Ang Babae Sa Karinderya
Sa isang maliit na karinderya ay may iilan na kumakain dahil hindi pa naman oras ng tanghalian ng oras na 'yon. Pumasok ang isang babae na naka-itim na hoodie, ripped jeans at rubber shoes. Tahimik lang itong pumunta kung nasaan ang kaldero na may laman na mga ulam. Pagkatapos ay umupo na ito sa isang sulok at muling inilagay ang hood ng jacket niya sa kanyang ulo at nilagay ang kamay sa bulsa nito.
Habang hinihintay niya na ilagay ng tauhan ng karinderya ang mga pinili niyang mga ulam at kanin ay napagawi ang tingin niya sa isang lalaki at sa mismong tindera na mukhang hindi maganda ang pag-uusap.
"Anong hindi pa ako nagbabayad? Inabot ko na kanina ng pumupili ako ng kakainin ko!" may kalakasan na sigaw ng lalaki.
Mahinahon naman na sinagot ito ng tindera. "Hindi po kami kumukuha ng bayad hanggang hindi pa po tapos ang mga kumakain, pagkatapos lang kumain ng customer saka lang po namin kukuhanin ang bayad. Kaya paano niyo po nasabing binigay niyo na?"
"A basta binigay ko na 'yong bayad kanina, masyado kasi kayong madaldal kaya hindi niyo napansin!"
"Mayroon po kaming ibang kasama dito at sila po ang tumitingin kung sino ang nagbayad o hindi nagbayad, kaya kung maaari lang po ibigay niyo na po ang bayad. Tapos naman na po kayong kumain."
Binagsak ng lalaki ang kamay niya sa ibabaw ng lamesa kaya mas lalong umingay sa puwesto nila, kaya ang ibang customer ay bahagyang natakot lalo pa't ang laki ng katawan ng lalaki at mukhang lasinggero pa. "Basta sinabi kong nagbayad na ako, nagbayad na ako!"
"Kung ayaw niyo pong magbayad mapipilitin po kaming magreklamo sa police," saad pa rin ng tindera ng mahinahon kahit pa hindi na maganda ang pinapakita ng kausap niya.
Galit itong tumingin sa tindera at akma sanang itataob ang lamesa papunta sa tindera ng may isang kamay ang pumigil rito.
"Malaki na ang atraso mo sa hindi pagbabayad ng kinain mo. Tapos maninira ka pa ng pagmamay-ari nila." Ngumisi siya kahit pa hindi masyadong kita ang mukha niya tanging ang mga labi niya lang. "Sumusobra ka naman ata." Tumingala siya at tiningnan ng walang anumang emosyon sa kanyang mukha ang lalaki.
Pilit inaalis ng lalaki ang kamay niya, pero hindi nito magawa. "Ano bang pakialam mo? Puwede bang huwag kang makisali rito!"
Tumingin siya sa tindera at nakita niyang pagod na rin ito, dahil sa madalas siyang kumakain rito. Ito rin kasi ang nagluluto ng mga binebenta nito tapos may mga taong matapang pa na hindi magbayad gayong kinain na nila ang pinaghirapan nitong lutuin.
"Magbayad ka na lang ng matapos na," mahinahon niyang saad.
Ngumisi ito. "Sadyang mga tanga lang ang mga tindera rito, kaya hindi nila napansin na nagbayad na ako."
"Miss totoo ba yung sinabi niya?" tanong niya sa tindera.
Umiling ito ng ilang beses at makikita sa mukha nito na hindi ito nagsisinungaling. "Hindi. Kung ako ang nagkamali hindi na ko makikipagmatigasan sa kanya ng ganito."
Lumingon siya muli sa lalaki. "Paano ba 'yan, ikaw pala ang sinungaling rito."
Kumawala ang lalaki sa hawak niya at sinubukan siyang itulak nito, kaya naman mabilis siyang umilag at ito ang sumubsob sa sahig. Tumayo muli ito at sinubukan muli siyang patamaan gamit ang kamao, pero kalmadong umiilag lang siya na parang may bagay lang na iniiwasan base sa galaw niya na parang naglalaro lang. Sa isang suntok na ipapatama nito sa mukha niya ay agad siyang kumilos at pinatamaan ang sikmura ng lalaki ng kamao niya na muntik ng sumuka sa lakas ng pagkakatama. Kinuha niya ang dalawa niyang wooden stick mula sa likod na nakatago sa loob ng jacket niya na may 2 inch lang ang nakalabas.
Itinapat niya ito sa mismong mukha ng lalaki. "Magbabayad ka ba o hindi? Gusto mo atang umuwing lumpo. Sa katawan mo ay kaya mo namang magtrabaho pero andito ka para magsimula ng gulo."
Nakipagmatigasan ito kaya isang hampas sa tuhod nito ang pinakawalan niya kaya naman kaagad itong napaluhod. Sa itsura ng lalaki halatang nasaktan ito sa isang malakas na hampas galing pa sa isang babae. "Oo na — magbabayad na ko," sa nahihirapang boses na saad nito.
"Gusto mo pa yung nasasaktan bago ka umamin." Binalik niya na ang dalawang wooden stick sa likod niya.
Tumayo ang lalaki at mabilis na nagbayad sa tindera na mukhang may sukli pa, pero nagmamadali na itong umalis.
"Okay lang po ba kayo?" tanong niya.
Tumango ang tindera. "Salamat sayo iha, ikaw ayos ka lang ba?"
"Huwag niyo po akong alalahanin kaya ko po ang sarili ko."
Humingi ng pasensya ang tindera sa iilang customer na kumakain. "Pasensya sa konting gulo, puwede niyo ng ituloy ang pagkain niyo." Bumalik ang mga ito sa lamesa na malapit lang sa kung saan naka-upo ang lalaki kanina.
Tumingin ang tindera sa isang lamesa sa isang gilid. "Puwede ka ng umupo sa puwesto mo. Ipapadala ko na lang ang mga pinili mong kainin. Salamat ulit." Hinawakan muna nito ang kamay niya bago siya umalis at bumalik sa lamesa niya kanina.
Ang lalaking nakaharap niya kanina ay mukhang bago lang sa lugar na 'yon dahil walang takot itong sinubukan siyang saktan.
Siya si Adira ang gangster na madalang makitaan ng emosyon tanging pagkunot ng noo at pagngisi lang ang pinapakita nito sa ibang tao lalo na sa mismong mga kalaban niya. Sa oras na marinig pa lang ang pangalan niya ay wala ng ibig pang kumalaban sa kanya maliban sa mga baguhan na mga gangster sa lugar nila. Sa sandali na inilabas niya na ang kanyang dalawang wooden stick ay parang nag-iibang tao siya. Pero malaking palaisipan sa iba kung bakit ganun na lang ang takot ng lahat sa kanya kahit nag-iisa lang siya at isang babae pa.
Ibinaba ng isang tauhan ng karinderya ang pagkain niya. "Salamat," saad niya at nagsimula ng kumain dahil kailangan niya ng makauwi kaagad.
Pagkatapos kumain ay ibinaba niya lang ang bayad sa lamesa at tumingin sa puwesto ng tindera. Nakita siya nito at tumango lang siya bago umalis. Kabisado na siya ng mga ito dahil matagal na siyang kumakain sa karinderya nila, kaya sa oras na tumayo siya at tumingin sa puwesto ng tindera ay alam na ng mga ito na ang bayad niya sa kinain ay nasa lamesa.