Chapter 3

3251 Words
CHAPTER three   “BAKIT hindi ko alam ang tungkol dito, Ada?” tanong ni Arthur Franz na ang tinutukoy ay ang pagkakaroon niya ng dysmenorrhea. Katatapos lamang siyang pahigupin ng soup ng binata. Hindi ito pumayag na hindi siya subuan. Ayon sa binata ay ito ang nagluto kaya ito rin ang magpapakain sa kanya. Maginhawa na rin ang pakiramdam ni Ada. Naninibago pa rin siya sa ipinapakitang kabaitan ni Arthur Franz, na para bang karaniwan nang ginagawa iyon sa kanya. Tumaas ang isang kilay ni Ada. “Ilang buwan pa lang mula nang una ko itong maranasan. Hindi naman talaga ako ganito.” “Kahit na. Bakit hindi ko nalaman?” Dapat ba ipaalam ko ang lahat sa `yo? “`P-pag sinusumpong ako, natataon na nasa ibang bansa ka o kaya ay may out-of-town trip kayo ng mga kaibigan mo.” Bumuntong-hininga si Arthur Franz. “I’m sorry.” “Saan?” “Basta. For everything. First thing tomorrow morning, I’m going to bring you to the doctor. Baka kung ano na `yan. Nakakatakot ka, nagsusuka ka pa,” wika ni Arthur Franz na hindi pa rin maitago ang pag-aalala sa tinig. “Tapos na. Sa tingin mo ba titigilan ako ng mama mo kung hindi ako pupunta sa doktor?” Gustong mapangiti ni Ada. Malapit na niyang matanggap na nangyayari talaga ang usapang iyon. It was casual. Pakiramdam niya ay para lang silang long-lost friends. Come to think of it, bakit nga ba hindi niya nararamdaman ang galit na akala niya ay namamahay sa kanyang puso para sa binata? “Ada…” “Bakit?” “Naisip ko lang, bakit ba lagi tayong nag-aaway? Bakit hindi tayo naging magkaibigan?” Nailang si Ada. Matagal na rin niyang itinatanong iyon sa sarili. Napagod na lang siyang humanap ng sagot. “I don’t know. Maybe because… dahil…” Frustrated siyang napabuntong-hininga. Iniisip kasi niya na baka kaya mainit ang dugo ni Arthur Franz sa kanya ay dahil iniisip nitong inaagaw niya ang atensiyon ng mga magulang nito. Mahiyain at tahimik siya noong unang makilala niya ang binata. Pinalalampas lang niya ang masasamang tingin nito noon, pati na ang mga parinig. Anak ito ng mga taong pinagkakautangan niya ng loob kaya hinahayaan na lang niya. Hanggang sa mapuno na rin siya at matutong sumagot-sagot. Ibinabalik niya ang lahat ng angas ng binata at ang bawat pag-angil sa kanya ay tinatapatan din niya. Mas madalas ay ito ang napipikon sa kanya. The animosity between them had always been there. Maliban na lang kapag kaharap nila ang mga magulang nito. Civil sila sa isa’t isa kapag ganoon. “Ikaw, Franz, sa pagkakatanda ko, ikaw itong laging nagpapasimula ng away. Sinasagot lang naman kita. Astig, `di ba? Secretary na sinasagot-sagot ang boss niya.” Sa pagkakataong iyon ay hindi na napigilan ni Ada ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi. Ah, naniniwala na siyang nagaganap talaga ang pag-uusap na iyon sa pagitan nila ni Arthur Franz. Puwede naman pala silang mag-usap nang matino. Puwede naman pala nilang pag-usapan ang mga hindi nila pinagkakasunduan. Bakit kaya hindi iyon nangyari noon? “I’m sorry.” Nagso-sorry na naman ang binata. At hindi pa rin niya alam kung ano ang inihihingi nito ng sorry. “Ano ba’ng nakain mo? Marunong ka palang mag-sorry. Akala ko wala iyon sa bokabularyo mo, eh,” pambubuska niya. “Ada…” “Yes?” Nagbuga ng hangin si Arthur Franz, saka tumikhim. “Adallene, can we… can we start over? Puwede ba nating subukang magkasundo? Promise, hindi na kita aangilan nang walang rason.” Natigilan si Ada, hindi alam ang sasabihin. Dati kasi ay gustong-gusto niyang magkasundo sila hanggang sa tumigil na rin siya sa pag-asam. Isa lang siyang hamak na ulila para pangaraping makipagkaibigan sa isang tulad ni Arthur Franz. Nang magising siya sa katotohanang iyon ay itinigil na niya ang pag-iilusyon. Mas mabuting mulat ang kanyang mga mata sa katotohanan. “Franz…” “Hindi pa naman huli ang lahat, `di ba?” Tama ang binata. Hindi pa huli ang lahat para magkasundo sila. Mas mabuti na iyong tahimik na ang kanyang buhay. Tumango si Ada bilang tugon. “Parang nakakailang yata kung hindi mo na ako aawayin, Franz,” biro niya bagaman excited na rin siyang maranasan ang buhay sa loob ng opisina na maayos ang kanilang relasyon. It would be better for sure. Humagalpak ng tawa ang binata. “Aawayin pa rin kita, Ada. Ang kaibahan nga lang ngayon, magkaibigan na tayo.” Napatitig si Ada sa tumatawang binata. Ngayon lang niya nakita ang bahaging iyon ng pagkatao ni Arthur Franz. Ganoon ba talaga ang binata? Guwapo pala talaga ang loko kapag hindi nakasimangot at nakakunot ang noo. Kunsabagay, hindi magiging habulin ng mga kabaro niya si Arthur Franz kung pangit ang lalaki. Have I missed half of my life ignoring him? If she had, she would make sure to catch up. “Bakit ba kasi laging nakakunot ang noo mo? Mas bagay sa iyo kapag ganyang nakatawa ka. Hindi ka mukhang suplado.” Natigilan si Arthur Franz, pagkatapos ay gumuhit ang isang mapanuksong ngiti sa mga labi. “Kaya hindi mo makita ang kaguwapuhan ko dahil laging nakakunot ang noo ko, gano’n ba? Naguguwapuhan ka na ba sa akin ngayon? Baka ma-in love ka sa akin niyan, ha?” panunudyo nito. “Ako, mai-in love sa `yo?” Itinuro pa ni Ada ang sarili. “Kung mai-in love ako sa `yo, sana noon pa, `di ba? Baka ikaw. Baka matagal mo na akong pinapantasya,” panunudyo rin niya. Hindi alam ni Ada kung namalikmata lang siya, pero parang ang unang emosyong gumuhit sa mga mata ni Arthur Franz ay iyong emosyong tila nagsasabing tama ang binitiwan niyang pahayag. Gayunman, hindi siya sigurado sa nakita. Ipinagkibit-balikat na lamang niya ang bagay na iyon. “Kung makapagsalita ka, para bang napaka-imposibleng ma-in love ka sa akin, ah. Habulin ito, hija. Marami ang nagkakandarapa masulyapan ko lang,” pagyayabang ng binata. Naitirik na lamang ni Ada ang mga mata. Kunsabagay, may karapatan naman talaga si Arthur Franz na magmalaki. Wala yatang babaeng hindi mapapasulyap dito. Kung may makakasalubong man ang binata at hindi alam na ito si Arthur Franz de Luna, siguradong mag-iiwan pa rin ang taong iyon ng sulyap sa binata dahil sa pisikal nitong katangian. Prominente ang mukha ni Arthur Franz. Perpekto ang hubog ng ilong at makapal ang mga kilay na pinarisan ng magagandang mata. Ngayon lamang din niya napagtuunan ng pansin na dark brown pala ang kulay ng mga iyon. Kung may kapintasan man ang mukha ng binata, iyon siguro ay ang maliit na peklat sa itaas ng noo nito na natatabunan naman ng makapal na buhok. Wala siyang ideya kung saan nakuha ng binata ang peklat na iyon. His body was lean, wala ni katiting na taba. Sigurado siya roon dahil ilang beses na niyang nakita ang binata na nagsu-swimming at nakasuot lang ng trunks. “Habulin ng mga aswang, Franz. Dapat ang ginagawa mong girlfriend mo, eh, `yong kahit walang makeup, maganda. `Yong kahit hindi mag-effort na magsuot ng mga mamahaling damit ay sexy pa rin. Para naman matuwa sa `yo sina Tita.” “Tulad mo?” Abot-tainga ang ngisi ng binata. “Tumpak!” mabilis na sagot ni Ada. Huli na nang ma-realize niya ang implikasyon ng sinabi. “Eh, di gagawin kitang girlfriend,” kumikislap ang mga matang wika ng binata. “Nagpapatawa ka, Franz.” Humagalpak si Ada ng tawa upang pagtakpan ang pagkailang na nararamdaman,  subalit bahaw ang dating niyon. “Hindi pa ako desperada, puwede ba!” Nabura ang ngiti ng binata. Bigla itong tumayo. “Magpahinga ka na.” Hinagkan siya ng binata sa noo kaya lalo siyang nailang. Noon lamang nangyari na naging ganoon sila kalapit. Ah, maraming “una” siyang nararanasan nang gabing iyon. Kung nagtatago siguro siya ng diary, marami siyang maisusulat para sa gabing iyon. “T-thanks, Franz. Uuwi ka na ba?” “No. May spare room ka, `di ba. Doon na lang muna ako. May mga gamit naman ako sa kotse. From now on, ako na ang gagamit ng kuwartong iyon. Matutulog din ako dito from time to time.”  “Aba, Boss, tinanong mo ba ako kung payag ako?” nakataas ang mga kilay na tanong ni Ada. “Masyado kang bossy.” “Huwag ka nang umangal. Magkaibigan na tayo, `di ba?” Gumuhit ang isang simpatikong ngiti sa mga labi ni Arthur Franz na malamang ay lagi na niyang makikita. “Magbabayad ka ng renta!” “Gusto mo, pati buong apartment bayaran ko sa `yo, eh. O kaya, bibilhan na lang kita ng bagong bahay.”  “Ang yabang mo talaga, Arthur Franz!” Natawa ang binata. “Sige na, magpahinga ka na. Gusto mo, dito ako matulog sa kuwarto mo? Okay lang sa akin. Basta huwag mo akong pagsasamantalahan, ha?” “Sira-ulo!” Pinalambing ni Ada ang boses. “Franz…” “O, bakit? Naku, kinakabahan ako diyan sa tono mo.” “Magkaibigan na tayo, `di ba? Puwede na siguro akong mag-leave. Mga one or two weeks lang. Sige na, please?” “Sabi ko na nga ba, eh. My answer is ‘no,’ sweetheart. Hindi puwede. Final. Period.” “Naman!” protesta ni Ada. “I need you…” wika ng binata, biglang naging malamlam ang mga mata. “H-ha?” Bakit parang may ibang kahulugan ang mga binitiwang salita ni Arthur Franz? Ipinilig ni Ada ang kanyang ulo. Kung ano-ano ang naiisip niya, nakakahiya. “I need you at the office. Hindi ako makakakilos nang maayos kapag wala ka roon,” paliwanag ng binata. `Yon naman pala, Ada. Kung ano-ano kasi ang pumapasok diyan sa kukote mo. “Aayusin ko naman ang lahat ng kailangan mo bago ako mag-leave,” pangungumbinsi pa rin niya. “That’s not what I meant... Basta, hindi puwede. Kung gusto mong magbakasyon, sumama ka sa akin.” “Saan?” “Kung saan mo gusto. Basta dapat kasama ako.” “Ang labo mo, Boss. Sige na, wala naman pala akong mapapala sa `yo. Alis na! Tsu!” Naa-amuse na tumawa ang binata. “Ginawa mo pa akong aso kung makapagtaboy ka.” Umupo ito sa sahig malapit sa ulunan ng kama at itinuro ang pisngi. “Good-night kiss for your handsome prince.” “Prince-in mo’ng mukha mo!” “Hala! Bingi ka na, Ada. Sabi ko, handsome friend. Umamin ka, gusto mo ako, `no? Umamin ka na.” “Friend” nga ba ang sinabi ng binata? Pero hindi naman siya bingi. Sigurado siyang “prince” ang salitang sinambit nito. “Sabi ko na nga ba, eh. Ano, Ada? Amin na,” patuloy na panunukso ng binata.                                 “Sira ka talaga.” Iniangat na rin niya ang ulo upang hagkan ito sa pisngi. Kinakabahan siya na hindi maipaliwanag. Pero hindi sa pisngi ng binata nag-landing ang kanyang mga labi kundi sa sulok ng mga labi nito. Bigla kasi itong lumingon. Nanlaki ang mga mata ni Ada. Ano ang nangyari? “That was really a good-night kiss, sweetheart,” wika ng binata bago pa siya makahuma. “H-ha?” “`Sabi ko, goodnight.” Dinampian nito ng halik ang kanyang pisngi. Hindi pala ang kanyang pisngi kundi ang sulok ng kanyang mga labi. At bago pa siya makapag-react ay mabilis nang nakalabas ng kuwarto ang binata.   IBINABA ni Arthur Franz ang hawak na teleskopyo. “Okay na, pare. Mukhang nagkasundo na sila,” aniya patungkol kina Randall at Aria na kasalukuyang nagsasalo sa isang mainit na halik sa dalampasigan. Sila ni Milo ang may pakana ng fireworks para sa dalawa. Alam kasi nilang magpo-propose na nang araw na iyon si Randall. Nasa yate sila nang mga sandaling iyon. “Oh, my God, Arthur Franz!” Napabaling siya kay Milo. “What the—” Ngumisi si Milo. “What are you, a stalker?!” Napabilis ang paglapit niya sa kaibigan nang makita ang hawak nito. “Give that to me, Milo. Sino ang may sabi sa `yong pakialaman mo ang mga gamit ko?” Pilit niyang inaagaw sa kaibigan ang cell phone niya na hawak nito. Nakita marahil nito ang folder sa cell phone niya na puno ng stolen shots niya kay Ada. Parang batang sumampa si Milo sa likod niya. “Umamin ka, Art. May gusto ka sa kanya, ano?” “Of course not! Argh! Umalis ka sa likod ko, Milo. Naturingan kang magaling na abogado, isip-bata ka naman!” Pilit na binabaklas ni Arthur Franz ang mga braso ng kaibigan sa kanyang leeg. Napaubo siya. Papatayin yata siya ng kumag na kaibigan. Bumaba naman si Milo pero tinapik naman siya nang malakas sa likod. “Milo! Pasusukahin mo ba ako ng dugo?” singhal niya. “Gusto mo siya?” “N-no!” “Come on, Art! You’re talking to a lawyer who has mastered body language. Alam kong nagsisinungaling ka.” Naaasar na sinikmuraan niya si Milo. Mahina lamang iyon at tantiyado niya ang lakas. “Argh!” Sinapo ni Milo ang sikmura at namaluktot. Pumikit pa na parang namimilipit sa sakit. “Tigilan mo ako, Attorney. Pang-FAMAS `yang arte mo, ah!” Hindi tuminag si Milo. Bahagya pa itong umungol. Napaluhod tuloy siya sa tabi ng kaibigan. “Milo… hey! Masakit ba talaga? Gusto mong magpapunta ako ng chopper dito? Milo,” natatarantang wika niya. Parang naalala niya na may ikinuwento si Jared tungkol sa sensitibong sikmura ng kapatid. Sapo pa rin ang tiyan na dumapa si Milo. Mayamaya ay yumugyog ang mga balikat nito, pagkatapos ay humagalpak ng tawa. “I got you!” tawa pa rin nang tawa na wika nito. Namumula na ang mukha sa kakatawa.
“Tarantado!” Kinabig niya si Milo at iniipit ang leeg sa isang braso niya. “Aww! Masakit na talaga `yon, ha!” Hinimas-himas ni Milo ang leeg. “Umamin ka na. May gusto ka kay Ada, `di ba? Or shall I say, you love her?” pangungulit na naman nito at inakbayan siya. “Is the airline mogul in love?” Nginisihan lang niya ang kaibigan. Abogado si Milo, alam na nito ang totoo.   “HI.” Napatayo si Ada mula sa mga inaayos na papeles nang marinig ang boses ni Arthur Franz. Ilang linggo ring nanatili sa United Kingdom ang binata para sa mga bagong eroplanong bibilhin. Nakasandal ito sa hamba ng pintuan, magulo ang buhok, at halatang pagod. Nilapitan niya ang binata at niyakap. “You’re here! Bukas pa dapat ang dating mo, ah.” Ipinulupot ng binata ang dalawang braso sa kanya at inihimlay ang ulo sa kanyang balikat. “I’m tired.” Ganoon na sila kalapit sa isa’t isa. Kung dati ay para silang aso at pusa na walang tigil sa pag-aaway, ngayon ay talagang nag-iba na ang lahat. Mula nang maging malapit sila sa isa’t isa, ang isa sa mga nadiskubre ni Ada sa binata ay ang pagiging malambing. He was also sweet. Kung ano-ano ang ibinibigay sa kanya. Mga maliliit na bagay lang naman iyon. Kapag alam niyang hindi na biro ang presyo ng ibinibigay ng binata ay hindi niya tinatanggap. Todo-kilig sa kanila ang mga empleyado ng deLA, ngunit nagkakamali ang mga ito ng iniisip dahil magkaibigan lang sila ni Arthur Franz. Nagde-date pa rin sila ni Mario. At si Arthur Franz naman… Well, wala siyang ideya kung sino ang idine-date ng binata sa ngayon. Kung may higit na natuwa sa pagkakasundo nila, iyon ay ang mga magulang ng binata. Ngunit nadismaya rin nang malamang magkaibigan lang talaga sila ni Arthur Franz. “Bakit kasi hindi ka dumeretso ng uwi sa bahay ninyo at nagpahinga? Dumaan ka pa rito,” sermon ni Ada habang hinahaplos ang likod ng binata. Pagod talaga ang binata dahil nararamdaman niya ang tensiyonadong mga kalamnan nito. Kumalas siya rito nang may maalala. “Pasalubong ko?” “`Yan! Diyan ka magaling. Sinermunan mo pa ako, manghihingi ka lang pala ng pasalubong.” Pinisil nito ang ilong niya. “Yuck, oily!” “Oily? Hoy, Franz, alam mong hindi totoo `yan! Huwag mo ngang binabago ang usapan. Nasaan na ang pasalubong ko?” Nagkamot ito sa ulo. “Nakalimutan ko, eh.” Sinimangutan ni Ada ang binata, at tatalakan na sana niya nang makita niyang haggard na haggard ang hitsura nito. Nagkibit-balikat na lang siya. “Hayaan mo na, okay lang.” “Himala! Hindi ka pumutak ngayon.” “Saka na kapag nakapagpahinga ka na,” aniya at saka nakangiting tinapik-tapik ang pisngi ng binata. “Naks! Kaya kita mahal, eh. Siyempre may pasalubong ka. Ikaw pa ang makakalimutan kong bilhan? Baka nga makalimutan ko ang mga eroplano pero ang pagbibitbit ng pasalubong mo ay hindi.” “Ang guwapo mo ngayon, Franz,” nakangising sabi niya. Pinitik nito nang bahagya ang kanyang ilong. “Sige, mambola ka pa, Adallene.” “Aray! Ano ba? Masakit `yon, ha. Huwag mo ngang pipitikin ang ilong ko. Tatamaan ka sa akin.” Hinampas niya ang binata sa dibdib. Humalakhak lang ito. “Kumusta ang opisina?” Nakataas-noong tiningnan niya ang binata. “Kailan ba ako pumalpak? Ang suwerte mo kaya sa akin. Maganda at efficient, saan ka pa? Dapat bigyan mo na ako ng increase, Boss. I deserve it!” “Ang gaan ng bangko mo, ano? Kayang-kayang buhatin ng isa mong daliri, eh.” “Totoo naman, ah. Aminin mo! Kung hindi, tatamaan ka sa akin!” Inakbayan siya ng binata. “Oo na, matigil ka lang. Ikaw talaga, laging umaandar `yang pagkaamasona mo. Tara na, uwi na tayo. Gusto ko nang matulog.” “Aba, hawak ko ba ang mga paa mo? Naligaw ka ba? Hindi mo ba alam ang daan pauwi?” “Sa apartment mo ko gustong matulog,” wika ng binata habang iniipit sa likod ng kanyang tainga ang ilang hibla ng buhok na tumabing sa kanyang pisngi. “Ah, okay. Wait, kukunin ko lang ang susi ng—”  “Kasama ka.” “Marami pa akong tatapusing trabaho, Franz!” angal ni Ada. May tinatapos siyang proposal at gusto niyang mai-present kaagad iyon. Feasible ang proposal na binubuo niya at siguradong mapapakinabangan iyon ng de Luna Airlines. Nakapag-conduct na rin siya ng pag-aaral tungkol doon at report na lang ang tinatapos niya. “I’m the boss here. Ipagluto mo ako. Nami-miss ko na ang luto mong pacham.” “Pacham?” May niluluto ba siyang “pacham” ang pangalan? “Patsamba!” “Ah, gano’n! Bakit kaya hindi ikaw ang magluto ng kakainin mo?” “Sige na. Huwag kang tatanggi, hindi ko ibibigay sa iyo ang pasalubong mo.” “Tara na, uwi na tayo,” biglang bawi ni Ada. Naaawa na rin kasi siya sa kapagurang nakikita sa mukha ng binata. Bakit kasi kailangan pang sa opisina ito dumeretso gayong puwede namang umuwi at magpahinga na? “Ano pa’ng hinihintay mo, tara na!” Natawa ang binata. “Hay, naku, Ada. Paano ka ba nakatakas sa mental hospital?” Iniharang niya ang isang daliri sa bibig ng binata. “Sshh! Huwag kang maingay, baka mamaya malaman ng lahat na takas lang ako. Ikaw talaga, sekreto nga `yon, eh.” Lalong lumakas ang halakhak ng binata. Napatingin tuloy sa kanila ang ilang empleyado na nadaanan nila.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD