Chapter 2 -Meant to be daw- 🤣

1735 Words
❀⊱Mattie's POV⊰❀ "Hoy babae, umamin ka nga sa akin... tinamaan ka sa impaktong lalaki na 'yon, noh?!" Sabi ni Claudia, halos pabulong lang habang nanginginain kami ng bbq sa kapitbahay naming si Aling Tolina. Mahirap na, baka may makarinig na mga chismosa na kapitbahay namin. "Huh? Ako? Seryoso ka sa sinasabi mo? Huwag ka ngang mambibintang diyan. Hindi pa tumitibok ang puso ko kahit na kanino." Sagot ko, mahina lang din sabay irap ko sa kanya. Pagkatapos ay itinikom ko ang bibig ko sabay kagat ng bahagya sa aking dila, dahil ang totoo... nang makita ko ang lalaking 'yon kagabi... iyon na ang simula ng magulo kong isipan. Pero laging ipinapaalala sa akin ng aking ama at ina na huwag magtitiwala sa mga lalaking mayayaman, dahil lahat daw ng mga 'yon... paaasahin lang ako. "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo diyan?" Bigla akong napalingon ng marinig ko ang aking ina. Agad ko siyang nilapitan at kumapit ako sa kanyang braso. "Nanay, ibili mo naman po ako ng bbq kay Aling Tuli. Isa lang 'Nay." Sabi ko. Bigla akong pinalo ng isang plastic ng uling ni Aling Tolina. Napahawak pa tuloy ako sa buhok ko at baka magkaroon ng uling. "Hoy bata ka! Tolina ang pangalan ko. Pareho kayo ng kaibigan mong bakla. Tigilan ninyo ang katatawag sa akin ng Aling Tuli at baka ang kaibigan mong bakla ang tuliin ko. Gusto yata ng batang ito na mahambalos ng isang sakong uling." Galit na sabi nito. Tawa naman ng tawa ang aking ina at ang mga kaibigan ko. Buti na lang at wala pa dito si Freyah. Siguradong maiinis na naman 'yon kay Aling Tolina. Teka nga, nasaan na nga ba ang baklang 'yon? Baka ginulpi na naman ng kanyang ama na isang lasinggero. Naaawa na talaga kami sa kaibigan naming 'yon. Siya 'yung kayod ng kayod sa pamilya nila para lang mabuhay sila, pero ang kaniyang ama ay walang ginawa kung hindi ang uminom at lustayin sa alak ang pinaghirapan niya. Pagkatapos siya pa ang may ganang manggulpi sa anak niya dahil daw isa itong bakla. Ano naman ang masama kung isang bakla si Freyah? Mababago ba niya ang pagkatao ng anak niya kung gugulpihin niya ito araw-araw? Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Pagkatapos ay tinignan ko sa lumang orasang pambisig ng aking ina kung anong oras na. "Nanay, aalis muna po ako. May pupuntahan lang ako." Sabi ko. Inubos ko na ang natitirang laman na bbq sa stick na hawak ko, sabay lagay ko ng kalat sa basurahan ni Aling Tolina. "Saan ka naman pupunta? Baka makasalubong mo si Mark, sabihin mo diyan sa kapatid mo na ayusin ang bubong natin at puro na butas. Tutulo na naman 'yon kapag umulan mamaya." Sabi ng aking ina. Tumango naman agad ako sa kanya. "Hoy babae, saan ka naman pupunta, ha?" Tanong naman ni Clover. Inayos ko ang buhok ko. Itinali ko ito ng pa-messy bun at saka ko pinunasan ang nguso ko. Dinilaan ko pa ang maputi at pantay-pantay kong ngipin upang makasigurado na wala akong tinga. "Huwag na kayong sumama ha. May bibilhin lang ako sa palengke. Sayang ang pamasahe kung tatlo pa tayo, unless kayo ang magbabayad ng pamasahe ninyo. Nanay, ano ang gusto ninyong ulam mamayang hapunan?" Napangiti naman ang aking ina, at ang sabi niya ay kahit na ano na lang daw. kahit nga daw lutong ulam sa may kanto lang ay okay na. Hindi ko na raw kailangang gumastos pa ng malaki lalo pa at tumutulong ako sa kanila sa pag-papaaral ng kapatid ko na graduating na ng high school. Pero hanggang high school lang ang pag-aaral ni Mark, dahil katulad ko... wala kaming pera na magagastos para sa pag-aaral niya sa kolehiyo. Kaya ang sabi niya sa amin, kapag naka-graduate na siya ng high school, magtatrabaho siya kahit na kargador sa palengke, o kaya crew sa mga fast food restaurant, at mag-iipon daw siya para makapag-aral siya ng college. Matalino ang kapatid ko, ang problema lang ay pera pang tustos sa pag-aaral. "Huwag ka ng gumastos pa ng malaki." Sabi ng Nanay ko, kaya tawa ako ng tawa sa kanya. Akala mo naman ay ang laki ng hawak kong pera. "Nanay naman eh, three hundred lang po ang pera ko at naka budget na po 'yan. Pamasahe, pambili ng bigas at ng mumurahing isda na lulutuin pang hanggang bukas, tapos bibili din ako ng ilalagang talbos ng kamote na lalagyan ko ng siling labuyo, ginayat na sibuyas at tinustang bawang. Okay na 'yon, Nay?" Napangiti ang Nanay ko at tumango. Niyakap pa niya ako. Mahirap man kami, busog naman ang mga puso namin sa labis na pagmamahal namin sa isa't isa. "Hoy bakla, sasama ako sa'yo. Bibili rin kami ng ulam namin mamayang gabi, para mamaya, pag hango natin ng sampaguita ay wala na akong iintindihin na ulam namin." Sabi ni Claudia. "Ako rin, sasama ako. Kailangan kong bumili ng uulamin namin." Sabi naman ni Clover. Ganito lang ang buhay namin. Simple at kumakayod ng maayos. Kapag may kinita kami... hindi pampaganda ang iniisip namin. Hindi bagong damit. Hindi rin bagong sapatos o bagong bag. Ang iniisip namin ay kung ano ang bibilhin naming pangangailangan upang mabuhay ang pamilya namin. "Hoy, hoy, hoy... mga bakla! Saan naman kayo lalarga?" Bigla kaming napalingon kay Freyah. May suot itong sunglasses, kaya sigurado kami na may black eye na naman siya galing sa mabait niyang ama. "Ano nangyari sa'yo? Hindi mo pa rin ba iiwanan ang Tatay mong 'yon?" Inis kong sabi. Tinanggal kong bigla ang suot niyang sunglasses, at ayun na nga... malaki na naman ang pasa niya sa magkabilang mata. "Hindi pwede noh! Paano na si Mudra kapag bigla na lang akong nag-eklavu sa buhay nila? Baka si Mudra na ang gawin niyang punching bag kapag hindi siya nasustentohan sa bisyo niya. Sa tingin ko... hindi talaga niya ako tunay na anak. Ramdam ko mga besh!" Sabi ni Freyah na tumitikwas-tikwas pa ang dalawang kilay. Naaawa na kami sa kanya, at kung kami lang talaga ang masusunod, mas gusto namin na lumayas na lang siya sa bahay nila, pero tama din naman siya na baka nga ang kanyang ina ang pagdiskitahan ng ama niya. "Sumama ka na lang sa amin. Pupunta kami ng palengke para mamili ng pang-hapunan mamaya." Sabi ni Clover. Ibinalik ko kay Freyah ang sunglasses niya para hindi na makita pa ng mga kapitbahay naming mga chismosa na napagtripan na naman siya ng kanyang ama. Nang makalabas kami ng kanto ng eskinita, wala kaming masakyang jeep, halos lahat ay puno na. Ayaw naman naming sumakay ng tricycle dahil mas mahal ang bayad. Duon lang kami sa mas makakatipid kami, kaysa naman mabawasan pa ang budget namin dahil sa mahal ng tricycle. "Duon tayo. Tumawid tayo para duon tayo sumakay sa kabilang kanto. Mas maraming jeep sa lugar na 'yon patungo ng palengke." Sabi ni Clover, at pagkarinig ko... bigla akong tumawid, pero napasigaw ang mga kaibigan ko dahil muntikan na akong masagasaan. Napatili ako ng malakas ng biglang huminto ang sasakyan sa harapan ko. Gahibla na lang ang pagitan namin, at talagang muntikan na akong mabalian ng mga buto. Muntikan ng tumalsik sa mainit na kalsada ang mga mapuputi kong ngipin, at muntikan ng maghiwalay ang katawang lupa ko sa kaluluwa ko. Ang dami pang mga matang nag-uusyoso dahil sa nangyari. Saka kung matitigok man ako, jusko... ayokong pangit ako sa mata ng mga taong makikiramay sa akin. Ayoko ng lasog-lasog ako. "Jusko Mattie, bakit ka biglang tumawid?" Sabi ni Claudia. Nanginginig naman ang mga tuhod ko sa takot. Ano ba kasi ang iniisip ko at bigla na lang akong tumawid? "Muntikan ka ng mategi, jusko ka bakla!" Sigaw naman ni Freyah. Si Clover naman ay mabilis akong nilapitan upang hilahin sana palayo sa gitna ng kalsada, pero hindi ako makakilos. Ipinikit ko ang mga mata ko ng bumukas ang pintuan ng magarang sports car. Ang bilis ng pagkabog ng puso ko. Alam kong kasalanan ko kung bakit muntikan na akong mategi at handa na ako sa malakas na sigaw ng kung sino man ang driver ng mamahaling sasakyan. "Are you that fúcking stupid?" Galit na galit na sigaw ng lalaki. Pero agad kong iminulat ang mga mata ko ng makilala ko ang boses na 'yon. Oh my gosh, pinagtatagpo kami ng tadhana. "Oh, it's you again. I can't believe how stupid you are." Aray ko! Ang sakit naman nuon. Hindi ba pwedeng malayo lang ang iniisip ko, o dahil siya ang laman ng isipan ko kaya hindi ko na nagawang tumingin pa at bigla na lang akong tumawid? Meant to be kami... kasi lagi kaming pinagtatagpo. "Yes, it’s me again. Your destiny." Sagot ko, pero agad kong tinakpan ang bibig ko. Napatingin pa ako sa mga kaibigan ko na tinaasan na nila ako ng kilay nila. Nakita ko rin ang unti-unting pagkunot ng noo ng gwapong lalaki na hindi ko pa alam ang pangalan. Jusko, makalaglag panty naman ang lalaking ito kahit na sobrang sungit. "Hoy babae ka, magpakipot ka naman na parang isang sariwang talaba... na kahit na anong tusok ng kutsilyo ay hindi mabuksan-buksan. Pukpukin kita diyan ng bugok na itlog, makita mo!" Inis na sabi ni Freyah, at saka ako hinila para makaalis na sa gitna ng kalsada. "Isa kang baliw na babae." Sabi ng gwapong lalaki sa akin. Galit na galit talaga ito, at kulang na lang ay unti-unting tumubo ang sungay niya. "Nang dahil 'yon sa'yo!" Malakas kong sagot. At dahil duon ay tuluyan na akong pinukpok sa ulo ng kaibigan naming bakla gamit ang luma niyang tsinelas na makapal. Napahawak tuloy ako sa bunbunan ko. Napapailing na lang ng ulo ang gwapong lalaki bago muling sumakay sa loob ng sports car niya... halatang galit na galit, saka mabilis na humarurot palayo ang magara niyang sasakyan. "Baliw ka na! Sinasabi ko na nga ba at napana ka na ni kupido. Deny-deny ka pa kanina, pero tumitibok na pala 'yang tìnggìl mo!" Sabi ni Claudia sabay tawa ni Clover. Ngumuso lang ako, at tinanaw ko na ang papalayong sasakyan. "Kapag huminto ang sasakyan niya, siya na ang kapalaran ko." Sabi ko sa kanila. At dahil nag-red light... huminto nga ang sasakyan niya kaya napatingin ako sa mga kaibigan ko. Ang laki pa ng pagkakangiti ko. "Gaga! Alam mo kasi na may stop light!" Kontra ni Freyah. Inirapan ko siya. Nakakainis ang baklang ito, masyadong kontrabida sa kaligayahan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD