Naglalakad na siya pauwi at ang mata ay sa dinaraanan lang nakatingin at hindi din nakikita ang buong mukha niya dahil sa hoodie niyang suot.
Habang naglalakad siya ay may isang lalaki ang nagsalita mula sa likuran. "Sandali!"
Napahinto siya sa paglalakad. "Alam mo ba kung ano ang nangyayari pag dito ka sa mismong teritoryo ko dumaan?"
"Hindi," saad niya.
"Hindi na sila nakakauwi ng walang dugo sa katawan." Dinig niya ang bahagya nitong pagtawa.
Umayos siya ng tayo. "Alam mo rin ba ang mangyayari sayo pag hindi mo ako pinadaan sa tinatawag mong teritoryo?"
"A ba't ang tapang mo, mukhang dayo ka lang dito hindi mo alam kung sino ang kinakausap mo!"
"Mukhang hindi mo rin—" At humarap siya sa lalaki sa likuran niya. "Alam na kaya kong baliin ang buto mo sa katawan ng ilang segundo lang." Sabay ngisi niya dito at sa punto na 'yon bahagyang napa-atras ang lalaki dahil mukhang nakilala nito kung sino ang pinagbantaan niya.
Ngumiti ito ng alanganin. "Ikaw pala 'yan—Adira." Makikita rin kung paano nag-iba ang itsura nito kanina na isang matapang, ngayon ay parang maamong tupa.
"Oo ako nga, subukan mo ulit manakot ng magdadaan rito. Kahit saan ka pa pumunta matatagpuan pa rin kita. Kaya pagbilang ko ng tatlo dapat ay wala ka na rito!"
Bubuka pa lang ang bibig niya, pero mabilis na itong tumakbo. Napakunot ang noo niya. "Tsk lalaking tao, pero duwag." Umiling-iling ang ulo niya at nagpatuloy ng maglakad pauwi.
Malapit na si Adira sa warehouse kung saan doon siya nakatira ng may bumati sa kanya habang naglalakad.
"Adira saan ka galing?" tanong nito kay Adira at sa itsura nito ay nasa 60 years old na.
"Diyan lang sa malapit, kumain."
"Ganon ba." May kinuha ito na isang sobre sa bulsa ng pantalon. "Bagong kliyente pag-aralan mong mabuti ang problema niya kung gusto mong gawin ang nakasaad diyan sa sobre."
Kinuha niya ito at lumakad na muli, pero itinaas niya muna ang kaliwang kamay niya na ibig sabihin ay aalis na siya.
Isang iling lang ang ginawa ng lalaki na ang pangalan ay Simon. Ito ang kasama lagi ni Adira sa tuwing may gustong kumuha ng serbisyo ni Adira, ngunit hindi basta-basta ito napapasagot ng oo, dahil may condition siya sa tuwing may gustong kumuha ng serbisyo niya. Kailangan munang magbigay ng detalye ang kliyente sa problema at kung paano ang gagawin ni Adira. Pero pag hindi ito nagustuhan ni Adira ay hindi niya ito tinatanggap kahit pa malaking pera ang offer sa kanya. Hindi porke't isa siyang gangster ay wala na siyang puso pag masyadong brutal ang gustong ipagawa ng kliyente sa isang tao, automatic hindi ang sagot niya at pinupunit niya ang sobreng ibinigay ni Simon pag ganun ang gustong mangyari ng kliyente.
Habang pinagmamasdan ni Simon si Adira na naglalakad palayo ay biglang tumunog ang cellphone niya hudyat na may tumatawag at alam niyang kliyente ito dahil mga kliyente lang ni Adira ang tumatawag sa telepno niya madalas. "Hello! Anong misyon ang gusto mong ipagawa?" saad kaagad ni Simon, pero ang kabilang linya ay hindi muna sumagot.
Nagtaka siya at tiningnan muli ang screen ng telepono, pero hindi pa rin naman pinapatay ng caller ang tawag kaya nagsalita siya ulit. "Hello! Kliyente ka ba? Kung hindi ay baka wrong number ka ng tinawagan." Papatayin na sana ni Simon ang tawag ng nagsalita ang tao sa kabilang linya.
Napakunot ang noo ni Simon sa sinasabi ng caller, nakinig lang siya at hindi muna nagsalita, pero ilang minuto lang ay mukhang may nasabi ang caller kaya napasagot si Simon ng, "Hindi ko sigurado kung tatanggapin niya ang alok mo, pero kung gusto mo talaga siyang maka-usap ay hindi puwede, ako lang ang maaari mong maka-usap at sasabihin ko na lang sa kanya ang gusto mo, pero ang maka-usap siya ay imposible." Napahinto saglit si Simon at napabuntong-hininga sa sinabi ng tao sa kabilang linya. "Okay sige gagawa ako ng paraan. " Pinatay na niya ang tawag at tumingin ulit sa daan kung saan ang direksyon ng pauwi sa bahay ni Adira.
Naka-uwi na si Adira sa bahay niya na isang warehouse, isa itong lumang warehouse kaya dito na lang siya nagdesisyon na tumira. Isang parte lang naman ng warehouse ang sakop niya dahil sobrang laki. Tama na sa kanya ang maliit na space para sa kwarto at lutuan. Mayroon siyang matinong bahay na puwedeng uwian, pero hindi niya na kayang tumira pa doon dahil sa kapatid niyang laging may sama ng loob sa kanya at hindi niya alam kung bakit, kahit pa nabubuhay ang ama at ina nila ay hindi na sila magkasundo gayong iisang dugo lang naman ang dumadaloy sa ugat nila. Hindi niya maisip na baka inggit dahil parehas naman silang mahal ng magulang nila kaya pala-isipan pa rin sa kanya ang lahat. Nang ilang araw na ang nakakalipas na nailibing na ang kanilang mga magulang ay mas lalong lumala ang galit nito sa kanya at minsan ay nauuwi pa sa pagkakaroon niya ng mga sugat dahil halos itulak, sabunutan, at balak pa ata siyang patayin ng mga panahon na 'yon. Marunong naman na siyang makipaglaban noon dahil nag-uumpisa na siyang turuan ni Simon, pero pinili niya pa ring huwag gumanti dahil mas matanda ito sa kanya, at kapatid pa niya, kaya umalis na lang siya ng bahay nila at namuhay ng mag-isa. Wala na rin siyang balita pa sa kanyang kapatid dahil simula ng umalis siya ng bahay ay tinuon niya ang oras at isip niya sa pagsasanay pa para maging isang ganap na gangsters at tumanggap ng mga mission na puwede siyang kumita ng pera, pero ang misyon na tinatanggap niya ay walang halong paglabag ng batas at tanging mga madadaan pa sa usapan, pero kung kailangan talagang lumaban ay ang dalawang kahoy na laging nasa kanyang likuran ang gamit niya.
Napailing si Adira at pilit na kinakalimutan ang nakaraan na nangyari sa kanya at libangin na lang ang sarili, dahil matagal pa ang pagsapit ng gabi.
Kinagabihan ay maagang natulog si Adira dahil pagod na pagod siya ng gabi na 'yon, kaya hindi niya naramdaman ang mga misteryosong mga tao na pumasok ng bahay niya.