Chapter 12
JEANNA
INIHATID ako pauwi ni Jerico at naudlot ang plano naming star-gazing nang tumawag ang daddy niya at dali-dali siyang pinauuwi. Hindi ko na hinintay pang pagbuksan niya ako ng pinto ng kotse. Ako na mismo ang nagbukas ng pinto upang hindi na rin siya pag-chismisan ng mga nakatambay sa labas ng boarding house. Nilinaw ko naman iyon sa kanya at nagpasalamat sa paghatid sa akin bago ako bumaba.
Paakyat na ako kwarto namin ng lumapit sa akin si Rona at Twinkle na parehong naka-hook ang mga kamay sa magkabilang braso ko.
Nang makarating kami sa loob ng kwarto ay mabilis silang bumitaw at umastang inaayos nila ang mahaba kong buhok na sumayad daw sa sahig. Mga baliw talaga!
"Ano 'yang trip niyo?" tanong ko sa kanilang dalawa.
"Bigatin ka na, besh. Kaya naman pala hindi ka sumabay sa akin sa pag-lunch at pag-uwi ay dahil mayro'n ka ng bagong kasabay. So, tell me how it feels to date your boss?" nang-aasar na sabi ni Twinkle sa akin sabay sundot sa tagiliran ko.
"Date agad? Hindi ba puwedeng ginagampanan ko lang ang trabaho ko bilang personal julalay niya?" Depensa ko naman.
"Sus! Maniwala kaming dahil lang 'yon sa trabaho. Hindi mo kailangang maglihim sa amin. Iyon naman ang goal, 'di ba? Ang mapansin ka niya at maging malapit kayo sa isa't-isa." dagdag pa ni Rona.
Napabuntong-hininga na lang ako sa lawak ng imagination nilang dalawa.
"Alam niyo, guys, imposible na maging kami. Engaged na 'yong tao. Sa December na raw ang kasalan," matabang na sabi ko. Nalungkot na naman ako nang maalala ko ang tungkol sa kuwento niya. Sabagay, mas okay na 'yon kaysa sa umasa ako ng bongga tapos malalaman ko na lang na kasal na pala siya.
"What?!" Sabay na sabi no'ng dalawa. Maging sila ay gulat na gulat rin sa binalita ko. Niyakap ako ni Twinkle at hinimas-himas ako sa likod. "Okay lang 'yan, besh. Totoo talagang ikakasal na siya? Parang wala naman tayong nabalitaan na may naging girlfriend siya, 'di ba? Ang usap-usapan nga sa opisina, eh, single siya." Nagtatakang sabi niya. Well, akala ko rin ay gano'n. Akala ko rin ay single at ready to mingle siya, 'yon pala ay may nagmamay-ari na. "Oo. Arranged marriage daw at ayaw raw niya doon sa babaeng ipakakasal sa kaniya ng parents niya." sagot ko.
"Wow! Arranged marriage? Yamanin, ah? Kung ayaw niya ay bakit pakakasal siya? Eh, 'di sabihin niya sa magulang niya na ayaw niya doon sa gusto nilang maging asawa niya. Lifetime commitment pa naman ang pag-aasawa. Matagal ang proseso ng annulment dito sa Pilipinas kahit mapera ka pa." Dagdag pa ni Twinkle. Tama naman siya sa sinabi niya pero mahal talaga ni Jerico ang mga magulang niya kaya sumusunod siya sa gusto nila.
"Ayaw raw niyang ma-disappoint ang parents niya."
"Good boy naman pala." Papuri ni Rona kay Jerico.
"Susuko ka na ba sa kaniya?" tanong ni Twinkle sa akin.
"Ayaw ko namang maging kerida. Na-meet ko na 'yong babaeng pakakasalan niya." Pag-amin ko sa kanilang dalawa. Halos malaglag ang panga nila sa pagkabigla.
"Seryoso?!" Hindi makapaniwalang tanong ni Rona. Tumango naman ako bilang sagot. "Dumating siya kanina sa opisina habang nasa meeting si Jerico. Inutusan niya akong puntahan si Jerico sa meeting at sabihing nasa opisina raw siya. Maldita at arogante. Kaya siguro ayaw siyang maging asawa ni Jerico. Mukhang mayaman. Sosyal manamit at kumilos." Pagkuwento ko sa nangyari kanina. "Ay! Double-kill pala ang nangyari sa'yo kanina. Na-meet mo ang isang babae na siya palang magiging kabiyak ng lalaking minamahal mo," malungkot na sabi ni Rona.
"Para saan ang lakad niyo kanina? Usap-usapan rin 'yon sa opisina kanina. Iyong iba ay kinikilig, 'yong iba naman ay inggit kaya nagagalit," tanong ni Twinkle.
"Gusto raw niyang mag-relax. Stressed siguro sa lovelife niya. Isinama yata ako para ikuwento ang tungkol sa problema niya sa buhay."
"Nai-imagine ko ang reaksyon mo kanina habang nakikinig sa kaniya. Trying hard kang ngumiti at maging supportive kahit mabigat ang kalooban mo," sabi ni Rona.
"Totoo yan! Nanlalata na ako pagkasabi pa lang niyang future wife raw niya 'yong Marylyn na 'yon. Sa dinami-dami kasi ng taong pagkukuwentuhan niya ng gano'n ay ako pa. Ang sakit sa dibdib!" Sumbong ko sa kanilang dalawa.
"Guys, mayro'n kayong dapat malaman. Binasa ko ulit 'yong book of spells ni lola. Para daw maging effective 'yon ay dapat magawa ang lahat ng steps. Kapag hindi raw nagawa ang lahat ng steps ay kabaligtaran ang mangyayari," seryosong sabi ni Rona.
"Talaga ba? Bakit parang wala akong nabasa na gano'n?" sabat ni Twinkle.
"Nasa next page 'yong paalala tungkol sa paggamit ng spell. At isa pang dapat pag-ingatan ay hindi makararating sa taong ginamitan ng spells ang tungkol sa ginawang panggagayuma. Mawawalan raw ito ng bisa," dagdag pa ni Rona. Akala ko ay graduate na kami sa mga spells na 'yan, pero hindi pa pala. May pahabol pa.
"Baka may kinalaman ang pag-ayaw ni Jeanna sa pagtuloy no'ng mga ginagawa natin kaya ikakasal na sa iba si Jerico," hula ni Jerico tungkol sa sitwasyon.
"Hindi rin siguro, Baks. Since college pa raw aprubado ang arranged marriage nila. Wala ng kinalaman ang pag-ayaw ko sa mga spells na 'yan," pagkontra ko sa sinabi niya.
"Ituloy pa rin natin, besh. Baka may pag-asa pa." Pangungumbinsi sa akin ni Twinkle.
Nang sabihin niya iyon ay pumasok sa isip ko ang tungkol sa sinabi niya tungkol sa babaeng gusto niya.
"May sinabi sa akin si Jerico tungkol sa babaeng gusto niya. Kung magugustuhan rin daw siya no'ng babaeng gusto niya ay ipaglalaban daw niya iyon sa mga magulang niya."
"Oh, may pag-asa pa naman pala. Sino raw 'yong babaeng gusto niya?" tanong ulit ni Twinkle.
"Wala siyang sinabi kung sino. Nainis pa nga ako dahil ipaglalaban lang niya 'yong gusto niya kung gusto rin daw siya. Alangan daw mag-aksaya siya ng panahon at suwayin ang mga magulang niya para sa babaeng hindi naman daw interesado sa kaniya."
"Tama naman siya, eh. Kahit ako rin, bakit ko sasayangin ang effort at panahon ko sa taong ayaw sa akin? Pagiging praktikal ang tawag doon," pagsang-ayon ni Rona sa sinabi ni Jerico.
"Wow! Hiyang-hiya naman ako sa pagsulsol niyo sa akin na gamitin 'yang book of spells ni Lola Marya para lang mapansin ni Jerico," pangangantiyaw ko sa dalawa.
"Ibang case ang sa'yo. Hindi pa tayo sure na hindi ka niya gusto. Kung nagawa na natin ang lahat ng steps at hindi ka pa rin niya gusto ay bakit ipagpipilitan mo pa ang sarili mo, 'di ba? Malay mo naman, eh, ikaw pala ang tinutukoy niyang gusto niya," pagdepensa niya
"Naku, Twinkle! Matulog na tayo. Pagod ako sa biyahe. Bukas na natin ituloy ang chika natin para makapag-beauty rest na tayo." Putol ko sa kuwentuhan namin.
NAKAHIGA na kami at patay na rin ang ilaw. Pagod ako sa biyahe pero ang mga mata ko ay parang may sariling pag-iisip. Hindi man lang ito namumungay sa antok. Ang daming naglalaro sa isipan ko. Paulit-ulit pumapasok sa isip ko ang tungkol sa babaeng gusto ni Jerico. May parte rin sa akin na umaasang baka ako ang tinutukoy niya. Kusa rin sigurong napagod ang mata ko kasabay ng isip ko kaya hindi ko namalayan na ako ay nakatulog na.
Nagising akong mabigat ang mga mata at katawan. Tumingin ako sa orasan at eksaktong alas-tres pa lang ng madaling araw. Napanaginipan ko si Lola Marya. Gaya nang dati ay nakangiti ito sa akin. Sa panaginip ko ay nasa bahay kami. Sa bahay nila sa probinsya. Nagkukuwentuhan kami katulad ng ginagawa namin noong nabubuhay pa siya. Sa gitna ng masayang kuwentuhan ay ipinakita niya sa akin ang isang libro. 'Yong libro na puno ng mga spells na dala ni Twinkle. Nagtaka ako kung bakit niya iyon ipinakita sa akin. Sinabi niyang totoo raw ang librong ito at minana pa niya sa mga ninuno niya. Nakiusap siyang ingatan ito at huwag basta ipagsasabi ang tungkol sa do'n dahil makapangyarihan raw ang bawat spell sa libro na maaaring magamit ng iba sa masama. Pinaalalahanan niya rin ako tungkol kay Jerico. Ang weird sa pakiramdam. Halos isang taon na nang mawala si Lola Marya pero alam niya ang tungkol kay Jerico. Kilalanin ko raw siya nang mabuti bago magpadala sa mga ginagawa niya sa akin. Malalim at mahiwaga raw siyang lalaki.
Nahihiwagaan ako sa gusto niyang ipahiwatig sa akin tungkol sa lalaking dapat ko raw piliin. Dalawang lalaki raw ang magtuturo sa akin ng magkaibang klase ng pag-ibig. Isang lalaki na bagama't tunay ang nararamdaman ay walang lakas ng loob na patunayan ito sa taong minamahal at tanging sa mahika lang iniasa ang kapalaran. Ang isa naman daw ay naniniwala sa kapangyarihan ng mahika pero mas naniniwala sa kapangyarihan ng tunay na pag-ibig. Huwag raw akong padadala sa nakikita ng aking mga mata dahil hindi lahat ng sa tingin kong totoo ay tunay nga. Piliin ko raw ang lalaking dalisay ang pag-ibig. Tinanong ko pa nga kung paano kung malalaman kung dalisay nga ang pag-ibig ng isang tao. Ngumiti lang siya at sinabing puso ko raw ang magtuturo sa akin no'n. May itatanong pa sana ako pero nagising na ako.
Dati-rati ay takot ako kapag nagigising ako ng alas-tres ng madaling-araw pero ngayon ay hindi. Naging magical ang dating sa akin ng ganitong oras.
Pinagbulay-bulayan ko ang sinabi ni Lola Marya sa akin. Baka may dalawang lalaki ang darating sa buhay ko. Ang haba naman pala ng hair ko sa future. Ang tanong? Sino kaya sila? Hindi naman ako nangarap ng komplikado at mala-teleseyeng lovelife. Tama na sa akin 'yong normal na ligawan hanggang sa mapasagot ako na mauuwi sa kasalan dahil tunay ang nararamdaman.