KATULAD ng pangakong binitiwan ni Michael kay Angelie, namuhay silang mag-asawa na puno ng pagmamahal at kasiyahan. Sa kabila ng patuloy na hindi pagtanggap ni Donya Clemente, hindi iyon naging balakid sa pagbuo ng masaya at maayos na pagsasama nila. Sa halip, mas pinatunayan ni Angelie na karapat-dapat siya sa apelyidong Sandoval. Isa siyang mapagmahal, maalaga, at matatag na asawa.
Araw-araw, sinisiguro niyang maayos ang lahat para kay Michael—mula sa almusal nito hanggang sa mga personal na gamit. At bagaman patuloy ang pananahimik ni Donya Clemente, hindi nawawalan ng pag-asa si Angelie na darating din ang araw na matutunan siyang tanggapin bilang bahagi ng pamilya.
Importante sa kanya ang pakikitungo sa mga taong mahal ng kanyang asawa—ngunit hindi niya ipipilit ang sarili. Hindi kailanman.
Sa bawat umaga na kasama si Michael, ramdam niya kung gaano siya pinagpala. Walang pagsisisi sa desisyong pakasalan ang lalaking minahal niya nang buo. Kahit maraming pagsubok, kahit maraming mata ang mapanghusga—pinili niya si Michael.
At pinili rin siya nito.
Kaya naman hindi na nakapagtatakang mahal na mahal sila ng mga tao sa kanilang bayan. Mabait at bukas-palad si Michael bilang gobernador, at mas lalo pang minahal ng mga tao nang makita kung gaano niya kamahal si Angelie.
"Ay, honey, I have to go," pagmamadaling sambit ni Michael habang sinusuksok ang mga papeles sa kanyang folder. "May importanteng meeting ako kay Congressman Andales. Sorry, babawi ako sa dinner. Sabay tayo mamaya, promise."
Hindi na ito nagawang umupo. Kumuha na lang ng isang pirasong bacon at mabilis na isinubo. Katatapos lang nitong maligo, at halatang minadali ang pagsusuot ng long sleeves—hindi pa nga ayos ang kuwelyo.
“It’s okay, hon.” Lumapit si Angelie para ayusin ang suot nito. “Basta ubusin mo ’yung baon kong pinadala. Magtatampo talaga ako kapag may natirang kahit isang kutsara.”
Napangiti si Michael. Hinaplos nito ang pisngi ni Angelie.
“Of course, basta ikaw ang nagluto, ubos lahat ’yan. Alam mo naman na paborito ko lahat ng putahe ng mahal kong asawa.”
Ngumiti si Angelie, pero bago pa siya makasagot, bumulong si Michael habang nakangisi.
“Ngayon lang talaga ako hindi makasabay sa breakfast, eh. Kasi pinagod mo ako kagabi, kaya hindi ako nagising agad…”
Napasinghap si Angelie at pinandilatan ito. “Ano raw?! Ako pa ang sinisi mo? Eh ikaw nga ’tong mas malikot!”
Mahinang pinikot niya ang tainga ni Michael habang pareho silang natatawa. Ngunit bigla rin siyang itinulak palayo ng lalaki, sabay higpit ng yakap sa bewang niya.
“Alam mo, hon… hindi na lang kaya ako pumasok? Gusto ko lang, ikaw at ako lang… maghapon, magdamag.”
“Hoy, Mister Sandoval!” kunwaring galit na sagot ni Angelie. “Alam ko na iniisip mo. Tigil-tigilan mo ’ko, baka ako pa ang magban sa’yo sa kwarto natin!”
“Grabe ka, Boss,” natatawang wika ni Michael. “O siya, aalis na ako. Baka hindi mo na ko palipatin ng kama.”
Bago pa ito makalabas ng bahay, biglang hinalikan siya ng matamis ni Michael sa labi—’yung halik na puno ng pagmamahal at pangakong uuwi siya. Namula ang pisngi ni Angelie. Isang taon na silang mag-asawa pero tila araw-araw pa rin siyang kinikilig.
“Ingat ka, ha! I love you!” pahabol niya.
“I will, para sa’yo lang. I love you too!” sigaw ni Michael habang nag-flying kiss pa.
Nang makapasok na ito sa sasakyan at makaalis, hindi pa rin napawi ang ngiti ni Angelie. Nag-umpisa na siyang ligpitin ang hapag-kainan kahit wala siyang ganang kumain. Ang puso niya, punong-puno ng pagmamahal. Parang wala nang kulang…
Maliban sa isa.
Ang anak na matagal na nilang inaasam ni Michael.
Nais nilang mabiyayaan ng munting nilalang—isang prutas ng kanilang pagmamahalan. Madalas nilang pag-usapan ang mga magiging pangalan ng anak nila, kung kanino makukuha ang ilong, mata, o ngiti.
Habang naglilinis ng silid, nagpalit siya ng bedsheet, punda, kurtina, at nagpupunas ng alikabok. Hindi siya sanay na umasa sa kasambahay sa lahat. Gusto niya, may ginagawa siya sa bahay. Kahit pa isa na siyang gobernador’s wife.
Habang pinapaspas ang kisame…
KRRAAK!
“AY! Pusang gala!” sigaw niya sa gulat.
Nahulog ang malaking wedding picture nilang mag-asawa. Ang frame, durog. Ang mukha ni Michael sa larawan, natamaan ng bubog—napunit.
Nanlumo siya habang pinupulot ang mga bubog.
“Sayang… ang gwapo mo pa naman dito, hon,” bulong niya.
Ngunit bago pa niya maligpit ang lahat, isang itim na pusang dumaan sa kanyang harapan.
Natigilan siya.
Napalunok.
Napakapit siya sa dibdib.
Ang kaba… rumaragasa. Ang isip… naglalaro na ng kung anu-anong senaryo.
“Masamang pangitain,” sambit ng tinig ng lola niya sa alaala. “Kapag nabasag ang larawan ng isang mahal sa buhay, at may itim na pusang dumaan… may kapahamakan.”
“Diyos ko… huwag Mo pong pabayaan si Michael. Ilayo Mo siya sa kapahamakan. Ibalik Mo siya sa ’kin, buong-buo…” Nanginginig niyang dasal habang nakatitig sa wedding picture.
Pinilit niyang itaboy ang mga negatibong iniisip. “Coincidence lang ’to, Angelie. Huwag kang OA…”
Pero kahit anong pigil niya, hindi siya mapalagay. Napaupo siya sa gilid ng kama. Tumayo. Naglakad. Naupo ulit. Halos mabaliw siya sa kaba.
“Kalma… kalma lang, Angelie…” bulong niya sa sarili habang tinititigan ang sarili sa salamin. “Wala ’yan. Tumigil ka nga—”
Tok tok tok!
“Ma’am! May tawag po kayo sa telepono!”
Napapitlag siya. Halos matanggal ang kaluluwa niya sa gulat.
“Pasensya na po, Ma’am,” sambit ni Cynthia. “Kanina pa po kasi ako kumakatok kaya pumasok na ako.”
“Okay lang, Cynthia. Ako na ang sasagot.”
Inabot niya ang telepono. Konektado iyon sa lahat ng linya sa bahay. Huminga siya ng malalim. Nilabanan ang kaba. At saka sinagot.
“He…hello?”
“Hello, kayo po ba si Mrs. Angelie Sandoval?” tanong ng boses sa kabilang linya.
“Yes… speaking?” utal niyang sagot.
“This is from Don Hernandez Hospital. Mrs. Sandoval… malungkot po naming ipinaalam na isinugod po dito si Governor Michael Sandoval. Naaksidente po siya. Nadaganan po ng ten-wheeler truck ang sasakyan niya… He is in critical condition.”
Para siyang binagsakan ng langit at lupa.
Nabitawan niya ang telepono. Napaluhod siya sa sahig. Nanginginig. Napasigaw.
“Michael! MICHAEL!”
Tumakbo si Cynthia at agad siyang niyakap. Pero tila wala siyang naririnig. Ang paligid niya… umiikot. Ang puso niya… parang tinutusok ng libo-libong karayom.
Hindi siya makahinga.
Hindi siya makagalaw.
Pero kailangan niya.
KAILANGAN NIYA SI MICHAEL.
“Cynthia… bantayan mo muna ang bahay. Pupunta ako sa ospital… si Michael…”
Nagmamadali siyang nagpalit ng damit habang patuloy ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata. Nanginginig ang mga kamay niya habang inaayos ang sarili.
Sa loob-loob niya, paulit-ulit lang ang iisang dasal:
“Panginoon, huwag Mo Siyang kunin sa ’kin… Mahal na mahal ko siya…”