“Wow…” mahinang usal ni Angelie, ngunit sapat upang marinig ni Michael.
Namangha ang maamo’t magandang mukha ng dalaga nang bumukas ang bakal na gate at tumigil ang sasakyan sa harap ng isang malaki at modernong bahay. Mas malaki pa ito kaysa sa mansiyon ng mga Sandoval.
Napanganga siya habang paulit-ulit na binibigkas ang salitang "wow", lalo na nang masilayan niya ang malawak na swimming pool sa kaliwang bahagi ng bakuran.
Lalo pang lumalim ang kanyang pagkamangha nang makita ang greenhouse na punô ng makukulay na paru-paro. Napangiti siya habang pinagmamasdan ang harding punô ng samu’t saring bulaklak. Hindi malaman ng kanyang mga mata kung saan titingin, tila nalunod siya sa ganda ng paligid. Saglit, nakalimutan niya ang tensyon sa pagitan nila ng kanyang biyenan.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata, akala niya panaginip lamang ang lahat. Ngunit pagdilat niya’y napagtanto niyang totoo nga. Hindi niya akalaing may ganitong kagandang lugar sa totoong buhay—akala niya'y sa poster lang niya ito makikita.
Para siyang nasa paraisong nilikha ng tao.
Mabilis siyang bumaba ng sasakyan, nakalimutan na ang presensiya ng kanyang asawa. Sabik niyang tinahak ang marble pathway patungong hardin, hinahaplos ang bawat rosas at orchid na madaanan. Pakiramdam niya, naroon na ang lahat ng klase ng bulaklak.
Nang marating niya ang gitna ng hardin, ipinikit niya ang kanyang mga mata at ninamnam ang halimuyak ng mga bulaklak. Para siyang batang tuwang-tuwa sa kanyang paligid. Hindi man niya inaasahan, ngunit narito siya ngayon sa mas magarang hardin kaysa kay Donya Clemente.
Nang di pa man siya nagsasawa sa tanawin, tinungo naman niya ang greenhouse. Sabik siyang masilayan ang mga paru-paro nang malapitan. Muling nanlaki ang kanyang mga mata sa tuwa nang makita ang iba’t ibang kulay at laki ng mga paru-paro. Kinuha niya ang cellphone mula sa bulsa at nagsimulang kumuha ng mga larawan.
“Wow! Nakakamangha!” sambit niya nang masaksihan ang isang Monarch butterfly na bagong labas mula sa pupa.
“You like it, honey?” tanong ni Michael. Hindi niya napansing nakasunod na pala ito sa kanya. Nakatikom ang mga kamay sa bulsa habang masayang pinagmamasdan si Angelie.
Ito ang isa sa mga katangiang minahal ni Michael kay Angelie—bukod sa maganda at mabait, madali itong mapasaya kahit sa mga simpleng bagay. Para sa kanya, si Angelie ang perpektong babae.
Napamulagat si Angelie at tumango na may ngiting nahihiya. “Sobra! Ang ganda! Akala ko sa pelikula ko lang ito makikita, Michael.”
“Baka magalit ang may-ari ng bahay... Pinakialaman ko ang mga bulaklak. Kaibigan mo ba ang may-ari nito? Baka puwede akong makahingi,” wika niya pa.
Napataas ang kilay niya nang marinig ang mahinang tawa ng asawa at sabay pisil sa pisngi niya.
“Walang magagalit sa’yo, honey. Because everything you see here is all yours. Simula ngayon, ikaw na ang mag-aalaga sa mga bulaklak na ‘yan. You can do whatever you want.”
Nanlaki ang mga mata ni Angelie. “A-anong ibig mong sabihin, Michael?”
“This huge garden is yours, honey. And that house—our new home.” Sabay turo nito sa bahay.
Napatakip siya sa bibig, pinipigilang mapasigaw sa tuwa. “Talaga, Michael? Salamat!” sabay yakap sa asawa.
“Welcome, honey. Hindi pa man tayo ikinasal, sinimulan ko nang ipatayo ang bahay na ’to. Dito natin sisimulan ang pamilya natin. Kasama ang magiging mga anak natin,” sagot ni Michael, may luha sa mata.
“Pero... paano mo nalaman na paborito ko ang mga ganitong rosas at orchids?” usisa ni Angelie.
“You know your husband, honey. I have my ways.” At tama nga—isa si Michael sa pinakamakapangyarihang tao sa kanilang bayan.
Inakay siya nito paakyat sa apat na baitang na hagdan. Kinuha ni Michael ang kanyang kamay at iniabot ang susi ng bahay.
Kung namangha siya sa labas, mas lalo siyang nabighani sa loob. Kombinasyon ng gray at white ang pintura. Sa entrance pa lang, tanaw na ang isang antique na piano. Mamahalin ang sahig, muwebles, at mga dekorasyon. Ang chandeliers na nakasabit sa kisame ay tila milyon ang halaga.
Sa corridor, makikita ang mga ancient jars na binili pa ni Michael mula sa ibang bansa. May mga indoor plants sa mamahaling paso. Napakalawak ng living room—p’wede itong pagdausan ng isang malaking party.
Nasa unang palapag ang opisina ni Michael, isang mini library, family room, movie room, at isang malaking playroom para sa magiging anak nila.
“Pero... hindi ba masyadong malaki ito para sa atin? Ayos lang naman sa akin kahit simpleng bahay, basta magkasama tayong dalawa,” ani Angelie habang nasa malawak na komedor, may twelve-seater table at painting ng The Last Supper.
Ngumiti si Michael. “Alam kong gusto mo ng simpleng buhay, pero I want to give the best for you, honey. And also, I’m a governor—marami akong bisita. At kung sakali... sakto ito sa magiging isang dosenang anak natin.”
“Isang dosena? Grabe ka! Magmumukha na akong inahing baboy niyan!” reklamo ni Angelie na nakausli ang nguso.
“Yes, honey. Pero sa ngayon... kailangan muna nating simulan ang paggawa ng una.” Namula si Angelie. Alam niya ang ibig sabihin nito.
“Ngayon na ba talaga?” kunwaring tanggi niya, pero halata sa mukha ang sabik.
“Hmm, mukhang ayaw mo yata,” biro ni Michael.
“Sinabi ko bang ayaw ko?”
“So, let’s get ready, honey.”
Napasigaw si Angelie nang buhatin siya ni Michael. “Michael! Ibaba mo ako! Mabigat ako, baka mahirapan ka!”
“Minamaliit mo ba ang muscles ko, ha? Wala ka yatang bilib sa akin?”
Tawa at tili ang maririnig habang buhat-buhat siya ni Michael paakyat sa hagdan, papasok sa kanilang silid. Maingat siyang inilapag sa queen-size bed na may floral print. May malaking walk-in closet, pink vanity mirror, 64-inch flat-screen TV, at two-door refrigerator na punô ng laman.
Halos mapatalon si Angelie nang makita ang bookshelf na punô ng mga libro—mga akda ng paborito niyang authors: SRREDILLA, MISS CHOI, MAGIC HEART, AVRIN KEZIAH, DRAGON1986, MitsyBoo, Shinzanzou, Eastlander, Airisha Mine Monterealez, Pret Ty Bella, at Messy Girl. Kinuha niya ang mga libro at niyakap isa-isa.
“Thank you, Michael,” taos-pusong pasasalamat niya.
“No worries, honey. Lahat gagawin ko para sa’yo.”
“I love you, and thank you for everything, Michael,” bulong niya sa tainga nito.
“I love you too, honey.”
Hinapit ni Michael ang kanyang baywang at niyakap siya. Ngunit napakunot-noo si Angelie nang mapansin ang isang portrait ng babae sa dingding. Side view, nakalugay ang mahabang buhok.
Dahan-dahan siyang lumapit. Parang pamilyar ang mukha.
“She’s really beautiful,” ani Michael, na ikinalingon niya. Muling bumaling si Angelie sa portrait.
‘Ano ang relasyon ng asawa ko sa babaeng ’yan?’
“This was the first time I saw you, honey. You already captured my attention that day.”
“Y-you mean... that was me?” gulat niyang tanong.
“Aha,” maikling sagot ni Michael sabay yakap mula sa likuran.
“Pinagawa ko ’yan para makita kita sa bawat paggising at pagtulog ko. Pero ngayon, hindi ko na kailangan ng portrait… dahil kasama na kita.”
Pinihit siya ni Michael paharap at marahang hinalikan ang kanyang mga labi. Kusang kumapit ang mga braso ni Angelie sa leeg ng asawa. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at tinanggap ang halik.
Dinuyan siya ng bawat hagod ng mainit na kamay ni Michael. Muling nagliyab ang init ng pagmamahalan sa pagitan nila.
At tuluyan na niyang nilimot ang nangyari sa mansiyon.
Handa na si Angelie na gampanan ang pagiging maybahay ng isang gobernador—si Michael Sandoval. Kahit marami pa ang tutol, siya pa rin ang pinili ng lalaki.