Chapter 1 -Mattie-
Mattie's POV
"Hoy, Mattie! Tara na at nang makapaghango na tayo ng sampaguita. Baka maubusan pa tayo. Ano ba kasi ang ginagawa mo diyan at ang tagal-tagal mo? Kanina pa kami naghihintay dito sa labas!"
Malakas ang sigaw ni Claudia, isa sa mga matalik kong kaibigan. Bukas naman ang pinto ng bahay namin, pero ang mga bruha ay nasa labas lang at sigaw nang sigaw, para bang wala kaming kapitbahay na pwedeng magreklamo. Pero sino nga ba ang magrereklamo sa lugar namin samantalang kung tutuusin, mas maiingay pa sila, lalo na kapag nag-aaway-away na sila.
"Jusko, sandali lang! Nag-aayos pa ako! Dapat maganda tayo habang nagtitinda tayo ng sampaguita." Sigaw ko pabalik habang pilit kong ibinubuhol ang buhok ko sa harap ng luma at may bitak na salamin.
Ang lumang salamin na ito ay galing pa sa lola ko. May mantsa sa gilid na kahit anong kuskos ang gawin ko ay hindi na talaga matanggal pa. Kahit na luma ito, iniingatan ko dahil alaala ito ng lola ko.
Ako si Mattie Jenelle Melendrez. Mahirap lang ang pamumuhay namin, at dito na ako isinilang at lumaki sa isang looban sa Bangkal, Makati. Ilang kanto lang mula sa main road, ilang minuto lang mula sa mga gusaling salamin at ilaw ng siyudad. Sa gabi ay tanaw ko pa nga mula sa eskinita namin ang mga billboard na malalaki, sumisigaw ang mga mukha ng artista na nag-aalok ng kung anu-anong produkto na hindi ko naman kailanman mabibili. Pero sapat na ang distansyang ’yon upang malinaw kong makita ang pagitan ng mga ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig at ng mga tulad kong araw-araw ay kumakayod, araw-araw ay pawisan, pero nananatiling salat sa pamumuhay. Kami ang mga tinatawag na isang kahig, isang tuka. May mga pagkakataon pa nga na kahit na anong kahig namin... wala pa rin kaming matuka.
Sa tuwing umaga, nagigising na agad ako dahil sa ingay ng mga naglalako ng paninda nila sa labas, katulad ng... taho, gulay, at ng isda kayo diyan. Malalakas na boses ng mga taong nagsisimula ng magtrabaho upang magkaroon ng pagkain sa ibabaw ng hapag kainan nila. Tapos maririnig mo pa sa may kanto ang truck ng basura na malakas na bumubusina para magising ang mga tulog pa. Ganiyan na ang buhay namin sa araw-araw.
High school lang ang natapos ko. Nuong huling taon ko sa high school, kasabay ng graduation practice namin ang unang araw na hindi nakauwi si Tatay nang maaga. Nagsimula sa overtime, nauwi sa tanggalan ng mga trabahador at isa si Tatay na minalas na matanggal. Mula nuon, lahat ng plano ko parang nabura na lang. Gusto kong mag-aral ng kolehiyo, pero pagkain lang namin sa araw-araw ay kinakapos na kami... paano pa kaya kung may iisiping tuition fee, pamasahe, at libro na babayaran? Kaya sa halip na pag-aaral ang atupagin ko, tinutulungan ko na lang sila Nanay at Tatay sa pagtatrabaho para naman kahit na papaano ay may dudukutin kaming pera sa aming bulsa kapag may nagkasakit.
Ilang beses akong nag-apply ng trabaho, dala-dala ang iisang lumang envelope na pinagtitiisan ko na may lamang resume, at ilang legal na dokumento ko, pero laging katulong ang ending ko. Wala namang masama sa pagiging katulong dahil marangal na trabaho 'yon, pero sa mga napasukan kong bahay, hindi ako kailanman tinrato na parang tao. Laging utos dito, utos duon, kahit may ginagawa pa ako. Lagi rin akong mali, tapos kapag mamalasin ka pa, ay may manyakis pang amo. Maganda daw kasi ako sabi ng mga taong nakakakilala sa akin, kaya lagi akong pinagnanasahan ng gurang na nagiging amo ko... ’yung tipo ng lalaking pag ngumiti ay parang may balak na agad na masama sa'yo, at bawat sulyap, parang hinihipuan na ako kahit hindi pa siya lumalapit. Ganuong-ganuon sila, pagkatapos sa gabi, kapag matutulog na... nagugulat na lang ako may kung sinong nagbubukas ng pintuan ng silid ko, kaya lagi akong may kutsilyo sa ilalim ng unan ko. Mahirap na!
Kaya ngayon, mas pinili ko na lang na magtinda ng sampaguita kasama ang mga kaibigan ko kaysa mamasukan bilang isang katulong. Mas gusto ko pang pawisan sa kalsada kesa maligo ako sa panlalait at pangmamata, pangmamanyak ng mga taong pakiramdam nila ay pag-aari nila ako. At kahit sampaguita lang ang binibenta namin, mas marangal ito para sa akin. Kahit pa magdamag kaming nakatayo sa ilalim ng poste ng ilaw, nalalanghap ang usok ng mga sasakyang nagdaraanan, at kumakapit kami sa pag-asang may bibili pa kahit alas-diyes na ng gabi.
Ang bahay namin ay tagpi-tagpi. Ang bubungan namin ay may mga butas na tinakpan lang ng yero na kinakalawang na. Kapag umuulan, hindi lang sa labas bumubuhos ang ulan... maging sa loob ng bahay namin ay parang may sariling bagyo. May timba sa gilid ng papag, may palanggana sa tabi ng maliit na altar, may tabo sa gilid ng lababong wala namang tubig na tumutulo... lahat nakapwesto kung saan may tulo. Pero sanay na sanay na kami sa ganitong uri ng pamumuhay. Sa tuwing bumabagyo at kumakalabog ang bubong na animo ba ay liliparin na ito... nagkakantahan pa kami ni Nanay para hindi namin marinig ang hagupit ng ulan. Sa tuwing nagba-brownout, lumalabas kami sa labas ng bahay, bitbit ang piraso ng cardboard para gawing pamaypay, at nakikinig sa kuwentuhan ng mga kapitbahay namin.
Sa kabila ng lahat, kaylanman ay hindi ako nagreklamo sa mga magulang ko. Nakikita ko kasi kung paano sila mapagod.
Si Tatay, pawisan na sa umaga pa lang, busy sa pagkakarpintero at pag-aayos ng kung anu-anong pwedeng pagkakitaan sa kapitbahay. Si Nanay ko naman ay halos wala nang oras para sa sarili. Nagtitinda ng kakanin sa umaga, naglalaba sa ibang bahay sa hapon, tapos sa gabi, siya pa rin ang magluluto ng hapunan namin. May isa akong kapatid, at iyon ay si Mark Vincent Melendrez, graduating ng high school. Nagpapakahirap sila sa mga sideline na trabaho para lang makatapos kahit na high school lang ang kapatid ko.
Kaya kahit gusto kong magreklamo minsan at tanungin sila kung bakit ganito ang buhay namin, bakit ganiyan... pinipili ko na lang manahimik. Dahil alam ko na kung mayroon man karapatang magreklamo, sila ’yon, hindi ako.
Tatlo ang mga kaibigan ko, at sila ang dahilan kung bakit lagi akong nakangiti. Sila ang laging nagpapasaya ng araw ko, kahit na ang ingay-ingay nila pagkagising pa lang.
Si Claudia Sambrano, ang babaeng parang megaphone kung magsalita. Maputi, laging may eyeliner kahit pawis na pawis, at palaging nakasuot ng fitted na damit na parang laging handa sa inuman kahit umaga pa lang.
"Mattie! Kanina pa kami rito ni Clover ha! Si Francky, nagta-transform na sa init! Bilisan mo na!" Sigaw pa ulit ni Claudia. Naririnig ko pa ang hagikgikan nila kaya napapailing na lamang ako.
Si Clover Acosta naman, kabaligtaran ni Claudia. Morena, medyo payat, pero maganda ang hubog ng katawan. Tahimik siya kumpara kay Claudia, pero kapag may chismis... jusko nasa unahan siya ng pila.
At ang pinaka maganda sa lahat... syempre ang bakla naming kaibigan na si Francky Ramirez. Pero sa gabi... siya si Freyah.
Si Francky sa umaga ay simpleng baklang naka-t-shirt at shorts lang, laging may bitbit na supot na may lamang ulam na binili sa kanto. Malambot siyang magsalita, malambot kumilos... pero huwag lang may mambabastos sa amin, dahil biglang nagiging barako kapag nagagalit na 'yan.
Paglabas ko ng bahay, papadilim na. Sinalubong agad nila ako at nagmamadali na kaming umalis. Hahango kami ng sampaguita na ibebenta namin. Sa umaga at sa gabi kami nagbebenta ng sampaguita, at sa tulong ng matamis na dila ni Freyah... nakakaubos kami ng paninda.
"Okay mga frenny, duon tayo sa high-end bar na pinuntahan natin kagabi, ha? Sure akong madami na namang ganap duon... for sure bibili ulit sila ng sampaguita natin. Pagdating sa parking lot, maghihiwa-hiwalay na tayo, bilisan ang kilos, unahan na lang kung sinong unang makaubos." Sabi ni Freyah, habang humahango na kami ng sampaguita.
Lagpas alas sais na ng gabi ng matapos kami sa paghango ng sampaguita. Ang haba kasi ng pila, at nasa hulihan pa kami ng pila kaya natagalan. Pero kung chismis 'yan, makikipag gitgitan si Clover makarating lang siya sa unahan.
Hindi naman nagtagal, nasa parking lot na kami ng isang high-end bar dito sa Makati. Nandito kami kagabi, at bawat sasakyan na pumarada ay binebentahan namin ng sampaguita. May mga nagtataboy sa amin, at mayroon din namang bumibili. May ilan pang pumapakyaw ng mga paninda namin nila Clover at Claudia, tapos aalukin nila kami ng kabastusan, kaya tinatakbuhan namin sila, lalo na at nakabayad na naman sila.
At dahil nga naging mabenta kagabi ang mga paninda namin sa lugar na ito... heto at bumalik kami. Baka katulad kagabi ay maaga kaming makakauwi. Mas okay 'yon, mas makakapag-pahinga kami ng maaga. Pero itong si Claudia, sigurado ako na kapag maaga kaming nakauwi... gin pineapple na naman kami. Pero hindi naman kami nagpapakalasing, at hindi rin naman matapang ang timpla niya ng alak. Sakto lang na para may iinumin kami, tapos pulutan namin ang bbq ni Aling Tolina. At kapag lasing na nga si Freyah, nagiging Aling Tuli na... ang tawag niya sa kapitbahay namin na si Aling Tolina.
"Dito ako sa malapit sa may entrance ng bar. Duon kayo sa kabila. Walang agawan ng customer, ha!" Sabi ko. Inirapan ko pa sila at saka ako tumawa. Idinipa ko pa ang dalawang kamay ko upang harangan sila. Kaya wala na silang nagawa kung hindi ang maghanap ng pwesto nila.
Thirty minutes na yata ako dito, pero wala pa rin customer na gustong bumili ng sampaguita ko. Karamihan kasi ng customer na dumarating... kasama ang mga girlfriend nila kaya nasusungitan nila ako at inilalayo ang nobyo nila na akala mo ba ay aagawin ko. Pero huwag silang pakakasiguro, minsan mabait ako, at minsan din naman ay hindi.
Hindi naman nagtagal, isang mamahaling itim na SUV ang paparating sa exclusive parking lot na para lang sa mga elite, kaya ang laki ng pagkakangiti ko. Nilingon ko pa ang tatlo kong kaibigan, at mabuti na lang ay hindi sila nakatingin. Busy sila sa pag-aalok ng kanilang mga sampaguita. Kaya paghinto pa lang ng magarang sasakyan, mabilis na akong tumakbo, at nagulat ako sa isang lalaking lumalabas mula sa loob ng sasakyan. Sobrang gwapo niya, tila ba pinana ang puso ko ni kupido at hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya.
"Pero Mattie, jusko umayos ka nga! Kailangan mong makabenta ng sampaguita, nadadaig ka na ng tatlo." Bulong ko sa sarili ko. Kaya paglapit na paglapit ko sa kanila, agad kong itinaas ang kamay ko na may hawak na paninda ko.
"Excuse me, sir! Bumili na po kayo ng sampaguita. Fresh pa po ito, mabango at good luck daw po sa gabi ninyo!" Tinitigan niya ako. Masamang titig na akala mo ba ay gusto na akong patayin. Pero ako si Mattie, at hindi ako patitibag sa titig niyang 'yon. Sa halip ay iwinagayway ko pa ang bulaklak na ibinebenta ko sa kanila. Malay mo naman makulitan at bilhin lahat ang paninda ko.
"Sige na po, para sa inyo! Swerte daw po ang mga sampaguita, magdadala sa inyo ng kakaibang swerte sa buhay." Wika ko pa. Dapat galingan ko ang diskarte ko para makabenta at makauwi na.
"Get away from me, you stupid woman!" Galit na sabi ng lalaking gwapo. Pero makulit ako, pilit ko talagang inilalapit sa kanya ang binebenta ko. Gusto ko lang talagang makaubos ng paninda. Kaya ngumiti ako sa kanya. Ngiting parang nang-aakit. Jusko, para lang makabenta, ibigay ang matamis na ngiti.
"I said, leave!" Umalingawngaw ang galit na galit niyang sigaw dahil sa kakulitan ko, sabay tulak niya sa akin kaya bigla akong napaatras ng ilang hakbang at muntikan pa akong bumalintuwad. Bigla akong napatigil dahil kahit na paano... nakaramdam ako ng takot sa kanya.
"Bro, babae lang 'yan, huwag mong patulan. Nagbebenta lang talaga ang mga 'yan dito sa lugar na ito." Sabi ng gwapong lalaki, mabait at mukhang pasensyoso, hindi katulad ng isa, mas gwapo, pero mukhang impakto ang ugali.
"Makulit eh. Sinabi ng umalis, pero ayaw umalis." Galit na sagot niya. Mangiyak-ngiyak naman ako. Aalis na lang sana ako, pero dumating ang tatlo kong kaibigan at galit na galit dahil nakita nila ang ginawang pagtulak sa akin. Kasalanan ko naman, ang kulit ko naman kasi talaga.
"Hoy! Ano ba 'yan? Don't you dare touch her, you brute!" Sigaw ni Freyah sa lalaking gwapo na hindi ko maalis ang tingin sa kanya. Pero napatingin din ako kay Freyah. Saan naman niya nakuha ang English na 'yon?
"Grabe ka naman kuya. Huwag naman ganun. Ang sama ng ugali mo, dapat sa'yo ay..." Hindi na natapos pa ni Clover ang sasabihin niya ng biglang sumigaw ulit ang lalaki. Ay jusko, ano ba naman ito, pinaglihi ba ang lalaking ito sa sama ng loob?
"Leave me alone! Can you please... just leave me alone?!" Nang marinig ni Freyah ang sigaw ng gwapong lalaki, hinawi niya kami at galit na tumayo sa harapan ng lalaki upang ipagtanggol kami. Napangiti naman ako sa kanya, pero muli ko lang ibinalik ang tingin ko sa gwapong lalaki. Ano kaya ang pinag-daraanan niya? Ramdam ko lang na parang may galit siya sa mundo. Nakakatakot siyang tumingin, at ang mga mata niya, tila ba nababalot ng bloke-blokeng yelo, pero parang ang sarap niyang mahalin hanggang sa tuluyan siyang maging maamo. Natigil lang ang pagmumuni-muni ko ng marinig ko ang boses ni Freyah.
"Ay, ay, ay... ang taray mo, gwapo ka pa naman. Hawakan nga ninyo itong sampaguita ko at jojombagin ko lang ang lalaking 'yan." Galit na sabi ni Freyah, at sa isang iglap ay naging boses lalaki siya, pero bago pa man siya makaporma... inakmaan na siya ng suntok ng gwapong lalaki, at kahit na hindi naman dumapo ang malaking kamao nito sa mukha niya... hinimatay na agad ang kaibigan namin, as in... para siyang unti-unting nawalan ng lakas na bumabagsak sa sementadong kalsada.
"Ay naku bakla ka, ano ang nangyari sa'yo? Impakta ka, bumangon ka diyan, nakakahiya ka!" Malakas na sabi ni Claudia, pilit na niyuyogyog ang katawan ng kaibigan namin na nakabulagta sa sahig. Napatingin tuloy ako sa lalaking mabait na kasama ni sungit, dahil tawa ito ng tawa.
"Freyah, ang bigat mong bakla ka. Tumayo ka diyan at ipagtanggol mo kami kay pogi." Sabi naman ni Clover, habang pilit nilang binubuhat ang kaibigan namin.
Humingi ng pasensya sa akin ang gwapong lalaki. Ngumiti lang ako sa kanya, at muli akong napatitig sa lalaking tumulak sa akin. Pagkatapos ay tumingin ako kay Freyah na wala pa ring malay, kaya bahagya akong yumuko at saka ko siya kinurot sa tagiliran. At sa isang iglap... bigla siyang napatayo. Inayos pa ang suot niya at inirapan ang gwapong masungit.
"Clover, Claudia at Mattie... let's go at ng makarami tayo ng tinda. Iwanan na natin ang pangit na 'yan. Bye poging mabait, at babush sa kasama mong swangit. Eklavu na kami." Sabi ni Freyah. Hinila na niya kami, at susugod pa nga sana ang gwapong 'yon pero pinigilan siya ng kasama niya. Ako naman ay panay ang lingon ko sa kanya. Nag-uusap ang mga kaibigan ko, pero panay ang lingon ko sa kanya.
Ano kaya ang pangalan niya? Bakit parang napaka-sungit naman yata niya? May pinag-dadaanan ba siya? Huh, kapag ako ang naging jowa niya, tuturuan ko siya kung paano ang ngumiti. Pero bigla kong binawi ang tingin ko ng nilingon ako ng mabait na pogi. Nakakahiya, nahuli niya akong nakatitig sa kasama niya.
"Hoy bakla, tigilan mo na nga kakatitig diyan sa impaktong ’yan. Let’s go na, bakla... duon na tayo sa kabila magbenta bago ka pa mag-drama diyan at malanta pa ang paninda natin." Sabi ni Freyah. Ngumiti lang ako, napatingin akong muli sa dalawang lalaki na papasok na ng bar, pero laking gulat ko ng bigla niya akong nilingon at tinitigan ako. Saglit lang 'yon... pero kumabog nang matindi ang puso ko.