PROLOGUE

729 Words
BIGLANG umihip ang malakas na hangin kasabay ng pagbuhos ng malalaking patak ng ulan. Kumulog . . . Kumidlat. Ang pagaspas ng mga halaman at puno sa paligid ay nagdadagdag pa ng ibayong takot sa dibdib ko pero kailangan kong magpatuloy at tumakbo para sa aking buhay. Hindi ko na ininda ang lamig na dumadampi sa aking katawan pati na ang hapdi mula sa mga sugat na aking natamo. Patuloy lang ako sa pagtakbo hanggang sa hindi na kinaya ng mga tuhod ko ang sobrang pagod. Nadulas ako sa maputik na daan dahilan para madapa ako. Ngunit hindi ko ininda ang natamong sugat. Kung tutuusin, walang-wala pa sa kalingkingan nito ang naranasan ko mula sa mga kamay ng baliw na iyon. Mabilis akong tumayo at muling tumakbo. Halos magiba na ang dibdib ko sa sobrang pagkabog nito. Nagmamadali ang bawat hakbang ko. Lakad, takbo, lakad, takbo. Hindi ako puwedeng huminto dahil sa oras na huminto ako, maaabutan ako ng demonyong iyon. “Konti na lang, Kathryn, konti na lang,” mahina kong usal habang tinatahak ang madilim at masukal na gubat. Nakakatakot ang kadiliman ng paligid ngunit mas natatakot ako sa sandaling maabutan niya ako. Hindi ako pwedeng panghinaan ng loob. Konti na lang mararating ko na ang daan. Lalo kong binilisan ang mga hakbang ko. Dama ko na ang sobrang pagod ngunit kailangan ko pa ring magpatuloy. Konti na lang makakatakas na ako sa impiyernong ’to. Konti na lang . . . Konting-konti na lang. “Yoohooo! Kathryn!” tila baliw na sigaw niya mula sa hindi kalayuan na sinusundan pa niya ng nakakapanindig-balahibong pagtawa. Napalunok ako nang ilang beses saka mas binilisan pa ang aking pagtakbo. Palingon-lingon ako sa aking likuran kaya ilang beses pa akong nadapa sa maputik at madulas na lupa. Nandiyan na siya! Habol ko ang aking hininga. Wala na akong pakialam maski magalusan man ako dala ng mga nadadaanan kong mga halaman at nakausling mga sanga sa paligid. Ilang sandali pa'y nakarinig na ako ng sunod-sunod na putok ng baril. Nanginig ang buo kong kalamnan. Para bang gusto nang kumawala ng kaluluwa ko sa aking katawan dahil sa sobrang takot na aking nararamdaman. “Makakatakas ka, Kathryn, makakatakas ka,” pilit kong pangungumbinsi sa aking sarili. Hinawi ko ang mga nakahambalang na halaman sa aking daraanan. Mas mabuti nang mamatay habang tumatakas kaysa naman mamatay ako na wala man lang akong ginawa. “Hindi ka makakatakas, Kathryn! Sige lang, takbo! Tago! Magtago ka hanggang kaya mo, dahil sa oras na mahuli kita, siya na ring huling paghinga mo!” muling umalingawngaw ang boses niya sa buong kagubatan. Parang demonyo. Nakakakilabot. Lumingon ako sa aking likuran nang mapansin kong may ilaw na nagmumula sa 'di kalayuan. Natutop ko na lamang ang aking bibig dahil alam kong siya iyon. "Diyos ko, tulungan Niyo po ako!" Napaiyak na lamang ako sa sobrang takot. Nakikita ko na ang daan sa 'di kalayuan kaya nabuhayan ako ng pag-asa. Napangiti ako. Pinalis ko ang mga luha sa aking mga matang nanlalabo. Lalo kong binilisan ang aking takbo kahit pa pakiramdam ko'y nawawalan na ako ng lakas at halos patiran na ng hininga. “Hindi ako rito mamamatay. Hinihintay pa niya ako. Hinihintay pa ako ng mahal ko.” Napapikit ako ng mga mata ng ilang segundo. Nang muli ko itong imulat ay malapit na ang pinanggagalingan ng ilaw na batid kong nagmumula sa flashlight na hawak niya. Humugot ako nang marahas na hininga saka ito ibinuga. Nanghihina na ang katawan ko ngunit kailangan ko pa rin lakasan ang loob ko. “Kathryn, huwag ka nang magtago, mahuhuli rin kita!” muli na naman niyang sigaw pero mas malapit na ang boses niya ngayon. Sobrang lapit na. Naisin ko mang tumakbo ay hindi na talaga kaya ng katawan ko. Nanlalabo na ang paningin ko, nangangatog na rin ang mga tuhod ko at hinang-hina na ang buong katawan ko. Kaya ko pa ba o hanggang dito na lang talaga ang buhay ko? Konting hakbang na lang mararating ko na ang daan ngunit alam kong hindi na ako aabot pa. Maaabutan na niya ako. Nandiyan na siya, papalapit na siya. Mapait akong napangiti dahil unti-unti nang lumalabo ang paningin ko. Nahihilo na ako. Hindi ko na talaga kaya. “Kathryn!” Isang putok pa ng baril ang narinig ko bago tuluyang magdilim ang aking paningin at tuluyan na akong humandusay sa lupa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD