Chapter 3: Music

2621 Words
ARAW ng Biyernes. Half day lang sila sa school kaya maaga siyang nakauwi. Nagkataong babad na naman sa cellphone ang yaya niya at kausap muli ang boyfriend. Sa pagkakataong iyon, nakangiti na ito at mukhang bati na ang dalawa. “Salamat, bebe. Akala ko hindi mo na ako mapapatawad. Sorry talaga. Hayaan mo babawi ako sa `yo. Pagdating ng sahod ko sa katapusan, imi-meet kita, ililibre kita, lahat-lahat ibibigay ko. Asahan mo ‘yan.” Habang abala ito sa kausap ay sinubukan niyang sumingit at magpaalam dito. Sinadya niyang istorbohin ang babae para mapapayag ito agad. Hindi naman siya nabigo dahil pagkatapos niyang magpaalam, tumango agad ito. Saktong-sakto, nandoon din sa labas si Angelo at mag-isang nakatambay sa waiting shed habang tumutugtog ng gitara. Walang mga bata sa mga oras na iyon dahil tanghaling tapat pa lang at mainit pa ang tirik ng araw. Hindi na siya nahiyang lumapit dito. “Hi, Kuya Angelo.” Gumuhit ang matamis nitong ngiti sa mga labi nang makita siya. “Oy, Gianna! Nand’yan ka pala. Gusto mo bang maggitara?” anyaya agad nito. “Sige po!” Kahit wala pa siyang alam doon ay hindi na niya tinanggihan. Pinapuwesto siya ng lalaki sa tabi at pinahawak sa kanya ang gitara nito. Pagkatapos ay itinuro naman nito ang tamang paghawak doon pati ang tamang pagkapa sa mga string para makalikha ng tunog. Medyo hirap na hirap siya pero enjoy na enjoy naman. Sa kalagitnaan pa nga, nagawa pa niyang makatugtog ng tatlong segundong tono sa gitara. Tuwang-tuwa ang lalaki at pumalakpak nang malakas para ipag-cheer siya. Ganoon ito ka-supportive kahit sa mga simpleng bagay na nagagawa ng iba. Ibinalik na niya ang gitara kay Angelo. “Ikaw naman po ulit ang tumugtog. Medyo nalilito pa po kasi ako, eh.” Masayang tumango ang lalaki. “Oh sige panoorin mo `ko, ah?” Kinuha nito ang gitara at inayos ang mga daliri sa kapa. “Anong kanta ba ang gusto mo?” dugtong nito. “Hmmm… Kayo na po bahala! Wala akong alam, eh.” “Anong type of music nga? Para magka-idea ako kung anong kanta ang tutugtugin ko.” “Siguro love song na lang po, Kuya,” pilyang sagot niya. “All right! May naisip ako.” Nagsimula itong tumugtog ng intro sa gitara. Saka nito inawit ang Sulyap ng Simpatikos. Kinakabahan tuwing ika'y makikita Hindi malaman ang gagawin Kumakabog nang malakas ang dibdib Hindi ka mabitawan nang tingin Sumasabay sa pag-indayog ng kanyang ulo ang mga bulaklak at halaman sa kanilang paligid. Hindi niya maiwasang mapaindak nang ganoon sa napakapulidong boses ng lalaki. Tuwing nakadungaw lagi kang hinahanap Ngunit pag kaharap ako'y hindi mahagilap Bakit ba ganito ang nararamdaman Parang isinisigaw ka ng aking puso Ang smooth sa tainga ng pag-awit nito. Naririnig na niya sa radyo ang kantang iyon pero labis siyang nanibago rito dahil sa paraan ng pagkaka-awit ng lalaki. Bawat linya, bawat tono, tagos na tagos sa puso. Nahihiya ngunit lagi kang gustong makita Natatakot ngunit lagi kang hinahabol Minsan hindi ko maintindihan ang sarili ko Kung ano ba talaga ang nararamdaman ko May gusto na ba ako sa `yo? Pero alam kong hindi puwede Dahil may iba ka na Para siyang kinikiliti sa tuwa habang nakikinig. Nakalimutan na niyang magsalita. Animo’y lumulutang siya sa alapaap habang ninanamnam ang bawat sandali. “Ano, ayos ba?” mayamaya’y sambit nito. “Ang galing n’yo naman po kumanta, Kuya! Bakit napagsasabay n’yo ‘yung paggitara habang kumakanta? Parang ang hirap kaya gawin n’on!” Natawa ang lalaki. “Sa una lang mahirap. Pero kapag natuto ka na, magiging madali na lang sa `yo.” Parang nawalan na tuloy siya ng gana sa drawing. Sa pagkakataong iyon, ang gusto naman niyang pag-aralan ay musika. Dahil sa ipinagkait na rin naman sa kanya ng ina na makasali sa drawing class, susubukan naman niyang musika ang pairalin sa sarili. Baka dito niya matagpuan ang tunay na kaligayahan. “Gusto ko po n’yang ginagawa n’yo, Kuya Angelo. Puwede n’yo ba ako turuan ulit maggitara bukas?” “Aba oo naman!” sagot agad nito. “Kahit araw-araw pa. Basta lumabas ka lang sa inyo para magkita tayo.” “Sige po. Ako po ang bahala. Basta dito na lang tayo magkita kapag tuturuan mo `ko.” “Alright! Mula ngayon ako ang magiging teacher mo sa guitar, ah?” Sa pagkakataong iyon, muli nitong ibinigay sa kanya ang gitara at nagturo muli ng mga basic lessons dito. Hirap na hirap pa rin talaga siya sa pagkapa ng mga strings pero pinipilit niya dahil sa matinding inspirasyon na ibinigay ng lalaki. Dahil dito, musika naman ngayon ang gusto niyang matutunan. At sisimulan niya ito sa pamamagitan ng pagtugtog ng gitara. Pagkauwi nga sa bahay, nilista agad niya sa isang papel ang mga kantang ipapa-burn niya sa CD. Kabilang na roon ang kinanta ni Angelo kanina. Ito pa ang nasa unahan ng kanyang listahan. Tinawag agad niya si Yaya Vilma. “Busy po ba kayo?” “Bakit, Gianna?” tanong ng babae habang nagtutupi ng mga bagong labang damit niya. “Puwede n’yo po ba ako samahan magpa-burn sa computer shop? May pera naman po ako. Sasamahan n’yo lang po ako.” Dahil hindi naman ito ang gagastos, pumayag na rin ang babae sa huli. “Sige. Hintayin mo na lang ako sa baba malapit na ‘to.” Naglulundag siya sa tuwa. Ibinulsa na niya ang listahan at nauna nang bumaba rito. Sampung minuto ang lumipas bago nakasunod doon ang babae. Nagtungo sila sa isang malapit na computer shop kung saan may nagbu-burn ng CD. Agad ibinigay ni Gianna ang papel sa may-ari. Nagtagal ng kalahating oras bago iyon natapos. Pinalagyan pa niya ito ng kanyang full name sa taas at isang anime na background cover. Fifty pesos ang ibinayad niya sa pagpapa-burn ng CD. Pinatugtog niya agad iyon nang sila’y makauwi. May isang DVD Player na inilagay ang kanyang ina roon para magsilbing libangan niya tuwing bakasyon at walang pasok. Iyon lang ang bagay na tanging gusto niya sa loob ng kanilang bahay bukod sa mga laruan niya. Kaya niyang tiisin na hindi makapaglaro sa labas basta’t makakapanood lang ng DVD maghapon. Karamihan naman sa mga CD niya roon ay puro mga pambatang cartoons na binili sa kanya ng ina. Ngayon naman ay may bago siyang CD kung saan puro MP3 music ang nilalaman, kabilang na ang kinanta ni Angelo kanina. Muling umindak-indak ang ulo ni Gianna habang tumutugtog ang Sulyap. Feeling niya boses ni Angelo ang naririnig doon kaya muli na namang gumuhit ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi. Pangarap kong makapasok ka sa aming bahay Paano ba kita iimbitahin Lagi tayong magkasama Pero hindi ko alam kung paano ka sasabayan Ano ba itong nangyayari sa akin Sa mga sandaling iyon ay bahagya niyang ipinikit ang mga mata at nilasap ang bawat segundo ng kanta. Bawat linya, bawat tono, bawat bahagi, boses ni Angelo ang naglalaro sa utak niya. Ganito na ba kalakas ang tama niya kay crush? Wala naman sigurong masama doon. Crush lang naman. Alam naman niya ang limitations niya kaya hindi puwedeng humigit pa sa crush ang kanyang nararamdaman. Basta, hanga lang talaga siya sa kabutihang loob ni Angelo pati sa napakagandang boses nito. Ito ba naman ang nagtulak sa kanya para biglang makahiligan ang musika. Dahil sa ganda ng boses nito, at sa husay sa pagtugtog ng gitara, parang iyon naman ang talentong nais niyang matutunan. Kung puwede lang sanang magkasing edad na lang tayo Para wala nang maraming bawal at limitasyon Kaso hindi pa puwede At talagang hindi na puwede Dahil may iba ka na Bigla ay may naisip siya. E, kung magpabili kaya siya ng gitara? Para kapag nagkita muli sila, may sarili na siyang magagamit habang tinuturuan siya ng lalaki. Sounds like a good idea. Kinabukasan, walang pasok sa trabaho ang Daddy Bernard niya. Inakala niyang mananatili lang ito sa bahay. Ngunit pagpasok niya sa kuwarto nito ay naabutan niyang nagbibihis ito ng pang-alis. “Dad, saan ka pupunta?” usisa niya rito. “May bibilhin lang ako sa SM, Nak. Kailangan ko lang sa trabaho.” “Talaga, Dad? Puwede ba ako sumama?” Hindi agad nakasagot ang ama. Pero sa huli ay pumayag din ito. “Sige. Magbihis ka na.” Abot-tainga ang ngiti niya. Mukhang panig yata sa kanya ang suwerte sa araw na iyon. Nagmadali nga siyang nagbihis habang muling tumutugtog sa kanyang isip ang lyrics ng Nobela. Paulit-ulit. Wala na yata itong balak na huminto sa utak niya. Ito ang kasalukuyang last song syndrome niya. May mga machinery na binili ang kanyang ama para sa factory na pinagtatrabahuhan nito. Dahil masyadong mabibigat ang mga iyon, nag-request ito sa salesman na ipa-deliver na lang sa address nila ang mga gamit. Habang naglalakad patungo sa exit, nadaanan naman nila ang isang store kung saan may nagtitinda ng mga instruments, kabilang na ang gitara. Saglit na huminto ang paligid sa kanya habang nagniningning ang mga mata sa iba’t ibang kulay ng gitarang naka-display sa paligid. Agad niyang hinila ang ama at itinuro ang store na iyon. “Dad, puwede mo ba ako ibili ng gitara?” Nagsalubong pa ang mga kilay nito na parang hindi tanggap ang sinabi niya. “A-Ano? Gitara? Bakit? Saan mo gagamitin ‘yan?” “Ah, eh, g-gusto ko lang po sana maggitara.” “Bakit naman, Gianna? Ang bata-bata mo pa! Baka mapatid pa ang mga strings n’yan sa kamay mo at masugatan ka pa!” Nagsimula na naman siyang manlumo. “Sige na po, Dad. Isa lang naman po, eh. Magtanong po tayo doon ‘yung pinakamura para hindi po kayo gumastos nang malaki.” “Wala akong sariling pera ngayon, Gianna. ‘Yung mga binili ko kanina para sa trabaho namin ‘yon at dadalhin ko sa Lunes. Sa boss ko rin galing ang perang iyon. Saka hindi mo kailangan nang ganyan! Hindi n’yo naman gagamitin sa iskuwela ‘yan. Halika na nga! Umuwi na tayo!” Pero nagpumilit siya. Nais talaga niyang ipaglaban ang kagustuhang matuto ng gitara. “Please, Dad. Gusto ko lang naman po matuto mag-guitar para naman po may ma-develop din akong talent.” “Tigilan mo `ko, Gianna! Hindi naman importante ‘yang pinabibili mo. Mag-aaksaya lang tayo ng pera d’yan!” Sa pagkakataong iyon, ito naman ang humila sa kanya palayo sa store na iyon. Kapag ganoon na ang tono ng ama, wala na siyang magagawa kundi ang sumunod. Mas matindi pa naman ito magalit kumpara sa kanyang ina. Siguradong palo agad ang aabutin niya kapag nangulit pa siya. Hanggang sa makasakay ng jeep ay nakayuko lang ang ulo ni Gianna habang matamlay ang mga mata. Parang wala siyang kagana-ganang mabuhay sa araw na iyon. Palibhasa hindi na naman kasi napagbigyan ang gusto. ARAW muli ng pasukan. Kuhanan na ng report card ngunit parehong nasa trabaho ang parents niya. Kaya naman ang Yaya Vilma na lang uli niya ang nagpunta sa school para kumuha sa report card niya. Tuwang-tuwa naman ito nang makita ang matataas niyang grades. Pinakamababa na ang 84 at pinakamataas naman ang 89. “Wow naman! Puro line of eight lahat. Galing talaga ng alaga ko!” Kahit papaano, nabawasan din ang lungkot niya sa sinabi ng yaya. “Dahil okay naman ang mga grades mo, ako na ang manlilibre sa `yo. Saan mo ba gustong kumain?” Bahagyang nanlaki ang mga mata niya sa tuwa. “Talaga po? Kakain tayo sa labas?” “Oo naman! Saan mo gusto?” “Sa Jellibean na lang po!” “Okay, tara na sa Jellibean!” Saglit na nakalimutan ni Gianna ang tampo sa ama nang makapasok sila sa loob ng Jellibean. At habang kumakain sila ng yaya, lalo siyang nakaramdam ng langit sa sarap ng chicken joy. Ngayon lang siya uli nakakain nito. Sa bahay kasi, madalas ay puro gulay at isda lang ang pinaluluto ng kanyang ina kay Yaya Vilma. Nang matapos na sila, dito naman siya nagsubok na humingi ng pabor. “Yaya, may gusto kasi akong bilhin. Puwede mo ba ako tulungan?” “Saan naman?” Medyo kinakabahang tugon ng babae. Baka kasi kung anu-ano na naman ang ipabili nito na hindi na kaya ng bulsa niya. “Gusto ko po sana ng gitara. Puwede mo ba ako ibili?” “Ano?” Bahagyang namilog ang mga mata ni Vilma. “Gitara? Aanuhin mo ‘yun?” “Wala lang po. Gusto ko lang po matuto maggitara.” “Bakit naman bigla-bigla gusto mong matuto? Para saan ba ‘yan? Sa school n’yo ba ‘yan?” “Hindi naman po. Sa sarili ko lang po. Gusto ko po kasi gayahin ‘yung napapanood natin sa TV minsan, ‘yung kahit mga bata pa lang marunong na kumanta, mag-drawing at tumugtog ng instruments. Gusto ko rin po sana ganoon din ako.” “Naku, Gianna. Mahirap ‘yang pinabibili mo. Wala akong pera para d’yan. Bakit hindi ka na lang magpabili sa parents mo?” “E, ayaw rin po nila, eh,” nanlulumong sagot niya. “E, kasi naman hindi rin importante ‘yang mga pinapabili mo. Hindi n’yo naman kasi kailangan sa school ‘yan. Mas mabuti pa mag-focus ka na lang sa mga studies mo. Para kapag malaki ka na, ikaw na mismo ang makakabili ng mga gusto mo.” Hindi na siya sumagot doon. Pinili na lang niyang manahimik dahil kahit pati ito ay tila hindi rin nauunawaan ang gusto niyang mangyari. Ang nais lang naman niya ay magkaroon ng ibang mapagkakaabalahan bukod sa pagpasok sa school. Naniniwala kasi siya na hindi naman lahat ng bagay ay sa iskuwelahan matututunan. Ang iba ay self-discovery na, or self-learning. Wala naman sigurong masama kung mag-aral siya ng drawing, gitara, musika o anupaman. Kahit pa walang kinalaman sa school nila. Hindi man ito importante ngayon sa edad niya, pero naniniwala siyang balang araw ay magagamit din niya ito sa ibang bagay. At baka nga ito pa ang magdala sa kanya sa magandang oportunidad gaya ng mga batang napapanood niya na nadi-discover sa TV dahil sa kanilang talento. Bakit kaya hindi ito nakikita ng parents niya? Ang gusto lang lagi ng mga ito ay mag-aral siya nang mag-aral. Kahit minsan nakakasawa na dahil wala rin namang nakaka-appreciate sa kanila. Tulad ng gabing iyon, excited siyang ipakita sa parents ang report card niya. Pero sa halip na matuwa, isang pilit na ngiti lang ang itinugon dito ng kanyang ina. Gaya ng dati, mga papeles pa rin sa opisina ang inaatupag nito sa kuwarto. Ang ama naman niya, tila sinermonan pa siya na dapat ay maging consistent daw siya sa ganoong mga grado. Nanakot pa nga ito na kapag bumaba raw iyon ay ikukulong siya sa bahay at hindi na paaaralin. Sa halip na matuwa, parang maiiyak pa siya sa mga binitawan nitong salita. Kahit kaunting papuri man lang ay wala siyang natanggap. Ang nanay niyang sobrang busy sa trabaho at halos wala nang oras sa kanya. Ang ama naman niyang hindi nakikita ang mga accomplishments niya at lagi siyang hinahanapan ng butas o mali. May Yaya Vilma pa naman siya, pero tila sunud-sunuran lang din ito sa mga magulang niya. Pagdating ng araw na kakailanganin niya ng kakampi, siguradong hindi rin sa kanya papanig ang babaeng ito. Trabaho lang naman kasi ang dahilan kaya naroroon si Vilma. Para mag-alaga sa kanya. Kaya natural lang na mas susundin nito ang mga magulang niyang nagpapasahod dito kaysa sa isang batang katulad niya. Palibhasa bata lang naman siya. Bata na wala pang kakayahan. Bata na hindi pa kayang tumayo sa sariling mga paa. Kawawang bata. Pinagkaitan na nga ng kalayaan, pinagbabawalan pang matuto ng mga bagay na makakatulong para lumawak pa ang kaisipan sa mundo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD