Napasarap ang tulog ni Joymi at hindi siya nakabangon ng maaga. Epekto pa rin marahil iyon ng paginom niya ng gamot dahil nga sa masama ang pakiramdam. Nang magising tuloy siya ay wala na si Franz kaya hindi na sila nakapag-usap. Alas otso na ng umaga kaya madali siyang bumangon upang makapagluto ng agahan bago pa man magising ang mga anak. Tambak na nga rin ang labahan niya. Hindi kasi siya masyadong makapag-trabaho nitong mga nakaraang araw dahil nga nagkasakit din ang bunsong anak. Daig pa tuloy ni Joymi si Flash sa bilis ng pagkilos. Pagkatapos magluto ay ang mga labahin ang kaagad niyang hinarap. Umakyat siya sa kwarto para kunin ang maruming damit na nasa banyo. Palabas na siya sa silid ng may biglang maalala. "Gosh! Muntik ng mawala sa isip ko na birthday nga pala ni ate ngayon."

