Chapter 2

3022 Words
CHAPTER two   “O, BAKIT ka bumalik?” tanong ni Ada kay Arthur Franz pagpasok ng binata sa opisina. Hindi sumagot ang amo. Sa halip ay tuloy-tuloy lang na naglakad, saka umupo sa swivel chair nito. “Paano? pupuntahan mo na ba `yong ibang appointments mo?” tanong ni Ada. Hindi pa rin tumugon si Arthur Franz. Abala ang lalaki sa pagkutingting sa cell phone nito. Para siyang kumakausap sa hangin. “Nice talking,” parinig ni Ada ngunit dead-ma pa rin si Arthur Franz. Ano ba ang problema ng lalaking ito? Himala, hindi ako iniinis. Kung ganito ba lagi, okay na okay sana… Sumapit ang lunch break. Mabilis na kinuha ni Ada ang kanyang bag at saka tumayo. Gutom na talaga siya. Hindi siya nakapag-almusal kaninang umaga at hindi rin nakapag-coffee break man lang dahil sa dami ng trabahong dapat niyang tapusin. “Saan ka pupunta?” Tumaas ang isang kilay ni Ada, napatigil din siya sa paghakbang. “Aba! nakakapagsalita ka pala? Akala ko kanina, napipi ka na, eh.” “Sagutin mo ang tanong ko!” “Bakit ko sasagutin ang tanong mo? Sinagot mo ba ako kanina?” aniya at tumalikod na. Huwag itong loloko-loko sa kanya at talagang gutom na talaga siya. Magbiro na si Arthur Franz sa bagong gising huwag lamang sa gutom na tulad niya dahil nakakainit ng ulo! “Adallene!” Lumingon siya. “Masakit sa tainga, Franz.” Binelatan niya ang lalaki bago tuluyang umalis. Tinawag niya ang amo na “Franz.” Tanging pamilya lang ng lalaki ang tumatawag dito ng ganoon. Hindi niya alam kung bakit iyon din ang tawag niya sa lalaki. Hindi naman siya sinita nang unang beses niyang tawagin ang lalaki sa ganoong pangalan. Sa mga kaibigan nito, ito si “Art.” Ang Arthur Franz ay pinagsamang mga pangalan ng mga magulang nito—“Arthuro” at “Frances.” Tuloy-tuloy nang lumabas ng pinto si Ada.   “BIBITAYIN ka na ba? Kung makakain ka, parang last meal mo na `yan, ah.” Muntik nang mabulunan si Ada nang marinig ang boses ni Arthur Franz. Walang paalam na umupo ang lalaki sa katapat na silya ng mesang inookupa niya. Maagap na inabutan siya ni Arthur Franz ng tubig. “Gusto mo talaga akong mamatay, ano?” singhal ni Ada nang makabawi. “Hey, easy. Bakit nga ang dami mong pagkain?” tanong ni Arthur Franz na iminuwestra pa ang mga pagkain sa mesa. Chicken barbecue at kalahating kanin lang naman iyon. Ang marami ay ang iba’t ibang fresh fruits. Mahilig kasi siya sa prutas at kapag gutom siya ay talagang nilalantakan niya ang mga iyon. Isang himala na hindi nagloloko ang kanyang tiyan kahit halo-halong prutas ang kainin niya. Pinalo ni Ada ang kamay ni Arthur Franz nang akmang kukuha ang binata ng strawberry. “Ganito talaga akong kumain. Ano ba’ng pakialam mo? Umalis ka sa harap ko, naiistorbo mo ang pagkain ko.” “Hindi ka nag-breakfast, `no? Bakit hindi ka nag-break kanina? O kahit hindi breaktime, dapat kumain ka,” nakakunot-noong wika ni Arthur Franz. Ngumisi si Ada. “Concern ka? Sa pagkakatanda ko, santambak na trabaho ang iniwan mo sa akin dahil inuna mo ang mga kaibigan mo.” Hindi naman siya galit sa mga kaibigan ng lalaki, sa katunayan ay hinahangaan niya ang mga iyon. Ang mga taong iyon pa nga ang nauunang kumausap sa kanya kapag nakikita siya sa kahit saang lugar. “Ikukuha kita ng assistant,” bigla ay sabi ni Arthur Franz. Natawa si Ada. “Secretary na may assistant? Nagpapatawa ka ba, Franz?” “Kailan ba ako nagbiro?” Natigilan si Ada. Lahat nga ng sinasabi ng lalaki ay ginagawa nito. “Subukan mo,” banta niya. “Talagang gagawin ko,” kampanteng wika ni Arthur Franz. Bago pa niya nasaway ang lalaki ay nakakuha na ito ng isang hiwa ng pinya mula sa plato niya. “Aba’t—” Huminga nang malalim si Ada. “Kailan mo ako ikukuha ng assistant?” “Bukas na bukas din.” Tumayo na si Ada. “Good. May makakapalit na ako, puwede na akong umalis. Expect my letter of resignation on your table first thing tomorrow morning.” Magre-resign na nga lang siguro siya kaysa sa hintaying patalsikin siya ng lalaki. Pinigilan siya ni Arthur Franz sa braso. “Hindi ka pa tapos kumain.” “Nandiyan ka kasi, nawalan na ako ng gana.” Pumiksi si Ada upang makakawala kay Arthur Franz. “Masyado kang high blood, Ada.” Tumayo si Arthur Franz. “Sige na, tapusin mo na ang pagkain mo. Bukas, hindi ka puwedeng pumasok nang hindi kumakain o kaya ay nagbe-break. Hindi mo siguro gugustuhin na dalhan ka lagi rito ni Mama ng pagkain.” Pagkasabi niyon ay umalis na ang lalaki. Nasundan na lang ni Ada ng tingin ang papalayong bulto ni Arthur Franz. Kinabukasan ay siniguro ni Ada na mag-almusal muna siya bago pumasok sa trabaho. Himala ng mga himala ngunit sa unang pagkakataon ay naging tahimik ang buong araw niya. Hindi siya ginulo ni Arthur Franz. Tahimik na nagtrabaho ang binata at sinunod ang lahat ng appointment na naka-schedule nang araw na iyon para dito. Sumapit ang lunch break. Subsob pa rin ang lalaki sa trabaho. Patingin-tingin si Ada sa orasan. Mukhang walang balak si Arthur Franz na kumain. “Boss, lunch break na,” hindi napigilang isatinig ni Ada. “Go ahead. Marami pa akong tatapusing trabaho.” “Okay.” Tumayo na si Ada. Pakialam ba niya kung ayaw kumain ni Arthur Franz? “Ada…” “O, bakit?” “W-wala.” “Ang labo mo, Boss.” Lumabas na siya.   PASAKAY na si Ada sa kanyang kotse nang hapon na iyon nang lumapit sa kanya si Arthur Franz. Tila kanina pa ang lalaki roon. “Iwan mo na ang kotse mo. Sa akin ka sasabay. Hinihintay ka ni Mama sa bahay. As usual, dinner,” anito na mababakas ang kapaguran sa hitsura, wala na sa ayos ang tie at magulo ang buhok. Aware kaya ang lalaki sa hitsura nito? Bahagyang ipinilig ni Ada ang ulo. Bakit ba niya pinagkakaabalahang punahin ang hitsura ni Arthur Franz? “Himala! Isasabay mo ako?” nakangising tanong ni Ada. “Pakisabi na lang kina Tito at Tita na pass muna ako. Ah, huwag na. Tatawag na lang ako sa bahay ninyo.” Pilit niyang pinasisigla ang boses kahit ang totoo ay kanina pa masama ang kanyang pakiramdam. “Hindi ka puwedeng tumanggi.” Kumunot ang noo ni Arthur Franz habang nakatitig sa kanya. “Bakit ang putla mo?” “Kulang lang ako sa init ng araw. You know, vitamin D. O paano, aalis na ako,” aniya. Ngunit bigla siyang napahawak sa pinto ng sasakyan nang makaramdam ng pagkahilo. Agad na nakalapit sa kanya si Arthur Franz at inalalayan siya. “Ada!” “P-pasensiya na, Boss, ganito talaga ang buntis,” aniyang pilit pa ring nagbiro. “B-bun… buntis ka? B-buntis!” Tila mas maputla na ang lalaki kaysa sa kanya. Naramdaman niya ang bahagyang panginginig ng mga kamay nitong nakaalalay sa kanya. “Buntis ka?” “Uuwi na ako. Kailangan kong magpahinga. Nakaka-stress ang pagkakaroon ng boss na katulad mo. Ah, kailangan ko na talaga sigurong mag-resign.” Tulala lang na nakatitig sa kanya si Arthur Franz. Pumitik si Ada sa hangin. “Boss, pakibitiwan na ang braso ko. Kailangan ko na talagang umuwi…” Napangiwi uli siya nang umatake na naman ang sakit. “Ihahatid na kita,” wika ni Arthur Franz na hindi siya binigyan ng pagkakataong makatanggi. Hinila na nito ang kanyang braso. Hindi na rin tumutol si Ada. Masama talaga ang kanyang pakiramdam at baka maaksidente pa siya kung pipilitin ang sariling magmaneho. Pasulyap-sulyap si Arthur Franz sa kanya habang nagmamaneho. Tila may gustong sabihin pero hindi makahanap ng mga tamang salita. “P-pakibilisan, Franz…” Natutop ni Ada ang bibig. Parang bumabaliktad ang kanyang sikmura at gustong lumabas ng lahat ng kinain. “Gusto mong itigil ko muna ang sasakyan para makasuka ka?” Pag-aalala ba ang nahimigan niya sa tinig ni Arthur Franz? Pero malabo iyon dahil pagsulyap niya sa lalaki ay madilim ang mukha nito. “K-kaya ko pa naman. Don’t worry, hindi ko susukahan itong bagong-bago mong sasakyan. Pakibilisan na lang, please,” pakiusap ni Ada. Pumikit siya at isinandal ang likod sa backrest ng upuan. Hindi lamang pagsusuka ang gusto niyang gawin. Nanginginig na rin ang mga tuhod niya at unti-unti na niyang nararamdaman ang pagguhit ng sakit sa kanyang puson. Gusto niyang mamaluktot sa sakit at naiinis siya dahil nasasaksihan ng binata ang kanyang kahinaan. Dapat pala ay nag-undertime na lang siya para nakauwi agad siya. Mabilis na bumaba ng sasakyan si Ada pagdating sa kanyang apartment. Dahil sa panginginig ng kamay, lalong hindi niya mahagilap sa bag ang susi ng pinto. Kinuha ni Arthur Franz ang bag niya. “Let me.” Pagkabukas na pagkabukas ng pinto ay agad na tumakbo sa lababo si Ada at sumuka nang sumuka. Halos bumaligtad ang kanyang sikmura sa paglalabas ng lahat ng kinain niya nang araw na iyon. Bahagya pa siyang napaigtad nang maramdaman ang paghagod ng isang kamay sa kanyang likod. Masarap sa pakiramdam ang ginhawang hatid niyon. Maa-appreciate na sana niya ang ginawa ni Arthur Franz kung hindi lamang niya nakita ang maasim nitong mukha habang pisil-pisil ang sariling ilong, tila diring-diri sa suka niya. Binuksan ni Ada ang gripo upang mawala ang sangkaterbang suka. Lalong ngumiwi si Arthur Franz nang umalingasaw ang maasim na amoy sa paligid. Ang arte talaga ng unggoy na `to! Nanghihinang humiga si Ada sa sofa. Hindi na talaga niya kaya ang katawan. “B-Boss, pakiabot ng medicine kit na nasa ibabaw ng ref…” walang lakas na wika niya. Ipinikit na niya ang mga mata. Gusto niyang hilingin na himatayin na sana siya para hindi na makaramdam ng sakit. Kung puwede nga lang na uminom siya ng pampatulog ay ginawa na niya. “No. Hindi ka puwedeng uminom ng gamot, Ada. Baka makasama sa bata. Come, dadalhin kita sa doktor. Mas mabuting `yong tamang gamot ang iinumin mo.” Napamulat siya bigla. Ano ba ang pinagsasasabi ni Arthur Franz? “P-puwede ba, Franz? iabot mo na lang sa akin ang medicine kit. Pagkatapos, puwede ka nang umalis.” “Ada…” “Ang gamot! Masakit na talaga, Franz…” Namumuo na ang mga luha sa kanyang mga mata. Butil-butil na rin ang pawis sa kanyang noo. Namaluktot na siya. Nagmadali naman si Arthur Franz sa pagkuha ng gamot at tubig. Agad na napainom siya ng lalaki. “Umalis ka na…” nanghihinang wika ni Ada. “P-pero…” “Umalis ka na sabi!” Tinitigan muna siya ni Arthur Franz bago humugot ng malalim na hininga at saka tumalikod. Agad na hinagilap ni Ada ang kanyang cell phone at nag-dial. “T-Tita…” “You sound upset, hija. Ano’ng problema?” tanong ni Tita Frances mula sa kabilang linya. “T-Tita, pahiram po uli si M-Mina.” Ipinikit ni Ada ang mga mata. Si Mina ang pinakabatang katulong sa mansiyon ng mga de Luna. Agad na nabahiran ng pag-aalala ang tinig ng ginang, alam na  kung ano ang nangyayari sa kanya. “Sinusumpong ka na naman ng dysmenorrhea? Papupuntahin ko agad diyan si Mina para may mag-asikaso sa iyo. Ikaw kasing bata ka, bakit ba ayaw mong pumayag na dito na lang sa bahay tumi—” “T-Tita…” putol ni Ada sa pagsasalita ng ginang. “O, siya, sige. Saka na lang kita sesermunan. May painkiller ka pa ba? Is there anything else that you need?” “May gamot pa ako, Tita. Pakisabi na lang po kay Mina na dumaan muna sa convenience store o sa grocery. Wala na pala akong stock ng napkins,” aniya habang hinihimas ang puson. “At T-Tita—” Napamulagat si Ada nang biglang may umagaw sa cell phone niya. “Ako na’ng bahala kay Ada, `Ma. Huwag n’yo nang papuntahin dito si Mina. Bye,” walang gatol na sabi ni Arthur Franz sa mama nito. Agad na pinutol ng binata ang tawag kaya siguradong hindi na nakapag-react si Tita Frances. Ilang segundong tinitigan siya ni Arthur Franz. Sa pagkagulat ni Ada ay bigla itong lumuhod at niyakap siya. Napamulagat siya. “Franz…” “You’re really a crazy witch! Bakit sinabi mong buntis ka? Tinakot mo talaga ako!” angil nito habang yakap pa rin siya. Itinulak ni Ada si Arthur Franz. “Gago ka talaga. Ano’ng palagay mo sa akin, magpapabuntis nang hindi kasal? Ano ba’ng— Aww!” daing niya nang muling gumuhit ang sakit sa kanyang puson. Muli siyang namaluktot. Nababawasan kasi ang sakit sa ganoong posisyon. Nataranta na naman si Arthur Franz. “Ano’ng dapat kong gawin? Tell me.” Panay ang punas nito sa pawis sa kanyang noo. “Iwan mo ako…” “Adallene, cease-fire muna tayo, okay? Hindi na pupunta si Mina dito kaya sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin.” Napatingin si Ada sa binata. Totoo ba sa loob nito ang sinabi? “Cease-fire? Eh, bakit nakasinghal ka pa rin diyan?” Muli niyang ipinikit ang mga mata. “I’m sorry. Natataranta ako, eh.” Sorry? Marunong palang mag-sorry si Arthur Franz. Ngayon lamang niya narinig ang salitang iyon mula sa bibig ng binata. At natataranta raw ito? Kailan pa nataranta ang isang Arthur Franz de Luna? Ngunit wala siyang lakas para asarin at barahin ang binata. “M-mainit na tubig, Franz. Magpainit ka ng tubig.” “Ano’ng gagawin mo sa mainit na tubig?” “Ibubuhos ko sa `yo!” naiinis nang sabi ni Ada. “Puwede bang sundin mo na lang ang sinasabi ko?” Masakit na nga ang puson niya at nanginginig ang mga kalamnan, pagkatapos ay mangungunsumi pa si Arthur Franz. Sana ay bumuka na lang ang lupa at lamunin siya nang buo. “Sige, sandali la— O, saan ka pupunta?” tanong nito nang tumayo siya. “S-sa kuwarto. Gusto kong humiga,” sagot ni Ada. Napatili siya nang bigla na lang siyang buhatin ni Arthur Franz. Bahagya pa siyang nailang nang payakap ang ginawa ng binata na pagbuhat sa kanya. Hindi niya alam kung sinadya nitong idikit nang todo ang kanyang katawan sa katawan nito. Maingat siya nitong inilapag sa kama. Hinubad nito ang sapatos niya at saka siya kinumutan. Binuksan din ng binata ang aircon. “F-Franz…” Lumingon ito mula sa ginagawang pagtitimpla ng lamig ng aircon. “What?” Nahiya siyang sabihin sa binata ang nasa isip niya. “Come on, Ada, what is it?” “W-wala na akong stock ng… ng…” “Ng? Tell me,” malumanay ang tinig na pang-eengganyo ni Arthur Franz. “N-napkin. S-sanitary napkin. P-puwede mo ba akong ibili?” Nasabi rin niya. Namula ang mukha ng binata. “Pabibilhin mo ako ng… napkin?” Oo nga naman. Lalaki ito at nakakahiya para dito na gawin iyon. “Ah… p-pakitawagan na lang si Mina, please.” “Okay. I’ll do it,” nakangiwing wika ni Arthur Franz. “Si Mina na lang.” “Gagawin ko na nga, mahal na reyna. Ano ba ang dapat kong unahin? Pagpapainit ng tubig o ang pagbili ng... ng... Ah, basta.” “B-bili ka muna,” sagot ni Ada. Lumapit ang binata at pinunasan ang pawis sa kanyang noo. “Will you be okay here? Kaya mong mag-isa? Mabilis lang ako…” Nasorpresa si Ada sa pag-aalala sa boses ng binata. May kakaiba ring emosyong nakabakas sa guwapong mukha nito. It was a kind of warmth that touched her heart the way his hands were stroking her hair. “I-I’ll be okay,” naaasiwang tugon niya, sabay iwas ng mga mata. Hindi siya sanay sa ganoong sitwasyon, lalo at si Arthur Franz ang involved. Mas normal sa kanila ang pagpapalitan ng angil. Never in her wildest dreams did she imagine him capable of showing her kindness. Sinabi niya ang brand ng sanitary napkin na dapat bilhin ng binata. “W-with wings,” pagtatapos niya. Muling kumunot ang noo ni Arthur Franz. “With wings? Napkin with wings? Ano’ng ibig sabihin—” “Franz…” “Okay, sige, ako na ang bahala.” Lihim na napangiti si Ada nang nakangiwing ulitin ng binata ang sinabi niyang brand. “Sigurado ka, okay ka lang dito? I’ll be quick. Or better yet, sumama ka na sa akin. Dadalhin kita sa doktor.” Hayun na naman ang nag-aalalang boses ng binata. Ada bit her lip. Hindi niya alam kung bakit parang gusto niyang mapaluha sa ipinapakita ni Arthur Franz na pag-aalala sa kanya. Bakit tila may kakaibang emosyon na humahaplos sa kanyang puso? “Okay lang ako. Hindi ko ito ikamamatay.” “Ada!” saway ng binata. Tumango na lamang siya. Ilang minuto lang siyang naghintay at nakabalik agad ang binata. May malapit kasing convenience store sa apartment niya. Namumula pa ang mukha ng binata nang iabot sa kanya ang plastic bag. Halos hindi niya ma-imagine ni Ada kung paano ito nakipagtransaksiyon sa tindera ng convenience store. Ang masama ay baka magkaroon ng tsismis tungkol sa binata, lalo at kilalang tao ito. Kapag nagkataon ay tiyak na mapapatay siya ng binata. “S-salamat.” Inabot ni Ada ang plastic bag at saka tumayo para magtungo sa banyo. “Kaya mo?”  “Y-yeah. Magpakulo ka na ng tubig, please. May nakalagay na heat compress pouch sa gilid ng ref. Ilagay mo iyon sa kumukulong tubig at saka pakidala rito. O-okay lang ba?” “Sure.” Tumalikod na si Arthur Franz at tinungo ang pinto. “Franz,” tawag ni Ada. Lumingon ang binata. “Thanks.” Nginitian niya ang binata at totoo ang ngiting iyon. Hindi marahil nito inaasahan ang pagngiti niya dahil tulalang tumango lang ang binata.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD