HABANG nagkakasiyahan ang mga bata sa labas, malungkot namang nakadungaw si Gianna sa bintana. Hindi siya pinayagan ng mga magulang na makipaglaro sa labas dahil bagong lipat pa lang sila roon.
Sa murang edad, natuto nang magrebelde si Gianna sa labis na paghihigpit ng mga magulang. Ang dami niyang gustong gawin na hindi niya magawa dahil palaging kontra ang mga ito.
Siya lang yata ang batang nakarating sa edad na sampu na palagi lang nakakulong sa bahay. Bilang lang sa daliri ang mga pagkakataong nakapaglaro siya sa labas gaya ng ibang mga batang malalaya.
Palibhasa ay mag-isang anak lang siya nina Bernard at Maricel. Kaya ganoon na lang kung maging overprotective ang mga ito sa kanya. Kahit pa sarili niyang kalayaan na makapag-explore sa murang edad ay ipinagkait sa kanya.
Sinubukang balikan ni Gianna ang mga laruan sa kama. Ngunit wala pa mang isang minuto, nagsawa rin siyang laruin ang mga ito. Nagbalik siya sa bintana at muling dumungaw sa mga bata.
Iba pa rin talaga kapag totoong tao ang mga kalaro niya. Baka ikasira na ng kanyang bait ang pakikipaglaro sa mga laruan nang ganito katagal na panahon.
Araw ng Lunes. Wala na naman ang parents niya sa bahay. Parehong nasa trabaho ang mga ito kaya ang tanging kasama lang niya roon ay ang yaya niya.
Isang operation manager ang ama niyang si Bernard sa isang factory. Isang HR Manager naman ang ina niyang si Maricel sa isang three star hotel.
Bihira lang niya maka-bonding ang mga magulang. Halos wala nang oras ang mga ito sa kanya. May mga pagkakataon nga na hindi na niya nakikita ang dalawa nang isang araw.
Mas maaga kasi ang pasok ng mga ito sa trabaho. Tuwing gigising siya ng alas-sais ng umaga, wala na ang dalawa. At pagsapit naman ng alas-nuebe ng gabi, madalas ay tulog na siya kaya hindi na niya naaabutan ang mga ito sa pag-uwi.
Wala na ngang oras ang mga ito sa kanya, wala pa siyang kalayaang magawa ang mga gusto niya. Kahit ang paglalaro lang sa labas gaya ng ginagawa ng ibang mga kaedad niya.
Nagsawa siya sa pagdungaw kaya nilapitan ang yaya at sinubukang magpaalam dito.
Tulad ng dati, umiling muli ito sa kanya. “Naku, baka pagalitan ako ng parents mo, Gianna.”
“Wag ka na lang po magsumbong sa kanila. Sige na po. Saglit lang naman po ako,” pilit niya.
“Bakit, ano ba’ng gagawin mo sa labas? Makikipaglaro ka? Bagong lipat pa lang tayo dito, hija. Bilin ng parents mo, huwag kang makikisama sa mga bata rito at baka kung mapaano ka.”
“Hindi naman po ako makikipaglaro, eh. Papasyal lang ako sa Park.”
“O, Sige. Pero sasama ako. Babantayan kita.”
Tumango na lang siya kahit labag sa loob niya. Ang mahalaga ay masisilayan muli niya ang mundo sa labas.
Nagtungo sila sa People’s Park kung saan maraming mga kainan at tanawin sa paligid. Hinila niya ang yaya sa isang puwesto at nagpabili ng ice cream.
“Naku, heto na naman tayo! Kaya ayaw kitang payagan, eh! Ganito na naman ang gagawin mo,” dismayadong wika ng babae sa kanya.
Nangusap ang tinig niya. “Sige na po, Yaya. Kahit isa lang po.”
Wala rin naman itong nagawa sa huli kundi pagbigyan ang gusto niya. Napilitan tuloy itong dumukot ng pera sa pitaka.
Pumuwesto sila sa isang upuan at doon niya inubos ang ice cream. Pagkatapos kumain, nagtungo naman sila sa mga rides kung saan dagsa ang mga batang naglalaro. Nahumaling siyang sumali rito.
Halos ayaw magpaawat ng kanyang kaligayahan habang nakikipaglaro sa ilang mga bata sa playground slides. Nasa tabi lang ang yaya niya habang tutok na tutok ang mga mata sa kanya.
Nang magsawa, lumipat naman sila sa ibang dako at naglaro ng habulan. Sa pagkakataong iyon ay hindi na siya gaanong nabantayan ng babae dahil tumawag ang boyfriend nito sa cellphone.
Ang saya-saya ni Gianna habang kalaro ang mga batang iyon. Hindi na nila alintana ang mga taong nagdadaan sa paligid. Sige pa rin ang takbuhan at habulan.
Sa bilis ng takbo ay nawalan siya ng balanse at nadapa. Halos maiyak siya sa tinamong sugat sa magkabilang tuhod. Hindi agad siya nakatayo. Buti na lang ay may lumapit at ito ang tumulong sa kanya.
“Okay ka lang?” tanong ng matangkad na lalaking mestizo, may kapayatan, natatakpan ng bangs ang kalahati ng mukha, may hikaw sa ilong at nakasisilaw ang kaguwapuhan.
Pinagpag pa nito ang dumi sa kanyang damit.
“Thank you po,” nahihiyang sagot niya rito.
“Next time mag-ingat ka, ah?” Nilingon nito ang mga sugat niya. “Naku! Nagdudugo! Wait lang.”
Inalalayan siya nito at pinaupo sa isang tabi. Nagbilin ito na huwag siyang aalis doon. Pagkalipas ng ilang sandali, nagbalik ito na may dalang bulak at band aid. Ginamot nito ang kanyang sugat at inayos pa ang nagulong buhok niya.
“Okay ka na ba?” tanong nito muli sa kanya.
“Opo. Thank you po, Kuya.” Sa pagkakataong iyon, medyo nawala na ang hiya niya rito. Mabilis na gumaan ang loob niya sa estranghero.
Kinapa nito ang likod niya. “Naku, pawis na pawis ka pa. May dala ka bang panyo?” Lalong gumaan ang loob niya sa pinapakitang concern nito.
“Nasa Yaya ko po, eh.”
“Ah, may kasama ka? Tara punta na tayo sa kanya!” Hinawakan ng lalaki ang kanyang kamay na parang nakababata nitong kapatid.
Naabutan pa nila ang Yaya Vilma niya na tila kanina pa naghahanap sa kanya. Nabunutan naman ito ng tinik nang makita siya.
“Diyos ko! Saan ka ba nagpupupunta? Kaya ayokong ilabas ka, eh!” alang-alala na lumapit ito sa kanya. “Ano’ng nangyari d’yan sa mga paa mo?” usisa agad nito nang mapansin ang band aid sa magkabilang tuhod niya.
“Nadapa po siya kanina. Pero ginamot ko na po ‘yung sugat niya,” ang lalaking matangkad ang sumagot.
Napalingon dito ang babae. “Naku, salamat, ah! Pasensiya na sa abalang nagawa ng alaga ko.”
“Naku, wala po ‘yun! Pakipalitan na lang din po ‘yung panyo niya sa likod. Basa na kasi, eh.” Hindi nawawala ang ngiti sa mga labi ng lalaki.
Hindi tuloy naiwasan ni Gianna na mapatingin muli rito. Agad namang pinalitan ng kanyang yaya ang sapit niya sa likod.
“Ingat next time, ah! Para hindi ka na madapa,” huling bilin sa kanya ng lalaki, saka ito nagpaalam sa kanila.
“Salamat din sa tulong!” wika rito ng kanyang yaya.
Hanggang sa pag-alis ay pinagmasdan niya ito. Hindi niya binitawan nang tingin hangga’t nakikita pa niya ito sa paligid.
Nang matakpan na ito ng mga taong nagkukumpulan ay doon pa lang siya lumingon kay Yaya Vilma. Hindi na siya tumanggi nang magyaya itong umuwi na.
Hindi niya tuloy gaanong naramdaman ang sakit ng sugat dahil sa presensiya ng lalaking iyon kanina. Ewan ba niya kung ano itong tila kuryenteng naglalaro sa kanyang dibdib.
Hanggang sa pag-uwi ay hindi nabura sa isip niya ang ginawa ng estranghero. Makikita niya pa kaya itong muli?
Palibhasa ngayon lang siya nakaramdam ng isang tao na ganoon katindi ang concern sa kanya. Kung ang parents lang kasi niya ang naroroon, malamang pinagalitan at pinalo pa siya sa halip na gamutin ang kanyang mga sugat.
Pagkauwi nga ng mga ito nang gabing iyon, hindi na siya gaanong pinansin o binati man lang. Diretso agad sa kuwarto ang kanyang ina at tumungga naman ng alak sa kusina ang kanyang ama.
Tanging ang Yaya Vilma lang niya ang kasama sa kuwarto ngunit wala naman sa kanya ang atensiyon nito. Abala na naman kasi sa cellphone ang babae habang kausap ang boyfriend nitong anim na taong mas bata rito.
Balik-iskuwela na siya kinabukasan. Kahit papaano, doon lang siya nagkaroon ng kaunting kaligayahan, lalo na kapag break time nila at kasama ang ilang mga close friends niya.
Napansin niya ang kanyang katabi sa desk na gumuguhit ng mukha ng paborito nitong anime character sa likod ng notebook.
Nanlaki ang mga mata niya sa pagkamangha. “Wow naman! Ang galing mo pala mag-drawing,” puri niya sa katabing si Mark Justin.
“Ayos ba?” may pagmamalaki sa boses ng batang lalaki. “Favorite ko talaga ‘to si Naruto, eh!”
“Oo ang galing nga, eh! Paano mo ginawa ‘yan?”
“Lagi kasi ako tinuturuan nina Kuya at Daddy na mag-drawing, eh. Si Daddy, kapag nakita mo ‘yun kaya niya mag-drawing na parang totoong tao talaga. Si Kuya naman puro mga anime na pinapanood namin ‘yung dino-drawing niya.”
Napatango siya. “Kaya pala…” Sa pagkakataong iyon, nakaramdam siya ng inggit. Buti pa ito, tinuturuan ng sariling pamilya sa ganoong bagay.
Samantalang ang pamilya niya, tinuturuan pa siyang huwag makisama sa ibang tao. Ang nasa isip kasi lagi ng mga ito, baka mapahamak lang siya at mahawa sa masasamang gawain.
Hindi man lang nila inisip kung gaano kalaki ang maitutulong nito sa isang bata kapag sinanay itong makisalamuha sa marami at sumubok ng iba’t ibang activities.
Dahil dito, parang na-inspire tuloy si Gianna na mag-drawing. Pagsapit nga ng break time nila, bumili agad siya ng short bond paper, bagong lapis at krayola.
Parang ginanahan siyang sumubok na gumuhit ng iba’t ibang bagay. At gagawin niya iyon mamaya pag-uwi niya para mas komportable sa pakiramdam.
Nang matapos ang klase, nagpunta sila ng ilan sa mga classmate niya sa quadrangle at doon naglaro ng habulan, badminton, at ibang mga physical activities na maisipan nila.
Ngunit kung kailan nasa kalagitnaan na siya ng enjoyment, saka naman dumating ang Yaya Vilma niya. Galit na galit pa ito nang makita siyang naliligo sa pawis.
“Kapag nagkasakit ka, ako ang mapapagalitan! Kanina pa kita hinahanap nandito ka lang pala. Alam mo bang oras na ng uwian?” sermon nito sa kanya. Kung umasta ito parang nahawa na rin sa kanyang ina.
Ayaw pa sana niyang umuwi pero nawalan na rin siya ng gana dahil sa presensya nito. Padabog na lang siyang sumunod sa babae.
Pagkahinto ng tricycle sa harap ng kanilang bahay, mabilis siyang bumaba dahil balak niyang magkulong sa kuwarto. Ngunit sa di kalayuan, umagaw sa pansin niya ang isang lalaking nakikipaglaro sa mga bata.
Bigla siyang may naalala. Ito ang matangkad na lalaking tumulong sa kanya at gumamot sa mga sugat niya.
Nakikipagkulitan ito sa mga batang nagkakasiyahan sa gilid ng daan. Hindi niya alam kung bakit ito naririto sa lugar nila. Pero ang mahalaga, nakita niya itong muli kaya medyo nawala ang init ng ulo niya sa yaya.
Nagmadali siyang umakyat sa kuwarto at nagpalit ng damit sa pinakamabilis na paraan. Saka siya dumungaw sa bintana at muling tinanaw ang lalaki.
Muli niyang naramdaman ang maharot sa loob ng dibdib niya. Ito ang nagdulot sa kanya ng labis na pagkasabik sa estrangherong iyon.
Ang guwapo talaga nito. Hindi pa dapat siya nakararamdam nang ganito dahil sa murang edad niya. Pero ewan ba niya kung bakit ganito na lang kalakas ang t***k ng puso niya.
Bigla niyang naalala, may tawag daw sa ganitong pakiramdam. Kung hindi siya nagkakamali, ‘crush’ ang term na ginagamit kapag nakakaramdam nang ganito sa isang tao.
Siguro nga crush na niya ang lalaking iyon sa unang pagkikita pa lang nila. Dinapuan agad siya ng kakaibang paghanga rito. Lalo na’t siya mismo ang nakasaksi kung gaano ito kabuti noong tulungan siya nito sa pagkakadapa.
Kitang-kita rin niya ang closeness nito sa mga batang nasa labas. Halatang mahilig itong makipag-interact sa mga batang gaya niya.
Binaba niya ang kusina at sinubukang magpaalam sa yaya. Ngunit tulad ng dati, hindi na naman siya nito pinayagang lumabas.
“Saglit lang naman ako, Yaya. Sige na please! Pinayagan mo naman ako kahapon, eh.”
“Kahapon ‘yon pero hindi na ngayon. Umakyat ka na lang uli sa kuwarto mo at gawin ang mga assignments mo. Mapapagalitan na talaga ako sa Mama mo kapag nasugatan ka pa uli.” Mainit na naman ang ulo nito sa kanya.
“Mag-iingat naman po ako, eh.”
“Huwag makulit, Gianna. Akyat na! Huwag kang magsimula! Akyat!”
Sinubukan pa niyang maglambing dito sa pagbabakasakaling lalambot din ang puso nito. Subalit mukhang hindi yata talaga maganda ang araw ng babae at nagalit agad.
Nagkatampuhan yata sila ng boyfriend kaya ganoon kainit ang ulo.
Payuko siyang umakyat muli ng kuwarto. Nagbalik na lang siya sa bintana at muling pinagmasdan ang lalaki. Doon na niya ibinuhos ang oras niya.
Mga bandang hapon iyon nang masialisan na ang mga bata. Ang kasama naman nito roon ay mga lalaking kasing laki nito habang abala sila sa paglalaro ng basketball.
Hindi niya maiwasang matuwa nang makita kung gaano kahusay ang estrangherong iyon sa basketball. Halos hindi niya mabilang kung ilang beses itong nakapag-shoot ng bola. Kinabog nito ang lahat ng mga kalaro na halos kasing tangkad din nito.
Sa dinami-dami ng mga lalaki roon na pawang may mga hitsura din, dito talaga sa estrangherong ito nakatuon ang pansin niya. Talagang crush na yata niya ito, hindi na niya maitatanggi pa.
Kinabukasan nga, pagkauwi galing sa iskuwela ay sinubukan niyang magpaalam muli sa yaya. This time, nangako siyang sa harap ng bahay lang maglalaro at hindi lalayo.
Narinig niyang kausap muli ng babae ang boyfriend nito sa cellphone. Mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila dahil parang gustong maiyak ni Vilma.
“Bebe naman. Huminahon ka muna at patapusin mo ako. Sorry na sa mga nasabi ko kahapon. Nabigla lang ako, eh. Hindi ko naman sinasadya. Alam mo namang mahal na mahal kita kaya sinisiguro ko lang namang nasa mabuti kang kalagayan. Hindi naman ako nagseselos kahit sino pa kasama mo d’yan.”
Dahil sobrang tutok na tutok ito sa kausap, panay na lang ang tango nito sa pagpapaalam niya. Pinayagan siya kahit wala sa loob nito. Masyado talaga itong busy para pagtuonan pa siya ng pansin.
Sinamantala niya ang pagkakataon. Nagmadali siyang lumabas ng bahay at nakisali sa mga batang naglalaro.
Hindi maawat ang kanyang saya sa mga oras na iyon. Grabe talaga ang energy niya kapag nakakalabas. How she wish na sana ganoon lagi araw-araw. Iba pa rin sa pakiramdam kapag kapwa bata ang kalaro at hindi puro Barbie dolls lang.
Medyo napalakas ang palo niya sa bola kaya dumiretso ito sa malayo. Sinubukan niya itong habulin ngunit gumulong naman ito malapit sa maputik na bahagi ng kalsada.
Sa pagkakataong iyon ay hindi na niya ito makuha. Masyadong maliit ang mga paa niya para matawid ang maputik na bahaging iyon ng daan.
Pabalik na sana siya sa mga kalaro para magpatulong. Ngunit bigla naman niyang nakasalubong sa daan ang lalaking crush niya. May kasama itong babae na ka-holding hands pa nito.