Mariin kong ikinuyom ang aking mga kamao habang nakatingin sa lalaking kaharap ko. Inangat ko ang aking kamay upang hawiin ang usok na ngayon ay tumatama sa aking mukha. Medyo napaurong din ako lalo at nakita kong balak na hawakan ang aking mukha.
“Mawalang galang na, Mr. Ngunit kailangan ko nang umalis dahil may klase pa ako.” Mabilis akong tumalikod sa lalaki. Hindi ko na ito hinintay na magsalita. Halos tumakbo na ako para lang makalayo sa lalaking ‘yon. Mukang adik pa naman ito at baka kung ano’ng gawin sa akin ng masama.
Sa sobrang bilis nang pagtakbo ko ay tuluyan akong nakarating sa Canete National High School. Nakahinga lamang ako ng maluwag nang tuluyan akong makapasok sa loob ng classroom. Bigla kong hinawakan ang aking dibdib, ramdam ko ang kabog sa loob. Sino ba ang lalaking ‘yon? Nakakatakot itong tumingin para akong lalamunin ng buhay. Ngunit sa suot nitong uniform ay rito rin ito nag-aaral sa Canete National High School. Teka, hindi kaya ito ‘yong sinasabi na anak ng may-ari ng school? Ang sabi nga nila ay parumbado ito at halos araw-araw ay may mga kaaway? Bigla tuloy akong napangiwi, kasabay ng isang malalim na buntonghininga.
Hinawakan ko rin ang aking noo dahil bigla akong na-stress. Mayamaya pa’y dumating na rin ang adviser namin. Kaya tuluyan na ngang nawala sa aking utak ang lalaking ‘yon. Nang dumating ang hapon parang ayaw ko pang umuwi dahil hindi ko gustong nakita ang kabet ng aking ama. Pero no choice ako. Kundi ang umuwi dahil ayaw kong mag-alala sa akin ang Nanay ko.
Nagdesisyon na lamang akong maglakad at hindi na sumakay ng tricycle upang makapag-isip na rin ng matino. Grabe, sa edad kong ito ay nakakaranas na ako ng kalupitan ng isang ama. Hinding-hindi talaga ako mag-aasawa kung katulad lang din ng Itay ko ang magiging asawa ko balang araw.
Kasalukuyan akong naglalakad at sinisipa ko ang maliliit na bato na aking nadadaanan, nang bigla akong napahinto sa paglalakad. Nanlalaki rin ang mga mata ko habang nakatingin sa mga studyanteng mga lalaki na ngayon ay nagsusuntukan. Shock talaga ako sa aking nasaksihan. Teka? Paano ako makakadaan? Halos sinakop na nila ang daan.
Kung tama ang aking hula ay mga grupo sila na nag-aaway-away. Hanggang sa mapansin ko ang lalaking nakasalubong ko kaninang umaga. Nakikipaglaban din ito. Sa kilos ng lalaki ay sanay ito sa basag ulo.
Bahala na nga! Ngunit kailangan kong makauwi ka agad. Kung hihintayin ko silang matapos sa pag-aaway nila tiyak na aabutin ako ng gabi sa daan. Doon na lang ako pupunta sa gilid ng daan. Siguro’y bibilisan ko na lang ng paglalakad ko. Bago ako tuluyang humakbang ay isang marahas na paghinga ang aking ginawa. Pagkatapos ay dali-dali na akong naglakad. Habang naglalakad ay abot-abot ang kaba ng aking dibdib. Tila ba may naghahabulan sa loob.
“Diyos ko po!” bulalas ko. Nang makita ko ang isang lalaki na lumipad papunta sa tapat ko. Duguan ang mukha nito at halos hindi makatayo dahil sa natamong bugbog. Dahil sa sobrang takot ay muli akong maglakad nang mabilis.
Ngunit nagulat ako sa pagsulpot ng isa pang lalaki. Nakangisi ito sa akin at tila ba may gagawin itong hindi maganda. Bigla tuloy akong napaurong sa labis na pag-aalala na baka kung anong gawin nito sa akin.
“Ms. Mukhang nagmamadali ka yata? Samahan mo muna ako rito at magkwentuhan tayo…” Balak sana akong hawakan nito ngunit mabilis ko itong itinulak. Kitang-kita ko naman ang nanlilisik na mga mata nito.
“Aba’t palaban ka? Ikaw pa lang ang babaeng tumanggi sa akin!” sigaw nito. Nakakatakot ang tabas ng mukha nito. Para akong papatayin. Muli tuloy akong napaurong dahil sa labas na takot. Lalo at dahan-dahan itong lumapit sa akin. Tumingin ako sa buong paligid at nakita kong mas lumala ang pag-aaway ng mga studyante ng Canete National High School. Napansin ko na ang ibang mga studyante na nandito ay taga ibang school.
“Pakiusap! Hayaan mo na lang akong makaalis—” Ngunit ang pagsusumamo ko rito ay walang epekto. Ngumisi pa nga ito sa akin. Kaya parang nanginig ang buong katawan ko.
Kaya lang nagulat ako nang biglang tumalsik papalayo ang lalaking nasa harapan ko. Kitang-kita ko talaga ang paggulong nito sa lupa.
“Ano’ng ginagawa mo rito, Ms. Beautiful? Hindi mo ba alam na puwede kang mapahamak?” Seryosong tanong sa akin ng lalaking sumagip sa akin mula sa adik na lalaking kaaway rin nito.
Agad kong tiningnan ang id nito upang alamin kung ano’ng pangalan nito. Kaya lang wala itong suot na id. Saka ang lalaking nasa harapan ko ngayon ay siya rin ang lalaking humarang sa akin kaninang umaga. Ganoon pa rin ang ilalim ng mata nito maitim at para bang naglagay ng eyeliner.
Hanggang sa hawak nito ang aking suot na id.
“Black Lipstick Vely,” sambit nito sa aking pangalan. Pagkatapos at muling umangat ang mukha nito dahilan kaya nagpantay ang mga mata namin.
“Nice name…” bulong nito sa akin. Ngunit gulat na gulat ako nang inangat nito ang kamay at kitang-kita ko ang pulsuhan ng isang lalaki na hawak ngayon ni Mr. Eyeliner. Kung hindi nito nasalo ang pulsuhan ng kalaban nito tiyak na ako ang tatamaan sa mukha.
Hanggang sa mabilis nitong sinipa sa sikmura ang lalaking balak akong suntukin.
“Umalis ka na Ms. Beautiful. Sige ka, baka madamay ka pa…” bulong ng lalaki sa akin. Dahil sa sinabi nito ay dali-dali na akong tumakbo papalayo sa mga nagkakagulo. Hindi talaga ako huminto sa pagtakbo ko hanggang hindi pa ako nakakarating sa tapat ng gate namin. Dali-dali akong pumasok sa loob.
Hindi muna ako pumasok sa loob ng bahay. Naupo muna ako sa malaking bato. Hinawakan ko rin ang aking dibdib dahil sa malakas na kabog. Para bang may dagang naghahabulan sa loob. Grabe, nakakatakot naman ang mga studyante na ‘yon? Unang beses kong makakita ng mga nag-aaway.
Balak ko sanang ipikit ang aking mga mata nang marinig ko ang boses ni Jaya. Mukhang galit na galit ito. Nagmamadali tuloy akong tumayo mula sa pagkakaupo ko at malalaki ang hakbang ko papasok sa loob ng tahanan namin.
“Tumanda ka na, ngunit hindi mo pa rin alam ang tamang pag-plantsa ng damit? Alam mo ba kung magkano ang damit na ito, huh? Baka hindi mo ito kayang bayaran, Blakelyn. Hindi na ako magtataka kung iniwan ka ni Kulas kasi wala kang silbi---!” Nanlalaki ang mga mata ko nang malaman ko kung sino ang sinisigawan nito.
Mas lalo ko tuloy nilakihan ang paghakbang ko papasok sa loob ng bahay namin. Ngunit narinig ko na naman ang bunganga ng kabet ng Itay ko.
“Totoo nga ang sabi ni Kulas sa akin. Isang tangang asawa niya—!” sigaw ng babae. Dali-dali ko tuloy kinuha ang maliit na unan at basta ko na lang ibinato sa likuran ni Jaya. Sapol na sapol talaga ito sa batok nito.
“Wala kang karapatan na pagsalitaan nang kung ano-ano ang nanay ko. Sino ka lang ba sa bahay na ito? Isa ka lang ng kabet ng aking Ama, tama ba ako?” mapang-uyam na tanong ko sa babae.
Mabilis itong lumingon sa akin. Kitang-kita ko ang nanlilisik na mga mata ng babae. Ngunit wala akong pakialam dito, dahil pa tuloy pa rin akong nagsasalita at baka sakaling matablan ito.
“Ito ang tatandaan mo, Jaya. Oras na magsumbong ako sa mga pulis tiyak na sa kulungan ang punta mo!” Lumapit din ako kay Inay na ngayon ay hawak-hawak ang isang damit. Agad ko itong kinuha at basta ko na lang itinapon kung saan.
Agad kong hinila si Inay papasok sa loob ng aking kwarto.
“Inay, hahayaan mo na lang ba na apak-apakan ka ng babaeng ‘yon?!” galit na tanong ko.
“Anak, ayaw ko lang na magalit sa atin ang Itay mo…”
“Diyos ko naman, Inay. Hanggang kailan ka ba magtitiis?” Kakamot-kamot ako sa aking ulo habang nakatingin kay Inay.
Hindi pa nakakapagsalita si Inay nang marinig ko ang sunod-sunod na katok sa pinto ng kwarto.
“Black, lumabas ka riyan!” Galit na galit ang boses ng aking Ama. Balak ko na sanang buksan ang pinto nang awatin ako ng Inay ko. At sinabi nitong siya na ang kakausap kay Itay.
Hindi ko na lang ito inawat pa. Nang buksan ni Itay ang pinto ay dinig ko ang galit na boses ng aking ama.
“Nasaan ang anak mong magaling, Blakelyn?!”
“Kulas, ako na lang ang harapin mo---” Ngunit nilampasan lamang ng tatay ko si Inay. Dali-daling lumapit sa akin si Itay at agad akong hinawakan sa aking pulsuhan.
“Ano’ng karapatan mong saktan si Jaya? Anak lamang kita, Black!” Sabag hila sa akin ng Itay ko.
“Kulas, maawa sa anak mo?!”
“Huwag kang mangialam, Blakelyn. Ang dapat sa batang ito ay turuan ng leksiyon, dahil lumalaking tarantada!” Walang nagawa ang aking Inay nang tuluyan akong dalhin ng tatay ko sa labas ng bahay ko. Hindi ako nagsalita hinayaan ko lang si Itay kong ano’ng gagawin sa akin.
Nakita kong kumuha ito ng tali. Pagkatapos ay agad akong itinali sa malaking puno.
“Wala kang kwentang ama!” mariing sabi ko. Ngunit isang malakas na sampal lamang ang binigay sa akin ni Itay.
“Kulas, maawa ka sa anak mo! Huwag mo siyang itali sa puno!” Dali-daling lumapit si Inay sa aking ama. Ngunit itinulak lamang nito ang nanay ko. Gusto kong lapitan ang Inay ko ngunit wala akong magawa dahil nakatali na ako sa puno. Panay naman ang iyak ng Nanay ko habang nakatingin sa akin.
“Huwag na huwag mong aalisin ang tali niya Blakelyn! Oras na gawin mo ‘yon. Papalayasin ko kayo sa aking bahay!” pagbabanta ng Tatay ko bago ito umalis.
Dali-dali namang lumapit sa akin si Inay.
“Black, gagawa ako ng paraan. Kakausapin ko muli ang Itay mo---”
“Huwag mong gawin Inay. Hindi mo kailangan magmakaawa sa kanya!” mariing sabi ko.
“Pero anak, hindi ko kayang nakita ka na nandito sa labas ng bahay habang nakagapos sa puno!” umiiyak na sabi ng aking Ina. Magkakasunod akong umaling kay Inay.
“Ayos lang ako, Inay. Pumasok ka na sa loob ng bahay, dahil ano mang oras ay babagsak na ang ulan…” Agad akong tumingin sa kalangitan at nakita kong sobrang dilim ng buong kalangitan. Ayaw pa nga sana ni Inay na iwan ako. Ngunit pinilit ko ito na pumasok na. Mahirap kung ito ang magkasakit kapag naulanan.
Nang tuluyan nang pumasok ang Inay sa loob ng bahay ay siyang bagsak naman ng luha sa aking mga mata. Kasabay rin ang pagbuhos ng malakas ng ulan. Sobrang galit na galit ako sa aking Ama. Tiniis ko na lamang lamig lalo at basang-basa na ako. Kasabay rin ng malakas na simoy ng hangin.