ELARA
Sa sobrang lakas ng sampal ni Mama ay pumaling ang mukha ko. Tila ba namanhid ang buong kaliwang pisngi ko sa lakas ng sampal niya. Hindi agada ko nakapag-react. Napahawak ako sa pisngi ko at nagtatakang tumingin sa kaniya dahil hindi ko alam kung bakit sinampal niya ako bigla.
Hindi pa naman niya alam, hindi ba? Kagabi ko lang nalaman kaya malabong alam na rin niya, lalo na at wala pa akong pinagsasabihan kahit na kanino tungkol sa kalagayan ko.
Pero natigilan ako nang makita ko ang pregnancy test kit na ginamit ko kahapon na nasa ibabaw ng pabilog at mababang table. Tinapon ko iyon sa basurahan sa banyo ko pero hindi inaasahan na mapupunta iyon sa kamay ni Mama dahil hindi naman siya pumapasok sa kwarto ko. Maaring isa sa mga kasambahay ang nakakita noon at binigay sa ina ko.
Ibig sabihin alam na niya. Kaya galit nag alit siya ngayon.
“Ma, let me explain.”
“Explain? Paano mo ipapaliwanag sa akin ang bagay na iyon? Buntis ka? Paano nangyari iyon? Sabi mo wala ka pang boyfriend kaya paano ka mabubuntis? Sa dami nang katangahang gagawin ang magpabuntis pa?!” malakas ang boses na saad niya. Tila ba rinig na rinig sa buong kabahayan ang sinasabi niya.
Nakita ko ang isang kasambahay namin na napahinto pa at napatingin sa gawi namin dahil sa lakas ng boses ng ina ko pero nagmamadali ring umalis.
“Ma, sorry,” iyon lang ang tanging nasabi ko.
Sorry kung nabigo ko siya. Kung disappointed siya sa akin ngayon. Lagi niyang sinasabi sa akin na kailangan kong patunayan na hindi ako pabigat sa pamilyang niya, kay Tito Victor. Hindi siya nagsasawang ipaalala sa akin na kailangang mataas ang marating ko, pero kaga-graduate ko pa lang at nabuntis na agada ko kaya hindi na ako nagtataka nag alit na galit siya sa akin ngayon.
“Sino ang ama?” matalim na tanong niya. “I want to talk to that man. Kailangang magpakasal kayo bago pa lumubo iyang tiyan mo. Hindi ka pwedeng maging kahihiyan, Elara,” may riin ang bawat salitang wika niya.
Kinakabahang tumingin ako sa kaniya. Hindi ko siya kilala. Maliban sa boyfriend siya ng isang sikat na artista pero kahit ang pangalan nito ay hindi ko inalam. Dahil iniisip kong mas mabuti pang hindi ko siya kilala at wala akong alam para kapag may nagtatanong sa akin, hindi ko kailangang magsinungaling.
Umiling ako.
“I don’t know him. It was a one-night stand, I am sorry,” pag-amin ko sa ina ko kahit na natatakot ako sa magiging reaksyon niya.
Makita ko ang mariing pagpikit ng ina ko bago siya naninigkit ang mga matang tumingin sa akin.
“Anong kagagahan ang ginawa mo? I always told you to behave! One-night stand? Hindi kita pinalaking malandi!” sigaw niya sa akin. Lumalabas na ang litid niya sa leeg at noo sa sobrang galit niya.
Muli sana niya akong sasampalin kaya mariin akong napapikit pero walang kamay na tumama sa mukha ko kaya muli akong nagmulat.
Nakataas pa sa ere ang kamay ng ina ko. Hanggang sa ibaba niya iyon.
Malamig ang tinging pinupukol niya sa akin.
“Ma, sorry… alam kong galit kayo, pero huwag kayong mag-alala. Gagawin ko ang lahat para buhayin ang anak ko. Magtatrabaho ako. Hindi—”
“Leave.”
Bigla akong natigilan sa sinabi niya. Malamig ang pagkakasabi niya noon. Walang kahit na anong emosyon ang makikita sa mukha niya. Habang ako naman ay hindi makapaniwalang tumingin sa kaniya.
Pinapalayas niya ako?
Nakita ko si Melly na bumababa ng hagdan habang may malaking maletang dala.
“Ma?”
“Kung hindi mo kayang ipakilala sa akin ang ama ng anak mo at wala kang maituturong ama. Lumayas ka. Hindi ko kailangan ng kahihiyan, Lara. Tapos na ang oblisgasyon ko sa iyo. Nakapag-aral ka na, kaya kaya mo na ang sarili mo. Lumayas ka ngayon din sa pamamahay ko. Huwag na huwag kang babalik hangga’t hindi mo nadadala ang ama ng batang nasa sinapupunan mo,” matigas na saad niya.
Nanlaglag ang balikat ko sa sinabi niya. Inaasahan ko nang magagalit siya pero hindi ko inaasahang palalayasin niya ako.
Hindi ba talaga niya ako mahal? Mula noong kunin niya ako sa ama ko, nagawa niyang ibigay ang lahat ng pangangailangan ko pero bawat kilos ko, nakabantay siya. Bawal akong magkamali, kailangang nag-e-excel ako sa lahat. Ginawa ko lahat ng utos niya, pero sa isang pagkakamali ko, hindi ko inaasahang magagawa niya akong itakwil.
Namasa ang mga mata ko habang nakatingin sa ina ko. Gusto kong magmakaawa sa kaniya pero tila napako ako sa kinatatayuan ko. Nasasaktan ako pero hindi ko magawang ipagtanggol ang sarili ko dahil alam kong may kasalanan din ako.
“Lumayas ka na, Lara. Ayaw na kitang makita pa. Wala akong pakialam kahit saan ka pumunta. Kahit bumalik ka pa sa ama mo. Basta huwag ka nang babalik dito. Nakakahiya ka, ipinagmamalaki kita palagi dahil matalino ka pero nabuntis ka ng walang ama. Hindi kita pinalaking pota!”
Tuluyan nang tumulo ang luha ko. Kinuha ko ang malaking maletang binaba ni Melly. Mukhang balak na talaga akong palayasin ng ina dahil nagawa na niyang ipahanda ang mga gamit ko.
Mukhang kahit lumuhod ako ngayon sa harap niya, hindi niya ako pakikinggan. Nasasaktan din ako sa mga salitang sinasabi niya. Hindi ako puta. Nagkamali ako, oo. Pero hindi ako puta gaya ng inaakala niya.
“I am sorry. Huwag kayong mag-alala. Mula sa araw na ito, hindi na ninyo ako makikita,” umiiyak na saad ko. “Pero sana dumating iyong araw na mapatawad ninyo ako. Hindi ko sinasadya. Hindi ko alam na mabubuntis ako, pero bubuhayin ko ang bata. Kaya kapag dumating na iyong araw na pinatawad ninyo ako, pwedeng-pwede ninyong dalawin ang apo ninyo…” Pinahid ko ang luha ko. “Salamat sa lahat, Ma. Mahal na mahal ko po kayo…”
Mabilis akong tumalikod habang hila-hila ang maleta ko. Nasasaktan ako. Parang pinipiga ang puso ko habang pumapatak ang luha ko, pero alam kong buo na ang loob ng ina kong palayasin ako.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Wala kaming ibang kamag-anak dito sa Maynila. Wala rin akong kaibigan na pwede kong takbuhan.
Naglalakad lang ako nang naglalakad. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Pinipilit kong huwag nang umiyak. Alam ko naman na wala nang magbabago kahit umiyak pa ako nang umiyak. Ang kailangan kong gawin ngayon ay maghanap ng matutulugan ko. Gumagabi na.
Hindi ko inaasahan na malalaman agad ng ina ko ang tungkol sa pagbubuntis ko. Si Tito Victor. Naalala ko ang sinabi niya na dadalo pa kami ng dinner. Hindi na ako makakapunta dahil sa nangyari.
Tumingin ako sa paligid. Maraming sasakyan. May mga ilang ilaw na nakabukas na. Rinig na rinig ko ang mga busina ng sasakyan sa kalsada. Ang mga taong nagmamadaling lumakad para makauwi na. Habang ako ay nakatayo lang at hindi alam ang gagawin.
Hanggang sa biglang tumunog ang phone ko kaya nagmamadali akong sinagot iyon.
Napatitig lang ako sa phone ko habang nakatingin sa numerong tumatawag ngayon. Si Papa.
Sa unang pagkakataon. Tinawagan niya ako. Sinagot ko ang tawag niya.
“Pa…” sambit ko sa pangalan niya. Muling tumulo ang luha ko. Para bang nakahanap ako bigla ng kamkampi.
“Anak, kumusta ka na? Pasensya ka na, ngayon lang ako tumawag. Miss na kita…”
Mabilis na pinahid ko ang luha ko. Mula nang kunin ako ni Mama. Hindi na ako nakabalik sa probinsya kung nasaan ang ama ko. Madalang rin siyang tumawag sa akin. Siguro ay swerte na kung tatawag siya sa loob ng isang buwan. Pero ngayong hindi ko alam kung saan ako pupunta, bigla siyang tumawag na para bang alam niyang kailangan ko siya.
“Sana, kahit isang beses umuwi ka rito. Alam kong hindi papayag ang mama mo, pero—”
“Uuwi ako,” mabilis na sagot ko at pinatay ang tawag.
Ngayon, alam ko na kung saan ako pupunta.
Ang sabi naman ni Mama wala na siyang pakialam kahit bumalik ako sa ama ko. Alam kong hindi magiging madali ang buhay ko kapag umuwi ako ng probinsya, pero kailangan kong lumayo.
Kailangan kong magtago. Hindi kay Mama, kundi sa ama ng pinagbubuntis ko. Dahil alam ko, kapag nalaman ng girlfriend niya ang tungkol sa akin. Baka hindi lang masasakit na salita ang makuha ko gaya kanina.
Dinama ko ang flat na tiyan ko.
“Kapit lang baby, kaya natin ito,” bulong ko.
Saka ako humakbang at pumara ng taxi para magtungo sa bus terminal patungong probinsya kung nasaan ang ama ko.
Kailangang maging matatag ako. Hindi para sa sarili ko kundi para sa anak ko.
Habang nakasakay sa kotse ay napatingin ako sa malaking billboard ni Katrina Lane. Mapait akong napangiti. Lihim akong humingi ng tawad sa kaniya. Wala siyang alam sa kataksilang ginawa namin ng boyfriend niya. Kaya kung kailangan itago ko ang anak ko para hindi makasakit ng iba, gagawin ko.
THIRD PERSON’S POV
“Pinaalis mo si Elara kung kailan kailangan natin siya?” galit na tanong ni Victor kay Eloisa.
Matalim na tumingin si Eloisa kay Victor.
“Buntis siya at hindi niya masabi kung sino ang ama. Hindi ba at ayaw na ayaw mong madudungisan ang pangalan mo? Kaya pinalayas ko na siya. Hindi ko kailangan ng suwail na anak,” matigas na sagot ni Eloisa.
Nangangalit ang bagang na tumingin si Victor sa sa asawa.
“Minsan, hindi ka talaga nag-iisip!” singhal nito.
Pero hindi man lang natinag si Eloisa. Sinalubong niya ang tingin ng asawa. Para sa kaniya, tama lang ang naging desisyon niya na palayasin si Elara.