Himala. Iyon lang ang salitang paulit-ulit na bumabalik sa isipan ni Angelie habang nakatitig sa mukha ng kanyang asawa—puno ng tubo, mahina, tila ang bawat hinga ay isang laban sa kamatayan. Ngunit sa wakas, makalipas ang mahigit dalawang buwang pananatili sa ICU, inilipat na rin si Michael sa isang pribadong silid. Sa wakas... may liwanag na sa dulo ng madilim na daan.
“Salamat po, Panginoon...” mahina niyang bulong, habang pilit pinipigilang umagos ang luha ng pasasalamat.
Araw-araw siyang nagdasal. Araw-araw niyang kinakalaban ang takot. Hindi niya mabilang kung ilang gabi siyang hindi natulog, nakaupo lang sa gilid ng kama ng asawa, hawak ang malamig nitong kamay, umaasang may maramdaman siya ulit na pagkislot—isang senyales na lalaban pa ito.
“Angelie, anak, magpahinga ka naman. Ako muna ang magbabantay kay Michael,” ani Florencia, ang kanyang ina, na palaging naroon tuwing kailangan niya. Isa itong anghel na isinugo ng Diyos—mapag-alaga, mapagpatawad, at matatag.
“Ma, huwag na po. Kaya ko pa po. Ayokong iwan si Michael.”
“Kaya nga ako nandito. Para tulungan ka, hindi para panoorin kang unti-unting nawawala ang sarili mo.” Napapailing si Florencia habang inaayos ang mga dala nitong pagkain at damit. “Ang anak ko, halos hindi na natutulog. Isang iglap lang, baka ikaw naman ang bumagsak.”
Ngunit hindi iyon ang iniisip ni Angelie. Lahat ay gagawin niya—basta magising lang ang asawa.
Maya-maya’y napayakap siya sa ina. Mahigpit. Marubdob. Isang yakap ng isang anak na sawang-sawa na sa sakit at pangambang araw-araw niyang tinitiis.
“Mama... kung hindi po kayo dumating... ewan ko kung kinaya ko pa.”
“Ssshh... ’wag ka nang magsalita pa, anak. Narito kami ng Papa mo. Hindi ka nag-iisa. Hinding-hindi ka namin pababayaan,” mahinahong wika ng ina habang hinahaplos ang likod niya.
Napaluha si Angelie. Tila pinalaya ng yakap na iyon ang lahat ng bigat na matagal na niyang kinikimkim.
Ngunit ang katahimikan ng kanilang sandali ay biglang gumuho.
“Ehem. Ano’ng drama na naman ’to?”
Malamig. Matulis. Mapanliit.
Pumasok si Donya Clemente—naka-designer na damit, may mamahaling bag, at may dalawang bodyguard na parang bantay ng hari. Sa bawat hakbang nito, ramdam ni Angelie ang pagyurak sa dignidad nila ng kanyang ina. At tulad ng inaasahan... hindi na naman ito nagpalampas ng pagkakataong manakit.
“Sige, ikalat ang kahirapan ninyo sa buong ospital,” sarkastikong wika ng donya, sabay spray ng alcohol sa hangin—at sa mukha mismo ni Aling Florencia.
Napapitlag si Florencia. Napapikit. Ngunit nanatili siyang tahimik.
“Gold digger. Social climber. Gagawin n’yo ang lahat para sa pera, ano? Hindi pa kayo kuntento sa yaman ng anak ko?”
“Donya...” mahina at nanginginig na ang tinig ni Angelie.
“Anong donya? Hindi ako titigil hangga’t hindi nawawala ang mga lintang katulad ninyo sa buhay ng anak ko!”
Hindi na nakatiis si Aling Florencia. Tumindig siya. Matapang. Buo ang loob.
“Patawad, Donya Clemente, pero hindi kami lintang gaya ng iniisip ninyo. Maaaring mahirap kami—oo. Pero pinalaki ko ang anak ko sa dangal at pananampalataya. Hindi namin kailanman pinangarap ang kayamanan ninyo.”
Napatigil si Donya Clemente. Isang kisapmata ng katahimikan. Ngunit mabilis din iyong napalitan ng apoy ng galit.
“Ang kapal ng mukha mong magsalita ng ganyan! Isa kayong malaking kasinungalingan sa buhay ng anak ko!”
“Hindi po namin pinili ang mangyari kay Michael. Mahal na mahal ng anak ninyo ang anak ko. At kahit hindi ninyo kami tanggap, kahit laitin n’yo pa kami sa harap ng maraming tao, hinding-hindi ko siya iiwan! Hindi ako kagaya ninyo na kayang tapakan ang sarili ninyong dugo dahil sa pride!”
“Lumayas kayo!” sigaw ng donya. “Lumayas kayong mag-ina!”
“Hindi po ako aalis dito. At kahit anong gawin ninyo, hindi ninyo kami kayang paalisin sa puso ni Michael,” mariing tugon ni Angelie, habang nangingilid ang luha. “Kung ayaw ninyo sa akin... patawad. Pero hindi ako aalis hangga’t hindi siya nagigising... hangga’t hindi niya ako mismong pinapaalis.”
Nagpalit ng tingin ang mag-ina. Napilitan silang umalis muna sa silid.
“Mama, pasensiya na po. Hindi ko sinasadyang madamay kayo sa lahat ng ito.”
“Huwag ka nang magsori, anak. Kung may kasalanan ako, ’yon ay ang hayaan kitang pumasok sa mundong ginagawang basura ang mga taong katulad natin.”
Nagkatahimikan.
“Uuwi na tayo, anak,” bulong ni Florencia.
Napasinghap si Angelie.
“H-hindi ko po siya kayang iwan, Mama...” Tinakpan niya ang bibig. “Mahal ko po si Michael. Hindi ko puwedeng sukuan ang taong kailanman ay hindi ako sinaktan... na kahit bumaliktad ang mundo, ako pa rin ang pinipili. Kung may kasalanan man siya... hindi niya ako pinabayaang masaktan.”
Tumango si Florencia, bagama’t bakas sa mata ang pag-aalala.
“Ipaglalaban mo pa rin, kahit sugatan ka na?”
“Dahil mahal ko siya, Mama. At hindi ako papayag na siya ang gisingin ng galit. Ako ang gusto kong makita niya. Ako... ang dapat niyang maramdaman pagdilat niya.”
Ilang saglit ang lumipas.
Pagbalik ni Angelie sa silid, nasa labas pa lamang siya mg silid narinig na niya ang tinig na matagal na niyang inaasam marinig.
“Angelie? Wife...? Nasaan ka?”
“Son. . . Michael. Mommy is here. Huwag mo nang hanapin ang asawa mo. Wala siya rito. Hindi na siya ba—,” buhay sa narinig ni Angelie na saad ni Donya Clemente. Hindi na niya iyon pinatapos at kaagad na pumasok sa silid.
Halos mabitawan niya ang hawak niyang tubig. Kahit nanlalabo ang mga mata dahil sa paglaglag kanyang mga luha tinakbo niya ang kinaroroonan ng asawa.
Wala siyang pakialam kung natabing niya ang Donya. Hindi siya makapapayag na sisiraan siya sa kanyang asawa.
“Michael?” napaluhod siya sa tabi nito. “Michael, honey... gising ka na...”
“Nasaan ka...? Bakit wala akong makita?”
Napatigil ang mundo.
Hindi siya makapagsalita.
Napakapit siya sa dibdib, pinipigilan ang pagsabog ng damdamin. Tila isang basag na salamin ang puso niya. Nagising na nga ang asawa niya...
Nagpupumilit itong kumilos ngunit dahil marami pangnakakabit na wire na hirapan ito.
“Son . . . stay calm. Don't worry, everything will be alright,” sabad ni Donya Clemente. Ngunit tila wala man lang narinig ang gobernador.
“Bakit... bakit wala akong makita, honey Angelie,” patuloy na pagtawag ni Michael sa kanyang pangalan.
Hindi na niya napigilan ang pagbagsak ng luha. Tinakpan ni Angelie ang kanyang bibig gamit ang kanyang mga palad. Pinipilit pigilan na marinig ng kabiyak ang tunog ng kanyang mga hikbi. Ayaw niyang na nasasaktan siya sa nakikita niya ngayon. Mariin at mahigpit na hinahawakan ni Angelie at inikinuloh sa kanyang mga palad ang malaking kamay ni Michael. At buong ingat niyang hinagkan iyon.
“M-Michale, H-Honey... ako ’to...” garalgal ang kanyang tinig sa pagtawag sa pangalan ni Michael. Pilit niyang pinapatatag ang tinig ngunit ang pag-agos ng kanyang mga luha hindi kayang pigilin. Kusa na lamang itong dumadaloy sa kanyang mga pisngi.
Sa pagkakataon na ito magkahalong saya at awa ang kanyang nararamdaman. Masaya dahil sa wakas nagising na si Michael mula sa ilang buwang pagka-comatose at malungkot dahil labis siyang nasasaktan sa kanyang nakikita ngayon.
Hindi naman lingid sa kaalaman nila na may malaking posibilidad ang pagkabulag ni Michael. Kina-klaro na iyon ng doktor. Ngunit pilit niyang tinatanggap at sinasabi sa sarili na hindi baleng mabulag si Michael ang mahalaga magigising at makakasama niya ito hambuhay. Handa siyang pagsilbihan ang kanyang esposo ngunit wala pa mang kompirmasyon mula sa doktor kung tuluyan bang mabubulag si Michael tila sinasaksak na makailang beses ang dibdib ni Angelie. Ngayon pa lang nasasaktan siya sa kanyang nakikita. Paano na kaya kung magkatotoo ito. Pero walang araw siyang hindi na nagdadasal na sana hindi mabubulag ang asawa.
“Angelie, honey. Bakit ang dilim? Bakit wala akong makita?” muling tanong ni Michael. Napalunok siya ng laway. Hindi niya alam kung paano sasabihin na kasamang natamaan ng bubog ang mga mga mata.
“M-Michael, honey. Please, relax. May bandage lang ang mga mata mo kaya hindi ka nakakakita. Tatawagin ko lang muna ang doktor,” malumanay na tugon ni Angelie. Kaagad na binitawan niya ang kamay ni Michael para tawagin ang doktor pero pilit iyong inaabot ni Michael.
“No! Please. . . don't leave me. Huwag kang aalis. Dito ka lang honey,”
Napatingala siya sa kanyang biyenan.Makikiusap sana siyang kung puwede tawagin ang doktor ngunit kaagad na tinaasan siya ng kilay. Hindi pa rin maitago ang inis kahit na sa kabila ng kalagayan ni Michael.