❀⊱Mattie's POV⊰❀
"Nakakahiya kang babae ka. Ipinagsigawan mo pa talaga ang kabaliwan mo sa lalaking 'yon? Makukurot kita sa singit, impaktita ka." Inis na inis na sabi ni Freyah, habang sinasabayan pa niya ng pag-aalok ng tinda niyang balut at penoy sa mga dumadaan dito sa gilid ng kalsada. Talagang gigil na gigil siya sa akin. Paminsan-minsan ay pinapalo pa niya ako sa braso, na para bang gusto niya talaga akong matauhan sa kahibangan ko sa lalaking 'yon. Pero na-inlove talaga ako sa lalaking 'yon una, unang tingin ko pa lang sa kanya kahit na medyo magaspang ang ugali niya. Hindi ko nga maintindihan ang sarili ko kung bakit ganito ang damdamin ko sa lalaking 'yon. Pakiramdam ko ako ang magiging lakas niya, at iyon ang hindi ko alam kung bakit nararamdaman ko 'yon.
"Bakit ba! Na-inlove ako eh." sagot ko, sabay irap at taas-noo kong hinarap silang tatlo.
"Tignan nga ninyo... hindi ba at parang lagi kaming pinaglalapit ni tadhana? Ilang beses na kaming nagkita. Hindi na coincidence 'yon... sign na 'yon, noh." Pagmamalaki ko, kasi totoo naman talaga 'yon. Napangiti pa ako, parang kinikilig sa sarili kong sinabi.
"Sa ayaw at sa gusto niya... makukuha ko ang matamis niyang oo." Sabi ko pa, tumikwas pa ang isang kilay ko, at saka ako umirap sa kanila.
"Grabe siya, delulu level na. Gising-gising din Mattie. Nakita mo ba ang hitsura niya ng marinig ang sinabi mo? Nasusuka." Sagot ni Freyah. Inis na inis ko siyang nilingon.
"Nasusuka? Tumigil ka nga diyan, Tatay Freyah. Walang ganuon, walang nasusuka. Ang totoo niyan ay kinilig pa nga ang lalaking 'yon." Wika ko, sabay tulak ko sa kanya ng bahagya. Nakakapikon ang baklang ito, pakiramdam ko ay iniinis lang talaga niya ako dahil nga nababaliw ang puso ko sa lalaking 'yon ay umaasa ako na isang araw ay mapapansin din niya ako.
"Bakla, ayokong masaktan ka. Mahal kita, mahal ko kayong tatlo, at kung masasaktan kayo... mas masasaktan ako." Natahimik ako. Napangiti ako sa kanya, at maging si Claudia at si Clover ay napangiti na rin.
"Alam ko naman ang limitasyon ko. Pagbigyan na ninyo ako, mahal ko talaga eh. Hindi ko nga alam kung bakit. Basta unang pagkikita namin, may kung anong pumukaw sa puso ko. Tapos lagi ko na siyang hinahanap-hanap, at kapag nagtatagpo kami... parang sobrang saya ko. Alam ninyo 'yung parang kuntento na ako na makita siya kahit na... kahit na parang nasusuka nga siya sa akin."
Napatitig sila sa akin. Agad akong nilapitan ni Clover at hinimas ang braso ko. Ramdam ko na nag-aalala sila sa akin dahil habang tumatagal... pakiramdam ko ay mas lalo kong minamahal ang lalaking 'yon kahit na ba ni pangalan nito ay hindi ko man lamang alam. Ni hindi ko nga alam kung saan siya nakatira. Basta ang alam ko lang ay siya ang itinitibok ng puso ko. Iyon naman kasi talaga ang totoo.
"Kung ako na lang ba kasi ang mahalin mo, hindi mo na kailangan pang magmakaawa sa akin. Ibibigay ko agad sa'yo ang matamis kong oo."
Bigla akong napalingon sa boses na 'yon, at agad kong tinaliman ng tingin si Sendong. Kulang na lang ay sugurin ko ang payatot na ito na tila ba isang linggo ng hindi naliligo.
"Hoy sendong, tigil-tigilan mo ako. Wala akong pakialam sa'yo. Hindi kita type, at lalong hindi tayo bagay." Inis na inis kong sabi, kaya tawa na ng tawa ng malakas ang mga kaibigan kong nababaliw na. Nakakainis, heto na naman sila at talagang pinagtatawanan pa ako.
"Isang araw ay magmamakaawa ka rin sa akin. Isang paligo lang naman ang lamang ng lalaking 'yon sa akin." Sabi pa nito, kaya ang lakas ng pagkakatawa ko. Baliw na yata ang lalaking ito.
"Hindi naman sa sinisira ko ang tiwala mo sa sarili mo, Sendong, noh... pero kung binabangungot ka sa mga sandaling ito... isang tadyak ko ang gigising sa'yo. Kahit nga alalay ng bodyguards ng lalaking 'yon ay hindi ka pasado, tapos isang ligo lang ang lamang? Jusko, masisira ang beauty ko sa'yo." Nakairap na sabi ni Freyah, kaya tawa kami ng tawa. Pagkatapos ay hinila na kami ni Freyah para pumuwesto na lang daw kami sa ibang lugar.
Lumipas pa ang ilang oras, pero kaunti lang talaga ang napagbentahan ni Freyah, kaya heto at umuwi kaming pagod pero salat ang bulsa. Ganito naman palagi, kahit na anong pagsusumikap namin ay wala pa rin kaming magawa para umunlad kami. Tiis-tiis lang talaga, at baka naman dumating ang panahon na giginhawa rin ang buhay namin.
"Francky! Tang-na kang bakla ka! Nasaan na ang perang kailangan ko, ha?" Nagulat kami sa lakas ng sigaw ng ama ni Freyah, kaya napahawak kami sa braso ng kaibigan namin. Hindi p[a nga galing ang mga pasa niya, mukhang majojombag na naman siya ng walanghiya niyang ama.
"Francky! Pumasok ka nga rito!" Sigaw pa ng kaniyang ama, kaya nakikita namin ang takot sa mukha ng kaibigan namin.
"Layasan mo na lang 'yan, duon ka na lang sa amin tumira." Sabi ko. Nag-aalala ako sa kaibigan namin dahil laging sinasaktan ng kaniyang ama.
"Oo nga, Freyah. Kahit sa amin, pwedeng-pwede ka at tatanggapin ka namin nila Nanay." Sabi naman ni Claudia. Magsasalita sana si Clover, pero laking gulat namin ng may tumamang tsinelas sa mukha ni Freyah. Pumutok ang gilid ng labi niya, at tumagas ang dugo, kaya napatili kami.
"Jusko naman Mang Caloy, wala ka bang puso para sa anak mo?" Sigaw ko sa kanya. Nakakagigil ang ama ng kaibigan namin, sobrang lupit niya.
"Hoy Mattie, huwag kang makialam dito at baka pati ang ama mo ay gulpihin ko." Sigaw niya. Napaatras tuloy ako at nakaramdam ako ng takot. Pagharap niya kay Freyah ay bigla niya itong hinablot sa damit at halos kaladkarin niya ito papasok sa loob ng bahay nila, kaya hinila namin si Freyah upang hindi siya makapasok sa loob dahil gugulpihin na naman niya ang kaibigan namin. Pero sa ginawa namin ay bigla niyang binigwasan ng suntok ang kaibigan namin, kaya tumama 'yon sa mukha ni Freyah. Ang lakas ng tili namin. Kung kanina ang saya namin, pero ngayon... takot na takot kami para sa kaibigan namin.
"Walangya ka Mang Caloy, ang sama-sama mo." Sigaw ni Clover, at akma siyang sasampalin ni Mang Caloy, pero agad na hinawakan ni Freyah ang kamay ng kaniyang ama.
"Hindi ho ako nagrereklamo sa tuwing sinasaktan mo ako, pero tay, kapag sinaktan mo ang mga kaibigan ko... kahit isang kusing ay hindi na kayo makakatikim sa akin." Galit na sigaw ni Freyah. Iyak na kami ng iyak. Ang mga kapitbahay naman namin... sa halip na tumulong, nakiki-chismis lang.
Nakikita ko ang mukha ni Freyah na putok ang kilay, kaya niyakap ko na siya. Awang-awa kami sa kanya dahil nagkaroon siya ng walang kwentang ama.
"Heto ho, isaksak ninyo sa baga ninyo. Inyo na 'yan, bitawan lang ninyo ang kaibigan namin." Sigaw ni Claudia, at ibinato niya kay Mang Caloy ang lahat ng pera na nasa bulsa niya. Inipon niya 'yon, kasi gusto niyang bumili kahit na second hand lang na cellphone, kasi nasira ang phone niya, pero ibinigay lang niya sa walang pusong ama ni Freyah.
"Mabuti naman at may pakinabang itong mga kaibigan mo. Tandaan mo ito Francky, huwag na huwag mo akong tatakutin, at baka may kalagyan ka sa akin." Galit na sabi ng ama niya. Saka pa lang niya binitawan ang kaibigan namin.
Binilang pa ni Mang Caloy ang hawak niyang pera na galing sa pinaghirapan ni Claudia, at ang laki pa ng pagkakangisi nito dahil malaki-laki din 'yon, nasa dalawang libong mahigit.
Pagkaalis ni Mang Caloy ay napaupo sa gilid ng kalsada si Freyah, at saka galit na tumingin sa mga kapitbahay namin na walang ginawa kung hindi ang mag-usyoso lang.
"Tapos na ang drama, pwede na kayong magsilayas sa harapan ng bahay namin." Sigaw niya. Kinuha ko ang panyo sa bulsa ko at pinunasan ko ang dugo sa gilid ng labi niya at sa pumutok na kilay niya. Napakawalanghiya talaga ng kaniyang ama.
"Hindi mo dapat binigay sa kanya ang pinaghirapan mo, Claudia. Pera mo 'yon, at kailangan mo 'yon." Mahina niyang sabi habang nakayuko na. Alam namin na puno na ng mga luha ang kaniyang mga mata.
"Pera lang 'yon. Kaya ko ulit 'yong ipunin. Kung 'yun lang ang paraan upang hindi ka na niya saktan pa, isaksak na lang niya sa baga niya." Sagot ni Claudia, iyak na rin ito ng iyak.
"Sigurado ka ba na tatay mo 'yon? Huwag sanang sasama ang loob mo, pero sa tingin ko ay hindi ka niya kadugo. Meron bang kadugo na ganuon manakit? Kung anak ka talaga niya... hindi ka niya tatratuhin ng ganyan. Layasan mo na lang kasi. Wala naman 'yang naitulong sa'yo sa paglaki mo. Ikaw pa nga ang bumubuhay sa kanya at nagbibigay ng pera para sa mga bisyo niya." Sabi naman ni Clover.
"Tama si Clover. Tignan mo ang Nanay mo, hindi na niya natiis pa ang kawalanghiyaan ng tatay mo at lumayas na siya. Kaya kung ako sa'yo, iwanan mo na lang din ang tatay mo. Ginagawa ka niyang gatasan, at kapag wala kang naibigay, ginagawa ka niyang punching bag. Tama ba 'yon? Hinahayaan mo kasi kaya umaabuso." Sabi ko. Alam kong masakit ang sinabi ko, pero iyon naman ang totoo.
Tahimik lang siya hanggang sa unti-unting yumugyog ang kaniyang mga balikat, at tuluyan na naming narinig ang pag-iyak niya. Matapang si Freyah, at kahit na anong panggugulpi ng kaniyang ama ay hindi naman siya bumibigay ng ganito, pero ngayon... nabanggit ko lang ang kaniyang ina, ay tuluyan na siyang napahagulgol.
"Sana sinama na lang ako ni Nanay. Sana hindi na lang niya ako iniwan sa ama ko na walang pagmamahal sa akin. Bakit kailangan niya akong iwan? Bakit hindi niya ako isinama ng nilisan niya ang impyernong lugar na ito?" Umiiyak niyang sabi, kaya pati ako ay iyak na rin ng iyak.
"Araw-araw niya akong sinasaktan. At araw-araw din akong nagdarasal na sana ay bumalik na ang aking ina. Siya lang naman ang nakakaunawa sa akin, pero wala na siya. Nilayasan na niya kami dahil hindi na rin niya matiis ang aking ama. Hindi ako pwedeng umalis, baka kapag umalis ako, baka lalo ng hindi bumalik si Nanay." Sabi pa niya. Napaupo ako sa tabi niya sa gilid ng kalsada at niyakap namin siya.
Gusto ko siyang intindihin, pero alam ko naman na hindi rin naman niya gusto ang nangyayari sa buhay niya. Parang ako lang... kahit na anong sabihin nila na kalimutan ko na ang lalaking 'yon... na masasaktan lang ako, pero hindi ko magawa. Katulad rin niya ako na isang tanga. Tanga na umaasa na isang araw ay may magbabago sa buhay ko, na maaaring magkagusto sa akin ang lalaking 'yon, kahit na alam namin na imposible naman talaga 'yon.
"Claudia, pag-iipunan ko ang perang ibinigay mo kay Tatay. Huwag kang mag-alala, makakabili ka rin ng phone. Kung mayaman lang ako... ilalayo ko kayong lahat sa lugar na ito. Babaguhin ko ang buhay natin, kaso mahirap lang din ako na katulad ninyo. Kung hindi tayo kikilos, hindi tayo kakain. Walang pangsugal at pang-inom si Tatay kung hindi ako magtatrabaho." Sabi niya. Umiling naman si Claudia.
"Tumigil ka. Okay lang 'yon. Hayaan mo na 'yon sa Tatay mong walang puso. Kaya ko ulit ipunun 'yon, kaya huwag mo na 'yong isipin pa. Hindi ko tatanggapin kapag nagpumilit ka. Magkakaibigan tayo, at ang magkakaibigan ay laging nagtutulungan, hindi ba? Kaya tulong ko 'yon sa'yo at hindi sa Tatay mo. Iyon ang way para hindi ka na niya magulpi pa." Sagot ni Claudia. Tango ako ng tango. Kung may pera lang din ako sa bulsa, ibibigay ko din, kaso wala pa ngang thirty pesos ang pera sa bulsa ko. Pero pagsahod ko... hahanap ako ng second hand na phone at ibibili ko si Claudia. Sabi nga niya... magkakaibigan kami, at dapat ay nagtutulungan, kaya iyon ang tulong na gagawin ko sa kanya.
"Tara sa amin, duon ka na lang kumain. Sigurado naman na wala kayong pagkain diyan sa bahay ninyo. Inubos na 'yon ng ama mo. Lagi namang ganuon. Wala naman kasi siyang pakialam sa'yo kung magutom ka man o hindi. Gagamutin ko na rin 'yang sugat mo." May inis kong sabi, pero panay ang tulo ng mga luha ko. Kanina lang ang saya-saya pa namin, pagkatapos ang walanghiyang ama niya ay walang kaluluwa. Namumuhi talaga ako sa ama ni Freyah. Ang sama ng ugali, ang layo-layo niya sa mga Tatay namin.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Bukas ay may trabaho pa ako, kaya paplantsahin ko pa ang isusuot kong damit para bukas. Excited tuloy ako sa unang sweldo ko, at dadalhin ko ang mga magulang ko at kapatid ko, kasama ang tatlo kong kaibigan sa paborito naming fast food. May chicken na... may spaghetti at burger pa. Excited na talaga ako. Napatingin pa ako kay Freyah. Ngumingiti na siya kaya pati ako ay napapangiti na rin kahit may luha pa rin ako.