga lang, sa sobrang busy nito ay halos mawalan na rin ito ng oras sakanila.
Kung sakaniya sana ay okay lang. Kahit naninibago siya ay kaya niya namang intindihin kaya lang ay pati mga anak nila ay naaapektuhan na rin. Nalulungkot lang din siyang isipin na baka pakiramdam ni Aeriya ay hindi siya mahalaga sa ama. Dahil may mga pagkakataon nga na napagtataasan ito ng boses ni Franz sa tuwing nangungulit habang nag-t-trabaho ito.
___
"Na-check mo na ba ang cash position reports ng head office na ipinasa ng Finance?" tanong ng Accounting Manager na si Verna kay Franz.
"Hindi pa po, Ma'am. Pinapa-update pa kasi ni Ma'am Jen ang pricelist ng mga raw materials at pinapa-double check para sa costing. Dumating na kasi kahapon ang mga raw mats for Christmas production at kanina lang nakita na nagtaas pala ng price ang supplier. Hindi raw kasi na-coordinate sa finance ang changes sa price kaya need na raw asap ang new pricelist for comparison na rin dahil need daw po iyon para ma-approved sa taas ang additional payment," Mahabang paliwanag niya ngunit tinaasan lang siya nito ng kilay.
"So? Kahapon ko pa naman ipinasuyo saiyo ang cash position reports 'di ba?"
"Ginawa ko pa kasi---"
"Okay, nevermind. Baka mamaya ano pa ang makarating kay Ms. Jen. Ako na lang ang gagawa. Nakalimutan kong COO's pet ka nga pala," putol nito sa sinasabi niya at saka siya tinalikuran.
Nagpakawala na lang naman siya ng malalim na buntong hininga para kalmahin ang sarili. Wala siyang balak patulan ang mga pasaring ng manager niya. Minsan ay napipikon na rin siya sa pagiging unprofessional nito but of course, he wont stoop down to her level. Hindi naman siya kasing isip bata nito.
"Huwag mo na lang masyadong intindihin iyang si Maleficent sanay kasi siya na siya lang parati ang bida. Samantalang kung hindi lang malakas ang backer baka hindi naman nakapasok," sambit ni Charles isa sa mga Accounting Supervisor. Nagulat pa nga siya ng sumilip ito sa may cubicle niya.
"Hoy, bumalik ka na nga doon at baka lalo pang uminit ang ulo ng reyna. Alam mo na ngang allergy iyon sa bulungan," singit naman ng isa pang Supervisor na si Andrea at saka hinila paalis doon si Charles para dalhin sa cubicle nito.
Napailing na lang nga ulit si Franz. Noong una ay nagtataka siya kung bakit aloof at parating tikom ang bibig ng mga tao sa departamento nila. Iyon pala ay dahil sa ugali ng Manager nila. Nang minsan ngang magkasakit at mag-leave ito ay saka niya lang nakitang nakangiting nagtatrabaho ang mga kasamahan niya.
Inisip niya nga rin noong una na baka sadyang strikto lang ito sa trabaho kaya ganoon kaya lang ay bigla na lang siyang pinaginitan nito kahit wala naman siyang ginagawang masama.
____
Dati-rati ay hinihintay pa muna ni Joymi si Franz bago siya kumain pero ngayon ay madalang niya na ring makasabay ito. Hindi rin naman kasi kakain ang anak niya kung hindi siya kasabay.
Sa sala na nga sila kumain dahil natutulog sa crib na naroon si Eros. Ayaw niya namang kumain sila ng hindi pa sumasabay si Aling Teresa kaya minabuti niyang doon na lang sila kumain. Sinusubuan niya na lang si Aeriya para hindi ito makapag kalat doon.
Alas syete y medya na pero halos kakatulog lang din ni Eros dahil bago umalis si Kaira ay ito ang kaharutan nito. Kaya mukhang mapapasabak siya sa puyatan mamaya dahil siguradong madaling araw gigising ang anak ngayon dahil naiba ang oras ng pagtulog nito. Nasobrahan pa naman nitong humagikhik kanina kaya tulog agad pagtapos.
"May gusto sana akong sabihin saiyo, Joy," maya-maya ay basag ni Aling Teresa sa katahimikan.
"Ano ho iyon?"
"Mag-a-abroad na kasi ang anak kong si Victoria. Walang maiiwan na mag-aalaga sa mga anak niya kaya kinakailangan ko na sanang umuwi. Pero huwag kang mag-alala. Hindi na lang muna ako aalis habang wala ka pang makakasama."
"Naku, ayos lang po. Si mama lang din naman talaga ang mapilit. Kayang-kaya ko naman, ho. Mabait naman itong dalawang chikiting ko kaya wala ho dapat kayong ipag-alala. Anytime po na kailangan niyo ng umalis okay lang po. Kawawa naman din ang mga apo niyo kung walang makakasama."
"Naku! Maraming salamat, Iha," tuwang-tuwang sambit nito. "Labis din kasi ang pag-aalala at pag-iisip saiyo ng mga magulang mo kaya gusto nilang may makasama ka. Kahit nga ang kuya mo ay araw-araw nilang inaalala. Ngayong magulang ka na, alam ko na alam mo na ring mahirap talaga malayo sa anak mo. Alam mo kasi, Iha kahit gaano pa sa tingin niyo kayo katanda, para sa aming mga ina, baby pa rin namin kayo. Kaya pagpasensyahan mo na lang kung nakukulit ka nila kung minsan."
Napangiti na lang naman si Joymi. Ngiting hindi naman rin umabot sa mga mata niya. "Naiintindihan ko rin naman po na nag-aalala lang sila kaya ganoon. At syempre, aaminin ko rin po, lalo na noong una, mahirap din palang mabuhay ng malayo sa mga magulang mo. Lalo na kapag nasa lugar ka na wala kang kakilala. Iba pa rin ang sarap sa pakiramdam kapag malapit lang sila, may agad kang matatakbuhan kapag pagod ka na."
Naalala niya tuloy noong unang beses na nilagnat si Aeriya na wala siyang kasama dahil nga nasa trabaho ang asawa. Hindi niya na talaga alam ang gagawin niya dahil sa pagkataranta kaya tinawagan niya ang ina para tanungin sa kung ano bang mga dapat niyang gawin.
Bilang isang ina at maybahay, kahit may mga pagkakataong masama ang pakiramdam niya ay bumabangon pa rin siya para kumilos dahil obligasyon niya iyon, eh. Ayaw niya naman isipin ni Franz na nasa bahay na nga lang siya at ito na ang may sagot sa lahat ng pangangailangan nila tapos siya ay wala lang gagawin.
Noong nagbubuntis siya at magsimula ng sumakit ang balakang at iba pang parte ng katawan niya ay sinasarili niya na lang at pinipigilan ang sarili na dumaing dahil ayaw niyang mag-alala si Franz at maistorbo ang pagpapahinga nito.
Sa mga pagkakataong iyon niya talaga mas lalong na-mi-miss ang ina. Kung minsan ay parang gusto niya nalang umiyak habang yakap ang ina at sinasabi kung alin ang masakit. Pero hindi na iyon puwede dahil bukod sa malayo ito ay kailangan niyang maging matatag na dahil magulang na rin siya. Hindi niya dapat ipaako sa mga ito ang responsibilidad niya.
"Totoo iyan. Mahirap mabuhay ng malayo sa mga magulang mo pero kapag may sarili ka ng pamilya kailangan talaga. Ako man nga ay nalulungkot rin na kailangan pang magtrabaho sa ibang bansa ni Victoria pero wala naman akong magagawa dahil para naman iyon sa kinabukasan ng mga anak niya," nakangiting sambit nito pero bakas pa rin ang kalungkutan sa mukha.
"Okay lang po iyan, Manang. Kapag kasama niyo na ang mga apo niyo, for sure maiibsan din po kahit papaano ang lungkot niyo."
"Maraming salamat, Iha. Kasing buti ka rin ng mga magulang mo."
Ngiti na lang ang itinugon niya rito bago muling itinuon ang buong atensyon sa pagkain. Baka kasi tuluyan na siyang maiyak kapag nagpatuloy pa sila. Mababaw kasi talaga ang luha niya pag usapang magulang at pamilya kasi sobrang grateful talaga siya na ang mga ito ang magulang niya. Kasi kahit kailan ay hindi nila siya pinabayaan.
___
Pagkatapos nilang kumain ay nagpalipas lang sila ng ilang sandali sa sala at nanood ng TV pagkatapos ay dinala na niya sa kwarto ang mga anak. Agad din namang nakatulog si Aeriya dahil napagod din ito sa paglalaro. Himbing pa rin naman si Eros kaya naisip ni Joymi na umidlip na lang muna kahit papano.
Kapipikit pa lang niya ng tumunog ang pinto at kasunod niyon ay ang pagbukas ng ilaw kaya naman napatingin siya sa orasan sa may pader. Alas otse y medya na pero maaga pa talaga iyon na oras ng uwi ng asawa.
Sunod niyang narinig ay ang pagsara ng pinto ng banyo. Akala siguro nito ay tulog na siya dahil hindi siya umimik. Bumangon siya para maglabas ng susuutin ng asawa. Nakasanayan niya na rin naman kasing gawin iyon pero madalang na niyang magawa ngayon dahil madalas nga ay tulog na siya pag dumarating ito.
"Gising ka pa pala," sambit nito ng iabot niya ang damit dito. Tumango lang naman siya bilang tugon.
"Ipaghahanda na muna kita ng makakain."
"Hindi na. Sinumpong ang migrane ko kaya gusto ko ng magpahinga. Mukhang tumataas na nga rin ang grado ng mata ko dahil sa parating babad sa radiation kaya napapadalas na ang pagkahilo ko. Idagdag pa ang pagkapuyat."
"Maghinay-hinay ka naman kasi. Baka magkasakit ka pa dahil sa ginagawa mo, eh."
"Sige na, matulog na tayo." Nginitian pa siya nito bago dumiretso sa kama at humiga sa tabi ni Aeriya. Tahimik na sumunod na lang naman si Joymi matapos pataying muli ang ilaw. Siya man din kasi ay hinihila na ng antok. Ayaw niya na rin namang labanan iyon dahil siguradong maya-maya lang ay mulat na ang anak.