ELARA’S POV
Agad nag-iwas ako ng tingin at kunwari ay hindi ko nakita si Sean na nakatingin sa amin.
Nagpaalam sa amin si Ashton kaya muli kaming naiwan nina Grace.
“Cute din iyang si Sir. Sure ka, hindi mo bet?” tanong niya sa akin.
“Tumigil ka nga. Sinabi ko na sa iyo, may-asawa ako,” giit ko sa kaniya.
“Alam mo, hindi ko alam kung paniniwalaan ko iyang sinasabi mo. Kasi kahit sino, wala pang nakakakita sa asawa mo,” sagot niya.
“Nasa abroad siya. Kailangan niyang makipagsapalaran doon para sa mga anak namin,” sagot ko sa kaniya.
“Sige na nga, maniniwala na ako,” pagsuko niya.
Nakahinga naman ako ng maluwag dahil sa sinabi niya. Pero kanina pa ako lihim na hindi mapakali dahil pakiramdam ko may nanonood sa akin.
Luminga ako sa paligid para hanapin ang mga anak ko. Kailangan na naming umuwi. Mag-aalas sais na ng hapon, magsisimula ang party ng alas syete. Pero wala na akong balak na bumalik pa. Mas mabuting manatili na lang kami sa bahay.
Kung alam ko siguro na nandito si Sean, hindi ko na talaga dinala ang mga bata dito. Pero ang magagawa ko na lang ay ilayo sila. Kaya muli akong pumasok sa loob ng mansion para hanapin ang mga anak ko.
“Ate Neng, nakita mo ba ang mga anak ko?” tanong ko sa isang kasambahay na nakasalubong ko.
“Ah, oo. Nandoon sa second floor sa living room. Kasama ang Don,” sagot niya.
Agad akong humakbang patungo sa malaking hagdan. Umakyat ako sa itaas para magtungo sa living room na nasa second floor, pero paliko pa lang ako nang mapahinto ako dahil nakasalubong ko si Sean.
Agad akong yumuko at umiwas ng tingin sa kaniya. Lalampasan ko na sana siya pero agad niyang hinawakan ang braso ko kaya napahinto ako at tumingin sa kaniya.
Pakiramdam ko, may kung anong nagwawala sa loob ng tiyan ko. Nagpa-panic ako.
“M-May kailangan ka ba?” tanong ko sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ko nang bigla niya akong isandal sa dingding.
“Are you sure, you don’t remember me?” malalim ang boses na tanong niya habang nakatingin sa mga mata ko.
Hinawakan niya ang baba ko para magpantay ang mga mata naming dalawa.
“Hin… hindi ko alam ang s-sinasabi mo,” nauutal na saad ko. Sinubukan kong umiwas ng tingin sa kaniya pero dahil hawak niya ang baba ko ay muli niya akong hinarap sa kaniya.
“You are stuttering, Elara,” saad niya habang seryoso ang mga matang nakatingin sa akin. “I know it’s you. I am not drunk that night,” bulong niya sa tenga ko.
Nahigit ko ang hininga ko at kinuyom ko ang mga kamay ko dahil sa sinabi niya. Matagal na iyon. Walong taon na ang nakakaraan, pero bakit natatandaan pa rin niya?
Sinubukan ko siyang itulak palayo pero hindi man lang siya natinag.
“Wala akong alam sa sinasabi mo,” matigas na tanggi ko. “Hindi kita kilala. Ngayon lang kita nakita.” Pinilit kong huwag mautal para ipakita sa kaniya na nagsasabi ako ng totoo.
“Really? Do you want me to do something for you to remember what happened that night?” muling tanong niya at para bang nagbabanta ang tingin niya sa akin.
Matapang na sinalubong ko ang mga mata niya kahit na malakas ang kabog ng dibdib ko dahil sa kaba.
“Gaya ng sinabi ko, wala akong alam sa sinasabi mo,” pagmamatigas ko sa kaniya. “I am sorry, Sir. Pero mukhang napagkakamalan lang ninyo akong kakilala ninyo, pero ngayon lang po talaga kita nakita. Dahil kung talagang nagkita na tayo dati, wala akong matandaan.”
Tumaas ang isang sulok ng labi niya bago siya lumayo sa akin. Humugot naman ako ng malalim na hininga.
“Then how will you explain that one of your kids has the same as mine? And do you know what my grandparents said awhile ago? They look like me,” diretsong saad niya.
Walang kahit na anong ngiti sa mga labi niya kaya hindi ko alam kung nagagalit ba siya o hindi.
Pinilit kong ngumiti kahit na parang sasabog na ang dibdib ko.
“Nakita ko po kasi ang larawan ninyo na nakasabit sa wall. Iyong family photo ninyo, palagi ko tinitingnan ang mga mata ninyo noong nagbubuntis ako. Pasensya na kayo kung napaglihihan ko kayo,” pagsisinungaling ko sa kaniya.
He chuckled and looked at me. Halatang hindi siya naniniwala sa sinasabi ko.
“Ang malas naman ng asawa mo kung ganoon. Siya ang ama pero ako ang kamukha ng mga bata,” mapang-uyam na saad niya.
Nanatili ang pilit na ngiti sa mga labi ko.
“Naiintindihan naman niya, kaya kung inaakala ninyong ako ang babaeng nakilala ninyo dati. Wala po akong alam sa sinasabi niyo. Baka kamukha ko lang po siya, pero hindi po ako siya.”
Naningkit ang mga mata niya dahil sa sinabi ko pero hindi siya nagsalita. Hindi ko alam kung bakit umuwi siya bigla, pero kailangan kong panindigan ang kasinungalingan ko. Hindi niya pwedeng malaman ang totoo. Siguro naman aalis din siya, kaya kailangan ko lang siyang iwasan pero paano ko gagawin iyon kung siya ang kusang lumalapit sa akin.
“Kung wala na po kayong sasabihin, excuse me po,” saad ko at mabilis na siyang iniwan. Agad akong nagtungo kung nasaan ang triplets at naabutan ko si Mathew na nagtatalon sa sofa sa living room habang si Mathias naman ay nakikipag-usap sa matandang Don. Si Matheo ay may hawak na libro.
Agad silang napalingon sa akin.
“Uuwi na po kami,” saad ko kay Don Gustavo.
“Babalik kayo mamaya.”
Tumango ako sa kaniya pero wala na talaga akong balak na bumalik. Magdadalihan na lang ako kapag tinanong niya ako kung bakit wala ako mamaya sa party.
“Sige, ipapahatid ko na kayo para hindi na kayo maglakad pauwi,” aniya pa.
“Si Sean na lang ang maghatid sa kanila, wala namang ginagawa ang apo mo. Si Ashton kasi ay pagod pa iyon dahil galing pa siya sa taniman,” singit ni Ma’am Amelia.
“Hindi na po, sasabay na lang po kami kay Tatay,” tanggi ko.
“Pero may pinapakuha pa kasi ako sa tatay mo. Baka hindi pa agad iyon makabalik,” sagot niya at ngumiti kay Mathew na naupo ngayon sa tabi niya.
“Pero nakakahiya naman po. Kadarating pa lang ng apo ninyo. Baka pagod pa siya sa byahe. Saka baka nakakaabala po kami sa kaniya.”
Hindi pwedeng si Sean ang maghatid sa amin. Mas okay pa kung si Ashton dahil kilala na siya ng mga anak ko.
“Hindi kayo nakakaabala. Ako na ang maghahatid sa inyo,” biglang saad ni Sean mula sa likuran ko kaya nahigit ko ang hininga ko.
Mabilis namang kumilos ang mga anak ko pagkarinig ng sinabi ni Sean.
“Uuwi na po kami,” paalam ni Matheo sa dalawang matanda.
“Salamat po sa cookies, masarap,” saad naman ni Mathew.
Habang si Mathias ay may binulong sa Don na ikinatango ng matanda.
“Let’s go na po, Sir Sean,” saad ni Mathias at nauna na siyang lumakad palabas ng living room.
Humawak naman si Mathew sa kamay ni Sean.
Nagpaalam akong muli sa dalawang matanda bago napipilitang sumunod sa mga anak ko at kay Sean.
“Pogi po pala kayo sa personal, pero mas pogi pa rin ako,” saad ni Mathew habang magkasabay silang naglalakad pababa ng hagdan.
Humawak naman si Matheo sa kamay ko kaya napatingin ako sa kaniya. Agad akong ngumiti sa kaniya.
“Okay lang po ba kayo?” nag-aalalang tanong niya.
“Oo naman,” sagot ko.
Pero pakiramdam ko hindi na ako humihinga habang nakikita ko si Mathew at Sean na nag-uusap. Bakit ganito kabilis ang progress?
Paano ang balak ko na iwasan siya kung kusa siyang lumalapit sa akin?
Nakita ko ang ilang kasambahay na napapatingin sa amin. Marahil ay nagtataka sila kung bakit si Sean ang maghahatid sa amin.
May iba namang driver sa mansion, pero bakit kailangang siya pa ang maghatid?
Mas kinakabahan ako ngayon dahil kasama namin ang mga anak ko.
Namin…
THIRD PERSON’S POV
“Sa tingin mo mahahalata ng apo natin?” tanong ni Amelia sa asawa niya nang makaalis na sina Sean.
“Matalino naman ang apo mo. Tayo nga napansin natin ang bagay na iyon,” sagot ni Gustavo.
Nagkatinginan ang mag-asawa at napangiti sila sa isa’t isa. Nag-imbestiga na sila kaya alam na nila ang totoo. Napatunayan na nilang tama ang hinala nila, pero hahayaan nilang matuklasan iyon ng kusa ng apo nila.