SABIK na sabik nang makalabas si Gianna lalo na nang marinig ang boses ni Angelo. Mukhang nakikipaglaro na naman ito sa mga bata. Lalo na’t hapon na sa mga oras na iyon kaya hindi na mainit ang araw sa labas.
Hinintay lang niyang maging busy muli ang yaya sa kausap. Halos oras-oras na lang kasi ay panay ang tawag nito sa boyfriend.
Siya na itong nagsasawa noon sa ginagawa nito. Dati, inis na inis siya kapag kaharap lagi nito ang cellphone. Tapos ay ayaw pa siyang pahiramin para makapaglaro ng games.
Pero ngayon, siya na mismo ang nag-aabang kung kailan ito tatawag muli o kung kailan tatawagan ng nobyo. Dahil doon lang siya nakakahanap ng pagkakataong makalabas.
At tulad ng kanyang inaasahan, pagkatapos nitong maghugas ng pinggan ay dinampot na naman nito ang cellphone at tinawagan ang kasintahan.
Doon siya sumingit at nagpaalam dito. Wala namang nagawa ang babae kundi ang tumango. Kapag nasa linya na ang kausap, ayaw na nitong magpaistorbo.
Sa dami ng mga batang naglalaro sa labas, kay Angelo siya lumapit at inilantad ang sarili niya rito. Di nagtagal ay napansin din siya ng lalaki at mabilis na gumuhit ang matamis na ngiti nito.
Hinintay lang niya ang pagtawag sa kanya ng lalaki saka siya lumapit dito. “Gianna, baka gusto mong sumali rito. Naglalaro kami ng ‘bring me’.”
“Wow gusto ko ‘yan! Sige po game ako!” tuwang-tuwa na sagot niya.
Si Angelo ang tagautos. Sila naman ang tagahanap.
“Bring me a flower!”
Nag-unahan sila sa pagtakbo at kanya-kanya ng mahahanap na bulaklak sa paligid upang mapitas at maibigay sa lalaki.
Nakakuha siya malapit sa isang kinder school. Saka binilisan ang pagtakbo pabalik sa lalaki. Naabutan niyang may apat na bata nang nauna sa kanya at nagbigay ng bulaklak dito.
Inabot naman agad niya ang sa kanya. Isa-isa itong nakipag-apir sa kanila. Bagama’t medyo matigas at mabigat ang kamay nito, ramdam pa rin niya ang pagiging banayad niyon nang dumapo ito sa palad niya.
Nang makapagbigay na ang lahat, muli silang pumalibot sa lalaki at naghintay sa susunod na sasabihin nito.
“Bring me a walis tingting!”
Muli silang nagtakbuhan sa kanilang mga bahay para kumuha ng walis tingting. Dahil malapit lang ang bahay niya, siya ang unang nakakuha at nakapagbigay sa lalaki.
Isang magarbong pagbati ang itinugon nito sa kanya na may kasamang apir. Tuwang-tuwa na naman siya lalo na’t nakatanggap ng papuri sa crush.
Nagtagal ng isang oras ang laro bago nagpaalam ang lalaki sa kanila na uuwi muna. “Magre-review pa kasi ako, guys. Mamaya may midterm exam ako. Kayo muna maglaro, ah?”
Isa-isang nagsagutan ang mga bata na parang favorite teacher nila ang kaharap. Siya naman ay naglakas-loob na lumapit sa lalaki bago ito tuluyang makalayo.
“Kuya Angelo. Puwede mo ba ako turuan uli maggitara?” dumada-moves na hiling niya.
“Aba, sige! No prob!” masiglang sagot nito. “Kaso baka bukas na kita maturuan. Papasok pa kasi ako mamaya, eh.”
“Okay lang po, Kuya. Doon na lang uli tayo sa waiting shed. Mga anong oras ba?” Ginawa talaga niya ang lahat para magkaroon sila ng bonding bukas.
“Mga after lunch siguro. Kukunin ko pa kasi sa tropa ko ‘yung gitara ko bukas. Hiniram nila no’ng isang araw, eh.”
Magalang siyang tumango. “Sige po. Hintayin na lang po kita. Gusto ko po talaga matuto mag-guitar, eh.”
“Naks naman!” Ginulo nito ang buhok niya. Saka ito yumuko upang mailapit ang mukha sa kanya. “Buti at bigla mo yata nagustuhan matuto ng guitar?”
“Ang galing n’yo po kasi, eh, kaya ito naman ang gusto ko matutunan.”
Napangiti niya nang sobra ang lalaki. “Wow talaga si Gianna, oh! Pero salamat, ah? Sobrang flattered ako dahil na-appreciate mo ‘yung munting talent ko. Hayaan mo, bukas na bukas ikaw agad ang una kong aabangan dito sa labas.”
“Salamat, Kuya. Sige po ingat po kayo!” pagwawakas niya sa usapan dahil baka nagmamadali na ang lalaki.
Kung kailan nakaalis na ito, doon pa lang siya medyo nahiya sa ginawa niya. Feeling niya kasi ay nakakaistorbo pa siya rito. Pero pilit niyang pinaghawakan ang sinabi nito na bukas after lunch ay siya ang unang aabangan nito sa labas.
Ang mahalaga ay magkikita muli sila. Ang kailangan na lang niyang gawin ay makahanap ng tiyempo para makalabas bukas.
Mabuti na lang at si Yaya Vilma niya lagi ang kasama niya sa bahay. Kapag ito ang naroroon, paniguradong araw-araw siyang makakahanap ng pagkakataon para makalabas.
Dahil walang klase sa araw na iyon, matiyaga talagang naghintay si Gianna sa takbo ng oras. Paggising pa lang niya ay kumain lang siya saglit at nagbalik na sa kuwarto, binuksan ang DVD at muling pinatugtog ang pina-burn na CD.
Tulad ng dati, sa Sulyap pa rin niya inulit-ulit ang playback ng CD. Hindi pa rin talaga siya maka-get over sa kantang ito. Halos makabisado na nga niya ang kabuuan ng lyrics dahil sa araw-araw na pakikinig.
Panay ang sulyap niya sa orasan habang pabalik-balik ng dungaw sa bintana. Dati-dati, halos ayaw niyang kumilos ang oras lalo na kapag nasa iskuwelahan siya at babad sa pakikipaglaro.
Ngayon, parang gusto na niyang sumapit ang after lunch upang makalabas ng bahay. Iyon kasi ang oras kung kailan sila magkikita ng lalaki. Malaki ang pag-asa niya na tutupad ito sa usapan nila.
Pritong Tilapia ang nilutong ulam ng Yaya Vilma niya. Iyon lang daw kasi ang kasya sa budget na iniwan dito ng kanilang ina.
Hindi gaanong kumakain ng isda si Gianna. Pero sa pagkakataong iyon, hindi na siya gaanong nagreklamo sa ulam nila. Naka-focus kasi ang atensiyon niya sa pagbabantay sa orasan. Sinisigurado niya na hindi siya mahuhuli sa paglabas upang hindi maghintay nang matagal ang lalaki.
As if naman kung makakasipot nga ito. Ni hindi nga niya sigurado kung sino sa kanilang dalawa ang mauunang lumabas. Basta siya, gusto lang niyang matapos agad ang tanghalian para makalabas na.
Pagkatapos nga kumain, siya na mismo ang nagligpit ng pinagkainan niya at ibinabad sa lababo. Siya na rin ang nagpunas ng lamesa upang hindi gaanong masabihan ng yaya.
“Wow, ang sipag yata ng alaga ko ngayon, ah. Masarap ba ang pagkakaluto ko ng tilapia?” natatawang sabi nito sa kanya habang nililigpit ang sariling pinagkainin.
“Yaya, puwede po ba akong lumabas? D’yan lang naman po ako sa harap ng bahay. Hindi po ako lalayo, promise.”
“Ay, kaya naman pala nagsisipag…” dismayado ang babae sa pabirong paraan. “Pero sige! Basta huwag kang lumayong bata ka, ah! Ako ang mayayari sa nanay mo kapag may nangyari sa `yo!”
“Yes po, Yaya, promise po ‘yan!” Masigla siyang bumalik ng kuwarto at doon nagpahinga habang naghihintay muli sa oras.
Sa labis na pagkainip, hindi na niya hinintay na sumapit ang ala-una. Makalipas lang ng ilang minuto, lumabas na muli siya ng silid at nagpaalam sa yaya.
Naabutan pa niya itong nakikinig ng music sa paboritong istasyon sa radyo. Tumango na lang ito sa kanya at hindi na gaanong sumagot pa. Abala kasi ito sa pagsabay sa kantang pinatutugtog sa mga sandaling iyon.
Paglabas ng gate ay nilingon niya agad ang waiting shed malapit sa kanila. Wala pang tao sa loob niyon. Kaunti pa lang din ang mga batang naglalaro sa paligid dahil mainit pa ang araw.
Tumuloy na siya sa loob ng waiting shed kahit walang kasiguraduhan kung darating ang lalaki. Nanuod na lang muna siya sa mga batang naglalaro sa kalsada.
Gusto sana niyang sumali sa mga ito ngunit priority talaga niya ang usapan nila ni Angelo na magkikita roon sa ganoong oras.
Habang tumatakbo ang oras, unti-unting nag-blurry sa kanyang paningin ang paligid. Ang mga mata niya ay nag-focus sa malayong tanawin habang naglalakbay ang isip kung saan-saan.
Natigilan lang siya nang biglang makarinig ng isang pamilyar na boses na tumawag sa pangalan niya.
“Gianna!”
Paglingon sa tinig, bumungad sa kanyang paningin ang naglalakad na si Angelo bitbit ang gitara nito. Kakaibang ligaya ang naramdaman niya. Bigla ay nagwala ang puso niya na parang nais kumawala sa loob ng kanyang dibdib.
Naka-shorts lang ang lalaki na pinarisan ng white t-shirt na bumagay naman sa mestizo nitong balat. Halatang bagong ligo ito dahil medyo makintab pa ang mamasa-masang buhok.
Nang makapasok na sa waiting shed, ipinatong nito agad ang gitara sa kanyang tabi at bumati sa kanya. “Kanina ka pa ba rito, Gianna?”
“Opo, Kuya,” halos hindi niya alam ang isasagot. Medyo kinakabahan siya sa hindi malamang dahilan.
“Sorry, huh, kung pinaghintay kita. Bumisita kasi ‘yung gf ko sa bahay namin kasama ‘yung bunsong kapatid niya. Mabuti na lang agad din silang umalis kaya nakapunta pa ako rito.”
“Okay lang po. At least nandito na po kayo.”
“Alam mo bukod sa `yo, may isa pa akong bata na tinuturuan din maggitara. Lalaki naman siya. Kaso nag-out of town sila noong nakaraang linggo pa. Hindi ko alam kung kailan babalik. Sayang kung nandito lang ‘yun ngayon, dalawa sana kayong tuturuan ko.”
“Talaga po?”
“Oo, eh. Iyon naman kilala na ako ng parents niya kasi nakakalaro din niya ako minsan. Kaya naman hinahayaan na nila ako kapag tinuturuan ko siya minsan mag-basketball at maggitara. Tiwala naman sila sa akin.”
Naisip niya, sana ganoon din ang parents niya. Sana hinahayaan din siya ng mga ito na matuto ng iba pang bagay bukod sa mga subject sa school, para lumawak din ang kaalaman niya sa murang edad pa lang.
Kaso ang problema, kung malaman ng mga ito na kasama niya rito si Angelo, baka isipin pa nilang may ginagawa na itong masama sa kanya. Lalo lang siyang ilalayo rito ng mga magulang panigurado.
Tumabi ang lalaki sa kanya at kinuha ang gitara. Nagtanong ito kung saang part ng pagtugtog ang nais niyang matutunan.
Ngunit sa pagkakataong iyon, parang wala pa siyang ganang magpaturo. Nais muna niyang marinig muli ang boses ng lalaki. Kaya naman inutusan niya itong kumanta muna bago magturo ng panibagong guitar lessons.
Nagsimula itong tumugtog ng mga random tunes bago nagtanong kung ano ang kantang nais niyang mapakinggan.
“Kayo na po bahala, Kuya. ‘Yung parang katulad lang din ng kinanta n’yo no’ng nakaraan.”
“Ah, mga love songs ba? Anong klaseng love song? ‘Yung nakaka-inlove o ‘yung pangsawi?”
“Pareho po. Isang nakaka-inlove tapos isang nakakasawi,” natatawang sagot niya.
“Alright!”
Muli itong tumugtog ng intro sa gitara. Doon siya nagkaroon ng pagkakataong mapagmasdan nang matagal ang hitsura nito.
May pagka-diamond shape ang mukha ng lalaki. Matulis din ang hugis ng jawline nito na medyo attractive sa paningin. Mamula-mula ang maninipis na mga labi at perpekto ang pagkakalilok ng matangos na ilong.
May ahit pa ito sa kabilang kilay na nagpadagdag naman sa lakas ng dating nito. Bukod sa maputing balat, may pagkakatulad din sa ilang Korean actor ang hairstyle nito. May pagka-wavy iyon at bagsak na bagsak lalo na ang bangs sa harap.
Dagdag pa ang mapungay na mga mata nito na parang nagdadala ng samu’t saring emosyon. Nakadagdag din sa looks nito ang isang hikaw sa kanang tainga at ang piercing nito sa ilalim ng labi.
Sa madaling salita, napaka-attractive talaga nito mula ulo hanggang paa. Parang ayaw na niya itong bitawan nang tingin. Kung hindi pa napatitig nang tingin sa kanya ang lalaki ay hindi siya mapipilitang lumingon sa gitarang tinutugtog nito.
She slightly felt embarrassed. Pero agad ding nawala iyon nang marinig niyang muli na kumanta ang lalaki habang tumutugtog sa gitara.
Ginugol ko ang buong oras ko
Sa kaiisip sa iyo
Hindi ko alam kung ano ang gagawin
Para lang magkalapit tayo
Pamilyar na naman sa kanya ang kanta. Hindi lang niya alam kung ano ang pamagat nito pero naririnig din niya ito sa radyo gaya ng Sulyap.
Pilit pinaniniwala ang sarili
Na magiging tayo balang araw
Ngunit ako'y natatakot sa katotohanang
Hanggang pangarap na lang kita
Para siyang lumulutang muli alapaap. Hindi na naman niya naiwasan ang mabagal na pag-indak ng ulo na tila sumasabay sa agos ng awit.
At pagdating ng lalaki sa chorus part, tuluyang lumitaw ang kanyang mga ngipin sa laki ng pagkakangiti.
Kasalanan mo ito
Nilason mo ang isip ko
Masyado mo akong pinahanga sa ganda mo
Ngayon ay hindi na kita makalimutan
Ikaw ang laging laman ng isipan
Pamilyar talaga siya sa kantang iyon. At lalo pa niya iyong nagustuhan matapos kantahin ng lalaki. Pakiramdam niya tuloy, parang ito mismo ang original singer. Kuhang-kuha nito ang eksaktong tono ng bawat lyrics at lalo pa iyong gumaganda dahil sa boses ng lalaki.
Sa tuwing tatanawin ka
Bumibilis ang pintig ng aking puso
Nais ka mang lapitan
Ako'y napanghihinaan ng loob
Bakit mo ba ako nilalason nang ganito
Masyado na akong apektado ng aking ilusyon
Sa pagkakataong iyon, hinayaan na lang niyang tapusin ng lalaki ang pagkanta. Isinandal niya ang likod sa kinauupuan at ang mga paa naman niya ang umindak-indak.
Kasalanan mo ito
Nilason mo ang isip ko
Masyado mo akong pinahanga sa ganda mo
Ngayon ay hindi na kita makalimutan
Ikaw ang laging laman ng isipan
Kasalanan mo ito, yeah
Masyado mong nilason ang isip ko
Pinahangan mo ako sa ganda mo
Ngayon ay hindi na kita makalimutan
Ikaw ang laging laman ng isipan
Pagkatapos ng lalaki, tinanong agad niya ang pamagat ng awit na iyon.
“'Kasalanan Mo' ang title no’n, Gianna. Kanta ng bandang Smashing Foreground,” nakangiting sagot ng lalaki.
“Grabe, favorite ko po sa radyo dati ‘yan, eh. Pati na rin ‘yung Sulyap. Kaso nga lang hindi ko pa alam ang mga title nila noon. Ngayon ko lang nalaman lahat.”
“Oh, talaga? So mukhang ganito rin pala ‘yung mga natitipuhang mong kanta ‘no?”
“Parang ganoon na nga po siguro, Kuya. Puwede bang kumanta ka pa ulit ng ganoon?”
“Sige ba!” Saglit na nag-isip ang lalaki. “Etong kakantahin ko, hindi ko sure kung pangsawi siya, pero malungkot din siya. Naaalala ko ‘yung lolo ko tuwing maririnig ko ito. Noong buhay pa kasi siya, marami kaming hindi pagkakaunawaan. Hanggang sa namatay na lang siya hindi man kami nagkaroon ng maayos na relasyon sa isa’t isa. Kaya tuwing sasagi siya sa alaala ko, ito ‘yung kantang naiisip ko…”
Nagsimulang tumugtog ang lalaki. Sa pagkakataong iyon, nawala ang ngiti sa mga labi nito. Napalitan iyon ng lumbay na tila bumabagay din sa emosyon ng kanta.
Sa buhay ay walang kasiguraduhan
Hindi mo alam ang mangyayari bukas
May mga mawawala at may magbabago
Labis-labis ang aking pagsisisi ngayon
Kung nandito ka pa sana
Gagawin ko ang lahat para mapasaya ka
Hindi sigurado si Gianna kung narinig na niya iyon sa radyo. Medyo hindi rin siya pamilyar dito. Ngunit nagustuhan na agad niya ito sa unang awit pa lang ng lalaki.
Hindi natin mapigilan ang takbo ng oras
Hindi rin ito puwedeng pabagalin
Tuloy-tuloy ang buhay at walang paghinto
Labis-labis ang aking pagsisisi ngayon
Ayaw pa kitang mawala
Ngayon ko lang napagtanto ang iyong kahalagahan
Bagamat hindi pa gaanong naiintindihan ang lyrics, parang may malalim nang hugot iyon na tumama rin sa puso niya. Parang gusto na rin niyang maiyak sa malungkot pa lang na tono ng kanta.
Sana nandito ka pa
Sinisigurado ko
Gagawin ko ang lahat para mapasaya ka
Kitang-kita rin niya ang emosyon ng lalaki habang kumakanta. Parang gusto rin nitong maiyak. Mukhang napaka-ispesyal talaga ng kantang iyon kay Angelo at ganoon na lang katindi ang emosyong nailalabas ng boses nito.
Pagdating nga nito sa chorus, bahagyang tumaas ang boses ng lalaki na lalong nagpaangat sa emosyong nais nitong iparating.
Gusto ko lang na malaman mo (malaman mo)
Na labis akong nangungulila sa iyong pagkawala
Gusto ko lang na malaman mo (malaman mo)
Nais kong humingi ng tawad sa iyo
Gaya ng kanina, hindi na siya nagsalita pa. Hinintay na lang niyang matapos ang napakagandang awit na iyon.
Sana nandito ka pa
Sinisigurado ko
Gagawin ko ang lahat para mapasaya ka
Gusto ko lang na malaman mo (malaman mo)
Na labis akong nangungulila sa iyong pagkawala
Gusto ko lang na malaman mo (malaman mo)
Nais kong humingi ng tawad sa iyo
Sa pagtatapos ng kanta, doon lang niya namalayan ang nangingilid na luha sa mga mata. Ganoon talaga kababaw ang emosyon niya, balat-sibuyas kung tawagin.
Dala na rin ng kapapanood ng malulungkot na telenovela at ang labis na paghihigpit sa kanya ng sariling magulang.
“Ang galing n’yo po talaga kumanta, Kuya Angelo. Sobrang sarap po pakinggan ng boses n’yo! Parang gusto ko na rin matuto kumanta, hindi lang gitara!” puri niya rito na ikinatuwa naman ng lalaki.
“Ano, ayos ba ‘yung kinanta ko? Pamilyar ka ba roon?”
“Hindi po, eh. Pero maganda talaga siya! Ano nga po ulit title no’n?”
“Sana Nandito Ka Pa by We Are Brothers,” mabilis na tugon nito.
“Sige po. Ipapa-burn ko po iyan para mapakinggan ko ulit. Pati na rin ‘yung kinanta mo kanina. Upside Down ba ‘yun?”
“Naks naman, oh! Mukhang pareho pa tayo ng makakahiligan na genre, ah. Pero ayos ‘yan! Para maiba rin naman ang taste mo kaysa sa ibang mga bata rito na puro pangsayaw lang ang gusto.”
“Naku! Wala naman po akong hilig doon, eh. ‘Yung mga kanta n’yo talaga ‘yung gusto ko noon pa man. Hindi ko lang talaga alam ang mga title pero kapag iyon ang tumutugtog sa radyo mas pinakikinggan ko siya kaysa sa mga pangsayaw,” makatotohanang pambobola niya upang mapahanga muli ang lalaki.
Ginulo nito ang buhok niya saka itinabi ang gitara. “Ano, gusto mo pa ba ng ibang kanta?”
“Siguro mamaya na lang po ulit. Parang gusto kong mag-barbeque ulit, eh.”
“Wow, naks! Pati barbeque gusto mo na rin? Sige, tara! Sagot ko na!”
Sabay na silang tumayo ng lalaki at lumabas ng waiting shed. Nakalimutan na niya ang pangako sa yaya na hindi lalayo.
Well, hindi naman talaga siya lalayo talaga. Doon lang sila sa puwesto ng barbeque-han na medyo malayo sa kanilang bahay pero hindi sa mismong lugar nila.
Tuwang-tuwa si Gianna nang muling makatikim ng mga inihaw na street food. Mas masarap pa ito kaysa sa ulam nila kanina. Tulad ng dati ay naparami na naman ang kain niya.
Huminto lang siya nang makalimang stick na. Naalala kasi niyang si Angelo rin ang magbabayad sa mga kinain niya kaya kailangan din niyang mahiya.
Pagkatapos kumain ay nagbalik sila sa waiting shed at doon muling nagpaturo ng gitara sa lalaki. Hindi maawat ang kanyang ligaya sa mga sandaling iyon, lalo na kapag ina-adjust ng binata ang mga kamay niya sa tamang paghawak ng gitara.
Parang ayaw na niyang magwakas ang moment na iyon. This time, nais niyang bumagal muli ang takbo ng oras. Ayaw muna niyang sumapit agad ang hapon upang hindi magtapos ang walang kapantay na kaligayahang iyon.