- RITA -
Alas-tres na ng umaga pero hanggang ngayon ay mulat na mulat pa rin ako. Kahit anong pilit kong matulog kanina ay hindi ko talaga magawa. Nakapikit lang ako pero gising pa rin ang diwa ko. Hindi ko alam kung dahil namamahay lang ako at hindi sanay matulog sa malambot na kama, o dahil sa plano ni Kuya Marco?
Nakatitig lang ako sa relo na nakasabit sa dingding ng kuwarto ni papa. Maganda ang kuwarto. Malambot ang kaniyang kama. Malakas ang hangin na nagmumula sa electric fan. Pakiramdam ko tuloy ay bumabagyo dahil sa lamig na dulot ng hangin na nagmumula rin sa dagat. Nakabukas kasi ang bintana kaya mas lalong malamig.
Nakahiga ako sa kama habang nasa sahig naman si papa. Malambot na kutson din ang kaniyang hinihigaan. Maingat akong bumangon upang hindi makalikha ng ingay. Kailangan ko magawa nang maayos ang tulong na hinihingi ni Kuya Marco. Sa ganitong paraan, masuklian ko man lamang ang kabutihang nagawa niya para sa akin. Kasi kung ibang tao lang ang nakakita sa akin sa bus, baka naliligaw pa rin ako hanggang ngayon sa San Narciso. O mas matindi, baka napahamak na ako sa madilim na lansangan. Kaya lubos ang pasasalamat ko kay Kuya Marco. Desidido rin akong matulungan siya sa abot na aking makakaya. Hindi ko alam ang rason kung bakit gusto niyang makatakas. Siguro bago siya umalis, itatanong ko iyon sa kaniya.
Nang makatayo na ako mula sa kama, dahan-dahan kong hinakbang ang aking mga paa patungo sa pinto. Lumingon pa ako para silipin si papa. Nakatagilid ang kaniyang higa, patalikod sa pintuan kaya mas napadali ang paglabas ko sa kuwarto.
Pagkalabas ko ay maingat ko rin sinarado ang seradura ng pinto. Maingat at walang ingay akong naglakad at umakyat sa kinaroroonan ng kuwarto ni Kuya Marco. Ang sabi niya, huwag na raw akong kumatok dahil hindi niya raw i-la-lock ang pintuan para mas madali ako makapasok.
Nakumpirma kong hindi nga naka-lock ang door knob nang hawakan ko iyon. Dahan-dahan ko rin binukas iyon hanggang sa maisarado ko.
Hindi naman masyadong madilim sa kuwarto ni Kuya Marco. Nasisinagan din kasi ng buwan ang ilang parte ng kuwarto niya na nagmumula sa veranda kaya hindi ako nahirapan na makita siyang nakahiga. Tinungo ko ang kaniyang kama hanggang sa makalapit ako sa kaniya. Natigilan ako nang makita ko ang mukha niya.
Ang guwapo talaga niya. Hindi ko mapigilan ang hindi kiligin.
Noong una ko siyang makita sa bus, pansin ko na agad ang kaguwapohan niya. Halata sa hitsura at kutis niya na mayaman siya. Mukha siyang taga-ibang planeta dahil sa kakaibang dating niya. Maputi, maganda ang mata, mahaba ang pilik mata, manipis ang labi at makinis ang kaniyang mukha.
Oo, naguwapohan talaga ako sa kaniya sa unang pagkikita namin. At mas lalo siyang naging pogi sa paningin ko noong nakaharap at nakausap ko siya kagabi. Pero mas grabe lang ngayon. Iba ang epekto sa akin ng kaniyang presensiya. Parang ibang tao siya kapag ganitong mahimbing siyang natutulog. Gusto ko pa nga sana matawa pero agad ko rin tinakpan ang bibig ko dahil baka mahuli niya akong tinatawanan siya. Eh paano ba naman kasi, nakanganga siya habang natutulog.
Nilapitan ko siya at chineck ang labi niya. Hmmm, buti na lang at hindi siya tulo laway kung matulog.
Bago pa mapadpad kung saan ang imahinasyon ko, hinawakan ko na ang kaniyang balikat at marahan siyang niyugyog.
"Kuya Marco, gising na," mahina kong bulong.
Hindi siya sumagot. Tulog na tulog pa rin siya. Sinubukan ko ulit siya gisingin. Ilang beses ko na rin ginalaw ang balikat niya pero wala pa rin epekto. "Kuya Marco, gumising ka na. Sabi mo tatakas ka 'di ba?"
"Hmmm."
"Bumangon ka na. Nagpapagising ka pero ikaw naman itong hirap na hirap bumangon. Dali na, baka magising pa si Papa eh. Halika na." Hinila ko ang kaniyang kamay at pilit siyang binabangon. Ay kaurat naman oh. Hindi naman siya mataba pero ang bigat ng katawan niya.
"Kuya Marco, naman kasi eh, dumilat ka na." Kontrolado ko pa rin naman ang boses ko kahit nayayamot na ako sa isang ito. Gusto ko nang matapos ito kaya ginawa ko lahat ng paraan para magising siya. Dinilat ko pa ang mata niya para lang makita ako pero mawawala na lang iyong bilog sa mata niya at pipikit na naman siya. Kainis! Ito ba ang tatakas?!
"Isa, kapag hindi ka bumangon diyan, lalayasan kita rito."
Wala siyang reaksyon. Pang-beauty and the beast pa rin ang pagkakatulog niya.
Hinila ko ang makapal na kumot na bumabalot sa katawan niya. Napanganga pa ako pagkakita sa ayos niya. Hindi ko kasi pansin na wala siyang damit pangtaas kaya medyo lang naman na nagulat ako. Napatingin pa ako ng hindi sinasadya sa ibabang parte ng katawan niya. Eh 'di wow, siya na ang nakasuot ng maiksing short. Mas maiksi pa sa short na pinahiram niya sa akin.
"Dalawa, iiwanan na talaga kita."
Kukuha na talaga ako ng tubig sa CR at ibubuhos ko sa kaniya para magising na siya nang tuluyan.
"Tatlo."
Ganoon pa rin. Bumuka na naman ang bibig niya. Nakanganga na naman siyang natutulog. "Ah, gusto mo talaga subukan ang bagsik ko ah. Teka, kukuha na talaga ako ng tubig na ibubuhos sa'yo."
Pero bago pa ako makahakbang at makaalis sa puwesto ko, nagulat na lang ako sa sumunod na nangyari. Ang alam ko talaga ay tulog na tulog siya pero nabigla na lang ako nang hablutin niya ang kamay ko at hinila papunta sa ibabaw niya. Agad niyang pinulupot ang kaniyang braso sa payat kong katawan at mahigpit na niyakap. Sa isang iglap ay nasa ibabaw na niya ang kalahati ng katawan ko habang ang mukha ko ay nangudngod sa leeg niya kaya amoy na amoy ko ang katawang lupa niya.
Sus ginoo, kay bango naman ni kuya eh.
"Hmmm, ang ingay mo, tulog pa tayo." Bahagya kong inangat ang ulo ko para makita ang mukha niya. Nakapikit ba siya nang sinabi niya iyon?
Hindi ko maipaliwanag kung bakit ganito ang nangyari. Hirap na hirap akong gisingin siya kanina, pero heto ako ngayon, kay dali niya akong nahila at naihiga sa ibabaw ng katawan niya. Ano ba talaga ang plano niya?
Marahan kong tinampal ang pisngi niya para magising siya. "Kuya Marco, gumising ka na, please. Baka magising na si Papa kung hindi ka pa aalis ngayon."
"Hmmm, antok pa. Tulog ka muna." May sarili bang isip ang kamay niya at nagawa nitong ibalik ang ulo ko sa leeg niya?
Napakuyom ako sa nangyayari. Hindi ko alam kung bakit nawalan na ako ng lakas para gisingin pa siyang muli. "B-bahala ka. Bas....ta walang sisihan huh."
*****
-MARCO-
Wala pa sana akong balak dumilat pero dahil sa init na nararamdaman ng pisngi ko ay napilitan akong imulat ang mga mata ko. Kaya pala mainit, nakasentro sa mukha ko ang liwanag na nagmumula sa labas ng sliding door.
Hindi ko ba iyon naisara kagabi?
Inangat ko ang aking kaliwang braso para itakip sa mukha ko. Sinubukan ko ulit matulog pero hindi ko na rin magawa dahil sa init na nanggagaling sa sinag ng araw. Balak ko sanang tumayo at isarado ang sliding door nang bigla na lang may humampas sa mukha ko.
"Ouch! That's hurt men!" Napasigaw ako sa sobrang sakit.
Minasahe ko ang mukha ko dahil sa sakit pero mas grabe iyong sakit sa ilong ko. Kinapa ko ito at buti hindi nawala sa puwesto ang buto sa ilong ko. Ito pa naman ang greatest asset ko, my handsome nose.
Hinanap ko ang bagay na iyon na tumama sa ilong ko pero laking gulat ko nang mabungaran ko si Rita sa kuwarto ko. Hindi lang basta nasa kuwarto dahil sobrang himbing ng tulog niya sa kama ko. Magulong nagkalat ang hibla ng buhok sa mukha niya, pero tanaw ko pa rin ang isang mata niya. Ang laylayan ng suot niyang t-shirt ay bahagyang nakataas kaya kita ko ang flat tummy niya. Mukhang abs nga iyon eh. Amazing.
Wait, what am I thinking? Why she's here? I thought to myself.
Nang maalala ko ang mga nangyari kagabi ay bigla na lang ako napasigaw na siyang gumising kay Rita. Agad naman siyang bumangon at tumingin sa akin.
"Oh, bakit, Kuya Marco? Bakit ka sumisigaw?" tanong niya na tila wala siyang kamalay-malay sa nangyayari.
"Umaga na Rita!" I yelled.
Napasulyap naman siya sa labas ng veranda. "Oo nga, may araw na sa labas."
Alam kong may araw na sa labas and she don't need to elaborate because I can clearly see from here the view outside. "Hindi mo ako ginising!" I shouted again.
"H-huh? Anong hindi ginising? Ikaw nga itong sobrang hirap gisingin eh. Sa sobrang antok mo, dito mo na ako pinatulog."
"W-what?! Dito kita pinatulog?! Paano naman nangyari iyon?!" May sapi siguro ang isang 'to.
"Hinila mo ako at hiniga sa kama mo. Ang bigat pa nga ng braso mo dahil ayaw mo akong umalis."
"Gising ka na ba talaga ng lagay na iyan? Paano ko naman gagawin iyon kung sobrang tulog ako nun?"
"Iyon na nga, Kuya Marco, nahirapan talaga ako na gisingin ka. Hindi na nga ako natulog dahil nag-aalala ako na baka magalit ka sa akin. Pero noong pinuntahan kita rito kagabi, ay grabe talaga eh! Para kang patay, Kuya Marco. Pinahirapan mo talaga ako kagabi. Plano ko na nga na buhusan ka ng tubig kaya lang ikaw eh, pinatulog mo ako rito sa kuwarto mo. Kaya hayun, nakatulog na rin ako kasi sobrang antok na ako─"
"Stop."
"H-huh?"
"I said stop. I don't need your explanation. The damage has been done. It's very clear that you're not true to your words. You said that you're gonna help me to get out of here and this is what I've got. Wala kang isang salita."