ELARA
Matapos naming kumain ng lunch ni Yanna ay nagpaalam ako sa kaniya na pupunta ako ng comfort room. Hindi pa rin ako mapakali sa nalaman ko.
Nagi-guilty ako sa nalaman ko. Guilty sa ideyang may nangyari sa amin ng boyfriend ni Katrina Lane. Dahil cheating ang nangyari, yes, wala akong alam na may girlfriend siya, but he cheated with me.
Sa dami ng lalaki sa mundo. Bakit siya pa?
Boyfriend siya ng isang sikat na artistang iniidolo ng maraming tao.
At kapag may nakaalam na nabuntis niya ako. Sigurado akong puputaktihin ako ng mga basher. Napahawak ako sa flat kong tiyan, ang maging ang anak ko, siguradong madadamay.
Hindi ko na itinanong kung Yanna kung ano ang pangalan noong guy. Dahil pwede ko namang alamin online kung gugustuhin ko pero ayoko. Kapag ginawa ko iyon, siguradong mas madadagdagan ang curiosity ko.
Walang pwedeng makaalam kung sino ang ama ng pinagbubuntis ko. Natatakot ako sa maaring mangyari oras na malaman ng lahat ang totoo. Alam kong huhusgahan ako ng lahat, lalo na at sikat ang girlfriend niya.
Kahit magalit si Mama oras na malaman niya ang tungkol sa batang dinadala ko. Hinding-hindi ako magsasalita tungkol sa ama ng bata. Para sa mas ikakatahimik namin.
Kaya ko namang palakihin ang magiging anak ko. Alam kong mahirap, pero ayokong may makaalam kung sino ang ama ng anak ko.
Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Pakiramdam ko kahit wala namang nakakaalam sa nangyari ay mabubuko ako palagi.
Bumuga ako ng hangin mula sa baga ko saka ako bumalik sa table ko. Tapos na ang break kaya kailangan ko na ulit magtrabaho. Pero pabalik pa lang ako sa pwesto ko nang lumapit sa akin ang secretary ni Tito Victor. Pinapatawag daw ako nito sa opisina niya kaya agad akong nagtungo doon.
Agad na ngumiti si Tito Victor nang pumasok ako sa opisina niya.
“Sit.” Tinuro niya ang upuan sa harap ng table niya kaya naupo ako doon. “I will have a dinner tonight with Mr. Kim. You will go with me, kaya pwede kang mag-out ng maaga and then wear something nice for the dinner,” nakangiting saad niya.
Nagtatakang tumingin naman ako sa kaniya. Si Mr. Kim ang isa sa mga investor na alam ko ay nililigawan ng kompanya. Sigurado akong mahalaga ang dinner mamaya pero bakit kailangang kasama ako?
“Ako po?” tanong ko para makasigurado.
“Yes, para rin masanay ka na kung paano ba makipag-usap sa mga investor. Dahil hindi naman pwedeng simpleng office works lang ang maging trabaho mo. You are my daughter, you need a position, and in order to do that, you need to prove yourself first,” paliwanag niya.
Sinabi na rin niya sa akin na pansamantala lang ang posisyon na meron ako ngayon pero okay naman na ako sa trabaho ko.
Tumango ako. Hindi ko kailangan ng malaking posisyon sa kompanya. Pero tumataba palagi ang puso ko sa tuwing sasabihin niyang anak niya ako.
“Sige po.”
“Good.”
Matapos kong makipag-usap kay Tito Victor ay bumalik na ako sa pwesto ko.
Umupo ako sa harap ng computer ko at muling nagtrabaho. Kailangang matapos ko agad ang mga ginagawa ko dahil kailangan kong umuwi ng maaga. Formal dinner siguro ang pupuntahan namin kaya kailangan presentable ako.
Pero habang nagtatrabaho ay hindi ko maiwasang makaramdam ng antok. Ilang beses akong naghihikab at kinukusot ang mata ko upang magising ako.
“Okay ka lang? Parang namumutla ka na naman yata,” puna ni Yanna nang lumapit siya sa akin.
Pilit akong ngumiti sa kaniya at tumango.
Parang antok na antok ako. Pero hindi naman ako pwedeng matulog dahil may trabaho pa ako.
“Alam mo, baka kulang ka na sa dugo. Uminom ka ng iron supplement. Mahilig ka ba magpuyat?” tanong pa niya na parang doctor. “Kanina ko pa kasi napapansin parang antok na antok ka.”
“Medyo,” pagsisinungaling ko.
“Ayan, kaya siguro namumutla ka.”
“Baka nga,” pagsang-ayon ko na lang.
Muli akong bumalik sa trabaho ko. Hanggang sa dumating ang uwian. Nagmamadali na akong tumayo sa upuan ko matapos kong ligpitin ang table ko. Habang si Yanna naman ay nakita kong nakaharap sa maliit na salamin sa table niya at nagpapahid ng lipstick sa labi niya.
Nauna na ako sa kaniyang umalis. Dahil natatakam ako sa pinya mula pa kaninang tanghali ay dadaan muna ako saglit sa palengke. Mabilis lang naman ako at uuwi na rin. Alas singko pa lang naman, ang sabi ni Tito ay seven ang dinner kaya may time pa ako. Nagtungo ako sa tindahan ng mga prutas pero may komusyong nangyayari kaya hindi ako makadaan.
“Tingnan ninyo ang babaeng ito! Mang-aagaw siya! Isang kabit!” malakas na sigaw ng isang matabang babaeng nakahawak sa buhok ng isang maliit at payat na babaeng naka maiksi ng shorts.
“Marami na talagang makakati ngayon. Alam nang may sabit na sasawsaw pa rin,” rinig kong saad ng babaeng nasa unahan ko.
Binalya ng matabang babae ang babaeng sinasabunutan niya kaya napasalampak ito sa basang semento.
“Deserve,” saad naman ng isang manood.
“Kung ako, iyan. Kinalbo ko na iyan. Kapag mga malalandi, deserve talaga nilang mapahiya,” saad naman ng nasa may tabi ko.
Habang naririnig ko ang mga sinasabi ng tao sa paligid ko ay parang may tumatarak sa dibdib ko. Hindi para sa akin ang mga salitang sinasabi nila pero sigurado akong hindi lang ganoon ang mga salitang matatamo ko kung malalaman ng lahat na nabuntis ako ng boyfriend ni Katrina Lane. Lalo na at marami itong fans, baka kuyugin ako.
Hindi ko na nagawang bumili ng pinya dahil sa nangyayari. Parang pinamukha sa akin ng nasaksikan ko ang mangyayari kapag ako ang nasa sitwasyong ganoon.
Nagmamadali na akong umuwi sa bahay kahit pero pagdating ko ay nakita ko agad si Mama na nasa sala. Tila ba may hinihintay siyang dumating pero nang makita niya ako ay agad siyang tumayo sa pagkakaupo niya.
Nagtataka pa akong tumingin sa kaniya dahil tila ba galit na galit siya. May nagawa na naman ba akong mali para ikagalit niya?
Maayos naman nang pumasok ako kanina, pero sa tingin niya sa akin ngayon, para bang sasabog na siya.
“Ma—”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang isang malakas na sampal ang sumalubong sa akin.