Chapter 2: Attention

2549 Words
NAGULAT din ang lalaki nang makita siya. Ngumiti ito. Tila natatandaan pa rin ang kanyang mukha. “Oy, nandito ka pala! Kumusta ka na?” bati nito sa kanya. Abot-tainga ang ngiti niya. “Okay lang po, Kuya. Di ba kayo ‘yung gumamot sa sugat ko?” Ang laki rin ng tuwa nito sa kanya. “Woah! Natatandaan mo pa pala ako! Kumusta naman ang sugat mo ngayon?” Saka ito lumingon sa mga tuhod niya, at napansing wala na ang band aid doon. “Magaling na po. May konti pa pong bakas pero hindi na po masakit.” “Mabuti naman kung ganoon!” Ngisi. Bigla niyang naalala ang pinunta niya roon. “Kuya, baka naman puwede mo akong tulungan.” “Sige ba, ano ba ‘yon?” “Napunta kasi doon ‘yung bola namin. Puwede mo bang kunin?” Tinuro niya ang kinalalagyan ng bola. Naunawaan yata nito na hindi niya kayang tawirin ang maputik na bahaging iyon ng daan. Kaya naman bumitaw ito sa kahawak na babae at saglit na nagpaalam. “Wait lang, babe. Kunin ko lang ‘yung bola nila.” Nakangiti namang pumayag ang babae, at tila batid na rin nito ang pagiging close ng lalaki sa lahat ng mga bata roon. Nang maghiwalay ang kamay ng dalawa, siya naman ang lumapit sa lalaki at inabot ang kamay nito. Sinamantala niya ang pagkakataon para maka-holding hands din ito habang itinuturo ang kinaroroonan ng bola. Lumusong ang lalaki sa maputik na bahagi ng daan para makuha ang bola. Saka nito iyon pinunasan gamit ang malaking dahon sa isang puno. Tuwang-tuwa siya matapos nitong ibigay ang bola sa kanya. “Thank you po, Kuya!” “Sige. Ingat ka, ah? Tagasaan ka pala, baby girl?” tanong nito sa kanya na bahagyang ikinapula ng pisngi niya. “Tagarito lang din po. Doon lang po sa harap ‘yung bahay namin.” “Wow kaya pala! Tagarito rin kasi ako, eh. Bakit ngayon lang yata kita nakita rito?” “Kakalipat lang po kasi namin dito sa QC. Mga last month lang po.” “Oh I see… Sige, may pupuntahan pa kasi kami. Ingat na lang, ah? Good day!” Sumenyas na ito ng pagpapaalam sa kanya at binalikan ang kasamang babae. “Thank you po ulit, Kuya!” Ganadong-ganado muli siyang nagbalik sa mga kalaro. Para siyang bagong recharge na battery dahil sa muling pagkikita nila ng lalaki. Punong-puno siya ng energy. Sa likot ng imahinasyon niya, tila narinig pa niyang bumulong ang kanyang puso na tila nanunukso sa kanya. Kung nakapagsasalita lang siguro ito, tiyak na magsasabi ito ng: “kabata-bata mo pa, pumapag-ibig ka na!” PAGOD na pagod si Gianna sa paglalaro kanina. Hinarap niya ang lamesa sa kuwarto at kinuha ang mga bond paper na binili niya kahapon. Iyon ang tamang oras para mag-drawing habang nagpapahinga. Nais niyang gayahin si Mark Justin sa talento nito sa pagguhit. Sinubukan niyang mag-drawing ng kalikasan. Mga puno, bulaklak, halaman at bundok. Nagsimula siya sa mga bagay na madaling gawin para sa kanya. Saka niya ito kinulayan gamit ang krayola para magkaroon ng buhay. Nang matapos ang finished product, itinabi niya ang unang drawing at kumuha naman ng bagong bond paper. Sa pagkakataong iyon, naisipan naman niyang i-drawing ang mukha ng estranghero. Hindi man ito pulido at realistic, ginamit pa rin niya ang sariling imahinasyon para makabuo ng isang mukha. At kahit hindi iyon kamukha ng lalaki, ini-imagine niyang ito mismo iyon. Nilagyan pa niya ito ng “Kuya” sa bandang gilid dahil hindi pa niya alam ang pangalan nito. Sinubukan pa niya itong ipakita sa nanay niya nang gabing iyon. Subalit walang naging reaksyon dito ang Mommy Maricel niya. Hanggang sa pag-uwi ay mga papeles pa rin sa opisina ang pinagkakaabalahan nito kaya hindi siya halos mabigyan ng pansin. Ang Daddy Bernard naman niya ay alak na naman ang inaatupag at mukhang nagdadabog pa ito kapag lalapitan niya. Mukhang may problema yata ang mga magulang niya at ilang araw nang hindi nagkikibuan. Nangulila na naman siya sa atensiyon ng mga ito. Sa Yaya Vilma na lang niya pinakita ang mga drawing niya. Subalit tulad ng dalawa, wala rin itong masyadong reaksyon. Masyado naman itong abala sa kausap nito sa cellphone. Mukhang nagtatampuhan pa rin sila ng boyfriend nito. Nagbalik na lang si Gianna sa kuwarto at umupo sa tabi ng kama. Ipinatong niya sa lamesa ang mga drawing at ibinaba sa sahig ang tingin. Gumuhit ang lungkot sa kanyang anyo. Kasabay nito ang pagbuga niya ng malalim na hangin. Pakiramdam niya, wala siyang mga kasama sa bahay. Walang nakaka-appreciate sa mga maliliit na bagay na nagagawa niya. Maaga pa ang pasok niya bukas. Itinulog na lang niya ang nararamdamang lungkot. At least sa pagtulog, wala na siyang ibang mararamdaman pa. NAHINTO ang lahat sa kanilang ginagawa nang mag-anunsiyo ang teacher tungkol sa upcoming drawing lessons sa school nila. Magtatagal ng isang oras ang bawat session at gaganapin naman every Wednesday at Friday sa Library room. May bayad daw na 500 pesos bilang entrance fee. Lahat ng mga gustong sumali para matutong mag-drawing ay magsabi lang daw sa teacher para mailista ang kanilang pangalan. Nakuha nito ang interes ni Gianna. Napalingon pa siya kay Mark Justin. “Sasali ka ba?” “Oo naman! Gusto ko ‘yan!” mabilis na sagot ng batang lalaki. “Ako rin, eh! Kaya lang may bayad pala, ‘no?” “Okay lang ‘yun. Wala naman problema kay Papa ‘yan.” “Sige kakausapin ko rin parents ko manghihingi ako ng pera sa kanila. Gusto ko rin matuto mag-drawing gaya mo, eh!” Hanggang sa matapos ang klase, walang ibang nasa isip niya kundi ang labis na kagustuhang matuto mag-drawing gaya ng ginagawa ng katabi niya. PINASOK ni Gianna ang kuwarto ng ina. Naabutan niya itong nag-aasikaso muli ng mga papeles. Ipinaalam agad niya rito ang pakay niya. “Mommy, may sasalihan sana ako sa school namin.” Napalingon ito sa kanya na blangko ang mukha. “Ano ba ‘yon?” parang hindi ito interesado sa mga sasabihin niya. “Gusto ko po sana sumali sa drawing lesson sa school. May bayad po na 500 pesos. Puwede n’yo po ba ako ipasok, Ma?” “Required ba sa inyo ‘yan? May additional grades ba ‘yan?” “W-Wala naman po. Para lang daw po ito sa mga gustong matuto mag-drawing.” Gumuhit ang pagkadismaya sa anyo ng babae. “Kung wala naman pala, huwag ka nang sumali. Magsasayang lang tayo ng pera d’yan, wala ka naman palang mapapala. Sige na. Doon ka na. Busy pa ako!” Hindi na siya nakapagsalita sa pagtataboy ng ina. Parang gusto niyang magdabog pero alam niyang wala rin iyong magagawa para mapapayag ito sa gusto niya. Natulog na lang siya sa kuwarto na dala-dala ang sama ng loob sa dibdib. Ayaw na nga siya payagang maglaro sa labas, ayaw pa siya payagang sumali sa mga activities sa school na maghahasa sa talentong nais niyang matutunan. BREAK TIME nang mga oras na iyon kaya nasa labas din halos lahat ng estudyante. Tinamad kumain sa canteen si Gianna dahil pare-pareho na lang ang mga pagkain doon. Naisipan niyang lumabas na rin para maghanap ng mabibilhan ng ibang pagkain. Gulat na gulat naman siya nang makasalubong sa harap ng school ang estranghero. Ito ang unang bumati sa kanya nang magkatinginan sila. “Oy, baby girl. Ikaw pala ‘yan! Dito ka pala nag-aaral?” Masaya muli siya at nakalimutan ang dinadalang bigat sa loob. “Opo, Kuya. Bakit po?” “Dito rin kasi ako gumraduate noong elementary ako. Nice one, ah!” Nakitawa na rin siya. Hindi niya alam kung ano ang isasagot dito. Pinapangunahan siya ng kaba sa hindi malamang dahilan. “Susunduin ko kasi mamaya dito ‘yung kapatid ng girlfriend ko. May pinuntahan kasi siya, eh. Kaya sa akin na muna ibinilin ang pagsundo sa little sister niya.” Medyo madaldal ang lalaki. Ito na ang nagkukusang bumuo ng mga topic. Halos ikuwento nito lahat sa kanya ang tungkol sa personal na buhay nito kahit batid nitong bata pa lang ang kausap. Karamihan naman doon ay puro masasayang bagay lang na akmang pag-usapan base sa edad niya. Ikaw ba? Kumusta naman kayo ng family mo rito?” “Okay lang po kami. Medyo naninibago pa rin po ako pero masaya naman. Saka mas malapit kasi rito ang school namin kaya dito na rin kami lumipat.” “Oo nga naman. Para makatipid na rin sa pamasahe, ‘no?” Tumango pa ang lalaki. “Gusto mo bang kumain?” Niyaya siya nito sa isang barbeque-han. Kahit hindi siya kumakain ng ganoon ay hindi na rin siya tumanggi. Noong una medyo nandiri siya sa hitsura ng mga isaw at bituka ng baboy. Pero nang matikman niya ito, hindi niya namamalayang nakakarami na pala siya. Naka-apat na stick pa nga siya. Ang lalaki lahat ang nagbayad. Nakalimutan na tuloy niya ang bilin ng magulang na huwag kumain sa mga street food gaya niyon. Masyado siyang nag-enjoy sa food trip nila ng estranghero. Napag-alaman niya na halos lahat pala ng mga bata sa kanila ay kakilala na nito. Mahilig daw talaga ito sa mga bata. At kahit nga malayo na ito sa kanilang edad, gustong-gusto pa rin nitong makipaglaro sa mga gaya niya. “Minsan lumabas ka rin para makalaro kita. Tuwing hapon lumalabas ako d’yan malapit sa inyo. Nandoon kasi ‘yung karamihan sa mga kalaro kong bata.” “Sige po. Kapag pinayagan ako ni Yaya,” mabilis na sagot niya. “Ano nga pala ang pangalan mo?” pag-iiba agad nito. “Gianna Sevilla po. Kayo ba?” “Angelo Alvarez nga pala,” pagpapakilala nito. “Ilang taon ka na? At anong grade mo na?” “8 years old po. Grade 4 na po ako.” “Ah, ang bata mo pa pala. Ako naman 20 na. Graduating. Mamayang hapon pa klase ko. Tapos sa gabi working naman ako sa factory ng Tito ko.” Hindi pa niya gaanong maintindihan ang mga bagay na iyon. Ang nauunawaan lang niya ay ang edad nito na 20 years old. Ibig sabihin ay labindalawang taon ang agwat nila. “Tagasaan pala kayo dati bago kayo lumipat dito sa QC?” mayamaya’y tanong nito, saka naman sila lumipat sa puwesto ng fish ball at kikiam. “Sa Valenzuela po kami dati.” “Ah, medyo malayo nga naman kung doon pa kayo manggagaling. Pero bakit naman naisipan n’yo pang lumipat? Marami din namang magagandang school doon ‘di ba?” “May sira na po kasi ‘yung inuupahan namin doon. Saka gusto na rin ng Mommy ko ng bagong environment, kaya naghanap sila ng medyo malayo sa dati naming bahay. Kaya dito kami napunta sa QC. Mas malapit din daw po kasi dito ‘yung pinag-wowork nila.” “Ah kaya pala. Pero okay ka naman dito, ano?” “Oo naman po! Ang saya nga rito, eh. Mas maingay at mas maraming pasyalan. Hindi nga lang ako makasali sa mga laro n’yo dahil bihira lang ako payagan lumabas.” “Naku, okay lang ‘yun! Basta lambingin mo lang sila para payagan ka. Nag-aalala lang ‘yon dahil bago pa lang kayo rito. Ikaw rin naman kasi ang iniingatan nila.” “Siguro nga po,” sambit na lamang niya. Naubusan na naman siya ng sasabihin. “Ilan pala kayong magkakapatid?” “Ako lang po mag-isa, eh.” “Oh talaga?” bahagyang nagulat ang lalaki. Halatang interesado ito sa lahat ng tungkol sa kanya. “So kumusta naman ang pakiramdam na walang kapatid? Happy ba or sad?” “Sad nga po, eh. Wala na nga akong kalaro sa loob, ayaw pa akong payagan sa labas. Minsan nga po parang gusto ko nang maglayas, eh.” Bigla siyang inakbayan ni Angelo at ginulo ang buhok niya. “Naku, iyan ang huwag na huwag mong gagawin. Masama ang maglayas. Intindihin mo na lang minsan ang parents mo. Para din naman sa ikabubuti mo ang mga ginagawa nila, kaya minsan kailangan nila tayong higpitan.” Kahit papaano, gumaan ang loob niya sa mga itinuran nito. Parang nabuhayan siyang muli ng pag-asa na magiging maganda rin ang pakikitungo sa kanya ng mga magulang. Kailangan lang talaga niya minsan maglambing at huwag maging pasaway. Nang matapos ang 30 minutes na break time ay nagpaalam na muna sila ng lalaki sa isa’t isa. Patakbo na siyang pumasok ng school para hindi mahuli sa susunod na klase nila. Sa ibang room sila magkaklase para sa EPP subject. Kailangan habang maaga pa nandoon na agad sila. Medyo mahigpit pa naman ang teacher nila roon. Nagsasara agad ng pinto kapag may mga na-late sa klase. SA LABAS pa lang ng gate, dinig na ni Gianna ang sigawan ng Mommy at Daddy niya. Mukhang nag-aaway na naman ang mga ito. Kauuwi lang niya galing sa iskuwela, ito agad ang aabutan niya. Maaga yatang nakauwi ang dalawa. Pero useless din naman dahil sa walang awat na bangayan ng mga ito. Nakita niyang yumuko ang kanyang yaya nang makapasok sila sa loob. Agad siya nitong pinadiretso sa kuwarto upang hindi masaksihan ang matinding pag-aaway ng dalawa. “Dito ka na lang muna, ah? May gagawin lang ako sa baba.” Iniwan siya ng yaya sa kuwarto niya. Pero tumayo rin agad siya at inilapit ang tainga sa pinto. Hanggang doon ay dinig na dinig niya ang boses ng ama at ina. Pinag-aawayan na naman ng mga ito ang paglipat nila roon. Hindi pa rin daw tanggap ng Daddy Bernard niya ang paglipat nila ng bahay roon. “Masyado ka kasing nagpapadalos-dalos ng desisyon! Hindi ka nag-iisip nang mabuti! Ang ayos-ayos na nga ng buhay natin doon, ginulo mo pa!” “Anong ginulo?” pasigaw namang sagot ng kanyang ina. “Kaya nga tayo lumipat dito para mailayo kita sa mga adik mong barkada roon na walang ibang alam kundi uminom nang uminom nang uminom! Putik na ‘yan! Sa umaga, alak! Sa tanghali, alak! Sa gabi, alak pa rin! Gusto mo ba talagang mamatay nang maaga sa ginagawa n’yo?” “Ano ba’ng pakialam mo sa mga barkada ko? Bakit hindi ka humanap ng sariling barkada mo? Palibhasa masama kasi ugali mo kaya walang gustong makisama sa `yo!” “Ako pa ngayon ang masama?” Dinig pa niya ang pinakawalang sampal ng kanyang Mommy. Binalibag naman ng Daddy niya ang isang gamit sa sala. “Sige, magwala ka! Gawin mo rin dito ‘yung ginagawa mo sa Valenzuela! Huwag mong hayaang maubos ang pasensiya ko at lalayasan na talaga kita!” Hindi na kinakaya ni Gianna ang mga naririnig. Mabilis niyang sinarado ang pinto at itinuon na lang sa iba ang atensiyon. Pagdating sa ganoong usapan ay ayaw na niya itong mapakinggan. Para kasing hindi niya kayang maghiwalay ang parents niya. Hindi siya handang maging broken family sila. Dumungaw na lang siya sa bintana at muling pinagmasdan ang mga batang malayang nakakapaglaro sa labas. Lalo siyang nanlumo dahil alam niyang hindi siya makakalabas sa araw na iyon. May gulo na naman sa bahay nila kaya siguradong hindi siya puwedeng lumabas. Inubos na lang muli niya ang oras sa pagdungaw sa bintana. Nagbabakasakali siyang makikita muli roon si Angelo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD